Wednesday, June 28, 2023

i'll hold on to you 102 - blurting out

[Relaina]

May isang oras din ang itinagal bago pa idineklara ni Miette mula sa loob ng bahay na okay na raw ang paghahanda ng mga ito. Sinamantala naman ni Brent ang isang oras na iyon para maipasyal ako sa loob ng property ng Tita Marie nito.

Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang sa mga sandaling iyon na may ganoon kagandang flower farm sa Altiera. At hindi rin ako makapaniwala na maraming bulaklak ang naitanim at naaalagaan doon. Mga bulaklak na ginagamit ni Brent para iparating nito sa akin ang ilang mahahalagang mensaheng gusto nitong sabihin sa akin sa ibang paraan.

And seriously, it was one heck of a way to relay messages to me. Epecially the kind that… sounded romantic in more ways than one.

“‘Buti, hindi ka pa itinataboy ng Tita mo dahil sa pagtangay mo sa mga bulaklak na itinatanim niya rito,” biro ko bilang pagbasag na rin sa katahimikang nakapalibot sa aming dalawa.

Naglalakad na kaming dalawa ni Brent papunta sa bahay. Pero hindi ko alam kung bakit ang bagal naming maglakad ng mga sandaling iyon. As usual, hawak pa rin nito ang isang kamay ko. Talagang ayaw lang akong pakawalan ng lalaking ito at hindi ko alam kung bakit. Hindi naman ako tatakbo paalis dito or anything.

“Mahal ako ni Tita Marie at may sinasabi siya sa akin minsan na ako raw ang paborito niya.”

I chuckled at the proud way he actually said those words. Pero wala akong maramdamang pagmamayabang sa paraang negatibo.

“At sinamantala mo naman? Pambihira ka. Hindi ka na naawa sa negosyo ng Tita mo. Mukhang hindi ka pa nagbabayad sa mga bulaklak na pinagkukuha mo rito.”

“Hey, ibinibigay niya iyon sa akin, okay? Hindi ko ninanakaw ang mga iyon. Siya pa nga ang nagtuturo sa akin mula noon ng tungkol sa language of flowers, eh.” At ang lalaking ito, ngumuso pa talaga.

Oo na, aaminin ko nang mukha itong cute sa ganoong ginawa nito. Pero hanggang doon lang iyon.

“Tumigil ka nga sa pagnguso mo riyan. Baka mamaya niya, iisipin ng mga tao rito na inaaway kita.”

“Bakit, hindi pa ba?”

“Hoy! Mahiya ka nga sa sarili mo, Mr. Montreal. Ikaw pa nga itong nang-aaway sa akin, eh.” Grabe lang ang mga banat sa akin ng lalaking ito, sa totoo lang. Hindi ko tuloy alam kung dapat ba akong matuwa o lalong mainis.

“Pero sa totoo lang, sino ba naman ang mag-aakala na aabot sa ganito ang pagbabangayan nating iyon noon. Baka kung hindi mo pa siguro nalaman ang tungkol sa nakaraan ko, hindi magkakaroon ng daan para… maging ganito tayo kalapit sa isa’t-isa.”

Hindi ko tuloy napigilang mapatingin kay Brent matapos nitong sabihin ang seryosong bagay na iyon. Ano na naman kaya ang iniisip nito at bigla na naman itong nag-ungkat ng tungkol sa nakaraan? Even so, I could tell that he had a point.

Dapat ko bang sisihin ang curiosity ko sa nakaraan nito para maisipan kong gawin ang kagustuhan ng mga taong nagpapahalaga kay Brent all this time? Regardless of the danger that having a knowledge of his past entailed, ako pa rin ang lumapit sa lalaking ito para maialis ito sa kadilimang kinasadlakan nito. I knew I would never be able to fully understand his pain. But I knew I had to do something to drag him out of that darkness.

“Gusto mo pa rin bang ilihim sa akin ang nakaraan mo kahit na umabot na tayo sa ganitong estado?” tanong ko kay Brent makalipas ang ilang sandali.

At that point, napahinto na rin kami sa harap ng bahay. Pero hindi pa rin kami pumapasok sa loob niyon. Naramdaman ko na lang ang paghigpit ng hawak nito sa kamay ko, dahilan upang mapatingin ako roon.

“Sa totoo lang, oo. Dahil ayoko talagang malaman mo ang mga iyon, eh. I always had this urge to remain the perfect guy in your eyes. Pero mukhang sa simula’t sapul, naging malabo na iyon. Hindi na maganda ang first impression mo sa akin, eh.”

Hindi ko tuloy napigilang mapangiti nang maalala ko ang unang pagkikita naming dalawa on my first day in Oceanside Rose University.

“Ikaw naman kasi. Sino ba naman ang may sabi sa ‘yo na daganan mo ako habang paakyat ako ng hagdan? Gusto ko lang namang pumasok sa classroom para mawala na ang kabang nararamdaman ko ng araw na iyon, eh. Pero ang nangyari, kalahati ng araw ko, nasa clinic ako at walang malay sa mundo.”

“Hindi ko sinasadya iyon, okay? Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo ‘yon?”

Lumuwang ang pagkakangiti ko at saka ako napailing. Hanggang sa may maalala ako. “Teka, alam din ba ng Tita mo ang tungkol sa araw na iyon?”

Tumango si Brent. “Sina Mama at Neilson ang nagkuwento kina Tita Marie at Miette. Kung alam mo lang kung paano tumawa nang malakas ang pinsan kong iyon matapos magkuwento si Neilson. Talagang gusto kong basagin ang mukha ng kakambal kong iyon, alam mo ba ‘yon?”

“Ngayon ko lang nalaman na matabil din pala ang dila ni Neilson pagdating sa mga kamag-anak n’yo,” komento ko.

“Ganoon lang siya pagdating sa kanila. Hindi naman kasi kami madalas na nagkikita-kita, eh. Pero kapag nagkaroon ng mga reunion, hindi puwedeng wala kaming maikuwentong kahit na ano sa isa’t-isa. Paraan na rin namin iyon para mag-bonding, lalo na kaming magpipinsan.”

Paano ba hindi matuwa sa fondness na nakikita ko sa mukha ni Brent dahil lang sa pagkukuwento nito tungkol sa mga gawain nilang magkakamag-anak?

“Kaya nga hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko nagawang magsabi sa kahit na sino sa kanila tungkol sa mga nararamdaman ko’t pinagdadaanan ko noong nagluluksa ako sa pagkamatay ni Vanz. I know I could’ve trusted them, pero hindi ganoon ang nangyari,” pagpapatuloy ni Brent, kababakasan ng lungkot ang mga mata nito.

Here he was, doing this again. Pero pinili ko na lang na huwag munang magkomento. Palagay ko kasi, hindi tama na magsalita ako tungkol sa isyu na iyon.

“Enough with the regrets for now, okay? Nandito tayo para magsaya. Hindi ba, iyon naman talaga ang gusto mong mangyari? Gusto mo akong ipakilala sa taong isa sa mga dahilan kung bakit nagagawa mong sabihin sa akin ang gusto mong iparating sa ibang paraan. Kaya tigilan na lang muna natin ang pag-alala sa nakaraan. Okay?” nasabi ko na lang matapos ang ilang sandali. Ako na ang humawak nang mahigpit sa kamay nitong nakahawak sa akin kapagkuwan.

Si Brent naman ang napatingin sa kamay naming magkasalikop. To be honest, it was such a sight na ayoko nang burahin sa isipan ko, for some reason.

“I’m really glad that I met you, Laine.”

Okay. Just what in the world was going on?

No comments:

Post a Comment