Thursday, March 16, 2017

You Will Be My Last - Chapter 10

NAPABALIKWAS ng bangon si Erin at habol ang hininga. Mariin siyang napapikit at minasahe ang dibdib sa pag-asang pahuhupain niyon ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Ilang beses din siyang huminga nang malalim upang pakalmahin ang sarili.

Isang masamang panaginip ang dahilan kung bakit siya nagkakaganoon nang mga sandaling iyon. Hindi maikakaila ang takot na nararamdaman niya nang maalala iyon. Bakit ganoon ang panaginip niya? Naglaho raw si Akio sa tabi niya habang binabagtas nila ang tulay na malapit sa Eirene Tower. Kahit saan siya lumingon, hindi niya ito matagpuan. Nang tunguhin naman niya ang gubat malapit sa tore, napatigil siya nang makita si Akio na umiiling habang nakatingin sa kanya nang malungkot at saka siya tinutukan ng baril na ikinagulat niya.

Mabilis ang sumunod na pangyayari at natagpuan na lang ni Erin ang sarili na nakatulala sa dalawang kamay niyang may bahid ng dugo. Dugo mula sa sugat ni Akio na wala nang buhay sa mga bisig niya. Gusto niyang magsisisigaw sa sobrang sakit at 'di pagkapaniwala pero walang tinig na lumalabas sa bibig niya. Wala siyang ibang ginawa kundi ang humagulgol habang yakap ang katawan ni Akio. Dahil doon kaya hindi na niya napansin ang isang pigura na may hawak na baril at itinutok nito iyon sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya at nanatili lang siyang nakatingin dito kahit nang iputok na nito ang baril.

Nagising siya sa bahaging iyon ng kanyang panaginip. Mabilis pa rin ang kanyang paghinga na parang malayo ang itinakbo. Bahagya na siyang kumalma nang maisipan niyang tumingin sa tabi niya. Pero ganoon na lang ang takot na naramdaman niya nang hindi makita roon si Akio. Agad siyang umalis sa kama at tinungo ang banyo. Wala ito roon. Pati ang ilang bakanteng silid sa bahay na iyon ay pinuntahan niya pero wala sa mga iyon si Akio. Dumagsa ang 'di maipaliwanag na kaba sa dibdib niya nang mga sandaling iyon. Ang kusina at sala na lang ang hindi pa niya napupuntahan. Kung wala rin ito sa garden...

Marahas siyang napailing nang negatibo. Kailangan muna niyang hanapin ang binata sa bahay bago pa siya makapag-isip ng kung anu-anong hindi maganda kapag tuluyan na niyang hindi napigilan ang sarili niya. At iyon nga ang ginawa niya. Hinanap niya ang binata sa tatlo pang lugar na hindi pa niya napupuntahan sa bahay. Disappointment at matinding takot ang sumalubong sa kanya nang wala sa mga lugar na iyon ang hinahanap.

Wala sa sariling napaupo na lang si Erin sa sofa. Ilang sandali pa ay tuluyan na siyang napaiyak. Bakit ang sakit ng pakiramdam niya? Bakit parang may isang bahagi ng isip niya ang nagsasabing totoo ang bangungot niya? Na posibleng napahamak ito sa kung saan?

"Do you really have to leave me again, Akio? Mawawala ka na naman ba ulit sa buhay ko? Kung kailan naman sigurado na ako sa nararamdaman ko sa 'yo... Kung kailan naman gusto ko nang tanggapin ka ulit sa buhay ko..." mahinang usal niya na tila ba nasa harap lang niya ang binata.

Patuloy lang siya sa pag-iyak. Sa pag-angat niya ng tingin, kumunot ang noo niya nang tumambad sa kanya ang isang flashdrive na nakapatong sa coffee table. Hindi niya napansin iyon kanina dahil abala siya sa paghahanap kay Akio. Kinuha niya iyon at tiningnan. Wala siyang maalalang iniwan na kahit ano doon nang nagdaang gabi.

Gayunpaman, isinalang niya ang flashdrive sa laptop para makita kung ano ang posibleng nilalaman niyon. Nagtaka siya dahil isang video file lang ang naroon na agad niyang pinindot para mapanood. Nabasa rin niya ang file name niyon.

One Last Thought. Iyon ang nabasa ni Erin na file name. Hindi man niya gusto ay nakaramdam na naman siya ng matinding kaba. Sana lang ay mali siya ng naiisip na nilalaman ng video file na naroon sa flashdrive.

Ilang sandali pa ay tumambad sa screen ang seryosong mukha ni Akio. Mukhang kanina lang nito ni-record iyon kung ibabase na rin sa itsura at suot ng binata na nakikita niya nang mga sandaling iyon sa screen ng laptop.

"Erin, I'm sorry kung sa ganito ko na lang masasabi ang lahat. Thank you, for one. Thank you for coming to my life. Salamat din dahil nagawa mo akong tanggapin ulit sa buhay mo sa kabila ng ginawa ko noon. Pushing you away at the time was my biggest mistake. At hindi ako magsasawang aminin iyon sa 'yo. Alam ko ang kasalanan ko sa 'yo. Kaya abot-langit ang pasasalamat ko sa Diyos dahil binigyan pa Niya ako ng panibagong pagkakataon na ayusin ang naging pagkakamali ko sa 'yo noon."

Kitang-kita ni Erin na nagsisimulang mamuo ang luha sa mga mata nito. Ilang sandali pa ay nagyuko ito at parang pinunasan ang mga mata. Narinig niya ang saglit na pagtawa nito muling nag-angat ng ulo. This time, Akio's expression was a mix of melancholy, regret, hesitation, and fear. Kitang-kita niya ang lahat ng iyon na bumalatay sa guwapong mukha ng binata. Lalo siyang kinabahan dahil doon.

"Pero kahit pala nagawa ko nang ayusin kahit papaano ang mga dapat kong ayusin, hindi pa rin sapat iyon para payagan akong manatili sa tabi mo at makasama pa kita nang mas matagal gaya ng gusto kong mangyari noon sa ating dalawa. Kaya nga ako nagtangkang mag-propose sa 'yo, 'di ba? Sorry kung sa text ko nga lang ginawa iyon noon. Ang hirap kasing mag-ipon ng lakas ng loob para masabi ko sa 'yo iyon nang harapan. Alam mo ba? Laging akong ganoon pagdating sa 'yo. Pero ayos lang iyon."

Hindi na niya pinigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha kasabay ng pagtutop sa bibig. Hindi niya inakala na naaalala pa pala nito ang ginawang iyon noon. Kahit pala ilang buwan lang ang itinagal ng relasyon nila ni Akio noon, dumating ito sa punto na nagdesisyon itong pakasalan siya. Kung hindi lang lumala ang kung anumang sitwasyong kinasangkutan ng grupo nito nang mga panahong iyon, baka nga natuloy na ang kasalang iyon.

"And now... I think I won't be able to say those words in front of you at all. Hindi ko alam kung uuwi pa ako ng buhay pagkatapos ng laban ko sa taong dalawang beses nang nagtangka sa buhay ko. Ayokong mapahamak ka at madamay sa gulong hatid ng daang pinili ko dahil sa pagiging miyembro ng Iris Blades. Iyon ang huling bagay na gugustuhin kong mangyari sa 'yo, Erin. Ganoon kita kamahal at ganoon ka kahalaga sa akin. I'd rather take all the dangers for you so I could keep you safe all the time. Erin... Don't forget that I love you, okay? I've never forsaken my feelings for you at all. At ikaw lang ang babaeng mamahalin ko nang ganito kahit sa susunod kong buhay. Tandaan mo 'yan, okay? You might not be the first woman I'd loved. But you'll always be the one I want to be my last love even in my next life. I love you so much, Erin. Stay safe. Do it for me, okay?" Ngumiti ito pagkatapos at tila ba nakatingin sa kanya nang mga sandaling iyon bago ito tuluyang nawala sa screen.

Napahagulgol si Erin pagkatapos niyon. That idiot! He was really heading to death. At hindi man lang siya sinabihan nito. Wala na ba talaga siyang halaga rito at pati ang isa sa pinakaimportanteng laban sa buhay nito, hindi pa sinabi sa kanya? Gustung-gusto talaga nitong iniiwan siya sa dilim.

"Bakit lagi ka na lang ganyan sa akin, Akio? Do you really have to leave me for the second time?" Patuloy lang siya sa pag-iyak habang sapo ang dibdib na para bang hindi siya makahinga nang maayos sanhi ng samu't saring emosyon.

Ito ba ang ibig sabihin ng panaginip niyang iyon? Iiwan ba siyang muli ni Akio para sumuong sa laban at mamatay para lang masiguro ang kaligtasan niya? Marahas siyang napailing. Hindi puwede! Huwag naman sana na ganoon ang mangyari. Hindi na niya kakayanin ang sakit kapag nagkataon. Baka kulang pa ang apat na taon para tuluyan siyang maka-move on kapag nawala si Akio sa buhay niya sa kamay ng kamatayan.

"Don't do this to me, Akio. Huwag mo akong iwan, pakiusap lang. Hindi ko na kakayaning mawala ka sa buhay ko sa ikalawang pagkakataon," tumatangis na hiling niya na hindi lang laan para sa binatang minamahal kundi pati na rin sa nasa Itaas na sana ay nakikinig sa kanya nang mga sandaling iyon.

xxxxxx

"WALA ka pa rin bang balita sa kanya hanggang ngayon? Aba'y mag-iisang linggo na, ah."

Pero malungkot lang na napailing si Erin at nanatiling nakatingin sa labas ng glass wall ng Lovedrops Café. Kahit ayaw niyang lumabas ng bahay ay napapilit pa rin siya nina Priscilla at Karel na lumabas para maiba naman daw. Baka sakali rin na mapawi ang lungkot at pag-aalalang nararamdaman niya mula nang iwan siyang muli ni Akio.

Tama si Priscilla. Mag-iisang linggo na nga siyang walang balita kay Akio. Ganoon katagal na rin siyang walang kaide-ideya kung buhay pa nga ba ito gaya ng patuloy na hinihiling niya o patay na. Gusto man niyang manatiling positibo na natapos ng binata ang laban nang hindi ito nalalagutan ng hininga, unti-unti nang natitinag ang pag-asang pilit niyang pinapanatili sa bawat araw na magdaan na walang nagsasabi ng kahit na ano sa kanya tungkol kay Akio. Hirap na hirap na siya. Idagdag pa ang takot na nararamdaman niya.

"Ano ba naman 'yan? Kung kailan naman nagawa mo nang tanggapin siya ulit sa buhay mo, mawawala na naman siya nang ganoon-ganoon lang. Kung mahal ka talaga ng lalaking iyon, hindi ka sana niya hahayaang ganito na patuloy na umaasa sa pagbabalik niya," dagdag ni Priscilla.

Pero nanatili lang siyang walang imik. Gusto man niyang ipaintindi rito ang totoong sitwasyon ay hindi niya magawa. Hindi man niya ipinangako nang harapan kay Akio, alam niyang gusto nitong manatiling sikreto ang mga ipinagtapat nito noon sa kanya. At ganoon nga ang gagawin niya hanggang sa bigyan siya nito ng permiso na puwede na niyang ipagsabi sa iba ang mga nalaman niya mula rito.

"Priscilla..." mahinang umpisa ni Erin. Pero sapat na iyon upang makuha ang atensyon ng kaibigan. "May alam ka bang mga kuwentong nakapalibot sa Eirene Tower? Any story at all?"

Kumunot ang noo ng kaibigan, nagtataka marahil sa naging pagbabago ng usapan. Pero sa nakikita niya, nanatili itong nag-iisip. Matiyaga siyang naghintay sa isasagot ni Priscilla dahil baka nga may alam itong kuwento sa lugar na iyon.

"Wala naman masyado. Pero may isang ikinuwento sa akin ang lola ko na tumatak talaga sa isip ko," mayamaya ay sagot nito.

Napatuwid siya ng upo sa narinig. "Talaga? Ano naman 'yon?"

"Why the sudden change of the topic, Erin? Kanina lang, si Akio ang pinag-uusapan natin dito."

"Ngayon lang ito. May naalala lang kasi ako na dapat sana ay ikukuwento sa atin ni Akio noong huling beses kaming nagpunta sa tore. Kaya sige na. Sabihin mo na sa akin kung ano ang nalalaman mong kuwento sa tore na iyon," pakiusap niya.

Huminga na lang ng malalim si Priscilla bago tumango. "Kung mababawasan kahit papaano ang pag-aalala mo kay Akio kapag ikinuwento ko sa 'yo ito, eh 'di sige."

Pero bago pa man makapagsimula ang kaibigan ni Erin sa pagkukuwento, may narinig silang nagsalita sa gilid nilang dalawa.

"Okay lang ba kung ako na lang ang magkukuwento sa 'yo?" ani isang malamyos na tinig ng isang babae.

Sabay na napatingin sina Erin at Priscilla sa pinagmulan niyon. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala ito. "L-Lady Konami..."

Bagaman kinakitaan niya ng gulat ang mukha ng babae, saglit lang iyon. Ngumiti ito kapagkuwan. "Mukhang naikuwento na ako sa 'yo ni Akio. At nakikita ko na kung gaano ka kahalaga sa kanya."

"Lady Konami? Sino siya, Erin?" takang tanong ni Priscilla.

Hinarap ni Erin ang kaibigan. "Boss ni Akio sa isa pa niyang trabaho. Siya ang... kasalukuyang leader ng Raikatuji clan na kabilang sa Moonlit Irises."

Nanlaki ang mga mata ni Priscilla habang siya naman ay nagyuko ng ulo. Did she just blurt that out?

"I'll introduce myself properly to you later. Pero sa ngayon, kailangan kitang mailayo muna sa lugar na ito at madala kay Akio," seyosong pahayag ni Lady Konami.

Doon na tuluyang nakuha ang atensyon nilang magkaibigan. "A-ano'ng ibig mong sabihin?"

xxxxxx

GUSTO mang tuluyang panghinaan ni Erin, pilit niyang pinalakas ang loob. Hindi siya maaaring makaramdam ng panghihina sa mga sandaling iyon. Kailangan niyang maging malakas para kay Akio na kasalukuyang walang malay sa ospital na iyon.

Her worst fear came to life. Nakikita na niya ang pruweba. Hindi niya inakalang may basehan pala ang naging panaginip niya nang araw na mawala si Akio.

"How did this happen?" she could only whisper in pain and disbelief. Naroon sila sa labas ng ICU at nakamasid sa walang malay na si Akio sa glass window ng silid na iyon. Hanggang doon lang muna ang pahintulot ng doktor na distansya nila mula sa pasyente.

"Hindi lang niya gustong madamay ka sa gulong kinakaharap ng Iris Blades. Kaya nagdesisyon siyang tuluyan nang tapusin ang buhay ng taong dahilan kung bakit napilitan siyang makipaghiwalay sa 'yo noon," ani Lady Konami bago siya iginiya paalis sa lugar na iyon at naupo sila sa isang bench 'di kalayuan sa silid.

"Ang kuwento niya sa akin noon, tapos na ang bahaging iyon ng laban nila," kapagkuwan ay sabi niya.

"Iyon din ang akala namin. Pero sa labing-siyam na miyembro ng Death Clover na nagtangkang patayin ang lahat ng miyembro ng Iris Blades, malaki ang posibilidad na lima sa kanila ang buhay pa. Isa na roon ang kinalaban ni Akio---si Souren Meija. O mas nakilala namin siya sa codename na Logia 2. Kanang-kamay ng leader ng Logia squad si Souren, gaya ng posisyon ni Akio sa Water Iris Blades kung saan kanang-kamay naman siya ni Shun."

"Paano'ng umabot sa ganito ang lahat? Bakit na-comatose si Akio?"

"Pinagbabaril ng isa sa mga tauhan ni Souren si Akio nang magtangka siyang tumakas matapos talunin si Souren. Napuruhan si Akio malapit sa puso at pati na rin sa mga binti niya dahil doon. Pero bago siya tuluyang mawalan ng malay, sigurado na siya na hindi na makakagawa pa ng kahit na anong maaari mong ikapahamak si Souren. Nagbanta kasi si Souren kay Shun na idadamay niya ang mga taong labis na pinahahalagahan ng Iris Blades bukod sa Shrouded Flowers at Silhouette Roses kapag hindi pa siya hinarap ni Akio. May palagay ako na minsan ka nang ikinuwento ni Akio kay Shun. Kilala ka na ni Minoru dahil alam kong malapit siya rito. Kaya binigyan na namin siya ng babala na posibleng idamay ka ng demonyong iyon sa gulo. At iyon ang hindi namin gustong mangyari."

Wala siyang maapuhap sabihin sa mga ipinagtapat ni Lady Konami sa kanya. Hindi man niya ito lubusang nakikilala, noon niya nagawang maintindihan kung bakit ganoon na lang ang respeto at paghanga ni Akio sa babae. Ibang klase ng determinasyon ang nakikita niya rito nang mga sandaling iyon.

"Nahuli na nga lang kami ng dating para mailigtas nang maaga si Akio. When Minoru, Jirou, and Shun arrived at the scene, pareho nang hindi kumikilos sina Souren at Akio. May isa pang tauhan si Souren na tinangkang saksakin si Akio kahit pinagbabaril na para lang matuluyan siya pero agad itong pinatumba ni Jirou. Kinumpirma nila sa akin na patay na si Souren habang nag-aagaw-buhay naman si Akio. And now Akio's like this---still doing his best to fight for his life after that," dagdag ni Lady Konami.

No comments:

Post a Comment