"PUWEDENG mag-request?" tanong ni Erin kay Akio nang tingnan niya ito.
Naroon sina Erin at Akio sa sofa ng sala. Nakaupo siya sa kaliwang dulo at nakapatong ang isang kamay sa armrest niyon habang hawak ang librong pinagkakaabalahan niyang basahin. Samantalang si Akio ay nakahiga at nagbabasa rin habang nakaunan ang ulo nito sa hita niya.
Mahigit dalawang linggo na ang nakalipas mula nang araw na iyon na sinabi ni Akio na mahal pa rin siya nito. At hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin siyang nagiging tugon sa pagtatapat nito. Laking-pasalamat na lang niya at naiintindihan naman siya ng binata. Kaya lang, nagulat naman siya nang hilingin nito sa kanya na tumira muna sa bahay niya para samahan siya. Pinayagan niya ito sa kondisyon na sasabihin nito sa kanya ang totoong dahilan kung bakit gusto nitong manatili sa tabi niya.
Agad namang ibinaba ni Akio ang binabasa at tiningala siya. "Ano'ng request? Huwag mo lang akong pahihirapan ng magiging request mo sa akin, ha? Kung minsan kasi, imposible ang iba mong request sa akin."
Napangiti siya at bahagyang tinampal ang noo nito na ikinatawa niya lang ng binata. "Well... 'Yong isa, alam kong madali lang. Hindi ko masasabing madali 'yong pangalawang ire-request ko sa 'yo."
Noon naman niya napansing kumunot ang noo ni Akio. "Bakit parang mas na-excite yata akong marinig 'yong pangalawang request mo kaysa sa una?" Kapagkuwan ay tumango ito. "Okay. What are your requests?"
"Ang first request ko, kantahan mo ako. Na-miss ko na kasing pakinggan ang singing voice mo, eh," diretsahang sabi niya.
"Hindi mo ba pinapakinggan ang mga kanta ko kapag pinapatugtog iyon sa TV o sa radyo?"
Umiling siya. Hindi na niya itinago ang lungkot sa kanyang mukha. "Kapag ginawa ko kasi iyon, 'yong pag-iwan mo sa akin sa tore ang lagi kong naaalala. Ganoon kasakit para sa akin ang ginawa mo noon. Kaya umiiwas ako sa mga bagay o lugar na nagpapaalala n'yon sa akin." Tinitigan niya ang mukha ni Akio na nakatingala sa kanya nang mga sandaling iyon. "Pero dahil nandito ka na ngayon, titingnan ko sa sarili ko kung masasaktan pa rin ba ako kapag narinig kitang kumanta."
Walang imik si Akio pagkatapos niyon. Nanatili lang itong nakatingin sa kanya. Pero sandali lang iyon. Kapagkuwan ay umalis ito sa pagkakaunan sa hita niya at umayos nang upo bago siya hinarap at matamang tinitigan.
"I'll sing for you. Kung iyon ang gusto mo. Pero hindi ang isa sa mga kantang isinulat ko ang kakantahin ko. Ayoko nang ipaalala pa sa iyo ang anumang may kinalaman sa nangyari noon sa ating dalawa."
Tumango na lang si Erin at nginitian si Akio habang hinihintay ito na gawin ang request niya. Inakbayan siya nito at pinaunan ang ulo niya sa dibdib nito. Napapikit siya nang marinig niya itong tumikhim bago nagsimula.
"I just want to love you forever and I want to hold you just like before. And maybe someday, we might just find a way and we can love forevermore. If I could turn back time, I would have never let you go. And you would still be mine, but here I am crying all alone. All of the love we share. All of the time you were there. I just want to love you forevermore and I want to hold you just like before. And maybe someday, we might just find a way and we can love forevermore..."
Napaluha na lang siya sa buong durasyon ng pakikinig niya sa pagkanta ni Akio. Tumagos sa puso niya ang emosyong nakapaloob sa pagkantang ginawa nito. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang paghalik nito sa ulo niya.
"Nagawa ko na ang first request mo. Pero hindi ko naman akalaing paiiyakin na naman kita dahil doon," sabi ni Akio.
Napadilat siya at nag-angat ng ulo upang tingnan ang binata. Nasa mga mata nito ang kalungkutan at pagsisisi. Hindi siya sigurado kung ano ang pumasok sa isipan niya para ilapit ang mukha niya rito at gawaran ng halik ang mga labi nito. Naramdaman niyang natigilan si Akio sa ginawa niya pero sandali lang iyon. Kapagkuwan ay tumugon ito at pinalalim pa ang paghalik sa kanya.
Kahit habol nila ang hininga, hindi pa rin niya napigilang mapangiti nang tingnan niya ang guwapong mukha ni Akio.
"That was the first time," usal nito makalipas ang ilang sandaling nagkatitigan lang sila.
Kumunot naman ang noo niya. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Iyon ang unang pagkakataon na hindi ako ang naunang humalik sa 'yo."
Namula naman ang mga pisngi ni Erin pero sinikap niyang huwag mag-iwas ng tingin. Gusto lang naman niyang pawiin ang nakikitang lungkot sa mga mata nito. Wala naman sigurong masama roon, 'di ba? Pero isa lang ang ibig sabihin niyon. Unti-unti na niyang tinatanggap si Akio sa puso niya sa kabila ng ginawa nitong pag-iwan sa kanya noon. Nalihis na siya sa orihinal niyang plano na lumayo nang tuluyan dito.
"Puwede ko na bang sabihin ang second request ko?" sa halip ay tanong niya nang magawa na rin niyang hagilapin ang pansamantalang lumipad na isipan niya.
Akio smiled before nodding. But he didn't let her go.
Huminga muna nang malalim si Erin at tumingin kay Akio. "Sabihin mo sa akin kung ano ba 'yong isa mo pang trabaho bukod sa pagkanta."
Kitang-kita niya ang pagdaan ng pagkagulat sa mukha ng binata. Tila hindi nito inaasahan ang sinabi niyang iyon. Pero ito lang ang isang paraang naiisip niya para malaman kung sino ba talaga ang taong minahal niya noon. Dahan-dahan siyang pinakawalan nito at umayos ng upo, nakaiwas ng tingin sa kanya.
Sinasabi na nga ba niya. Mahihirapan ito sa request niyang iyon. Pero nanatili lang siyang nakatingin dito, hinihintay ang magiging tugon nito. Lumipas ang mahabang sandali na walang anumang salitang namagitan sa kanilang dalawa. Napapitlag na lang siya nang humarap na sa kanya si Akio.
"Pumunta tayo sa tore. Doon ko ikukuwento ang lahat," saad nito at umalis na sa pagkakaupo sa sofa.
Naiwan naman siya roon na nagtataka. Bakit kailangan pa nilang magpunta sa tore?
xxxxxx
MAG-AALAS-KUWATRO na ng hapon nang makarating sina Erin at Akio sa Eirene Tower. Kakaunti na lang ang naroon, gaya ng inaasahan nila. Magkahawak-kamay pa silang naglakad mula sa bahay hanggang sa makarating sila sa lugar. Gusto niya ang pakiramdam na ayaw siyang bitiwan nito habang naglalakad sila. Lagi itong nakaalalay sa kanya.
Bagaman nag-uusap sila ni Akio, nababakas ni Erin sa mukha nito na tila nag-iisip ito nang malalim. Para ngang nag-aalinlangan na hindi niya maintindihan. Pero wala naman siyang maisip na posibleng isyu na iisipin ng binata. Hinayaan na lang niya ito dahil mukhang mapapasubo ito sa pagsasabi sa kanya ng totoo.
Iyon ay kung ipagtatapat na nga ba ni Akio kay Erin ang gusto niyang malaman.
"May alam ka bang kuwento tungkol sa tore na ito, Erin?" tanong ni Akio na pumutol sa katahimikang nakapalibot sa kanila.
Kumunot naman ang noo ni Erin. Ang weird din pala ng lalaking ito. Siya ang unang nagtanong, 'di ba? At sa pagkakaalam niya, mas may sense ang tanong niya kaysa sa tanong nito. Umiling na lang siya. Wala naman kasi siyang alam na kuwento tungkol sa Eirene Tower maliban sa alamat na matagal nang nakakabit sa pagkakabuo ng tore.
Huminga nang malalim si Akio at tumingin sa labas ng tore. Napatingin na rin siya sa paligid kahit na hindi niya alam kung bakit nito ginagawa iyon. Ano ba ang kinalaman ng tore sa pag-uusapan nila?
"Ang totoo, Erin, walang dapat makaalam ng tungkol sa isa ko pang trabaho. Masyadong delikado kasi iyon, kung pakaiisipin mo nang mabuti," umpisa ni Akio.
Delikado? Iilan lang naman ang mga delikadong trabaho na puwede nitong kabilangan. Pero alin sa mga iyon? "H-hindi yata kita maintindihan. G-gaano kadelikado?" Hindi na niya magawang itago ang kabang bigla niyang naramdaman nang mga sandaling iyon.
"Isa ang tore na 'to sa mga witness ng pinagdaanan namin ng pamilya ko't mga kasamahan ko. And by family, I mean the clan that I belonged to. Pamilyar ka ba sa Yasunaga clan?"
Ilang sandali siyang napaisip at tumango siya kapagkuwan. "Kabilang ka ba sa kanila?"
"Isa sa miyembro ng Yasunaga clan ang tatay ko habang ang nanay ko naman, kabilang sa Miyuzaki clan. Ganoon din si Shun, 'yong naging mentor ko at ang nag-alaga sa akin mula nang mawala ang mga magulang ko. Kung titingnan mo lang sa panlabas, parang brotherhood lang ang namamagitan sa amin ng mga kasamahan ko. Isama mo na rin si Minoru. Pero ang totoo, higit pa roon ang namamagitan sa grupo namin."
"G-grupo?"
"Grupo ng elite warriors na naninilbihan sa limang angkan. Hindi ko naman kasi masabi na organization iyon kung limang angkan lang naman ang pinagsisilbihan ko, kasama na roon ang Yasunaga clan at Miyuzaki clan."
Lalong nagtaka si Erin sa sinabi ni Akio. Limang angkan? At kasama ang mga Yasunaga at Miyuzaki? "Ibig mong sabihin, pinagsisilbihan ng grupo n'yo ang Silhouette Roses?"
Tumango ito. "Silhouette Roses at Shrouded Flowers. Mukhang alam mo ang tungkol sa kanila, ah."
Alanganing tumango siya at nagyuko ng ulo. "Narinig ko lang naman noon. Mga ilang taon na rin siguro ang nakalilipas. Ang alam ko, hindi sila masyadong nagpapakita sa madla."
"Kailangan nilang magtago pagkatapos ng mga nangyari sa Shinomiya clan noon at nito lang, pati ang nangyari sa leader ng grupong kinabibilangan ko, ang Moonlit Irises. Ang Shinomiya clan ang angkang kinabibilangan at pinamumunuan ni Lady Kourin, habang si Lady Konami ang napag-alaman na naming karapat-dapat na tumayong leader ng Moonlit Irises. That's why we address her as Lady Konami. At siya ang isa sa mga boss ko sa grupo."
"Akio, will you please go straight to the point? Ano ba 'yong grupong sinasabi mo sa akin ngayon, ha?"
"Iyon ang isa ko pang trabaho, Erin. I was raised as a warrior willing to risk my life for the sake of the Iris Blades and the three clan groups' safety above all else. Ako ang vice-captain ng ikaapat na squad sa grupong pumoprotekta sa tatlong clan groups. Kanang-kamay ako ni Shun," diretsahang sagot nito na hindi inaalis ang tingin sa kanya.
Naumid siya sa narinig. Hindi niya alam kung paano tutugon. Hindi niya matukoy kung paniniwalaan ba niya ito o patuloy lang niyang itatanggi ang mga nalaman. Pero wala siyang makitang bakas sa mukha ni Akio na nagsasabing biro o kasinungalingan ang mga ipinagtapat nito sa kanya.
Iyon kaya ang ibig sabihin ng kakaibang kabog sa dibdib niya sa tuwing mababanggit nito ang tungkol sa pagtataya ng buhay? Mula nang marinig niya ang sinabi nito sa kausap sa telepono noong maabutan niya ito sa tore, hindi nawaglit sa kanyang isipan ang kagustuhang malaman ang tungkol doon. Pero hindi naman niya akalaing may ganoon palang kuwento sa likod ng mga salitang iyon.
"I-iyon ba ang dahilan... kung bakit mo ako itinaboy noon? Kung bakit ginusto mo akong iwan?" may bahagyang panginginig na tanong niya. Iyon ang isang tanong na matagal na niyang gustong mahanapan ng kasagutan sa loob ng mahabang panahon mula nang talikuran siya nito. At sa ginagawang pagtatapat ni Akio tungkol sa grupong kinabibilangan nito, mukhang makakakuha na siya ng sagot na kailangan niya.
Tumango ito at bumuntong-hininga nang malalim. "Hindi ko alam kung paano ko pa magagampanan ang trabaho ko sa Iris Blades na hindi ka nadadamay nang mga panahong iyon. Wala na akong ibang pagpipilian kundi ang itulak ka palayo sa akin at putulin ang anumang ugnayang meron tayong dalawa." Natawa ito nang mapakla bago siya hinarap. Kinuha nito ang mga kamay niya at pinagsalikop kasama ng mga kamay nito. "Bago ang gabing pinuntahan kita rito kung saan tinapos ko ang koneksyon natin, doon nag-umpisang naging magulo ang lahat sa amin. Hindi ko alam kung napansin mo. Pero hindi na maganda ang sitwasyon ko noon. I was shot on my right side while being chased by those goons who were after our group for a long time. Pinilit ko lang na huwag ipahalata sa 'yo."
Natatandaan nga niya ang tinutukoy ni Akio na parang may iniinda ito noong gabing naghiwalay sila. Hindi lang niya gaanong napagtuunan ng pansin iyon dahil mas nangibabaw sa kanya ang sakit ng mga sinabi nito at ang katotohanang tinapos na ng lalaking mahal na mahal niya ang relasyon nila.
No comments:
Post a Comment