Saturday, September 2, 2017

About "Chronicles Of The Roses" Romance Series

When I was in third year high school (SY 2007-2008), nakabuo ako ng isang series na plano kong isulat noon. Nauso pa noon `yong mga pocketbooks na may 2-3 parts kapag sobrang haba. Hindi tulad ngayon na puwede nang pag-isahin sa iisang book lang. Anyway, nagawa kong halukayin ang mga old files ko sa isang nakatagong bag ko at nakita ko nga ang tungkol sa series na `to.

Pero sa totoo lang, parang mas magaling lang akong magplano kaysa magpatuloy ng mga naiplano ko na. Alam mo `yon. Kung minsan, hindi ko maiwasang ma-disappoint sa sarili ko pagdating sa mga ganitong bagay. Na ang dami kong plano pero hindi ko magawang tapusin lahat kasi nga laging distracted o laging tinatamaan ng katam.

Anyway, heto na nga. Since ayoko namang ma-pending lang sa isang tabi ito at amagin (literally), ise-share ko na lang ang tungkol sa romance series na sinasabi ko. Pero gusto ko lang sabihin na ang pagkakasulat ko ng description ng series na `to ay iyon mismo ang paraan ko ng pagkakasulat n’on noon. Word by word. Kaya kayo na ang humusga ng writing style ko noon kung ikukumpara sa ngayon. Okay?

About the “Chronicles Of The Roses” Series

Ang seryeng “Chronicles of the Roses” ay tumatalakay sa romantiko at delikadong kasaysayan ng dalawang tanyag, respetado, at higit sa lahat, pinakamayayamang angkan sa isla ng Panay. Kilala rin sila sa loob at labas ng bansa dahil sa dami ng ipinatayong mga business establishments at shipping lines sa iba’t-ibang panig ng mundo. Kung tutuusin, masasabing nasa kanila na ang lahat ng nanaisin ng sinuman upang makuntento at mapanatag ang isang pamilya. Ang hindi nalalaman ng karamihan, ang dalawang angkan na ito na kinabibilangan ng mga Cervantes at dela Vega ay may isang natatagong lihim na tuluyang magdadala sa kanila sa matinding kapahamakan. Isang misyon ang nakaatang sa kanila upang matagpuan ang nakatagong lihim na tutukoy sa tunay nilang estado sa mundo.

Magsisimula ang kasaysayan ng dalawang angkan na ito sa anim na anak ni Señor Javier Cervantes at anim rin na anak ni Señor Carlos dela Vega. Ang mga anak ni Señor Javier ay kinabibilangan nina Alexis, Joaquin, Cecille, Nathan, at ang kambal na sina Fate at Cheska. Habang ang mga anak naman ni Señor Carlos ay sina Joel, Elena, ang kambal na sina Aaron at Angela, Kevin, at Eliza. Sila ang magpapatuloy sa nasimulang misyon ng kanilang ninuno noon pang ika-labing-anim na siglo tungkol sa nakatagong lihim. At sa paglipas ng panahon, ipagpapatuloy pa ng susunod na henerasyon ang paghahanap hanggang sa ito’y kanila nang matagpuan.

Ang seryeng ito ang tutukoy sa takot, pangamba at panganib na kasusuungan nilang lahat, maging ng mga taong nagtataglay ng kanilang lihim, pagtakas sa galit at poot ng may tangka sa kanilang buhay at katahimikan, at higit sa lahat, ang wagas na pagmamahal na handa nilang ialay sa taong pinakamamahal nila hanggang sa kamatayan.

O, ha? Ano’ng sa tingin n’yo?

Pero in fairness lang, ngayon ko lang napansin ito. Ang hilig ko palang mag-isip ng mga series na may ganitong theme—may mga angkang napapahamak o nalalagay sa kapahamakan. Una, ito. Then naalala ko na `yong isa pang series na currently ay ginagawa ko na may title na “Eight Thorned Blades” ay halos ganito rin ang takbo ng kuwento.

Okay, i-elaborate nga natin ang similarities at differences ng Chronicles of the Roses at Eight Thorned Blades.

Similarities:

  • Parehong mayayayaman ang mga angkang kabilang sa bawat series.
  • Kilala sa iba’t-ibang panig ng mundo ang mga pamilya.
  • May lihim na itinatago
  • Marami ang nagtatangka sa mga buhay nila
  • Kamatayan ng mga importanteng characters sa story ang nagsilbing catalyst o trigger para umikot ang kuwento patungo sa mga sikretong meron sila.

Differences:

  • Sa COTR, dalawa lang ang angkang involved. Samantalang sa 8TB, walo ang involved na mga angkan.
  • Spanish-inspired ang mga angkan sa COTR, habang Japanese-inspired naman ang sa 8TB dahil originally naman talaga ay na-umpisa sa story ko na “The Last Sky Of The Earth” ang mga characters ko sa TBC.

Hmm… Mukhang kailangan ko pang humalukay ng mga iba ko pang files para magawa kong matukoy ang iba pang similarities at differences ng mga pinagsususulat kong ito. Natapos ko na ang Book 1 ng COTR. Kuwento iyon ni Alexis. Pinag-iisipan ko nga lang kung ipo-post ko iyon dito sa blog ko o sa Wattpad account ko na lang.

So paano ba `yan? Till next time na lang! Isip-isip muna ng susunod na isusulat.

No comments:

Post a Comment