IPINIKIT ni Guia ang kanyang mga mata nang maramdaman niya ang pagluluha niyon. Mukhang napagod na nang husto iyon dahil ilang oras na rin kasi siyang nagbabasa. Naroon siya sa ilalim ng malaking puno ng acacia sa open field sa campus ground dahil doon niya naisipang tumambay pagkatapos ng klase. Wala silang professor para sa huling klase niya kaya naman maaga silang pinauwi. Wala rin itong iniwan na activity sa kanila kaya naman ang mga kaklase niya, hayun at masaya.
Pero siya, wala lang. Nanatili lang neutral sa lahat. Ang mahalaga lang naman sa kanya sa mga sandaling iyon ay maayos na niya ang magiging performance para sa musical play. Hindi niya alam kung bakit mas matindi yata ang dedication niya para lang sa performance na iyon. Hindi niya puwedeng irason na ginagawa niya iyon para kay Aria. May mas malaking rason para roon. Kaya lang, hindi naman niya matukoy kung ano.
Para bang... ginagawa niya iyon para makuha ang atensyon ng isang tao. Pero sino?
Hanggang dumating siya sa puntong hindi na niya magawang i-focus ang utak sa musical piece. Kaya ang naging diversion niya sa paparating na frustration, ang magbasa ng nobela. Mabuti na lang pala at dala niya ang ilan sa mga nobelang hindi pa niya natatapos basahin. Iyon na muna ang pinagtuunan niya ng pansin. Pero ninais naman niyang maghanap ng ibang lugar para gawin ang pagbabasa. Agad namang nagsialisan ang mga estudyante sa hallway dahil nagmamadali ang mga ito na umuwi upang makapaglakwatsa sa kung saan. Hindi naman siya nahirapang maghanap ng lugar na puwede niyang pagtambayan upang makapagbasa siya ng tahimik—na walang iba kundi ang malaking puno ng acacia.
Nagdesisyon si Guia na magtungo muna sa clubhouse dahil may kailangan siyang kunin sa locker room niya room. Nasa kalagitnaan na siya ng open field nang may naramdaman siyang pumatak sa pisngi niya. Napatingala siya sa langit. Kapagkuwan ay sunud-sunod na mga patak na ang bumagsak sa paligid.
“Naman! Ngayon mo pa naisipang bumuhos!” angal niya habang nakatingala sa langit.
Akmang tatakbo na siya paalis sa lugar na iyon nang biglang may nagpatong ng kung ano sa ulo niya at hinawakan ang magkabilang balikat niya. Hindi siya nakapag-react kaagad lalo na nang hilain siya ng kung sinong iyon paalis sa open field dahil lalong lumakas ang buhos ng ulan. Marahas na binalingan niya ang sinumang gumawa niyon. Pero imbes na angilan niya ang taong iyon, napasinghap na lang siya nang mapagsino iyon.
It was Lexus! He was actually helping her escape the rain.
Nakasilong man sina Guia at Lexus kaagad nang marating nila ang building ng College of Engineering and Architecture na nagkataong malapit na sa clubhouse ng Imperial Flowers, nabasa pa rin silang dalawa. Noon niya lang napansin na ang varsity jacket pala nito sa Tennis Team ang ipinatong nito sa ulo niya. Hindi niya tuloy alam ang iisipin.
“Kung kailan ka naman tumambay sa labas ng classroom n’yo kahit tapos na ang klase, saka ka pa inabutan ng ulan,” ani Lexus habang pinupunasan ng kamay nito ang sarili.
Pero si Guia, hayun at nakatingin lang sa binata. Hindi naman kasi niya alam kung ano ba ang dapat gawin—lalo na ang sabihin—dahil sa ginawa nitong iyon. Pero hindi niya nakalimutan ang isang bagay. “Thank you. 'Ayan tuloy, nabasa ka pa ng dahil sa akin.”
“Para namang hahayaan lang kitang mabasa ng ulan. Gentleman naman ako kahit papaano, 'no?”
Hindi na niya napigilang matawa sa tinurang iyon ni Lexus. “Bakit? May sinabi ba akong hindi ka gentleman, ha?”
“Naniniguro lang. Baka mamaya, iba na ang isipin mo riyan.” Tumingin ito sa langit kapagkuwan at saka bumuntong-hininga. “Wrong timing din kung bumuhos ang ulan na 'to. Kung kailan naman hindi ko naisipang magdala ng payong. Eh 'di dapat sana, magkasalo na tayo sa ilalim ng iisang payong at inihahatid na kita pauwi sa inyo.”
Lalo siyang napipilan sa sinabing iyon ng binata. Gulat tuloy siyang napatingin dito at idagdag pa ang 'di mapigilang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. “K-kung anu-ano na naman ang lumalabas sa bibig mo. Alam mo, nakakatakot kang kasama kapag ginagawa mo 'yan.”
Nagkibit-balikat lang si Lexus at pinanood ang pagbagsak ng ulan. Kalauan ay ganoon na rin ang ginawa niya. Dark clouds loomed over but she actually found the sight quite comforting. Hanggang sa isang katanungan ang sumulpot sa kanyang isipan.
“What do you think of the rain as it falls down? I mean, what comes into your mind whenever you watch it fall down?”
Walang nagsalita sa kanila matapos niyon. Hindi na rin matagalan ni Guia ang katahimikan at bahagyang tensyon na nakapaligid sa kanila. Babawiin na sana niya ang mga nasabi nang—
"It's how I describe love… I guess," Lexus said as he faced her with a small smile.
Lihim na ikinagulat iyon ni Guia kaya naman napatingin siya rito. Para lang makita na ilang pulgada na lang pala ang lapit ng mga mukha nila sa isa't-isa. They were just standing next to each other, that's why. Sabay pa silang nag-iwas ng tingin nang ma-realize iyon. Pero 'si nagtagal, natawa na lang sila sa ginawa.
“Grabe. Kung anu-ano na nga ang nasabi ko. Ang sarap ding umbagin nitong ulan na 'to, eh,” kapagkuwan ay sabi ni Lexus na hindi napapawi ang ngiti sa labi nito.
Hindi man gusto ni Guia, pero hindi talaga niya maialis ang tingin sa nakikitang ngiti sa mukha ni Lexus. Oo, maliit lang iyon at bihira talaga niyang makita mula rito. Pero sa hindi maipaliwanag na rason, pakiramdam niya ay napakalaking bagay na n’on. Higit pa sa sapat para makaramdam siya ng tuwa.
“Kailan pa nangyaring nauumbag ng isang tao ang ulan?”
“Nakakainis, eh! Bumubuhos na nga lang, grabe naman kung manggugulo ng takbo ng utak ng isang tao.” Umiling-iling pa si Lexus bago huminga nang malalim.
Natawa na lang si Guia at tiningala ang langit. Malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan. Subalit hindi kagaya ng dati, hindi siya makaramdam ng pagkainip habang hinihintay ang pagtila niyon. “Bakit mo nga pala nasabi na dini-describe ng ulan ang love para sa 'yo?”
“Rain made me think of how I love someone. Rain is something that comes unexpectedly even though we could predict it coming. Just like love, it comes to us unexpectedly. It's something we couldn't easily avoid—it will get you whatever circumstances you have.”
Hindi makapaniwalang tiningnan ni Guia si Lexus. “Okay ka ring sumagot, ah. English na naman? Pang-pageant lang?”
“Praktisadong sagot na 'yon. At huwag mo nang kontrahin. Minsan lang akong magsalita ng tungkol dito. Kaya huwag na huwag mong ipagkakalat iyan sa iba.”
Praktisadong sagot… Ibig sabihin, matagal nang ganito ang perception ni Lexus pagdating sa ulan. Nagawa na nitong ihambing iyon sa pag-ibig na hindi naman niya inaasahang marinig mula rito.
Pero naisip niya na kung nagawang isipin ni Lexus ang ganoong klaseng bagay, ibig sabihin ba ay nakaranas na ito kung paano ang magmahal? Posible naman iyon kung ikukunsidera niya ang pagiging sikat nito sa mga babae sa university pa lang. At kahit mali—not to mention weird—para maramdaman iyon, sapat na ang kaisipang iyon para tusukin ang puso niya nang paulit-ulit.
xxxxxx
“SA LAHAT naman ng mga araw na tatrangkasuhin ang ugok na iyon, bakit ngayong linggo pa?”
Kagyat na napaangat ng tingin si Guia mula sa binabasang nobela nang marinig iyon mula kay Mirui na kararating lang sa clubhouse ng Imperial Flowers. Siya pa lang ang naroon dahil maaga siyang umalis sa bahay. Agad na natuon ang pansin niya sa inirereklamo ni Mirui pagdating pa lang nito sa clubhouse.
“Sino naman ang nagkatrangkaso?” usisa ni Guia at tuluyan nang itinabi ang librong binabasa sa mesang nasa harap niya.
“Si Lexus. Kung hindi ba naman kasi sira-ulo’t kalahati ang lokong 'yon. Kalimutan ba naman kasing magdala ng payong kahapon. Alam na ngang mahina ang resistensiya niya kapag nauulanan kahit saglit lang, eh. Kahit kailan talaga, ang tigas ng ulo n’on.” At marahas na bumuntong-hininga ang dalaga.
Habang si Guia naman ay nakaramdam ng magkahalong pag-aalala at guilt dahil sa nalaman. Wala namang masama roon, 'di ba? Isa pa, kasalanan niya kung bakit ito nagkasakit. He helped her escape the rain that day, after all. Ipinagamit pa nito sa kanya ang jacket nito para lang hindi siya gaanong mabasa ng ulan. Kung alam lang niya na ganoon pala kahina ang resistensiya nito kapag nauulanan, hindi na sana siya pumayag na gawin nito iyon sa kanya.
“Itinaon pa talaga ang pagkakasakit niya ngayong may open tournament ang Falcon Knights sa Biyernes. Oh, well. Bahala na sina Kuya Kane at Kuya Errol na mamroblema sa team. Mukhang kakailanganin rin naman ng mokong na 'yon ang matagal-tagal na pahinga,” dagdag pa ni Mirui na nagkibit-balikat kapagkuwan.
“Kasalanan ko iyon, Mirui. I’m sorry…” naisatinig niya at saka hinarap ang kaibigan. “Tinulungan kasi ako ni Lexus na makatakas sa ulan kahapon. Hindi naman niya kailangang gawin iyon, eh. Pero siguro nga, ganoon na katigas ang ulo niya. 'Ayan tuloy, nagkasakit pa siya ngayon.”
Walang naging tugon si Mirui pagkatapos niyang sabihin iyon. Hindi tuloy niya maiwasang makaramdam ng tensyon sa pagitan nila.
“Kung para siguro sa 'yo, maiintindihan ko kung bakit niya ginawa iyon. At saka, alam kong alam naman niya ang consequences ng ginawa niyang iyon. Kahit alam niyang lalagnatin talaga siya, tinulungan ka pa rin niya.” Kapagkuwan ay natawa si Mirui at umiling-iling pa na ipinagtaka naman niya.
“Ano naman ang itinatawa-tawa mo riyan, ha?” Baliw lang ba ang babaeng 'to ngayon?
“Ang dami na ng da moves ni Lexus sa 'yo these past few days, ah. Ang laki ng nakikita kong pagbabago sa kanya matapos ka niyang paiyakin nang araw na iyon dito sa clubhouse. At least iyon ang observation ko. Correct me if I’m wrong, though.”
“Well, you’re wrong. Bakit naman gagawin iyon ni Lexus? Not like he cares about it.” Right? Curiosity lang marahil ang nagbunsod sa binata para lapitan siya. Nothing else.
Narinig ni Guia na pumalatak si Mirui at iiling-iling na humalukipkip pa sa kabila ng nararamdamang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. “Alam mo, Ate Guia, matagal ko nang kasama si Lexus kaya alam ko ang likaw ng bituka niya. lalo na sa pagtratong ginagawa niya sa isang tao. One thing I can tell you about his actions, he cares for you. At least in his own Lexus way, of course.”
Well, that’s a mind-blowing statement… At literal ang pagkakahulugan doon ni Guia. Dahil sa mga sandaling iyon, kalat-kalat na ang takbo ng utak niya. Lexus cared for her? That would be impossible.
ーーーーーー
“ANO? Magpapaulan ka pa ulit? Alam na nga kasing magkakasakit ka kinabukasan, sumige ka pa rin sa katigasan ng ulo mo. Kung hindi ka ba naman isang dakilang baliw.”
Kung nagkataong hindi masama ang pakiramdam ni Lexus, nakatikim na talaga ng isang matigas na sapak si Mirui sa kanya. Nakakarami na ito ng pagsasabi ng baliw at sira-ulo sa kanya, eh. Alas-singko na ng hapon at naroon ang dalaga sa kuwarto niya. Nakaupo ito sa gilid ng kama at nagpapatugtog ng gitara na iniregalo niya rito noong 15th birthday nito.
Maagang umuwi si Mirui dahil hindi raw ito mapakali sa clubhouse sa pag-aalala sa kanya. Kahit sabihin pa na pagaling na siya makalipas ang limang araw na trangkaso, hindi pa rin kumakalma ang babaeng ito. Ganoon katagal talaga siya lagnatin kaya nga laging natataranta si Mirui kapag nagkakasakit siya. Ito kasi ang madalas na mag-alaga sa kanya kapag ganitong nagkakasakit siya.
“Bakit ba kasi nandito ka sa kuwarto ko? Doon ka kaya sa kuwarto mo manggulo at nang hindi ako 'tong iniinis mo rito.”
“Wow! Makataboy ka naman sa akin, Kuya, wagas. Eh sa gusto kong tumambay rito. Bakit ba? Ang init ng ulo nito. Sa pagkakaalam ko, may sakit ka lang. Hindi buwanang dalaw ang meron sa 'yo.”
Akmang uupakan na talaga niya si Mirui pero nakalayo ito kaagad at humalakhak lang. Lalo siyang magkakasakit sa ginagawa ng babaeng ito, eh. Sa totoo lang.
“Joke lang. Ito naman. Pero nag-aalala rin sa iyo si Ate Guia. May guilt trip pang nalalaman dahil nga siya ang dahilan kung bakit ka may sakit ngayon,” sabi ni Mirui nang muling maupo sa gilid ng kama.
Agad napukaw ang atensyon ni Lexus pagkarinig sa pangalan ni Guia. “Ano'ng sinabi mo sa kanya?”
“Na walang dahilan para ma-guilty siya dahil alam mo naman ang consequences ng ginawa mo. Pero malabong makikinig iyon sa sinabi ko.” Nagkibit-balikat si Mirui kapagkuwan.
Habang siya ay natahimik sa sinabi ng dalaga. Mukhang kailangan na nga talaga niyang madaliin ang pagpapagaling para mapanatag ang loob ni Guia. Tama nang siya ang mag-alala para rito.
“Rui, tutal gusto mong manggulo nang husto rito, patugtugin mo nga 'yong favorite song ko,” utos ni Lexus.
Kunot-noong hinarap siya ni Mirui. “Alin doon? Ang dami kaya n'on.”
“'Yong lagi kong pinapatugtog sa piano ni Dad,” aniya na ang tinutukoy ay ang piano ng stepfather niya.
Iyon ang hindi alam ng madla sa kanya. Gaya ng kawalan ng kaalaman ng mga ito sa paglalaro ni Mirui ng tennis.
Agad na napalitan ng panunudyo ang pagtataka sa mukha ni Mirui. “In love ka lang talaga, 'no, Kuya? In denial ka rin, eh, ha?”
“Rui...” may pagbabanta nang tawag niya sa pangalan nito.
“Okay, okay. Kung iyon ang gusto mo, eh 'di sige. Habang hinihintay din nating matapos maluto ni Manang Esther ang dinner natin. Kakantahin ko pa ba 'yong lyrics?”
Tumango siya. Ilang sandali pa, nag-umpisa nang tumugtog si Mirui gamit ang gitara nito. Pambihira! Ano na naman ba ang pumasok sa isip niya at inutusan niya si Mirui na patugtugin ang kantang iyon?
And it was a Japanese song, at that.
Epekto siguro ng pagkakaroon ng Japanese na stepfather at half-Japanese na half sister. Pero kahit ibang lengguwahe pa ang paborito niyang kanta, ang kahulugan niyon ang mas mahalaga sa kanya.
“Sore ni egaita mirai wa... Te wo tsunaide waraiatte iru... Sonna sukoshi no shiawase de ii noni wa... Kanawanai no?”
Isang munting pangarap lang iyon mula nang makita niya ang isang partikular na babae noong second year college siya. Hindi nito alam ang ngiting nagawa niyang ipakita nang masilayan niya itong masayang-masaya sa ginagawa nitong pagsayaw sa stage.
Iyon din ang unang pagkakataon na narinig niya ang kantang kasalukuyang inaawit ni Mirui dahil ang instrumental version niyon ang ginamit ni Guia sa production number nito nang mga panahong iyon.
“Hontou wa ne soba ni ite hoshii noni... Demo umaku kimi ni tsutaerarenai... Todokanai kimochi to wakatteru kedo... Nee semete suki de isasete... Onegai...”
Allow him to stay in love? Even if his feelings won't reach? Hanggang kailan niya hahayaang manatiling ganoon?
xxxxxx
TAMA nga siguro si Mirui nang sabihan nito si Lexus kaninang umaga na matigas ang ulo. Pero naisip niya na dapat ay sanay na ito sa tigas ng ulo niyang iyon. Ang tagal na nilang magkasama.
Kaya lang nasabi iyon ni Mirui ay dahil sa kagustuhan niyang pumasok na pagkatapos ng isang linggong pagiging absent niya dahil sa trangkaso. Sanay na ang mga naging professor at instructor niya na ganoon katagal ang pagliban niya sa klase kapag tinatrangkaso. Gayunpaman, hindi pa rin siya nawawala sa dean's list dahil nagagawa pa rin niyang makahabol sa mga lesson at activities na na-miss niya.
Pero sa mga sandaling iyon, hindi ang lessons ang dahilan kung bakit nagpumilit siyang pumasok. Nag-aalala siya para kay Guia. O mas tamang sabihin na naku-curious siya sa totoong nangyari kay Guia noon para maisipan nitong tumigil sa pagsasayaw. Oo na, ginagawa na nga niyang big deal iyon, gaya ng sinabi ni Mirui.
Pero hindi talaga maalis sa isip niya ang pait sa tinig ni Guia nang pilitin niya itong magsalita tungkol doon. Lalo na ang mga luhang naglandas sa mga pisngi nito pagkatapos sabihin iyon.
Si Lexus ang huling taong gusto ni Guia na makaalam ng totoo at makaramdam ng awa sa nangyari sa dalaga. Ano'ng ibig sabihin nito roon?
Para masagot ang tanong niyang iyon, kinailangan talaga niyang pumasok at kausapin ang taong posibleng makapagbigay ng matinong paliwanag sa kanya. Nabanggit na noon sa kanya ni Mirui ang ilang mga taong posibleng nakakaalam ng totoong pangyayari. Pero malabong sagutin nina Ria at Aria ang tanong niya. Kung si Mirui nga, hindi magawang makakuha ng sagot sa mga ito. Siya pa kaya?
Kaya nagmamadali siyang nagtungo sa closed court. Naroon ang taong isa pa sa mga nakakaalam ng totoo. Kailangan lang niyang patunayan dito na wala siyang masamang intensyon sa gagawing pagtatanong.
Hindi naman nabigo si Lexus na makita sa closed court ang pakay niya. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago naglakad patungo kay Errol. Kausap nito sina Selwyn at Dyran nang mga sandaling iyon sa eastside bench area.
"Uy! Captain, magaling ka na?" salubong ni Selwyn sa kanya.
Tango lang ang naging tugon ni Lexus at tumigil sa harap ni Errol. "Puwede ba tayong mag-usap sandali? May kailangan lang akong malaman."
"May problema ba?" takang tanong ni Errol.
"Problema bang maituturing si Guia?" sa halip ay balik-tanong niya.
Sa palagay niya, nakuha na nito ang ibig niyang sabihin. Naisip niya iyon nang makita ang seryosong ekspresyon ni Errol. At hindi iyon normal para sa kanila na ka-teammate nito sa Falcon Knights.
"Sinabi niya sa 'yo na ikaw ang huling taong gusto niyang makaalam ng totoong nangyari sa kanya nang araw na iyon, 'di ba? Pero gusto mo pa ring alamin ang tungkol doon."
"Gusto ko siyang tulungan, sa maniwala ka't sa hindi, Errol," aniya. Huminga siya ng malalim. "Pero hindi ko magagawa iyon kung ganitong wala akong mahita na matinong sagot sa kanya o sa sinuman na posibleng makapagpaliwanag sa akin ng lahat ng kailangan kong malaman. Gusto ko lang bumalik ang dating Guia na una kong nakilala."
Napuno ng kantiyawan ang closed court dahil sa litanya ni Lexus. Pero nanatiling nakatingin sa isa't-isa at tahimik sina Lexus at Errol. Parang tinatantiya nito ang katotohanan sa mga sinabi niya.
Kapagkuwan ay si Errol naman ang huminga ng malalim. "Lahat kami na malapit kau Guia, ganyan ang gustong mangyari sa kanya pagkatapos ng aksidente. Pero bigo kami."
"Gusto kong subukan. Kailangan ko lang maliwanagan sa ilang bagay na magulo at malabo para sa akin bago ko maisipang kumilos para tulungan siya."
Ilang sandali pa ay tumayo na si Errol sa upuan na ipinagtaka niya, maging sina Selwyn at Dyran.
"O, saan ang punta mo?"
Hinarap ni Errol si Lexus. "Puntahan natin ang witness sa nangyari sa auditorium."
Witness sa nangyari? Sino naman kaya iyon?
No comments:
Post a Comment