Tuesday, February 2, 2016

I'll Hold On To You 11 - We're Partners!

[Brent]

“MA’AM, sigurado na po ba talaga kayo na final decision na ang pairings na ginawa n’yo para sa practicum namin? Hindi na po ba puwedeng palitan at pick-your-own-partner na lang?” tanong ko sa PE II instructor namin na si Mrs. Castro. I-announce ba naman kasi nito kaagad ang pairings para sa dance practicum ng klase namin.
Ewan ko lang talaga kung malaki ang galit sa akin ng instructor kong iyon o trip lang nitong mang-asar. Si Relaina ba naman kasi ang napili nito para maging dance partner ko. Hindi ko naman masabi kung talagang minamalas lang ako o tadhana na ang gumagawa ng paraan para magkalapit kami ni Relaina.
'Sus! Malas nga ba talaga ang dala sa iyo ni Relaina? O baka naman natatakot ka lang mapalapit nang husto sa kanya?'
Hay naku! Kung puwede ko nga lang bang sipain at suntukin ang bahaging iyon ng isipan ko, tiyak na kanina ko pa nagawa iyon. Aba’y kanina pa ako n’on binabanatan ng mga pang-aasar. Pang-aasar na may bahid ng katotohanang hindi ko nga lang ganoon kadaling i-acknowledge sa sarili ko.
Mag-iisang buwan na rin pala mula nang malaman kong kaklase ko si Relaina sa tatlong subjects kung saan kaklase ko rin si Neilson. At sa hindi ko malamang dahilan, may pakiramdam ako na ang mga subjects na iyon ang gustung-gusto kong pasukan kahit iniirapan lang ako madalas ni Relaina sa tuwing nagsasalubong ang mga paningin at landas namin.
Talk about having weird feelings in my chest every time that amazon girl was involved…
“Brent, ano ba’ng problema ninyo ni Relaina at ganyan na lang ang pagtutol mo na huwag siyang makapareha?” tila naguguluhang tanong ni Ma’am Castro sa akin.
Ma’am naman, pambihira! Ang ganda ng tanong n’yo. Eh obvious na nga ang sagot. Gusto lang yata nitong i-recreate ang World War II sa aming dalawa ni Relaina.
“Ayoko lang namang makapareha ang tulad niyang amasona,” maagap na sagot ko kahit na sa totoo lang ay nakadama ako ng excitement – kahit na ayoko – nang malaman kong si Relaina ang magiging dance partner ko. Aba, marunong din naman akong magpakipot kahit papaano.
Hay… Kahit kailan talaga, ang gulo ng takbo ng utak ko.
“At mas lalo namang ayokong makapareha ang tulad niyang manyak!” banat naman ni Relaina na ngayon ay matalim ang tinging ipinupukol sa akkn. Kung talagang nakamamatay lang ang tingin nito, baka noon pa ako bumulagta.
Baka nga double dead pa ang kalabasan ko kapag nagkataong superpowers ang tingin nitong pagkasama-sama.
“Hoy, hindi ako manyak!” depensa ko. Malakas ang sex appeal siguro, pwede pa. Pero hindi manyak.
Tumaas ang kilay nito. “Talaga? So hindi pala pagiging manyak ang paghalik mo sa akin nang basta-basta?”
“Kasalanan mo. Ako pa itong sisisihin mo. Ikaw lang naman itong pa-cute sa atin. Aminin mo na kasi,” nakangising tudyo ko sa babaeng ito.
Hindi ko talaga lubusang maintindihan pero parang bahagi na ng araw ko ang asarin ito magmula nang dumating ito sa buhay ko. Pakiramdam ko nga, parang hindi iyon nakukumpleto na hindi ko ginagawa iyon kay Relaina.
“As if! Hoy, Mr. Makapal ang Mukha! Huwag ako nang ako ang binabanatan mo kung ayaw mong ibuhos ko sa iyo ang lahat ng inis ko. And FYI, wala akong kailangang aminin at hindi ako pa-cute. Kung ikaw rin lang ang pakyu-cute-an ko, mas gugustuhin ko pang buruhin ang sarili ko sa kumbento.”
“Talaga? Magmamadre ka?” amused na tugon ko. “Sayang naman ang ganda mong iyan kung ibuburo mo lang sa loob ng kumbento. At tiyak na marami ang magkakasala dahil nagkagusto sila sa iyo kapag nagkataong nagmadre ka.”
“Wala ka nang pakialam doon!” singhal nito sa akin.
Hay… Relax ka lang, Relaina. Masyado na talaga itong high blood.
I couldn’t help but just grinned. Amused na amused talaga ako kapag nakikita kong naaasar na ito sa akin. Pasalamat na lang at parang sanay na yata si Mrs. Castro sa ganoong tagpo sa pagitan namin ni Relaina.
Sa katunayan, pinanood lang kami nito na magbangayan noong unang araw na nakilala na ni Relaina ang guro naming iyon. Kinantiyawan pa nga ako ni Ma’am Castro na hindi na raw tumatalab ang kaguwapuhan ko kay Amazonang Relaina kaya pulos pang-aasar na lang daw ang ibinabanat ko para lang mapagtakpan iyon. Ayon pa nga rito, tuwang-tuwa raw itong pagmasdan ang bangayan namin ng dalagang masungit. Pero kapag seryoso na si Mrs. Castro ay seryoso na rin kami ni Relaina sa klase.
Kaya lang, ayoko mang aminin pero may mga pagkakataon talaga na nadi-distract ako dahil sa palihim na pagsulyap ko sa kaasaran kong iyon. Ang weird! Hindi ko alam kung bakit pulos pang-aasar ang laging lumalabas sa bibig ko kapag ito na ang kaharap ko. Aminado naman akong iba na ang epekto nito sa akin sa simula pa lang. Kaya nga hindi ako kaagad nakaalis sa ibabaw nito nang ma-out of balance ako at hindi ko sinasadyang madaganan ito.
Pinagbigyan ko ang sarili na pagmasdan nang malapitan ang magandang mukha nito, lalo na ang mga mata nito. They were expressive in a way and at the same time, mysterious. Her eyes were like the most beautiful pair of coffee brown eyes I had ever seen. Ironic as it seemed but that was how I wanted to describe her eyes.
They were like… puzzling in so many ways.
“Relaina, Brent, I’ll only ask this once. Kayo na bang dalawa?” walang kagatol-gatol na tanong ni Mrs. Castro.
Nanlaki lang ang mga mata namin ni Relaina nang marinig iyon.
“What?” halos sabay na sambit namin ni Relaina bago sandaling nagkatinginan. “No way!” korong sambit ulit namin.
“Magugunaw muna ang mundo bago ko patulan ang ungas na 'to. O ‘di kaya mas gugustuhin ko pang magpaka-single na lang for life kung siya rin lang ang magiging boyfriend ko,” walang kagatol-gatol na pahayag ni Relaina at saka ako inirapan nang pagkatalim-talim.
“Kung ikaw naman ang papatulan ko, tiyak na sayang lang ang genes ko sa iyo. Isa pa, hindi ako pumapatol sa isang amasona,” hirit ko naman.
But then, the thought of me and Relaina being a couple… Not bad, I guess. In fact, it would be one beautiful picture.
Ano ba ‘to? May problema na yata ang utak ko ngayon. Weird, but I was actually wishing that the thought wouldn’t remain just as a picture in my mind.
Ewan ko na!
Pero kahit pala sabihin namin iyon sa buong mundo, parang hindi na kumbinsido ang mga kaklase namin. Sina Mayu at Neilson naman ay natatawa na lang. Inuulan na rin kami ni Relaina ng tukso ng mga kaklase namin. Pati nga si Mrs. Castro ay nakisali sa panunukso ng mga kumag na iyon sa amin
“Alam n’yo, kung ganyan kayo ng ganyan, wala talagang maniniwala na hindi kayo magkasintahan.”
“May LQ lang yata kayong dalawa, eh. Magbati na kasi kayo.”
“Ang ganda ng love team ninyo kapag nagkataong nagkabati kayong dalawa.”
“Agree kami d’yan. Sige na!”
Nakita ko namang ipinilig ni Relaina ang ulo nito at tinakpan pa ng dalawang kamay ang mga tainga nito. She let out a frustrated groan. “I can’t believe what I’m hearing from you people.”
Sa totoo lang, mula nang makita ko ito sa balcony that morning, napapansin kong may mali kay Relaina. I didn’t know but somehow… I could tell that she wasn’t in her normal self.
Pero teka… Ano nga ba ang normal self ng babaeng ito? Iyong feisty? Iyong tahimik? Iyong nakangiti? Hindi ko alam. Basta, alam kong may mali sa babaeng kaasaran. Hindi ko lang magawang tukuyin sa ngayon kung ano nga ba ang mali.
Nakita kong huminga muna si Relaina ng malalim bago nito hinarap si Mrs. Castro. “Ma’am naman, please lang. Hindi na po ba puwedeng palitan ang pairings namin?” tanong nito. Mukhang desperada talaga itong huwag akong makapareha.
Umiling ang ginang at bumuntong-hininga. “It’s already final, Relaina. Alam mo kung paano ako magdesisyon, lalo pa’t project na ninyo ang dance practicum na ito.”
Good going, Ma’am! Haha! Opportunity ko na ito.
“Pero Ma’am—”
“Ang grade ninyo ni Brent ang nakasalalay sa practicum na ito, Relaina. It’s up to the two of you kung paano kayo magpe-perform na hindi kayo nagbabangayan,” pinal na wika ng ginang.
Relaina groaned in frustration. Saka naman ako tiningnan nito nang masama. “Kasalanan mo ito,” paninisi nito sa akin.
Nagkibit-balikat lang ako. Pero sa totoo lang, at hindi ko na aaminin sa ngayon na nagdiriwang ang kalooban ko sa desisyon ni Mrs. Castro. Kahit nagkakainisan kami ni Relaina, I would make sure that I'd help her maintain her high grade. Alam ko namang mahalaga iyon dito kahit sabihin pang PE lang ang subject na iyon. Pagbubutihan ko talaga ang pagiging dance partner nito. For a while, I'd be willing to set aside our petty fights.
Pero pagiging dance partner nga lang ba ang pagbubutihan ko para kay Relaina? Hindi ba’t may iba pa akong dahilan kung bakit ganoon ang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon?

No comments:

Post a Comment