GAYA pa rin ng dati, kumunot ang noo ni Lianne pagpasok niya sa White Rose Gates nang araw na iyon. Mahigit isang linggo rin siyang hindi nagtutungo roon dahil may pinuntahan siyang business conference sa Taipei at nagtagal iyon ng limang araw. Hindi na rin natuloy ang plano niyang um-absent ng isang araw dahil doon. Nang makabalik naman siya ng bansa, sumalubong sa kanya ang naipong mga paperworks dahil sa pagkawala niya roon. Kaya kahit gusto niyang magpunta sa restaurant at tumambay roon kasama si Riel ay hindi niya magawa.
Pero hind si Aeros ang dahilan ng pagkunot ng noo niya nang makarating siya roon. Though she had to admit, ito ang unang hinagilap ng mga mata niya sa pagpasok niya. Kumunot ang noo niya dahil sumalubong sa pandinig niya ang isang sad love song. Ano naman ang pumasok sa isipan ng kuya niya at ganoong mga kanta ang naisipang patugtugin sa radyo?
"Mukhang malala na yata ang saltik sa utak ng kapatid kong ito. Kailan pa naging sentimental iyon?" mahinang tanong niya sa sarili at umiiling pa na dumiretso sa mini-bar na naroroon kung saan niya naabutan si Riel. Abala ito sa pagpupunas ng mga wine glass doon. "Seryosong usapan, Kuya. Kailan ka pa naging sentimental? You don't usually play this kind of songs here."
"Just trying to relish the feeling of being heartbroken."
Lumalim ang pagkunot ng noo niya. May nangyari ba na hindi niya nalalaman? Her brother looked completely serious when he said that. "Okay. What the heck happened to you while I was away?"
Inilagay ni Riel ang wine glass na pinupunasan nito sa wine glass rack at saka ipinatong ang mga kamay sa counter bago siya tingnan. Sa palagay niya ay bagong hugas lang ang mga wine glass na pinagkakaabalahang punasan ng kapatid niya. Ilang sandali rin niyang hinintay na magsalita ang lalaking ito at sabihin sa kanya ang kung ano mang problema nito.
"Wala na ba akong appeal sa mga babae?"
"Ha?!" halos pasigaw na bulalas niya. Wala na siyang pakialam kung pinagtitinginan siya ng mga customer dahil sa ginawa niyang iyon. "Pambihira ka naman, Kuya. Akala ko naman kung ano na ang pinoproblema mo. Huwag mong sabihing pinairal mo na naman ang pagiging babaero mo habang wala ako rito? Makukutusan talaga kita." Mukhang tama nga siya. May saltik na sa utak ang kapatid niyang ito.
"Nabasted kasi kaya ganyan siya ngayon," ani isang tinig mula sa likuran niya.
Sa paglingon niya ay nagliwanag ang kanyang mukha nang makilala kung sino iyon. Napangiti rin si Riel sa nakitang bisita. "Mikoto! Long time no see. Kailan ka pa nakabalik mula sa pagiging ermitanyo mo for the second time?"
Natawa naman si Mikoto at ginulo ang buhok niya. Inis na hinawi niya ang kamay nito. "Kahapon lang. At handa na rin akong ituloy ang naka-pending mong training sa akin," nakangiting tugon nito at naupo sa stool na katabi niya.
Isang sikat na gitarista at professional photographer si Mikoto. Ito rin ang personal bodyguard ng kapatid niya may dalawang taon na ang nakakaraan. Ganoon pa rin naman ang trabaho nito kay Riel. Nagkataon lang na noong mga panahong wala ito sa poder nila ay may pinakiusapan itong ibang tao sa third branch ng Monceda clan na pansamantalang pumalit sa posisyong iniwan nito.
"'Sus! Training ko kaagad ang una mong naalala. Ma'nong ang trabaho mo muna kay Kuya ang una mong asikasuhin. At saka ano na 'yong sinabi mo? Nabasted si Kuya?"
"Huwag mo nang alamin at baka sa 'yo ko pa ibunton ang inis ko," may bahid ng iritasyong sabad ni Riel na ikinatawa na lang niya.
Mukhang kilala na niya kung sino ang tinutukoy ni Mikoto na nambasted kay Riel. Pero alam niyang hindi iyon ang totoong dahilan para marinig niya ang kantang "Where Did The Feeling Go?" ng Air Supply pagpasok pa lang niya sa restaurant.
"It was Aeros who said that he wanted to hear such sentimental songs," tugon ni Riel sa kabila ng pagmumuni-muni niya.
Hindi na nakakapagtaka kung tila ba nabasa nito ang iniisip ni Lianne. "You know what? I think you're spoiling your friend too much about his mulling over a heartbreak. 'Di ba dapat may ginagawa ka sa bagay na 'to?"
"Lianne, the two of you have different ways of trying to move on from a difficult heartbreak. Huwag kang umasa na katulad mo siya na nakayang tanggapin ang lahat. Iba ang dahilan kung bakit nasasaktan siya ngayon at ayaw niyang may tumutulong sa kanya para kalimutan ang lahat ng mga nangyari," sagot ni Riel na nagpatahimik sa kanya.
Ilang sandali na nanatili lang siyang nakatingin sa kapatid bago lumingon at pasimpleng tiningnan ang table for two malapit sa bintana sa dulong bahagi ng restaurant. Iyon ang madalas na puwesto ni Aeros sa tuwing maaabutan niya ito roon. To her surprise, nakita niyang nakaupo na ang lalaki roon at nakatingin sa labas ng bintana. She noticed that Aeros had longing look on his rugged features. Yet it made him more handsome in her eyes.
Urgh! Heto na naman tayo, eh. Bakit ba palagi na lang ang pagmumukha ng lalaking iyon ang napupuna niya? But the longing she saw on his face reminded her of herself when she was like that before. Doon niya na-realized na tama si Riel. Magkaiba nga sila ni Aeros.
If only she could do something to help this guy. Pero paano naman niya magagawa iyon kung ayaw naman nitong magpatulong gaya ng sabi ni Riel sa kanya?
= = = = = =
LAKING-PASALAMAT ni Lianne nang payagan siya ni Riel na mag-leave ng apat na araw sa trabaho para makapagpahinga pagkatapos ng conference. Itinaon rin niya na April 16 ang isa sa mga araw na iyon. Alam ni Riel kung ano ang meron sa April 16 kaya hindi na siguro ito nagkomento kung bakit naisipan niyang mag-file ng leave of absence. It was just for four days, anyway. Ipinangako niya sa kapatid na babalik din siya pagkatapos niyon.
That day was April 14. Two days before the important date in her life—the day that changed her life drastically. But the April 16 that Lianne was commemorating happened 5 years ago, just a few days after her graduation. Iyon din ang araw na tuluyan siyang iniwan ng fiance niya na sugatan ang kanyang puso. Pero hindi sa paraang kaya niyang pigilan. Biglaan ang pagdagsa ng lahat ng mga pangyayari. Pero sa paglipas ng panahon ay natutunan niyang tanggapin ang lahat. Things happened for a reason, as people would say.
Maaga siyang umalis sa apartment niya nang araw na iyon. Gusto niyang makarating kaagad sa kanyang destinasyon bago magtanghali upang makapamasyal pa kahit papaano. Tutal naman, matagal na siyang kinukulit ng kaibigan niyang nagtatrabaho roon na magbakasyon siya ulit sa bayan ng Casimera. Sa bayang din iyon siya iniwan ng fiance niya.
That was because her fiance was one of the victims of the horrific explosion that happened there on April 16 five years ago. Nagbabakasyon sila roon ng fiance niyang si Henry sa bayan ng Casimera na isa sa mga graduation gift sa kanila ng pamilya nito. Nang mga panahong iyon ay pumasyal sila sa Saint King Temple na isa sa mga tourist spot doon. Isa iyong Japanese pagoda na sinasabing maalamat at malaki ang kahulugan sa isang noble Japanese family na lihim na nag-migrate diumano roon noong unang panahon.
Hindi niya alam kung paano nangyari pero namalayan na lang niya ang sarili na tumilapon at bumagsak sa lupa nang magkaroon ng malakas na pagsabog sa mismong templo. Nang buksan niya ang kanyang mga mata ay nagulat siya nang makita ang katawan ni Henry sa ibabaw niya—duguan at wala nang buhay. Walang tigil ang pagtulo ng kanyang mga luha habang isinisigaw ang pangalan nito nang mga panahong iyon. She was hoping that it was just a nightmare and that someone would wake her up from it. In the end, it didn't happen. Everything was true and the pain was unbearably real.
On the first year of Henry's death anniversary, hindi siya bumalik sa Casimera kahit na kinukulit na siya ng kaibigan at dating high school classmate na si Renz Clinton Rialez. Pero nagawa siyang kumbinsihin nito na bumalik doon para tulungan ang sarili niya na tanggapin ang lahat. Sinabi rin sa kanya ng kapatid na napagbayaran na ng mga salarin ang pagsabog na iyon. Noong una ay hindi niya iyon pinaniwalaan. Hanggang si Natsume na mismo ang nagpakita ng mga patunay sa kanya na totoo ang sinasabi ni Riel.
With Renz's help, she was able to visit the place but not without sobbing hard while asking forgiveness for being unable to protect the one she cared about. Ipinangako rin niya sa sarili at maging sa mga magulang ni Henry na hindi man lang nagalit sa kanya na hindi niya hahayaang masira ang buhay niya sa kabila ng mga nangyari. Hindi na niya hahayaan pang may mawala na namang isang tao na mahalaga sa kanya.
Nagawa niyang maka-move on sa sakit ng pagkawala ni Henry sa buhay niya dahil sa pangakong iyon sa kanyang sarili. Isa pa, alam niyang hindi gugustuhin ni Henry na patuloy siyang nalulungkot sa pagkawala nito.
'Di nagtagal ay narating na ni Lianne ang hotel na sinasabi ni Renz sa kanya na puwede niyang tuluyan sa buong durasyon ng bakasyon niya.
"And just like its name, this hotel is indeed a castle," may pagkamanghang aniya sa sarili nang mapagmasdan ang Casimeran Castle Hotel. Ipinatayo iyon malapit sa lokasyon ng pinasabog na Saint King Temple na ngayon ay napapalibutan na lang ng maraming bulaklak ang paligid ng dating templo.
Ang kuwento ni Renz sa kanya, hindi na pinatayuan ng kahit ano ang lugar na iyon matapos ang pagsabog. Bagkus ay binasbasan na lamang iyon at inalayan ng dasal para sa ikatatahimik ng mga kaluluwa ng namatay roon. Hinayaan na ring manatili roon ang ilang nakatayo pang bahagi ng templo, pati na ang mga nakapalibot na mga estatwa na natumba at nasira ang ilang bahagi. Parte pa rin naman kasi iyon ng kasaysayan ng bayan ng Casimera. It was believed that the clan who built the Saint King Temple were also the ones who founded the town and guided its people to flourish and become what it was now.
"Ang gaganda na ng mga bulaklak na iyan, 'no?"
Napangiti siya nang maluwang nang malingunan si Renz na papalapit sa kanya. Sa palagay niya ay hindi pa rin kumukupas ang kaguwapuhang taglay nito. Pero mas mabuti pa na huwag na lang niyang isatinig iyon. Hindi pa niya gustong maitaboy ng hanging dala ng lalaking ito kapag ginustong magyabang—este, magmalaki.
"Pero sa pagkakaalam ko, damo pa lang ang nandito noong huling beses akong magpunta rito. At wala pa sa kalahati ang natatapos sa pagpapatayo ninyo sa hotel na 'yan," aniya habang nakatingin sa malakastilyong establisimyento.
"Tiyaga, sipag, team effort, at team work lang ang sagot sa bagay na iyan, Lianne. As for the flowers, well, it was Ephraim's idea." Ang Ephraim na tinutukoy ni Renz ay isa sa mga kaibigan nito na minsan nang nakilala ni Lianne. Sa pagkakaalam niya, isa rin si Ephraim sa sampung nagmamay-ari ng Casimeran Castle Hotel. "Halika na. Kanina pa kita hinihintay. Naka-ready na ang hotel suite mo kaya magpahinga ka na muna at saka tayo mamamasyal."
Wala na siyang nagawa kundi ang pumayag at sakyan ang siglang nakikita niya ngayon sa kaibigan niyang ito. Subalit sa pagpasok nilang dalawa ni Renz sa lobby ng hotel patungo sa reception area, natigilan siya nang tawagin nito ang isang pamilyar na pangalan.
"Aeros, pare! Nandito ka na pala. Kanina ka pa ba?"
"Kararating ko lang. Nahirapan pa akong hanapin 'tong lugar n'yo. Mabuti na lang at sikat 'tong hotel na ipinagmamalaki mo sa akin."
Halakhakan ang kasunod niyon. Pero si Lianne ay nanatiling tila tuod na pinagmamasdan iyon. Hindi siya makapaniwala, lalo na nang lumingon na si Aeros sa kinatatayuan niya. Doon niya nakumpirma na totoo ang lahat.
Naroon sa Casimera si Aeros. At nasa iisang hotel pa sila.
"Lianne?" hindi makapaniwalang usal nito.
Is this really happening?
= = = = = =
THE LAST thing Aeros was expecting to happen when he decided to take Riel's advice to go far away for a while was to see Riel's sister in the same place where he decided to go. Ano ba ang nangyayari at pati si Lianne ay nakasalubong pa niya sa lugar na iyon?
"Lianne?" tanging usal niya dahil na rin sa hindi pagkapaniwalang nararamdaman nang mga sandaling iyon.
Hindi naman siguro siya naisipang i-set up ni Riel sa kapatid nito, 'di ba? Nah, that would be impossible. Binalaan na siya noon ni Riel na huwag niyang papatulan o tatangkaing ligawan si Lianne. Kung dahil iyon sa pagiging overprotective nito bilang nakatatandang kapatid at tumatayong guardian ni Lianne o may iba pang dahilan kaya nito nasabi iyon, hindi siya sigurado.
Baka nagkataon lang, iyon na lang ang pilit niyang itinatanim sa kanyang isipan nang mga sandaling iyon.
"Magkakilala kayo?" takang tanong naman ni Renz na pumutol sa nakapalibot na katahimikan sa kanila.
"Only by name" agad na sagot ni Lianne. Blangko ang expression nito nang mga sandaling iyon kaya hindi niya matukoy kung ano ang iniisip nito. Hindi niya alam kung bakit nagbigay iyon ng bahagyang kirot sa kanyang puso. Isa pa, totoo naman ang sinabi nito.
"Common meeting place?" tanong ulit ni Renz.
"Sa restaurant ni Kuya. At ikaw, Renz, tigil-tigilan mo 'yang pasimpleng katatanong mo kung ayaw mong maupakan kita riyan, ha?" Iyon lang at dumiretso na si Lianne sa receptionist's desk nang lagpasan siya nito.
Hindi naman niya napigilang mapangiti nang bahagya nang sungitan ng babae si Renz at iiling-iling lang habang nagkakamot ng likod ng ulo nito. "Puntahan mo na 'yang kaibigan mo at asistahan mo bago pa tuluyang mabuwisit sa 'yo."
"Kung makapagtaboy ka naman sa akin, grabe." Pero sinunod pa rin nito ang sinabi niya.
Kinuha naman niya ang dalang travel bag sa tabi niya at hinila na iyon paalis doon. Gayunpaman, ilang sandali lang ay napatigil siya sa paglalakad at naisipang lingunin si Lianne. Her back was still facing him. But he could see that she was laughing at something that Renz said to her. Bagaman nakakapagtakang nakaramdam siya ng iritasyon dahil sa nakita, agad niyang pinalis iyon sa kanyang isipan.
Wala namang masama sa nakikita niya kaya wala siyang dapat ikairita. Pagod lang siguro siya, at hindi lang dahil sa biyahe. Pagod na ang puso niya na umasa. Mahigit isang buwan na rin ang nakalilipas mula nang iwan siya ng nobya sa White Rose Gates.
Iyon na lang ang dapat niyang pagtuunan ng pansin—ang pilitin ang kanyang sarili na tanggapin ang lahat ng mga nangyari. Baka sakaling sa ganoong paraan, tuluyan na ring mapawi ang sakit at patuloy na pag-aasam na meron siya sa kanyang puso. Mas maganda siguro na sa ibang bagay na lang niya ibaling ang pag-aasam na nararamdaman niya.
No comments:
Post a Comment