Hindi na napigilan ni Erin ang mapaiyak sa mga naririnig niya mula kay Akio. Ilang sandali pa ay nanghihinang ipinatong na lang niya ang ulo sa dibdib nito. Doon niya ipinagpatuloy ang pag-iyak. Iyon lang ang gusto niyang gawin upang ilabas ang anumang galit na hindi niya nagawang iparating noon kay Akio, lalo na nang iwan siya nito sa tore para huwag lang madamay sa gulong kinasangkutan nito.
She wanted to yell at him for being an idiot, but immediately dismissed that thought. Pushing her away might be idiotic for her to think about. But for Akio, it was the only way to protect her. Hanggang sa huli, ang kaligtasan pa rin niya ang inalala nito. Kung ginawa nito iyon dahil sa pagmamahal nito sa kanya o dahil sa tungkulin nito, hindi na niya gustong alamin pa.
Tama nga si Karel sa mga naisip nitong posibleng dahilan kung bakit tinalikuran siya ni Akio noon. Pero sino ba naman ang mag-aakala na magkasama ang trabaho at pamilya sa dahilan nito?
"I said to myself that I'd rather die alone in that mission than include you and my comrades in that battle. Pero binago nina Lady Kourin, Lady Akari at Lady Konami ang pananaw kong iyon. Hindi ko puwedeng solohin ang lahat. Ayoko sanang sabihin ang lahat ng ito sa iyo pero ayoko rin namang hayaan kang patuloy na nagtatanong tungkol sa dahilan ko para itulak ka palayo sa buhay ko nang mga panahong iyon," pagpapatuloy ni Akio at niyakap na siya ng mahigpit pagkatapos. "Kahit tapos na ang laban namin, patuloy pa rin ako at ang mga kasamahan ko sa pagsisilbi sa kanila. Pamilya ko pa rin sila sa kabila ng lahat ng mga nangyari na muntik na naming ikamatay. Ngayong nabigyan kami ng pagkakataong maisaayos ang mga pagkakamali namin noon, sinamantala ko na iyon upang makahingi ng tawad sa 'yo. At sana, magawa mo pa rin akong bigyan ng isa pang pagkakataon na maitama ang lahat."
Walang naging imik si Erin. Tinugunan na lang niya ang mahigpit na yakap sa kanya ng binata. Hindi niya maisatinig ang mga gusto niyang sabihin kay Akio dahil sa sari-saring emosyon sa dibdib niya nang mga sandaling iyon. Pero sa pagyakap niyang iyon, gusto niyang iparating dito ang isang bagay.
Hahayaan niya itong muling patunayan sa kanya ang totoong intensyon nito sa kanya. Hindi na siya mag-aalinlangang ibigay rito ang isa pang pagkakataong hinihingi nito sa kanya.
Sana lang ay magawa nitong malaman iyon.
Isinubsob ni Akio ang mukha nito sa leeg niya at masuyong hinalikan iyon. Napangiti na lang siya dahil doon.
xxxxxx
AKIO took the risk in telling Erin everything about the truth with regards to his life. Pero hindi niya nasabi rito ang isa pang pinakamahalagang detalye. Hindi niya ito gustong matakot dahil doon. Mas mabuti nang siya ang makaramdam ng takot kaysa si Erin.
Mag-aala-una na ng madaling araw pero hindi pa rin niya makuhang makatulog. Ilang beses na rin siyang napapabuntong-hininga sa tuwing dumarating siya sa isang realisasyon patungkol sa ginawa niyang pagtatapat ng isang bahagi ng kanyang pagkatao. Sa kabila niyon ay nanatili lang siyang nakatingin sa madilim na kisame. Gawain niya iyon kapag hindi siya makapagdesisyon nang maayos.
Pero hindi niya puwedeng pairalin ang pagiging indecisive ngayon. Kailangan na niyang magdesisyon kung ayaw niyang makaapekto ang mga isipin niya sa pagtapos sa problemang kinakaharap na naman ng Iris Blades. Iyon ang isang dahilan kung bakit kahit ayaw niya, nagawa pa rin niyang ipagtapat kay Erin ang totoong trabaho niya sa grupo. At least, kung sakaling mangyari ang kinatatakutan niya para sa sarili, hindi na ito maiiwan sa dilim.
Napatingin si Akio sa bedside table kung saan naroon ang cellphone niya. Muli ay naalala niya ang text message sa kanya nina Lady Konami at Shun. Sinabi ng mga ito sa kanya ang isang masamang balita. Alam na ng kalaban nila kung nasaan siya. At malaki ang posibilidad na idamay nito si Erin. Iyon ang hindi niya hahayaang mangyari. Gagawin niya ang lahat para protektahan ang dalaga.
Isa pang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago bumalikwas ng bangon at umalis sa kama. Tiyak ang direksyong tinutungo niya sa kabila ng kadilimang bumabalot sa paligid. Hindi naman mahirap para sa kanya na kabisaduhin ang pasikut-sikot ng bahay ni Erin. Napangiti siya nang maalala ang minsang sinabi sa kanya ng dalaga. Parang siya pa raw ang totoong nagmamay-ari ng bahay na iyon kung makakilos siya.
Ang hindi nito alam, minsan na niyang pinangarap na tumira sa bahay ni Erin kasama nito at ng kanilang magiging pamilya. Sigurado na siya noon na ito na ang babaeng gusto niyang makasama sa habang panahon. Iyon ang dahilan kung bakit ipinadala niya ang text message na iyon kay Erin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya binubura sa Sent Items ang text message niyang iyon.
Maalala pa kaya ni Erin ang tungkol doon kapag ipinaalala niya iyon dito?
Narating na niya ang silid ni Erin pero nakatayo lang siya sa labas ng pinto niyon. Gusto niyang makita at makausap ang dalaga habang magkatabi sila sa kama nito. Pero madaling-araw na at ayaw niyang maistorbo ang tulog nito. Kung ganoon nga ang sitwasyon, baka ang pagmasid na lang sa dalaga habang natutulog ito ang magagawa niya.
'Just a glimpse... before I come up with a decision,' saisip ni Akio bago huminga nang malalim at pinihit ang seradura ng pinto. Pero hindi pa man niya tuluyang nabubuksan ang pinto, napatigil siya nang makita ang malamlam na liwanag mula sa loob.
Hindi pa ba ito natutulog? Sa pagkakaalam niya, hindi sanay si Erin na natutulog sa gabi na nakabukas ang ilaw o ang lampshade. Hindi na siya nag-alinlangan pa at tuluyan na siyang pumasok sa silid ng dalaga.
Agad na napatingin sa kanya si Erin na nakaupo sa tabi ng binata at nakatingin sa madilim na langit. Bakas ang pagkagulat sa mga mata nito nang makita siya.
"Bakit gising ka pa?"
xxxxxx
WALANG mahagilap si Erin sa kanyang isipan na dapat isasagot sa tanong na iyon ni Akio sa kanya. Bukod sa nagulat siya sa bigla nitong pagpasok sa kuwarto niya, medyo distracting din para sa kanya ang suot nitong puting sando at boxer shorts lang. Kitang-kita tuloy niya ang katawan nito. Hindi naman kasi ito nagpapakita sa kanya kahit noon na ganoon lang ang suot nito.
Kaya kahit ayaw niya, bigla siyang nag-init sa pagsulpot ng kung anu-ano sa kanyang isipan. Napailing na lang siya at nag-iwas ng tingin bago pa siya tuluyang mabuko ni Akio. Mahirap na. Ayaw pa niyang makarinig ng panunudyo mula rito.
"Bakit hindi ka pa natutulog? Mag-aalas-dos na ng madaling-araw, o. May problema ba?"
Umiling siya at ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Wala naman siyang problema. Gusto lang niyang mag-isip. Isa pa, ayaw rin siyang patulugin ng isipan niya. Laging ibinabalik sa kanyang isipan ang naging pag-uusap nila sa tore. May palagay siya na kulang pa ang ipinagtapat nito sa kanya.
Hindi man niya matukoy kung ano 'yon, nararamdaman naman niya na malaki ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala nito iyon sa kanya. At maliit na porsiyento lang ang request niya sa dahilang nagbunsod dito na gawin iyon.
Naramdaman na lang niyang may humawak sa magkabila niyang pisngi at ipinihit paharap. Nanlaki ang mga mata niya nang makita sa harap niya si Akio at matamang nakatingin sa kanya nang mga sandaling iyon.
"What's bothering you, Erin? Bakit hindi mo sabihin sa akin? Hindi ka tatambay nang ganito sa tabi ng bintana at titingin sa labas nang ganitong oras kung walang gumugulo sa 'yo. Sige na, sabihin mo na sa akin. Makakatulong iyon," pag-uudyok ni Akio na hindi inaalis ang tingin sa kanya.
Ilang sandali rin siyang hindi nakaimik sa mga sinabi nito. Ramdam niya ang sinseridad sa bawat salitang binitiwan nito kahit may kakulitan na ang dating niyon sa kanya. Napangiti na lang siya sa naisip. Tila natigilan naman ito dahil doon.
"Huwag mo na akong alalahanin. Lilipas din ito. Pero puwedeng mag-request ulit?" Pinilit niyang lakipan ng pagsuyo at lambing ang tinig niya upang hindi na nito ipilit pa ang pagtatanong tungkol sa bumabagabag sa kanya.
Kapagkuwan ay si Akio naman ang napangiti. "Kahit ilang request pa 'yan, sabihin mo lang sa akin. Basta kaya kong gawin, okay?"
Tumango siya. "I know. At saka itong request ko, madali lang naman ito. Tabi tayong matulog."
"Ha?"
Natawa si Erin sa reaksyon nito. Parang hindi pa nito inaasahan na iyon ang magiging request niya. "Uy, grabe ka naman. Samahan mo lang akong matulog. 'Yong... gaya ng dati. Baka sakali kasi na makatulog na ako kapag may katabi akong matulog sa kama. Kung... okay lang naman sa 'yo."
Nanatiling nakatingin lang sa kanya si Akio na parang hindi makapaniwala sa mga pinagsasasabi niya. Pero hindi niya inaalis ang tingin dito na hindi nawawala ang kaseryosohan sa mukha niya. Sana lang, agad nitong malaman iyon, lalo na ngayong sigurado na siya sa isang bagay.
"You have no idea how many times I wished for that to happen between us since I came back here," usal ni Akio bago tumango. "Sige. Sasamahan kitang matulog. Basta siguraduhin mo lang na matutulog ka na, ha?"
Hindi niya napigilan ang pagngiti nang maluwang bago tumango at dinamba ito ng yakap. Wala nang nakakapagtaka kung bakit nararamdaman pa rin niya na natitigilan ito sa tuwing yayakapin niya ito. Mukhang hindi pa rin nito inaasahan ang mga pinaggagagawa niya. But she was doing these things now out of her own discretion. No one forced her to.
Siguro, gusto niyang isisi iyon sa ginawa nitong paghalik sa kanya noon habang nagliligpit ng pinagkainan nila. Parang pinalambot niyon ang puso niyang noon ay pilit nagmamatigas na huwag itong patawarin. Inamin na nga niya sa sarili na mahal pa rin niya ito, 'di ba?
Ilang sandali pa ay umalis na sila sa kinapupuwestuhan sa harap ng binata at nauna nang humiga si Erin. Sumunod naman si Akio at agad siyang hinila upang ipatong ang ulo niya sa dibdib nito. Humigpit naman ang naging pagkakayakap nito sa kanya. Napapikit siya nang maramdaman ang paghalik nito sa kanyang noo at buhok.
"Mukhang hindi ka nagpalit ng ginagamit na shampoo, ah," puna ni Akio na bahagya niyang ikinatawa.
Sa lahat talaga ng mapupuna ng lalaking ito, ang gamit pa niyang shampoo ang babanggitin nito. Pero natutuwa siya dahil naaalala pa nito ang tungkol doon. All this time, hindi talaga kinalimutan ni Akio ang ilang detalye tungkol sa kanya.
This was the first after a long time that she felt so safe and secure in someone's arms. At walang dudang kay Akio lang niya naramdaman iyon.
"Sleep. Ayokong mapuyat ka pa nang husto," banayad na utos nito at saka pumikit.
Pero nanatili lang siyang nakatingin dito at matamang pinagmamasdan ang mukha nito nang mahabang sandali. Nang hindi na niya napigilan ang sarili, marahan na pinaraanan niya ng daliri ang ilong nito hanggang sa makarating sa mga labi nito na tanging humalik sa kanya. Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya nang itigil na niya iyon.
"I love you, Akio," usal niya bago pinagbigyan ang sarili na matulog na, sa wakas.
= = = = = =
KAHIT ayaw ni Akio, pinilit niya ang sarili na iwan si Erin at umalis sa bahay nito. Alas-kuwatro pa lang ng madaling-araw at sa totoo lang ay wala pang isang oras ang itinulog niya. Pero hindi na niya alintana iyon. Sanay na siya na kakaunti lang ang oras ng itinutulog. Hindi na bago sa kanya iyon, lalo na sa klase ng trabaho niya bilang miyembro ng Iris Blades.
Pinilit niyang huwag lumingon sa pinagmulang direksyon dahil alam niyang titibagin niyon ang paninindigan niyang tapusin ang gulong kinakasangkutan nila ng mga kasamahan niya sa Iris Blades at pati na rin si Lady Konami. Naiisip din niya na kung seryoso ang taong iyon na idamay si Erin sa gulo nila, mas mabuti na ngang harapin na niya ito upang masigurong mapoprotektahan niya ang babaeng minamahal.
Hindi niya napigilang mapangiti nang maalala ang narinig na sinabi ni Erin bago ito sumiksik sa kanya at natulog sa mga bisig niya. Hindi siya makapaniwala na muli niyang maririnig ang mga katagang iyon dito. She said "I love you" to him. Ang hindi nito alam, naging mitsa ang mga salitang iyon para tuluyan na siyang makabuo ng isang solidong desisyon tungkol sa misyon nila. Hindi na niya hahayaang ang taong muntik nang pumatay sa kanya apat na taon na ang nakakaraan at ang isa sa dahilan kung bakit napilitan siyang makipaghiwalay kay Erin noon ang tatapos sa buhay at pangarap ng dalaga.
Wala siyang pakialam kahit buhay pa niya ang itaya niya sa gagawin. Basta masiguro lang niya na ligtas si Erin.
With that resolve in mind, Akio proceeded to head to the place where he could feel that a dangerous battle would take place. Laking-pasalamat na lang niya at malayo iyon sa bahay ni Erin. Pero hindi pa rin malabong idamay ng kalaban ang dalaga. Dahil kung tama ang pagkakaintindi niya sa babala ni Lady Konami, alam na rin ng taong iyon kung saan siya naglalagi at kung sino ang mga taong nakakasalamuha niya.
Nakarating na si Akio sa kagubatan malapit sa Eirene Tower. Agad na naningkit ang kanyang mga mata nang makita ang nag-iisang nilalang na nakatayo sa tuktok ng isang malaking bato. Pero kahit hindi niya nakikita, hindi siya tanga para hindi maramdaman na may mga kasamahan pa ito na nagtatago lang sa paligid.
Napaismid na lang siya. Kahit kailan talaga, hindi marunong lumaban nang mag-isa ang demonyong ito. At hindi rin marunong lumaban nang patas. Pero ano ba ang inaasahan niya sa dating miyembro ng Death Clover? Kahit matagal nang tapos ang laban ng Iris Blades sa mga ito, hindi nangangahulugan na tuluyan na nilang nalipol isa-isa ang labing-siyam na miyembro niyon. Patunay lang ang lalaking tinitingnan niya nang mga sandaling iyon na hindi nila napatay ang bawat isa sa mga miyembro ng grupong kalaban nila.
"Akala ko pa naman, tuluyan ka nang nasunog sa pinasabog mong kotse, Souren. Tama nga siguro sila. Ang masamang damo, mahirap patayin," nang-uuyam na umpisa niya nang tumigil na siya sa paglalakad at hinarap ito.
"Ganoon ka rin naman, 'di ba? Isa ka ring masamang damo. Hindi pa nga kita magawang tapusin noon, eh. Akalain mo nga naman. Sinanay ka talaga nang husto ni Shun. Kaya nga lalong nag-iinit ang dugo ko na tapusin ka na nang tuluyan." Kapagkuwan ay inilabas nito ang isang katana.
"So you're still into traditional weapons, huh? That's good. Mukhang hindi naman ako masyadong pahihirapan ng laban natin," malamig na saad ni Akio at saka inilabas na rin ang sariling sandata-dalawang kodachi mula sa magkabilang gilid ng mga paa niya.
Mukhang magagamit na naman niya ang mga natutunan kay Hayato Akashi, ang 29th head master ng Seven Lightning Dragon Blade Techniques. Kaibigan ito ng mga magulang ni Lady Kourin at ito rin ang nagligtas sa kapatid ng babae mula sa bingit ng kamatayan noon. Out of the seven blade techniques unique to the Yasunaga clan, what Akio learned was the Lightning Dragon Twin Slashing Kodachi Style. Hence, his choice of weapon at the moment to deal with Souren.
Both fighters poised to a fighting stance. Pero doon pa lang, hindi na maganda ang pakiramdam ni Akio sa mga pangyayari. Hindi niya ipinahalata pero nakaramdam siya ng mga sandaling iyon ng 'di maipaliwanag na kaba. It was a foreboding one. Hiling lang niya na sana ay hindi patungkol ang kabang nararamdaman niya kay Erin.
Kanina pa niya nararamdaman iyon, sa totoo lang. Pero pinilit niya ang sarili na huwag magpaapekto roon. Kung para sa kanya o kay Erin ang kabang iyon, mas dapat siyang mag-concentrate sa labang kakaharapin. He had to face the demon from his past if he wanted to achieve the peace that he desired now that Erin accepted him again. Iyon ay kahit hindi siya sigurado kung uuwi pa nga ba siya nang buhay sa mga kasamahan at pati na rin sa babaeng tanging minahal niya sa buong buhay niya.
No comments:
Post a Comment