Napaiyak si Erin sa huling sinabi ng babae. Naramdaman na lang niya ang pagpatong ng isang kamay sa balikat niya. Nang mag-angat siya ng tingin, nginitian lang siya ni Lady Konami.
"Alam ko na isa ka sa mga dahilan ni Akio para patuloy na lumaban at nang tuluyan na siyang magising. Nararamdaman ko na gustong-gusto na niyang bumalik sa 'yo. I'm sorry kung ngayon ko lang naisipang ipagtapat sa 'yo ang nangyari kay Akio. I want to know one thing, though. I want you to answer it honestly. Mahal mo ba si Akio, Erin?"
Hindi maikakailang nagulat siya sa tanong na iyon ni Lady Konami. Pero ano ba ang dapat niyang ikagulat? Gusto lang malaman nito ang totoong nararamdaman niya kay Akio. Sa nakikita niya, bahagi na ng pamilya ni Lady Konami at hindi lang simpleng tauhan ang turing nito sa binata. Lady Konami was just concerned.
"Wala na akong ibang lalaking mamahalin maliban sa kanya, Lady Konami. Kahit siguro ilang beses niya akong itaboy at ganoon din ako sa kanya, siya lang at wala nang iba ang hahawak sa puso ko sa habang panahon. Hindi sapat ang galit at sakit ng kaloobang nararamdaman ko noong makipaghiwalay siya sa akin para tuluyan ko siyang alisin sa puso ko," matapat na sagot niya.
Mukhang nagustuhan naman ni Lady Konami ang sagot niya kung ibabase sa naging pagngiti nito. "Alam mo, naaalala ko sa inyong dalawa ni Akio sina Hisayuki at Iliana. Pati na rin sina Keisuke at Hanae."
Kumunot ang noo ni Erin sa mga pangalang binanggit nito. Sino naman ang mga iyon?
"Bahagi ng limang angkan ang apat na taong iyon. Nabuhay nga lang sila sa magkaibang panahon. Pero naging bahagi sila ng mga alamat na nakapalibot sa Eirene Tower," sagot nito na tila nabasa ang iniisip niya. "Si Hisayuki ang founder ng Miyuzaki clan at ang nagpatayo ng Eirene Tower bilang regalo at patunay na rin sa asawa niyang si Iliana na kasingtayog at kasingtatag ng tore na iyon ang pag-ibig niya para rito. It was also a symbol of his promise to only remain loving the one person who had captured his heart and soul.
"Hanae was from the Silhouette Roses' 17th generation. Nagkaibigan silang dalawa ni Keisuke sa kabila ng katotohanang balak tapusin ni Keisuke ang buhay ni Hanae at ng dalawa pang kapatid niya. Naglaban sila sa tulay kung saan unang nagtapat ng pag-ibig si Keisuke kay Hanae at saksi ang tore sa pag-iibigan nilang dalawa. They nearly killed each other if it wasn't for the fact that Keisuke decided to die to stop Hanae from feeling anymore pain because of loving him. Nalaman kaagad iyon ni Hanae at doon niya napatunayan na mas higit ang kapangyarihan ng pag-ibig kaysa ano pa mang misyon sa mga buhay nila.
"Kaya may nagsasabi na kapag nagtagpo ang mga tingin ng dalawang taong itinakda ng tadhana na magmahalan mula sa tuktok ng tore at sa tulay, hindi na sila kailanman maghihiwalay kahit na anong pagsubok pa ang pagdaan nila. Maghiwalay man sila ng landas, magtatagpo at magtatagpo pa rin sila pagdating ng itinakdang panahon. Did something similar happen to you and Akio nang magkakilala kayong dalawa o 'di kaya ay ang magkita kayo ulit makalipas ang apat na taon nagkahiwalay kayo?"
Dahan-dahan siyang napatango nang maalala ang tinutukoy nitong pangyayari. Ganoon na ganoon ang nangyari nang una silang magkakilala ni Akio at pati na rin nang magbalik ito sa bayan ng Visencio. Does that mean, from the start, she and Akio were destined to be together?
"Kapag may naramdaman daw kayong kakaiba nang magtama ang mga mata n'yo sa distansyang iyon sa unang pagkakataon, na para bang ayaw na ninyong malayo sa isa't-isa, ibig sabihin ay natagpuan n'yo na ang taong inilaan ng tadhana para makasama't mahalin mo habangbuhay."
Hindi niya napigilang mapangiti sa narinig. Kahit papaano ay naibsan niyon ang kaba at takot na nararamdaman dahil sa sitwasyon ni Akio. If she and Akio were truly fated to be together since that moment they met, and if he was aware of that legend of the tower, she could tell that he would do everything to survive this ordeal. At least, gusto niyang makaligtas ito nang sa gayon ay masabi na niya rito ang lahat ng mga gusto niyang sabihin. Gusto pa niyang makasama ito nang matagal. Gusto niyang tuparin nito ang ipinangakong kasal sa kanya apat na taon na ang nakararaan.
Walang iba kundi si Akio lang ang gusto niyang makasama habangbuhay.
"I'll stay with him, Lady Konami. Ayoko siyang iwan sa ganitong sitwasyon. Hindi ko na siya iiwan kahit kailan," aniya makalipas ang mahabang sandali.
Tumango ito na tila nauunawaan nito ang gusto niyang mangyari. "Mas mabuti nga iyon. Alam kong gugustuhin niyang masiguro ng sariling mga mata na ligtas ka at nanatili ka sa tabi niya sa kabila ng lahat."
= = = = = =
ISANG linggo pa ang lumipas pero hindi umalis sa tabi ni Akio si Erin. Alam niyang isang araw ay magigising din ito at makakapag-usap sila nang maayos. Iyon ang patuloy niyang ipinagdarasal sa Diyos at iyon ang nagsisilbi niyang lakas sa tuwing panghihinaan siya ng loob dahil sa sitwasyon ni Akio.
Sinasamahan siya roon nina Karel at Priscilla kapag may oras din lang ang mga ito. Salitan ang dalawa sa pagtulong sa kanya. May mga pagkakataon din na pumupunta roon si Lady Konami at ang asawa nitong nagpakilala bilang Hansuke Kishida. Nagpupunta rin sina Minoru at Shun kung hindi busy ang mga ito sa mga misyon at iba pang trabaho.
Kaaalis lang ng mga kasamahan ni Akio sa Iris Blades na sina Makoto at Jirou sa silid nang pumasok naman ang doktor na nakilala niya bilang Shingo Yanai. Karamihan sa mga nakakasalamuha niya sa ospital na iyon na malapit kay Akio ay paniguradong bahagi ng tatlong clan groups. Naisip niya iyon dahil na rin sa pangalan ng mga ito. These people had Japanese names and obviously renowned people in their respective fields. Pero nararamdaman din niya ang kaparehong aura na minsan niyang nararamdaman kay Akio.
"Don't worry. He'll wake up soon. Nasisiguro ko iyon," nakangiting wika ng doktor nang matapos nitong sipatin ang kalagayan ni Akio. "Mukhang nakatulong nang husto ang presensya mo para unti-unti siyang gumaling."
Tumango na lang si Erin. Pero sa totoo lang, hindi iyon ang gusto niyang malaman. Napapitlag siya nang marinig ang pagbuntong-hininga ni Dr. Yanai. Napatingin tuloy siya rito. "M-may problema po ba?"
"May gusto kang sabihin, tama? Kahit sinabi ko na sa 'yo ang magandang balita, hindi ka pa rin masaya."
Mukhang nabasa pa yata nito ang nasa isipan niya o nahalata lang nito iyon sa kilos niya. "Gusto ko lang po sanang malaman kung... magiging okay pa rin at magiging normal ang kalagayan ni Akio kapag nagising na siya. Kung hindi po ba naapektuhan ang nerve functions ng katawan niya dahil sa pagkakabaril sa kanya nang ilang ulit." Ilang araw na rin siyang ginugulo ng bagay na iyon sa kanyang isipan. Ilang araw na rin siyang pinag-aalala niyon.
"Kung sakali bang ganoon ang sitwasyon, makakaapekto ba iyon sa nararamdaman mo para kay Akio?" sa halip ay usisa nito na ikinagulat at ipinagtaka rin niya.
Hindi siya umimik pero hindi nangangahulugan na nag-aalinlangan siya. Walang kahit na anong sitwasyon ang makakaapekto sa nararamdaman niya kay Akio. At patutunayan niya iyon.
"Malaki ang posibilidad na maapektuhan ang paglalakad niya dahil sa nangyari. Pero hindi pa tayo sigurado sa bahay na iyon. Hindi man ganoon kalalim ang iginawad na mga sugat sa likod at mga paa niya, naging dahilan pa rin iyon para ma-comatose siya nang ganito katagal. The real damage-giver was the bullet that almost pierced his heart since it's nearly fatal. Mabuti na lang at nagawa pa namin siyang iligtas. Hintayin na lang natin siyang magising para malaman ang buong sitwasyon."
Tumango siya at ibinalik ang atensyon sa walang malay na si Akio. Kinuha niya ang kamay nito at hinalikan iyon. Hindi niya napigilan ang mapaiyak dahil sa ginawa.
"Huwag mo naman akong iwan ulit, Akio. Hindi ko na kakayanin kapag nawala ka na naman sa buhay ko," pakiusap niya at muling hinalikan ang hawak niyang kamay nito. "You promised to stay. Knowing I'd risk getting my heart hurt again, I chose to believe you. So please, don't break your promise to me now."
xxxxxx
HINDI matukoy ni Akio kung gaano katagal siyang nanatili sa madilim na lugar na iyon pagkatapos ng naging laban niya kay Souren. Ang akala nga niya ay katapusan na niya nang mga panahong iyon. Pero may isang tinig na laging nag-uudyok sa kanya na lumaban at bumalik. Mahirap, oo. Pero pinilit niya. Ginawa niya ang lahat para makaalis sa madilim na lugar na kinasadlakan niya gaya ng walang katapusang hiling ng boses na palagi niyang naririnig.
Nang mga sandaling iyon, nagmulat siya ng mga mata. Liwanag mula sa bintana at putting kisame ang sumalubong sa may kalabuan pang paningin niya. Hindi niya napigilan ang mapangiti dahil doon. Kung ibabase na rin niya sa amoy ng paligid, alam niyang nasa ospital siya. Ibig sabihin ay nakaligtas siya mula sa bingit ng kamatayan matapos ang naging laban niya kay Souren. Finally, that bastard was gone. At siya ang may kagagawan niyon.
One out of the five people remaining possibly alive from the Death Clover was gone. At nakabalik pa siya nang buhay kahit papaano. Magagawa na niyang tuparin ang ipinangako niya kay Erin. Sana lang ay magawa siyang patawarin nito sa ginawang pang-iiwan niya rito sa ikalawang pagkakataon.
Pero nanlaki ang kanyang mga mata nang makita kung sino ang nasa gilid ng hospital bed at nakahawak sa kamay niya kahit natutulog ito. Para bang natatakot itong bigla siyang mawala kaya ganoon na lang ang higpit ng hawak nito sa kamay niya. O puwede ring ipinaparamdam nito sa kanya na naroon lang ito sa tabi niya at naghihintay na magising siya.
Even if he was only assuming, the last thought he had was enough to make his heart soar high. Mas maganda nga sana kung ganoon nga iyon. Hindi maikakailang malaking bagay na iyon para sa kanya.
"E-Erin..." tila paos pang usal niya dahil na rin sa ilang araw na hindi niya nagamit ang tinig. Matapos niyon ay pilit niyang pinakilos ang libreng kamay na nagkataong tinusukan ng IV.
Gusto niyang mahawakan ang dalaga at haplusin ang buhok nito. Pero bago pa niya magawa iyon ay narinig niyang umungol ito at unti-unting nag-angat ng ulo. Napangiti siya nang makita ang gulat at galak sa mukha ni Erin pagkakita sa kanya. Kagyat din siyang nataranta nang mag-umpisang mangilid ang luha sa mga mata nito.
"W-what's wrong? Don't cry, Erin. A-alam mong ayaw kitang nakikitang umiiyak, 'di ba?" Kahit nahihirapan ay pilit niyang ipinarating iyon sa dalaga.
Hindi nga lang ito kaagad tumugon. Pinunasan nito ang naglandas na luha sa mga pisngi nito at muling hinawakan ang isa niyang kamay. Bumilis ang tibok ng kanyang puso nang halikan ni Erin ang likod niyon.
"Erin..."
"Get used to seeing me cry like this. Mas okay nang umiiyak ako na ikaw ang dahilan at hindi ang ibang lalaki," nakangiting saad ni Erin sa kabila ng pag-iyak nito.
Napangiti na rin siya. At hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha dahil sa galak. "Sorry dahil pinaiyak na naman kita."
"I'm just glad you're back." Huminga ito nang malalim at tumayo mula sa kinauupuan. "Tatawagin ko lang si Dr. Yanai. Kailangan niyang malaman na gising ka na."
Wala na siyang nagawa kundi ang tumango, lalo na nang lumabas ito ng silid. Sa kabila niyon, hindi napawi ang ngiti sa kanyang mga labi.
= = = = = =
TULAK-TULAK ni Erin ang wheelchair kung saan naroroon si Akio. Hindi siya kailanman nagsawang alagaan ito sa loob ng dalawang buwan mula nang magising ito mula sa pagkaka-comatosed. Nagkatotoo kasi ang hinala nila noon ni Dr. Yanai tungkol sa posibleng resulta ng injury ito sa magkabilang paa dala ng pagkakabaril rito. Naapektuhan ang paglalakad nito pero hindi ang iba pang motor functions ng katawan ng binata na ikinatuwa naman niya kahit papaano. May pag-asa pa itong makalakad ulit, ayon na rin sa doktor.
Kahit may sarili palang bahay ang binata sa bayan ng Visencio, sa kanya pa rin nito naisipang manatili para raw mabantayan siya nito at maprotektahan sa mga taong posibleng manakit sa kanya. Ang akala niya noong una ay nangungupahan lang ito o 'di kaya ay laging nasa hotel. Nalaman lang niya ang tungkol doon nang pakiusapan siya nito na kumuha sa bahay nito ng ilang mga gamit na kailangan nito.
Papunta sila sa tulay malapit sa Eirene Tower nang mga sandaling iyon. Tumigil siya sa pagtutulak ng wheelchair ni Akio sa utos na rin nito nang makarating na sila sa gitna ng tulay. Naikuwento niya kasi sa binata ang tungkol sa dalawang magkasintahan na bahagi ng alamat ng Eirene Tower. Pero mas kinilig siya sa kuwento tungkol sa magkasintahan sa tulay na sina Hanae at Keisuke. Paborito palang kuwento iyon ni Akio pero kahit kailan ay hindi pa nito napapatunayan ang katotohanan tungkol sa alamat hanggang sa makilala raw siya nito.
"Bakit tayo tumigil dito?" takang tanong niya at tiningnan si Akio. Kumunot ang noo niya nang wala itong naging tugon.
Nakatingin lang ito sa iisang direksyon. Halata sa mukha ng binata na tila may naalala ito dahil na rin sa klase ng ngiti nito habang nakatingin sa direksyon na iyon. Naisipan na lang niyang sundan ang tingin nito. She felt a surge of nostalgia upon seeing the tower's balcony. Doon siya nakatayo noon nang unang beses niyang makita si Akio sa tulay na kinatatayuan nilang dalawa ng binata nang mga sandaling iyon may humigit-kumulang limang taon na rin ang nakararaan. At nangyari ulit iyon nang bumalik ito sa bayan ng Visencio matapos siya nitong iwan noon.
Ibinalik niya ang tingin sa binata pagkatapos. Para lang magulat na nakatingin pala ito sa kanya. Napangiti na lang siya at bahagyang yumukod para magpantay ang mga paningin nila.
"Why are you looking at me like that?"
Nakangiti lang si Akio habang patuloy na nakatitig sa kanya. Hindi siya nag-iwas ng tingin. Bagkus ay sinalubong pa niya iyon. Ilang sandali pa ang lumipas bago ito tumikhim na pumutol sa katahimikang nasa pagitan nila. Nagsalita ito kapagkuwan.
"Sino ang mag-aakala na totoo pala ang kuwento sa akin ni Minoru noon tungkol sa lugar na ito? Mabuti na lang pala at kahit papaano, pinaniwalaan ko iyon. Hindi ko siguro malalaman at mararamdaman ang ganitong pakiramdam dahil sa pag-ibig gaya ng nasa kuwento nina Hanae at Keisuke noon."
"Akio..." Pero sa kaibuturan ng puso ni Erin, alam niya at nararamdaman niya na maliit na bahagi lang sa kuwento ng pag-ibig nila ni Akio ang kuwento nina Hanae at Keisuke na pinagmulan ng isa sa mga alamat sa Eirene Tower. Tadhana na ang naglapit sa kanilang dalawa ni Akio. "I love you..."
Lumuwang ang ngiti ng binata at nagulat siya nang mag-umpisang mangilid ang luha sa mga mata nito. Lalo na nang hawakan nito ang mga kamay niya. Hinalikan nito ang mga iyon na nagpalobo sa puso niya dahil sa labis na pagmamahal para sa binata. "Erin... Kapag tuluyan na akong gumaling at nakakapaglakad na ulit ako, magpakasal na tayo, ha?" hiling ito na labis niyang ikinagulat. Pero nanatili lang siyang tahimik at hinintay na magpatuloy ito sa pagsasalita. "Gusto ko nang tuparin ang kagustuhan kong makasama ka habangbuhay. I want to remain living the last remaining years of my life loving you alone. Ayokong mamatay nang basta-basta sa isang delikadong misyon na hindi ko man lang ipinaparamdam sa 'yo kung gaano kita kamahal. I asked you once before to give me a reason to remain alive and survive each dangers I'll be facing in the future. Sana... ikaw at ang magiging pamilya natin ang ibigay mong rason sa akin."
Wala siyang maisip na sabihin bilang tugon sa mga sinabi nito. Lahat ng mga sinabi nito... Ilang beses na ba niyang pinapangarap na marinig iyon mula rito? Gaano katagal na ba niyang hinintay na sabihin nito ang mga iyon sa kanya? Hindi na niya napigilan ang mapaluha. Bago pa niya mapigilan ang sarili, inilapit niya ang mukha rito at hinalikan si Akio na agad namang tumugon. Hindi naman nagtagal iyon dahil naalala niyang nasa tulay nga pala sila at maraming dumaraang mga tao. Nakangiti silang dalawa habang tinitingnan ang isa't-isa.
"Is that a yes?" may pag-aasam na tanong nito.
Huminga muna siya nang malalim bago nagsalita. "I'll only say yes if you'd promise me one thing."
Kumunot ang noo ni Akio. "Ano 'yon?"
"Kahit na ano'ng mangyari, ipangako mo sa akin na babalik ka sa akin nang buhay. Hindi ako makikialam sa trabaho mo sa Iris Blades. Alam ko kung gaano kahalaga sa 'yo ang pamilya mo kaya hindi kita pipigilan. Gusto mo silang protektahan sa abot ng makakaya mo. Ang hiling ko lang naman at ang gusto kong ipangako mo sa akin, bumalik ka sa piling namin nang buhay. I don't care what you will turn into at the course of your missions. No matter how worse you'll become, I'll still accept you as you are—the man I've come to love all those years. Maipapangako mo ba iyon sa akin, Akio?"
Isang maluwang na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Akio bago ito tumango at muling hinalikan ang kanyang mga kamay. She would always find that gesture so sweet. Marahil ay dahil ang binata ang gumawa niyon sa kanya.
"Binigyan mo lang ako ng dahilan para patuloy na mabuhay, Erin," ani Akio kapagkuwan. "I promise to come back alive whatever happens... to live and protect you all my life."
"Then yes! I'll marry you, Akio Sothea."
Nagulat siya nang hilain nito at mahigpit na yakapin. Napangiti siya at ginantihan na rin ang yakap nito dahil sa nararamdamang kasiyahan mula sa binata. Ganoon din kasi ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
Spending a lifetime with Akio Hagiwara, it was truly a dream come true for Erin. At kahit na ano ang mangyari sa kanila sa mga susunod na araw, hinding-hindi na magbabago ang pag-ibig na kailanman ay hindi naglaho sa puso niya. Mukhang kasingtatag din ng Eirene Tower ang naging pagmamahalan nila ni Akio. Kahit nang magkahiwalay sila sa nagdaang mga taon, nanatili pa ring matibay ang pagmamahalan nila para sa isa't-isa kahit ano pang pagtanggi ang gawin niya. Papatunayan niya na mananatiling ganoon katatag ang buhay at pag-iibigan nila sa mga susunod na taon ng mga buhay nila ni Akio nang magkasama.
FLORENCE JOYCE
-WAKAS-
No comments:
Post a Comment