HINDI mapigilan ni Guia ang mapangiti habang pinapanood si Mirui sa tila inspirado na pagpapatugtog nito ng violin. Isa ito sa mga kasamahan niya sa subgroup ng Spiritual Garden Society ng Alexandrite University, ang Imperial Flowers. Sa katunayan, siya mismo ang personal na nag-recruit rito noong first year pa lang ito habang siya naman ay bagong hirang na leader ng grupo.
Kinabibilangan ng labing-dalawang babae ang Imperial Flowers at tatlong taon na siyang leader niyon. At sa loob ng tatlong taon, nakita niya kung paano nahasa ang talento ni Mirui sa tulong na rin ng kanilang grupo. Gaya na rin ng naging pagtulong ng grupong iyon na mahasa ang talento niya at magawa niyang maipakita iyon sa madla.
“Iba nga naman ang nagagawa ng pag-ibig, 'no?”
Napalingon si Guia sa pinagmulan ng tinig na iyon. Sinalubong niya ng ngiti ang papalapit na si Ria, ang secondary leader ng Imperial Flowers. Naupo ito sa kanyang tabi at pinagmasdan din ang inspiradong pagpapatugtog ni Mirui.
“Napansin mo rin pala,” sabi niya. “Sino ang mag-aakala na mas lalabas pa pala ang talento ni Mirui sa violin pagkatapos ng lahat ng nangyari sa kanila ni Theron?”
“Inggit ka sa kanila?”
Kunot-noong tiningnan niya si Ria. Kalaunan ay napailing siya. “Walang dahilan para mainggit ako, 'no? Masaya lang ako na maayos na ang lahat sa pagitan ng dalawang iyon. At saka…” Pero hindi niya magawang ituloy ang nais sabihin nang biglang rumagasa ang ilang alaala sa kanyang isipan. Ipinilig niya ang ulo upang mapalis iyon.
Of all days, bakit ngayon pa niya naiisip iyon?
“At saka? Guia, huwag mong sabihing hindi ka pa rin maka-move on sa mga nangyari sa inyo ni Jeric noon?”
Hindi na siya umimik pa. Walang silbi na ungkatin na naman niya ang isang bahagi ng nakaraan niyang iyon. Mas mabuti pa na panoorin na lang niya si Mirui at pagmasdan ang magandang aura ng mukha ng kasamahan niyang ito.
“Okay, sorry. I didn’t mean to bring that up. Kahit kailan talaga, hindi ko mapigilan ang tabas ng dila ko,” iiling-iling na wika ni Ria at pinagtatampal pa ang sariling bibig.
Natawa na lang siya roon. “Okay lang. Alam ko namang kasama na iyan sa mga hindi mo na maidadaan pa sa kahit anong pangako, pati na rin sa New Year’s Resolution mo.”
“Ang sama nito! Maidadaan pa naman sa pangako ang pagpigil sa tabas ng dila, 'no? Kahit inborn nang naturingan ang pagkakaroon ko nito.”
“Talaga? Kailan mo pa magagawa 'yan? Kapag nagka-boyfriend ka na?”
Tiningnan siya ni Ria nang masama na ipinagtaka niya. “Walang magagawa ang boyfriend sa pagpigil sa tabas ng dila. Lalo na kung ang lalaking magiging boyfriend ko ay 'yong taong hindi marunong tumupad sa isang mahalagang pangako.” Matapos niyon ay walang lingon-likod na umalis ito roon.
Siya naman ay naiwang nagtataka sa ikinilos ni Ria. Ano’ng problema n’on? Kapagkuwan ay ipinagkibit-balikat na lang niya. Baka siya naman ang may nasabing hindi maganda rito. She’d better apologize to Ria later.
======
LAKING-PASALAMAT ni Guia at natapos na rin ang klase niya sa wakas nang hapon na iyon. Bagaman hindi boring ang naturang klase, wala talaga siya sa mood buong maghapon dahil hindi siya mapakali. Iniisip pa rin niya ang ikinilos ni Ria. Sa tagal na rin kasi na nakasama niya ito sa Imperial Flowers, aminado siyang wala pa siyang masyadong alam sa personal life ng kaibigan niyang iyon. Pero ganoon din naman siya sa iba pang miyembro ng Imperial Flowers.
Sa labing-dalawang miyembro ng grupo, si Mirui ang tanging malapit sa kanya. Bunsod na rin siguro ng dahilang siya ang personal na nag-recruit sa dalaga noon. Isang tao lang naman ang dapat niyang pasalamatan sa bagay na iyon. Ang problema lang, hirap siyang tantiyahin ang mood ng lalaking nag-suggest sa kanya noon na i-recruit niya si Mirui. Nagtataka nga siya hanggang ngayon kung paano nagagawa ni Mirui na pakitunguhan iyon na hindi tuluyang nauubusan ng pasensiya sa pabago-bagong timpla ng mood ng lalaking iyon.
Pero saka na pagtutuunan ng mas malalim na pansin ni Guia ang tungkol doon. Kailangan na niyang umuwi at kanina pa talaga siya inaantok. Alas-tres ng madaling-araw na kasi siya nakatulog kanina dahil na rin sa piyesang pina-practice niya para sa isa na namang musical activity ng Alexandrite University na kabibilangan ng Imperial Flowers. At bilang leader, kailangan niyang maging isang magandang ehemplo sa mga kasamahan pagdating sa dedication sa gustong gawin.
Pero kung siya ang tatanungin, second priority lang talaga niya ang pagtutugtog ng violin. It was originally her sister’s dream, after all. Kaya lang, maagang kinuha sa kanila ng Mama niya si Gizelle dahil sa sakit na leukemia. Ito ang nakamana ng sakit ng kanyang ama na ikinamatay din nito noong sampung taong gulang siya. Ipinangako niya sa kapatid bago ito namatay na siya ang tutupad sa pangarap nitong maging violinist.
Sikat na musician ang tatay niya noon na si Gilbert Medrano, isang magaling na violinist. Kung hindi siya nagkakamali, minsan nang nagsama sa isang musical concert ang tatay niya at ang sikat na piyanistang si Satoshi Asahiro, ang Japanese immigrant na tatay naman ni Mirui. Isa iyon sa rason kung bakit naengganyo siyang sundin ang suhestiyon ng captain ng Falcon Knights Tennis Team na i-recruit si Mirui. At hindi nga siya nagkamali. Ang nanay naman niyang si Kristina Medrano ay isang contemporary dancer. Pero tinalikuran nito ang sariling pangarap na maging sikat na mananayaw nang magpakasal ito sa tatay niya. Sa nakikita niya hanggang ngayon, mukhang hindi naman ito nagsisisi sa naging desisyon nito noon. Kahit ilang taon nang wala ang kanyang ama, patuloy pa rin ito sa pag-aasikaso sa kanya. Siya na lang naman ang natitirang pamilya nito.
Eksaktong paglabas ni Guia sa classroom ay hindi na masyadong maraming estudyante ang nagkalat. Ugali niyang tumambay muna sa loob ng classroom kahit natapos na ang huling klase niya. Hindi kasi siya sanay na nakikipagsiksikan sa maraming tao. Kadalasan, hinihintay niyang magsiuwian ang mga estudyante bago niya maisipang lumabas ng classroom at umuwi na. Pero nang mapadaan siya sa isang bahagi ng hallway na nasa first floor ng College of Arts building, unti-unting bumagal ang paglakad niya.
Kung bakit ba naman kasi kailangan pa niyang mapadaan doon. Saan na naman ba naglalakbay ang isip niya at hindi niya namalayang mapapadaan pala siya sa trophy section ng hallway na iyon? Wala naman talaga siyang problema sa area na iyon. Nagkataon lang na may isang partikular na bahagi sa trophy section sa hallway kung saan nakahilera sa loob ng mga cabinet sa magkabilang gilid ng lugar ang mga trophy at medals na nagbigay inspirasyon at parangal sa Alexandrite University. May kahabaan din ang hallway kaya naman nagawang ihilera ang halos lahat ng mga trophy at medals.
But Guia was more affected at the sight of the trophies from the Dance Troupe. Gaya ng mga sandaling iyon kung saan malapit na siya sa cabinet na pinaglalagyan ng mga trophy at medals na napanalunan ng mga miyembro ng Dance Troupe. Pero hindi ang mismong trophies ang nagbibigay ng 'di maipaliwanag na lungkot sa kanya kundi ang mga alaalang kakabit ng pagsasayaw niya noon. Yes, her ultimate dream was to become a dancer just like her mother. She had the talent, and many could attest to that. Ngunit kakaibang takot at pait ang ibinibigay niyon sa kanya sa nakalipas na dalawang taon. At iyon ang hindi alam ng karamihan sa mga kasamahan niya sa Imperial Flowers, maliban kina Ria at Aria.
Natigilan siya nang mapansing may nakatayo pala sa harap ng cabinet na kumuha ng atensyon niya. Ang nakapagtataka, isang pamilyar na lalaki ang naroon at parang wala sa sariling nakatingin sa mga trophy roon. Huli na para umiwas pa at magmadaling umalis nang tila maramdaman na nito na hindi ito nag-iisa roon.
“Himala! Nabago yata ang ruta mo ngayon. Sa pagkakaalam ko, lagi kang dumidiretso sa west gate ng campus para lumabas ng campus,” bungad ni Lexus sa kanya na tuluyang nagpatigil sa pag-iisip niya.
Rumehistro na rin sa isipan niya ang sinabi nito. Tinaasan lang niya ito ng kilay. “Bakit? Masama bang magpabago-bago ng isip kahit minsan? Wala ako sa sarili ko kaya ako napadaan dito.” Okay. Bakit niya nasabi iyon?
“Pansin ko nga.” Muling itinuon ng binata ang atensyon sa cabinet na para bang may interesanteng bagay na naroon. Hindi tuloy niya napigilang pangunutan ng noo. Hanggang sa muli itong nagsalita. “Kailan ka huling sumayaw, Guia?”
Doon na siya tuluyang natigilan. O mas tamang sabihing nanigas dahil sa gulat na nagsalita ito at sa klase ng tanong nito. Sa lahat naman ng itatanong ng lalaking ito, bakit iyon pa?
“Hindi ko na matandaan at ayoko nang alalahanin. Wala na rin lang namang silbi kahit sabihin ko pa sa iyo,” malamig na tugon niya na hindi ito tinitingnan. “Puwede bang sa susunod, kung magtatanong ka, huwag na 'yong tungkol sa pagsasayaw?”
“Guia...”
“Sige na. Kailangan ko nang umuwi. Nauna na ring umuwi sa iyo si Mirui. Hindi ka na raw niya mahintay.”
Iyon lang at walang lingon-likod na nilisan na niya ang lugar na iyon. Hindi siya sigurado kung paano niya nagawa pero gusto niyang pasalamatan ang sarili na hindi siya pumiyok sa harap ni Lexus. Ito ang huling taong gusto niyang makakita kung gaano pa rin kasakit sa kanya ang mga nangyari noon para maisipan niyang talikuran ang pagsasayaw.
======
“LUTANG ka lang, Kuya?”
Napaigtad si Lexus at hinarap ang taong nagtanong niyon sa kanya. Tumambad sa kanya ang nagtatakang expression ni Mirui na matamang nakatingin sa kanya nang mga sandaling iyon. Naroon sila sa tennis court sa likod lang ng mansyon at tumatambay. Linggo iyon at wala silang pasok o practice sa kani-kanilang mga club activities kaya naman doon na lang nila naisipang maglagi.
Hindi alam ng madla sa Alexandrite University na naglalaro rin si Mirui ng tennis pero hindi nga lang kasing-galing niya. Aminado naman siya na hindi talaga iyon ang forte nito kundi ang ice skating na namana pa nito sa dating figure skater at kasalukuyang skating coach ng dalaga na si Sierra Asahiro.
“Ano na nama’ng pinagsasasabi mo riyan, ha? Ako na naman ang pinagdidiskitahan mo.” Umiling si Lexus at sinenyasan si Mirui na maghulog ng bola sa pitching machine na katabi lang nito. Ginawa naman ng dalaga ang nais niya. Ilang sandali pa ay pinatamaan na niya ng tennis racquet na hawak ang bolang papalapit sa kanya.
“Paano raw kaya kita hindi pagdidiskitahan, eh kung nakikita mo lang ang itsura mo, para kang manika riyan. Ah, wait! Hindi ka pala manika. Tuod ka lang pala.”
At ang bruha, humagalpak pa talaga ng tawa sa sariling biro. Mukhang weird na naman ang takbo ng utak ng babaeng ito. Palibhasa, masayang-masaya na sa relasyon nito sa ka-teammate niyang si Theron Heinz Monterossa. Lihim siyang napangiti sa naisip. Mukhang wala na pala siyang dapat problemahin sa dalawang iyon. Ngayon naman, ang sarili niyang problema ang dapat niyang pagtuunan ng atensyon.
“Hay, naku. Seryosong usapan, Kuya, may problema ka ba? Kanina ka pa wala sa sarili mo, ah.” May bahid na ng pag-aalala ang tinig ni Mirui nang sabihin nito iyon.
Tiningnan lang ni Lexus ang dalaga nang ilang sandali bago bumuntong-hininga. Inutusan niya si Mirui na lumapit sa kanya nang maupo na siya sa damuhan at inilapag sa kanang tabi ang tennis racquet na hawak. Ilang sandali pa ay naupo naman ito sa kaliwang tabi niya na hindi inaalis ang tingin sa kanya.
“Kumusta na pala kayo ni Theron?” kapagkuwan ay tanong niya sa dalaga.
“Huwag mong ilihis ang usapan. At isa pa, ako ang unang nagtanong sa 'yo kaya sagutin mo muna ang tanong ko.”
Mukhang wala na ngang atrasan ito. Kapag ganoon na ang sinasabi nito sa seryosong tono, wala na nga talaga siyang kawala sa interogasyon ni Mirui. “Iniisip ko lang kung ano ang mangyayari kapag hinarap ko na si Arthur Monterossa.”
“Sigurado ka bang si Tito Arthur ang problema mo? Parang hindi iyon ang napapansin ko, eh.”
Kumunot ang noo niya at hinarap si Mirui. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Kuya, ilang taon mo nang pinoproblema ang tungkol sa isyu mo sa taong iyon. Pero hindi pa kitang nakitang ganyan na pati concentration mo sa paglalaro ng tennis, hindi mo na mai-focus nang maayos. Practice pa lang ito gamit ng pitching machine. Paano na kung sina Kuya Kane, Kuya Errol, Dyran, at Selwyn pa ang nakaharap mo sa practice match? Alam mo naman si Kuya Kane, wagas kung makabasa ng iniisip ng isang tao at ginagamit pa niya iyon para talunin ang kalaban niya sa tennis court. Hindi ko nga alam kung paano nangyaring hindi ka pa rin niya magawang basahin nang husto.”
Ganoon na ba siya ka-transparent kay Mirui? Pero kunsabagay, wala na nga naman siyang maitatago sa babaeng ito. Ilang taon na niyang kasama ito sa buhay niya, eh. Pero paano naman niya aaminin dito na bukod sa isyung matagal na niyang gustong tapusin patungkol sa ama ni Theron, nakakapagtakang pati ang leader ng Imperial Flowers ay ginugulo nang husto ang concentration niya?
“Wala ka talagang planong magkuwento?”
Huminga siya nang malalim. It’s now or never. “Alam mo ba ang dahilan kung bakit tumigil sa pagsasayaw si Guia?” Napaubo si Mirui na ikinakunot-noo niya nang tingnan niya ito. “Ano’ng inuubo-ubo mo riyan, ha?”
“Sino naman ang hindi uubuhin sa tanong mo, ha? May sakit ka na nga yata, eh. Kailan ka pa nagkainteres kay Ate Guia? Wait, let me change that. Kailan ka pa nagkainteres na magtanong tungkol sa isang babae bukod sa akin at kay Mama?”
“Ito naman. Mukha ba akong mukhang walang pakialam sa ibang tao kung makapagsalita ka nang ganyan?” Kung nagkataong lalaki si Mirui, baka kanina pa niya ito nasapak. “Sagutin mo na lang ang tanong ko, ha? Tutal, malapit ka naman sa kanya, eh.”
Ilang sandaling tinitigan ni Mirui si Lexus na ipinagtaka niya. Pero hindi siya nagpatinag sa titig ng dalaga. Sanay na kasi siya rito. Kapagkuwan ay bumuntong-hininga ito. “Hindi ako sigurado kung ano ba talaga ang kuwento kung bakit tumigil siya sa pagsasayaw. Pero sa palagay ko, may kinalaman iyon sa aksidenteng kinasangkutan niya dalawang taon na ang nakakaraan.”
“Aksidente? Naaksidente si Guia?” Hindi naman matukoy ni Lexus kung para saan ang namuhay na tila malaking interes sa mga sinabing iyon ni Mirui. Kailan pa nag-umpisang mangyari iyon?
“Iyon ang sabi. Pero tikom ang bibig ng mga nakakaalam, lalo na 'yong mga nakasama ni Ate Guia sa Dance Troupe. Siguro, sa mga member ng IF, posibleng sina Ate Ria at Aria lang ang nakakaalam ng totoo. Dating nasa Dance Troupe ang mga iyon, eh. Kung hindi ako nagkakamali, magka-batch sina Ate Guia at Ate Ria doon. Underclassman naman niya si Aria na ngayon ay mas abala pa sa Theater Club pagkatapos noon.”
Walang naging tugon si Lexus sa sinabing iyon ni Mirui. Dalawang taon na ang nakakaraan? Posible kaya na wala siyang alam tungkol doon ay dahil naroon siya sa Italy nang mga panahong nangyari ang insidente na nagbunsod kay Guia na tumigil sa pagsasayaw?
======
KULANG na lang ay iuntog na ni Guia ang ulo niya nang sa gayon ay makatulog na siya. Pero sino ba ang dapat niyang sisihin kung bakit pahirapan para sa kanya ang pagtulog?
Kaya lang, hindi naman niya puwedeng ibunton ang lahat ng sisi kay Lexus dahil lang sa tanong nito sa kanya tatlong araw na ang nakakaraan. Wala itong alam sa mga nangyari noon. Mabuti na nga rin siguro iyon. At least, hindi niya makikita ang awa sa mga mata ni Lexus dahil sa naging desisyon niya.
“I should really kill you for this, Lexus.” Pero siyempre, hindi niya gagawin iyon ng literal. Hangal lang siya kapag talagang ginawa niya ang sinabing iyon.
Pero kahit hindi sila masyadong nagkakausap ni Lexus, kilala niya ito kahit papaano dahil sa mga kuwento—at reklamo—nina Mirui at ng kababata niyang si Errol na teammate naman ni Lexus. Alam niya kung gaano kapursigido ang lalaking iyon.
At sa nakikita niyang pagpupursige ni Lexus, may palagay siya na walang lihim na mananatiling tago rito.
Napaungol lang siya sa inis nang makita ang oras sa alarm clock na nasa bedside table.
1:36 AM.
At heto, may pang-umagag klase pa siya ilang oras pagkatapos niyon. Kung hindi nga naman talaga siya minamalas, 'no? Pero kung pakaiisipin, kailan ba siya nagkaroon ng matinong tulog matapos ang aksidenteng kinasangkutan niya? Kung ganitong lagi siyang binabalikan ng masamang alaalang iyon hanggang sa pagtulog niya, kahit sino ay hindi magagawang makatulog nang maayos.
Hindi na ba ako patatahimikin ng alaalang iyon kahit na ano'ng gawin ko?
No comments:
Post a Comment