CHAPTER 11
TATLONG araw na ang nakalipas mula nang komprontahin ni Yuna si Jerricko at hanggang sa mga sandaling iyon, tila hindi pa rin tuluyang rumerehistro sa isipan niya ang mga nangyari. Hindi pa rin siya makapaniwalang itinutulak na siya ng dalaga palayo rito. Iniisip niya kung may nagawa ba siyang kasalanan o ano para maisipan nito iyon. Pero wala talagang pumapasok sa isipan niya na kahit anong rason.
Oo nga't umalis siya papuntang Batangas na hindi man lang nagpapaalam dito. Pero iyon ay dahil wala na siyang panahon para makapagpaalam sa dalaga. Minadali ba naman kasi siya ng Mama niya na magpunta roon. Kunsabagay, ikinuwento kasi niya sa ginang ang tungkol kay Yuna at sa plano niyang magtapat dito sa loob mismo ng art gallery ng kanyang ina. It was the same art gallery he mentioned before to Yuna that had Cedric Limietta's paintings hanging on them. Iyon ang mga painting na binili noon ng kanyang ina. Gusto sana niyang sorpresahin ang dalaga sa pamamagitan ng pagtatapat niya rito ng tunay niyang nararamdaman sa mismong lugar na iyon. Pero siya ang nasorpresa sa huli dahil nga sa nangyari.
Kung bakit ba naman kasi sa tinagal-tagal ng pagsasama nila ni Yuna bilang magkaibigan—kahit na siya lang ang nag-iisip na magkaibigan sila dahil iwas pa rin sa kanya nang bahagya ang dalaga—ay hindi pa niya naisipang kunin ang contact number nito, kahit sa mga kasamahan nitong tiyak na nakakaalam niyon. Para bang nag-iwan lang iyon ng misteryo sa pagitan nilang dalawa ni Yuna. Iyon ang nasa isipan niya nang mapagtantong hindi pa nga niya talaga nagagawang kontakin ito sa kahit na anong paraan maliban na lang sa mga panahong magkikita sila sa school grounds.
Matapos ang araw ng komprontasyon na iyon, pinilit niyang kausapin si Yuna pero lagi itong umiiwas sa kanya. Pinuntahan na rin niya ito sa bahay nito at pinakiusapan na rin ang Mama nito pero ayaw talaga siyang harapin nito. Para talagang inilalayo na nito ang sarili sa kanya at pinipilit isipin na hindi siya nag-e-exist dito. Sobrang sakit niyon para sa kanya pero tinitiis niya. Kailangan niyang gawin iyon. Hindi siya susuko, iyon ang palaging nasa isipan niya. Kahit na sa totoo lang, gusto nang bumigay ng puso niya dahil sa sakit.
Abala si Jerricko sa pagpa-practice gamit ang ball pitching machine. Pero sa bawat paghampas niya sa mga bolang itinatapon sa kanyang direksyon, napapansin niya na tila unti-unti na siyang nawawalan ng lakas at palapit na nang palapit ang distansya kung saan tumatama ang bola. Alam niya ang dahilan kung bakit ganoon. Maging ang tennis, hindi na niya magawang i-enjoy na gaya ng dati. Unti-unti na siyang nawawalan ng ganang gawin pa ang mga bagay na dati ay nae-enjoy pa niya nang husto dahil nakikita niya si Yuna.
Mukhang matinding sakit ng kalooban talaga ang iniwan ni Yuna sa puso niya nang araw na iyon. Heto siya ngayon, unti-unti nang nawawalan ng pag-asa na maaayos ang sitwasyon. Kahit ayaw na niyang alalahanin pa ang mga pangyayari, patuloy pa ring nagbabalik iyon sa kanyang isipan dahil iyon ang huling alaalang meron siya tungkol kay Yuna. Pinipilit niyang isipin kung ano ang napansin niyang mali sa mga kilos at mga sinabi nito. Merong mali, at sigurado siya roon. Kailangan lang niyang isipin kung ano, kahit talaga namang masakit sa tuwing maaalala niya iyon.
"Sana naman, wala kang planong sirain ang pitching machine natin, Jerricko. Ikaw ang magpapalit niyan, sinasabi ko na sa 'yo," narinig niyang sabi ni Lexus na nagpatigil sa kanya sa pagpa-practice.
Itinigil na lang niya iyon dahil parang wala naman na siyang mapapala. Hindi niya magawang i-distract ang sarili sa kaiisip tungkol kay Yuna. Huminga muna siya nang malalim bago nagsalita.
"Hindi pa naman ako umaabot sa ganoong punto, Lexus. Huwag kang mag-alala. Gusto ko lang ayusin ang takbo ng pag-iisip ko kahit papaano." Matapos niyon ay agad siyang nagtungo sa bench kung saan naroon ang sports bag niya. Kumuha siya roon ng isang bote ng mineral water na baon niya at uminom.
"Si Yuna pa rin ba?"
Tumango na lang siya at napahilamos ng mukha. Para namang may maitatago pa siya sa kaibigan niyang ito. Halos ito na ang pinagsasabihan niya ng mga concerns niya tungkol sa babaeng tanging bumihag sa puso niya. "Hindi ko maintindihan hanggang ngayon kung bakit nasabi iyon ni Yuna sa akin. How could she get tired of hanging out with me? Akala ko pa naman, okay na kami. Puwede na akong gumawa ng paraan para masabi ko sa kanya ang totoong nararamdaman ko. Na hindi ako titigil hanggang hindi ko nakukuha ang tiwala niya kahit gaano pa katagal abutin iyon."
"Baka may kinalaman iyon sa sinabi mo sa kanya noon," ani isang tinig ng babae na pamilyar sa kanya.
Napaangat si Jerricko ng tingin at nakita niyang palapit sa kanila si Mirui. Bakas sa magandang mukha nito ang lungkot. Pero mas pinagtuunan niya ng pansin ang sinabi nito. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Hinayaan muna niyang tumabi sa kanya sa bench ang dalaga. Napatingin pa nga siya kay Lexus para alamin kung bakit ganito ang babaeng ito subalit kibit-balikat lang ang naging tugon nito. Huminga muna ng malalim si Mirui bago ito nagsalita.
"Bago ko sagutin ang tanong mo, sabihin mo muna sa akin kung ano ba talaga ang nararamdaman mo para sa kaibigan ko. I want to know. She was thinking hopelessly about her situation before this happened. Kung tama ang hinala ko, posibleng na-misinterpret niya ang isa sa mga sinabi mo noon," saad ni Mirui na ipinagtaka niya.
Pero wala namang masama kung sabihin niya ang totoo, 'di ba? After all, Mirui was one of the people that Yuna trusted. "Mahal ko siya, Mirui. Kahit hindi ko sabihin sa 'yo, alam ko na nahahalata mo na iyon. Kayong dalawa ni Lexus. Hindi lang kayong dalawa kundi pati na rin ang mga kaibigan natin. At iyon ang totoo."
"At may plano ka namang sabihin sa kanya ang tungkol diyan, 'di ba?"
Tumango siya. Seriously, where was this going?
"Then she must have really misinterpreted something. May napag-usapan ba kayo dati para sabihin niya sa akin na kahit ano'ng gawin niya, hindi siya magiging karapat-dapat sa 'yo? May napag-usapan ba kayo noon tungkol sa ideal girlfriend mo?"
Ilang sandali siyang natahimik at napaisip. May natatandaan siyang ganoon na pinag-usapan nila ni Yuna noon. Paano niya malilimutan iyon? Iyon ang isa sa mga memorable moment nila ni Yuna na magkasama. Makasama ba naman niya ito sa pamamasyal niya sa dalampasigan na isa sa mga dream date niya. Yes, even he had his own dream dates. At tanging kay Yuna lang niya nagawa ang mga iyon—kahit na hindi nito alam ang tungkol doon.
Tumango siya bilang tugon sa tanong ni Mirui kapagkuwan. Sinabi niya rito ang napag-usapan nila ni Yuna nang mga panahong iyon. Pero alin ba sa mga nasabi niya sa dalaga ang na-misinterpret nito?
"Sa tingin ko, na-misinterpret niya ang salitang "pure" nang sabihin mong iyon ang isa sa mga hinahanap mo sa isang babae as a girlfriend. At mukhang hindi pa rin niya nasasabi sa 'yo ang totoo tungkol sa nangyari sa kanya two years ago para mawala ang tiwala niya sa mga lalaki," tumatango-tangong sabi ni Mirui.
Lalo siyang nalito sa mga narinig. Pero agad din siyang nalinawan—matapos magulat nang todo-todo dahil sa mga ipinagtapat sa kanya nina Mirui at Lexus tungkol kay Yuna. Damn it! Was that the reason why she was so scared that time? Bumalik sa isipan niya ang unang beses na nagkasalubong ang mga landas nila ni Yuna. Nang mga sandaling iyon, tuluyan na niyang naintindihan ang lahat.
Agad siyang tumayo sa kinauupuan at hinarap si Mirui. "Nasa clubhouse ba si Yuna? O sa skating school?"
Umiling si Mirui. "Hindi pa siya pumapasok hanggang ngayon sa kahit na anong klase niya. That's why we're getting worried. Delikado na kapag nakasalubong niya si Zandro," nag-aalalang sagot nito.
May punto ito. Kilala niya ang lalaking iyon kapag kumilos sa nais nito. At talagang hindi niya ito mapapatawad kapag napahamak si Yuna sa mga kamay ng Zandro Guevarra na iyon. Hanggang sa may maalala siya. Posibleng nasa lugar na iyon si Yuna. At kailangan niyang marating iyon bago pa mangyari ang kinatatakutan nito.
= = = = = =
GANOON na lang ang pagdagsa ng kaba sa dibdib ni Yuna nang sa wakas ay mapuna na niya kung nasaan siya nang mga sandaling iyon. Gaano ba siya katagal na wala sa sarili niya at noon lang niya napansin na nasa hallway siya ng main building ng Alexandrite University?
Pero hindi ang realisasyong iyon ang nagbigay ng matinding kaba sa kanya. It was the fact that she was standing in front of the person who was truly capable of bringing out that fear in her. At ngayon nga ay nakangisi pa ito sa kanya na parang isang mabangis na hayop na nakakita ng mabibiktima. Yes, Zandro Guevarra—her ex-boyfriend who raped her two years ago—was looking at her that way.
At siya, hayun at hindi na maitago ang takot na nararamdaman. Gusto na niyang umalis sa lugar na iyon. Tumakbo palayo pero ayaw kumilos ng mga paa niya. Para bang pinangunahan na siya ng nararamdaman niyang takot.
"Sino ba naman ang mag-aakala na makikita pa kita ulit, Yunara? Ano? Na-miss mo ba ako, ha? Na-miss mo ba ang mga pinaggagagawa ko sa 'yo noon?" hindi nawawala ang ngisi sa labi ni Zandro nang sabihin nito iyon habang dahan-dahang humahakbang palapit sa kanya.
Habang siya ay napaatras kaagad nang makitang papalapit sa kanya ito. Parang hindi na nga nito napapansin ang babaeng kasa-kasama nito na nakalingkis lang dito kanina. Paano ba naman kasi nito mapapansin iyon? Sa kanya na nakatuon ang pansin ng demonyong ito. Oo, ganoon ang tingin niya kay Zandro. Bakit ba hindi pa rin nakukulong ang lalaking ito? Until it came to her—she didn't file a case against this jerk because of what he did to her two years ago. Nagpadala siya sa takot.
Ngayon, parang gusto na niyang pagsisihan na hindi niya ginawa iyon.
"L-layuan mo ako..." hindi maitago ang panginginig na sabi niya. In fact, there wasn't even a conviction to it.
Lalong lumakas ang kabang nararamdaman niya nang bumangga ang likod niya sa pader sa kakaatras. Nakaramdam na rin siya ng panlalamig at panginginig dahil sa takot na hindi na niya magagawang itago. Nakorner siya si Zandro roon nang itukod nito ang dalawang kamay sa pader sa magkabilang gilid niya.
"Stay away? Bakit ko naman gagawin iyon? Girlfriend naman kita, 'di ba?"
Girlfriend? Grabe, ang kapal pa rin talaga ng mukha ng lalaking 'to, kahit na kailan! Hindi na niya napigilan ang pag-usbong ng galit sa dibdib niya. That's it! This has to stop! "Girlfriend? Kailan mo pa ako tinrato na isang matinong girlfriend, ha? Ang lakas naman ng loob mong sabihin pa sa akin iyan matapos mo akong gaguhin at paglaruan."
"Wow! Marunong ka nang sumagot ngayon, ah. Kanino mo ba natutunan iyan? Kay Arilla? Eh wala namang matinong ituturo sa 'yo ang lalaking iyon. He's a boring guy, Yunara. Kunsabagay, hindi na ako magtataka kung maging magkasundo kayo. Pareho naman kayong boring, eh. Kaya wala ka nang dapat ipagtaka kung bakit ginawa ko 'yon sa 'yo. Girlfriend nga kita pero wala naman akong mahita sa 'yo," ani Zandro at napaismid pa.
Nagpanting ang mga tainga niya sa narinig. Iyon lang pala ang habol ni Zandro sa babae? Sa kanya? Hindi siya makapaniwala na naging boyfriend niya ang lalaking kagaya nito. Napaismid siya at namalayan na lang niya ang sarili na pinadapo nang buong-lakas sa mukha nito ang isang sampal. Humihingal siya pagkatapos niyon. Kahit papaano ay sapat na ang ginawa niyang iyon upang lumayo ito sa kanya.
"You're really a demon. Hindi na ako magtataka na isang araw, makita na lang kita sa kulungan sa mga pinaggagagawa mong ito," mahina ngunit puno ng pait at galit na sabi ni Yuna.
Nagsimula na siyang humakbang paalis sa lugar na iyon kapagkuwan. Pero napasigaw siya nang maramdaman niya ang mahigpit na paghawak sa braso niya bago pihitin paharap. Muli na namang dumagsa ang takot sa sistema niya nang makita ang galit sa mga mata ni Zandro. Lalo na nang hawakan nito ng isang kamay ang kanyang mukha nang buong higpit.
"Malakas na ang loob mo ngayon, ah. Pero sa tingin mo, matitinag ako nang basta-basta sa sampal mong 'yon? Nagkakamali ka, Yuna. Hindi pa ako tapos sa 'yo."
Sinikap niyang kumawala mula sa pagkakahawak nito at pilit niyang inilalayo ang mukha rito. Hindi niya papayagang magtagumpay na naman ito sa balak nito sa kanya. Kung bakit ba naman kasi wala nang tao sa hallway na iyon. Iniwan na rin sila ng babaeng kinakalantari ni Zandro kanina lang. Sumagi sa isipan niya si Jerricko at maging si Lexus nang mga sandaling iyon. Pero hindi niya alam kung matutulungan siya ng sinuman sa mga iyon. Malayo ang distansya ng closed court sa main building.
Napapikit na lang siya nang mahigpit at hindi na niya napigilang lumuha dahil sa sitwasyon niya. Pero ilang sandali pa ang lumipas ay wala pa ring nangyayari. Pinakiramdaman niya ang sarili. Namalayan na lang niya na wala nang humahawak sa kanya. Kapagkuwan ay narinig niya na tila may nagsusuntukan. Noon naman niya naisipang buksan ang kanyang mga mata at nagulat siya sa nakita.
Jerricko was panting as he was looking at Zandro in pure anger that Yuna saw from him for the first time. Hindi niya napigilang manlaki ang mga mata niya. Nakahiga na sa sahig si Zandro at may sugat na sa bibig nito. Nakakuyom pa rin ang kamao ni Jerricko at tila handang manuntok ulit kapag gumawa na naman si Zandro ng kalokohan.
"Ano? Masakit ba? Siguro naman, sapat na iyan para magising ka na nang tuluyan. Parang hindi ka pa natauhan nang saktan ka ni Lexus noon, ah. O baka naman kulang pa 'yon para matauhan ka na nang tuluyan," sarkastikong sabi ni Jerricko. "Alam mo, hindi na nga kita sinaktan nang tangkain mong gahasain si Ria noon, eh. Pero ang tangkain mo na namang gawin ang bagay na iyon kay Yuna sa pangalawang pagkakataon, parang mas maganda yata na sa kulungan ka na pulutin."
"Walang-hiya ka, Arilla! Nakakarami ka na, ah!" asik ni Zandro nang magawa na nitong makatayo habang pinupunasan ang dugo sa bibig nito.
"Bakit? 'Surprised that a boring guy like me did something like this to you? Kung sa 'yo, marami na 'yan, puwes, kulang pa 'yan para sa akin. Kulang pa nga iyan bilang kabayaran sa lahat ng mga kasalanan mo, kung tutuusin. Ngayon, binigyan mo lang ako ng mas matinding dahilan kung bakit hindi na kita dapat respetuhin pa na gaya ng gusto mong mangyari. Dalawang mahahalagang tao na sa buhay ko ang ginago mo!" galit na banat naman ni Jerricko.
Nagugulat na talaga si Yuna sa naging takbo ng mga pangyayari. Pero ang mas tumatak sa isipan niya ay ang pagtatanggol sa kanya ni Jerricko kahit na itinulak na niya ito palayo. At ano'ng sinabi nito? Tinangka ring gahasain ni Zandro si Ria noon?
"Just leave him alone now, Jerricko. Hindi kailanman madadala ang tulad niyang hindi pa nararanasang maparusahan sa mga kasalanan niya," ani Ria na kararating lang at hinawakan siya sa magkabilang balikat. Marahil ay para pakalmahin siya.
Nang tingnan niya ito, ngumiti lang si Ria sa kanya na parang nagsasabi na magiging maayos din ang lahat. Pero hanggang hindi niya nakikitang pinagbabayaran ni Zandro ang mga kasalanan nito hindi lang sa kanya kundi pati na rin kay Ria, malabong mapalagay siya kaagad.
Sarkastikong napangiti naman si Zandro nang magawa na nitong makatayo. "Pambihira! Nagsama-sama ang mga boring na tao. Eh wala naman kayong magagawa para maparusahan ako gaya ng gusto n'yong mangyari. Wala kayong sapat na ebidensiya para maipakulong n'yo ako. Isa pa, kayang-kaya kong baliktarin ang mga ibabato n'yong akusasyon sa akin."
"Well, don't think your father could even do anything now, Mr. Guevarra. Ano'ng sa tingin mo, magagamit mo pa ang kapangyarihan ng tatay mo para takasan ang mga kasalanan mo noon? Ikaw ang nagkamali ng taong binangga nang tangkain mong gawan ng masama ang anak ko two years ago."
Nanlaki ang mga mata ni Yuna nang makita si Lexus na papalapit kasama ang isang may katandaang lalaki na nakasuot pa ng corporate attire.
"Dad!" bulalas ni Ria. Napatingin siya sa kaibigan. Ito ang tatay ni Ria?
"Ebidensiya ba ang hanap mo, Mr. Guevarra? Isinumite ko na sa mga pulis at pati na rin sa korte ang lahat ng ebidensiyang hinahanap mo. Ngayon, kahit ang tatay mo, wala nang magagawa para maabsuwelto ka sa lahat ng kasalanang nagawa mo hindi lang sa anak ko," matigas na anunsyo ni Mr. Avillanoza at may isinenyas sa likuran nito. "Hulihin n'yo na 'to bago pa ako maubusan ng pasensiya at masaktan ko lang ang batang 'to."
Sumunod naman ang mga kasama nitong pulis at ilan pang tauhan ng lalaki para hulihin si Zandro. Pilit mang pumalag ang binata subalit hindi iyon sapat. Parang tinakasan na rin ito ng lakas dahil sa mga sinabi ng tatay ni Ria. Habang siya, tila nanghina na sa mga kaganapang nasaksihan. Inalis niya ang pagkakahawak ni Ria sa balikat niya.
"K-kailangan ko munang lumayo rito..." mahinang sabi niya sa mga ito at hindi na hinayaan pang makasagot na umalis doon. Noong una ay dahan-dahan pa ang lakad niya palayo roon. Hanggang sa namalayan na lang niya ang sarili na tumatakbo paalis. Hindi na niya pinansin ang pagtawag sa pangalan niya.
= = = = = =
HUMIHINGAL na tumigil si Yuna sa pagtakbo palayo sa main building kung saan naganap ang mga iyon. Hindi kailanman sumagi sa isip niya na makikita si Jerricko na ganoon ang tindi ng galit. Kailan pa nangyaring nakipagsuntukan ang lalaking iyon? Idagdag pa ang mga narinig niya mula kay Ria at sa tatay nito na talaga namang ikinagulat niya. All because of that Zandro Guevarra—again. Hindi na ba titigil ang lalaking iyon na sirain ang buhay niya?
Mabuti na lang talaga at nagawa niya itong sampalin—isang bagay na matagal na niyang gustong gawin dito. Kahit na sa totoo lang, kulang pa ang sampal na iyon sa lahat ng pagpapahiya at pasakit sa buhay na ibinigay nito sa kanya noon.
"Iiwasan mo pa rin ba ako, Yuna?"
Dagling bumilis ang tibok ng kanyang puso nang marinig ang tinig ni Jerricko. Nang mga sandaling iyon, napagtanto niya kung gaano niya na-miss marinig ang boses nitong iyon. Aminin man niya o hindi, isa ang boses nito sa mga dahilan kung bakit kahit na nakakaramdam siya ng takot noon sa paglapit nito, hindi niya magawang iwasan ito. Napaluha siya nang maisip iyon. That was it. She admitted it. Walang nagawa ang pagtataboy niya rito. Sa huli, ito pa rin ang taong hinahanap niya.
"Paano mo nalaman na nandoon ako?" ganting-tanong niya subalit hindi pa rin niya hinaharap si Jerricko.
"Guts feeling, if you want me to put it that way." Ilang sandali pa ay narinig niya ang paghakbang nito papalapit sa kanya. Ramdam niya na ilang hakbang na lang ang distansiya nito sa kanya sa likuran niya. Pero hindi pa rin siya humaharap dito kahit bumibilis na ang tibok ng kanyang puso dahil sa presensiya nito. "At saka sumagi sa isipan ko ang mga nangyari noong unang beses kitang makaengkwentro nang malapitan. 'Yon ang araw na naiwala mo ang charm bracelet na ibinigay sa 'yo ng tatay mo sa mismong hallway na 'yon. Zandro was there, right? Siya ang dahilan kung bakit tumakbo ka palayo na parang hinahabol ng demonyo."
"It doesn't matter if he was there. Ang punto ko, bakit mo pa ako tinulungan? Pinapalayo na kita, 'di ba? Ibig sabihin lang n'on, dapat ay wala ka nang pakialam sa akin. 'Di ba, dapat ka pa ngang magalit sa akin dahil sa ginawa ko? Hindi mo na kailangang gawin ang lahat ng ito."
Umiling si Jerricko at huminga ng malalim. "Sinabi ko naman sa 'yo noon pa, 'di ba? Ako ang magdedesisyon kung ano ang kailangan kong gawin at hindi pagdating sa 'yo. This is what I've decided. I'll remain by your side no matter how many times you push me away. Poprotektahan kita mula kay Zandro at sa kahit na sinong gagawa ng masama sa 'yo. Gagawin ko iyon hanggang dumating ang panahon na matutunan mo na rin akong mahalin gaya ng pagmamahal na gusto kong ibigay sa 'yo."
Parang nag-short circuit ang utak niya sa huling sinabi ni Jerricko. Naging dahilan din iyon upang harapin na rin niya ang binata sa wakas. Hindi na niya nagawang itago ang pagkagulat na naramdaman niya mula sa kanyang mukha. "A-ano'ng sinabi mo?"
Ngumiti ang binata at nilapitan pa siya nang husto. Kapagkuwan ay hinawakan nito ang magkabilang balikat niya at mataman siyang tinitigan. Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso pero alam niyang walang kinalaman iyon sa takot. She was anticipating something from him. Iyon ang sigurado niya.
"Iyan dapat ang sasabihin ko sa 'yo noong araw na itinataboy mo ako palayo sa buhay mo. Why did you do that? Hindi mo man lang ako hinayaang magpaliwanag sa 'yo. Hindi mo man lang ako hinayaang magsalita at sabihin ang saloobin ko. Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin ang mga sinabi mo nang araw na iyon," malungkot na sabi nito.
Napayuko na lang si Yuna at hinayaan niyang tumulo ang kanyang mga luha. Damang-dama niya sa tinig nito ang sinseridad ng mga sinasabi nito sa kanya sa mga sandaling iyon. "Iyon lang naman ang naisip kong gawin, eh."
"Dahil ba pinakialaman ka na ni Zandro? Iyon ba ang dahilan kung bakit mo ako ipinagtatabuyan? Iniisip mo ba na hindi kita matatanggap dahil sa ginawa niya sa 'yo noon?" sunud-sunod na tanong ni Jerricko.
Tumango siya sa kabila ng pagkagulat dahil alam na pala nito ang tungkol doon. Kahit luhaan ay nag-angat siya ng tingin at hinarap ito. Pero ipinagtaka niya ang ngiting nakita niya sa mga labi nito. Para saan iyon?
"Pambihira ka talaga kahit na kailan, Yuna. Hindi naman ganoon kakitid ang utak ko para hindi kita tanggapin at mahalin na gaya ng nararamdaman ko sa 'yo ngayon dahil lang sa nangyari sa 'yo noon. Mukhang tama nga si Mirui nang sabihin niyang na-misinterpret mo ang sinabi ko sa 'yo noon about my ideal girl."
"H-hindi kita maintindihan..."
"I wasn't talking about virginity when I mentioned the word 'pure' at the time."
Ano? "Then..."
"I was talking about the heart's purity, Yuna. Or specifically, that person's pure heart that has the ability to change me in so many ways. Sa lahat ng babaeng nakilala ko na ginusto kong mahalin, ikaw pa lang ang may ganoong katangian, Yuna. Wala akong pakialam sa nakaraan mo dahil alam ko namang hindi mo ginusto iyon. Ria might have gotten lucky and you didn't. Pero hindi nangangahulugan iyon na hindi na kita kayang tanggapin bilang bahagi ng buhay ko," paliwanag ni Jerricko at niyakap na siya nang mahigpit na lalong nagpaiyak sa kanya.
Hindi siya makapaniwala. All this time, siya lang ang nag-isip ng hindi maganda sa mga sinabi nito noon? "Nakakainis ka, alam mo ba 'yon? Bakit hindi kita magawang tuluyang paalisin sa buhay ko?" Pero nakahinga naman siya nang maluwag na ganoon nga ang nangyari.
Natawa naman ang binata subalit hindi pa rin siya pinapakawalan. "Ayaw mo n'on? At least, may dahilan ako para magpatuloy sa ginagawa ko para makuha ko ang tiwala mo na sinira noon ni Zandro. May dahilan pa ako para patunayan sa 'yo na wala akong pakialam sa nakaraan mo at hindi sapat iyon para pigilan ko ang sarili ko na mahalin ka."
Bahagya siyang dumistansya sa binata kapagkuwan. "Pero... mahihirapan ka lang. Kahit kasi sinabi mo sa akin na mahal mo ako at handa kang maghintay, hindi naman ganoon kadali para sa akin na—"
"If you're still worried about me gaining your trust, that's not what I'm asking. But I'll definitely earn it from you in time. Patutunayan ko iyon at paghihirapan kong makuha iyon mula sa iyo. For now, what I want from you is your faith. Have faith in me, okay? Have faith in the love that I'm only going to give to you. Puwede mo bang gawin iyon, Yuna?" may himig ng pakiusap na tanong ni Jerricko sa kanya.
Mukhang wala nang mapapala ang pagtataboy na plano niyang ipagpatuloy sa lalaking ito. Isa pa, wala na siyang dahilan para matakot pa. Pinatunayan na nito sa kanya na sincere ito pagdating sa nararamdaman sa kanya. He would always be there for her. Nararamdaman niya iyon. Hindi siya nito sasaktan at paglalaruan.
Ilang sandali pa ay tumango siya at nginitian si Jerricko. "Alright. I'll have faith in you. I'll believe you. Thank you for loving me, Jerricko. Thank you..." Napaluha na naman siya. Hindi na talaga niya makontrol ang emosyon nang mga sandaling iyon. Muli ay niyakap siya ng binata at hinalikan sa buhok. Ginantihan naman niya iyon ng mas mahigpit na yakap. "I love you, too. And I'm sorry... for pushing you away."
"Kalimutan mo na 'yon. Basta huwag mo nang gagawin ulit iyon, ha? Ayoko nang masaktan nang ganoon katindi sa susunod dahil wala ka sa tabi ko."
Tumango siya at lihim na napangiti. Wala naman na siyang dahilan para ipagtabuyan pa ulit si Jerricko sa buhay niya. Isang malaking pagkakamali iyon sa parte niya, kung tutuusin. Ang mahalaga, nandito na ulit sa tabi niya ang lalaking mahal niya at handang maghintay hanggang sa dumating ang tamang panahon na maibibigay na niya rito ng buo ang tiwalang hinihingi nito mula sa kanya. Kilala niya ito. Hindi ito susuko hanggang hindi nito nakukuha ang gusto.
He'd definitely earn it in time. At sinisiguro niya iyon. For now, she would just cherish this beautiful moment together with Jerricko.
"Jerricko..." tawag-pansin niya rito kapagkuwan.
"Hmm?"
"'Yong promise mo sa akin noon na mamamasyal tayo sa mismong Aeraven Lake... Mangyayari pa ba 'yon?"
Natawa naman ang binata at tinitigan siya, bakas sa mga mata nito ang matinding kasiyahan habag nakatingin sa kanya. "Oo naman. Isa iyon sa mga pinaghahandaan ko bago ako tinawagan ni Mama para pumunta ng Batangas. Nakarating kasi sa kanya na plano kong ligawan at maging girlfriend ang anak ni Cedric Limietta. Kaya paghandaan mo na ang pakikipagkita natin kay Mama kapag dinala na kita sa Batangas at ipakilala sa kanya, pati na rin sa mga kamag-anak ko. Tiyak na magugulat si Mama kapag nalaman niyang girlfriend na kita. At saka gusto rin niyang ipakita sa 'yo ang mga koleksyon niya ng paintings doon sa personal gallery niya—lalo na 'yong mga ipininta ng tatay mo na naka-display doon."
Walang pagsidlan ang tuwa sa dibdib ni Yuna nang mga sandaling iyon. Kaya naman napangiti siya nang maluwang at muling niyakap si Jerricko. Oh, she would definitely wait for that. Hindi na siya makapaghintay! Panigurado na magiging inspired na naman siya nito sa paglikha ng panibagong obra. Just as how her father had used his love for her mother as an inspiration for his paintings before.
"Basta sasamahan mo ako, ha?"
"Hindi na kita pakakawalan, kung iyon ang gusto mo."
Napahalakhak na lang silang dalawa habang magkayakap.
-WAKAS-
No comments:
Post a Comment