HINDI gustong mapag-isa ni Guia sa clubhouse ng Imperial Flowers pero hindi naman niya puwedeng pigilan ang mga kasamahan na umuwi nang maaga. May sari-sariling pagkakaabalahan ang mga ito nang araw na iyon at batid niya na importante ang mga iyon para sa mga ito. Palibhasa siya, ayaw pang umuwi sa bahay dahil nasa trabaho pa rin ang kanyang ina. Ito kasi ang kasalukuyang namamahala sa grocery na iniwan ng kanyang ama bago ito namatay.
Idagdag pa na wala siyang pagkakaabalahan doon kahit sabihin pang umuwi siya kaagad kasabay ng mga kasama niya. Kaya naisipan na lang niyang tumambay muna sa clubhouse. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya matapos patugtugin ang piyesang nakatoka sa kanya para sa musical play. Napapansin niya na ilang araw na niyang nakakahiligang gawin iyon.
To be specific, he was doing that ever since Lexus asked her when she last danced. Parang ibinuhos niya sa ilang beses na pagbuntong-hininga ang pilit na pinipigilang pag-iyak noong araw na itinanong sa kanya iyon ni Lexus.
“Grabe talaga ang babaeng iyon. Ang sabi ko, hintayin ako at sabay kaming uuwi. Mukhang plano pa akong indiyanin, ah.”
Hindi alam ni Guia kung bakit bigla siyang nanigas nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon ni Lexus. Pero sandali lang niya naramdaman iyon dahil agad siyang lumingon para kumpirmahin kung tama ang hinala niya. Nagtaka nga lang siya kung bakit hindi makatingin nang maayos sa kanya ang lalaking ito.
O baka imahinasyon lang niya iyon. Si Lexus, mahihiyang tumingin sa kanya? As if! Para na rin niyang sinabi na 'end of the world' na.
“Umm... Kanina pa nagmamadaling umalis si Mirui, eh. Ang akala ko nga, inutusan mo na naman. Para kasing kakainin ng buhay sa pagmamadali. Sa pagkakaalam ko, ganoon lang siya kapag inuutusan mo,” aniya bilang pagtatangka na rin na putulin ang nakakailang na katahimikan sa pagitan nila.
Bahagyang ngumiti si Lexus. Pero hindi maikakaila na nagpatulala iyon sa kanya. “Kakainin talaga ng buhay? Grabe naman ang description mo.”
“Eh sa ganoon ang napapansin ko,” kibit-balikat niyang tugon at muling itinuon ang pansin sa music sheet sa harap niya. “Hindi naman niya iiwan ang gitara niya rito kung may plano nga talaga siyang indiyanin ka.”
Walang naging tugon si Lexus. Nang lingunin ito ni Guia, napansin niya ang fondness sa expression ng mukha nito habang tinitingnan ang naiwang gitara ni Mirui.
“She really loved that guitar. Lagi niyang ginagamit iyan kapag bored o 'di kaya ay naiinis siya,” nasabi na lang niya na hindi inaalis ang tingin sa binata.
Kaya lang, huli na para mag-iwas siya ng tingin nang ibaling nito sa kanya ang tingin. At gaya ng madalas mangyari, natigilan na naman siya. O mas tama sigurong sabihin na nanigas siya. Kung sa sobrang kaba ba iyon o tuwa, hindi niya matukoy.
Teka lang. Tuwa? Ano naman ang ikatutuwa ko pagdating sa lalaking ito? Pero may pakiramdam talaga siya na niloloko lang niya ang kanyang sarili nang itanong niya iyon.
“Ikaw, Guia,” untag ni Lexus. “Kailan mo gagawin ang isang bagay na mahal na mahal mo?”
Agad siyang nag-iwas ng tingin nang maramdaman ang mablis na pangingilid ng kanyang mga luha. “Bakit sa lahat pa ng itatanong mo sa akin, Lexus, 'yon pang ayoko nang alalahanin?”
“Dahil gusto kong malaman ang totoo, Guia. Wala ako rito sa Pilipinas nang mangyari ang dahilan kung bakit tinalukuran mo ang pagsasayaw.”
“At mabuti na ngang wala ka rito nang mga panahong iyon. Ayokong makita mo ang hirap na pinagdaanan ko nang tuluyan niyang sirain ang mga pangarap ko. Ikaw ang huling taong gusto kong maawa sa akin dahil doon.”
Hindi alam ni Guia kung saan siya kumuha ng lakas ng loob na sabihin iyon kay Lexus. Seryoso lang ang mukha nito kaya hindi niya alam kung ano ang iniisip nito nang mga sandaling iyon. Ibinaba na lang niya ang hawak na violin sa isang tabi at umalis sa kinauupuan.
Pero agad din siyang napaupo ulit dahil sa gulat niya nang mabungaran si Lexus na nakatayo na pala sa harap niya. Labis din niyang ikinagulat ang pagpatong ng mga kamay nito sa mga balikat niya at saka mataman siyang tiningnan. Lumala ang kabang nararamdaman niya kanina pa dahil sa tingin nitong iyon.
“I'm sorry. H-hindi ko naman alam na masakit pala sa 'yo na alalahanin ang mga nangyari. Pero Guia, tinatanong ko ang tungkol sa pagsasayaw mo dahil alam kong hindi pa rin lubos ang kasiyahang nararamdaman mo. Na parang may kulang pa rin sa lahat ng ginagawa mo. But if asking this will bring you too much pain, I'm sorry. May pagka-insensitive lang talaga ako.”
Lalong hindi nakaimik si Guia dahil sa mga narinig. Hindi siya makapaniwala na naririnig niya ang mga salitang iyon mula rito. Naumid pa siya nang husto nang maramdaman niya ang marahang pagpahid nito sa naglandas nang mga luha niya.
Ilang sandali pang pumailanlang ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nila ni Lexus. Naputol lang iyon nang umayos ito ng tayo at tumikhim.
“Aalis na ako. Hihintayin ko na lang si Rui sa labas ng clubhouse.”
Nanatiling walang kakilos-kilos si Guia kahit nang tuluyan nang umalis doon si Lexus. Akmang tatayo na siya sa kinauupuan nang mapansin niya ang isang dark blue na panyo sa kandungan niya. Wala sa sariling kinuha niya iyon at pinakatitigan bago ibinaling ang tingin sa pinto palabas ng clubhouse.
Nakita niyang sabay nang umalis sina Lexus at Mirui. Mukhang tuluyan nang iniwan ni Mirui ang gitara nito roon. Kung ano man ang dahilan at ganoon ang nangyari, mukhang matatagalan pa bago niya malaman. Gaya na lang ng dahilan ni Lexus para iwan nito sa kanya ang panyo nitong iyon.
======
“ANO na namang klaseng topak ang pumasok diyan sa kukote mo at sa lahat naman ng gagawin mong kalokohan, nakapagpaiyak ka pa ng babae, ha?”
Pero nanatiling walang tugon si Lexus sa litanya ni Mirui nang makauwi na sila sa bahay. Kahit naman magtatatalak ito dahil sa naabutan nitog eksena nila ni Guia sa clubhouse ng Imperial Flowers, wala naman siyang matinong isasagot dito. Hindi naman kasi niya inaasahan na iiyak pa talaga si Guia dahil sa naging tanong niya rito.
Tama nga siguro siya. Napaka-insensitive niya. Napangiti na lang siya nang mapakla matapos ipatong ang kanang braso sa mga mata niya nang makaupo siya sa sofa.
“Gusto mo ba ng sandwich? Gagawan kita. Baka sakaling makatulong para kumalma ka kahit papaano,” ani Mirui na hinawakan ang kamay niyang nakatakip sa mga mata niya.
“Insensitive ba talaga ako, Rui?” naitanong na lang ni Lexus sa kawalan ng matinong itutugon.
Hindi nga lang siya sigurado kung sasagutin ba ng babaeng ito ang tanong niyang iyon.
“Kung 'yong tungkol kay Ate Guia ang dahilan kung bakit bigla mong naitanong iyan sa akin, sasagutin ko nang maayos 'yang tanong mo. Hindi ka insensitive. Nagkataon lang na na-curious ka. Until that curiosity of yours turned into concern. Natural lang naman iyon dahil wala kang alam sa totoong nangyari kung bakit siya tumigil sa pagsasayaw. Halos lahat tayo, walang alam tungkol doon.”
“So hindi pa rin pala pagiging insensitive ang pagtatanong sa kanya kung bakit ganoon ang nangyari? At dahil sa tanong kong iyon, napaiyak ko pa siya?” Gusto nang ilabas ni Lexus ang inis na nararamdaman. Naaalala pa rin niya hanggang sa mga sandaling iyon ang mga luhang naglandas sa magandang mukha ni Guia.
“You just happened to hit something that's terribly sensitive to her,” Mirui answered calmly. Kapagkuwan ay tumayo ito sa harap niya nang tanggalin nito ang kamay niyang nakatakip sa kanyang mga mata.
Wala siyang nagawa kundi tingnan ang dalagang nag-aalalang nakatingin sa kanya nang mga sandaling iyon.
“Bakit bigla-bigla yatang nagkainteres ka kay Ate Guia? O mas dapat ko yatang itanong ay kung bakit bigla ka nang naging vocal sa pagpapakita mo ng interes kay Ate Guia at sa pagsasayaw niya?”
“Hindi ko alam, Rui. Kahit ako, naguguluhan.” At hindi siya nagsisinungaling sa bagay na iyon. Isang bagay na ipinangako nilang dalawa ni Mirui sa isa't-isa ay walang lihiman. Pero hindi pa ito ang panahon para ibulgar niya rito ang isang bagay na wala pang kasiguraduhan.
“Alam mo, idaan mo na lang iyan sa kain. Igagawa kita ng sandwich. Ayusin mo muna 'yang takbo ng utak mo at saka ka magreklamo sa akin ng tungkol sa pagiging insensitive mo. Okay ba 'yon?”
Pabuntong-hiningang tumango na lang siya sa suhestiyon ni Mirui. Hindi na rin niya napigilang mapangiti dahil sa tangkang pagbibiro nito para pagaanin ang pakiramdam niya. Kahit papaano ay nakatulong iyon. “Sarapan mo 'yang sandwich na iyan, ha?”
“Ito naman. Choosy pa. Ikaw na nga itong gagawan ng lalamunin mo, eh.”
Natawa na lang siya dahil doon.
======
“BAKIT ba kasi masyadong lagalag ang babaeng iyon?” reklamo ni Guia nang hindi niya maabutan si Mirui sa clubhouse ng Imperial Flowers nang umagang iyon. Ipinagtataka naman niya iyon dahil sa pagkakaalam niya, nagpa-practice doon ang dalaga para sa isang upcoming musical play ng Theater Club sa hiling na rin ng isa pa niyang kasamahan na si Aria na miyembro ng nasabing club.
Kaya ngayon, saan naman niya hahanapin si Mirui kung kailan naman kailangan niya itong makausap? Hanggang sa sumagi sa isipan niya ang isa pang lugar kung saan malaki ang posibilidad na naroon ang pakay niya. Agad niyang tinahak ang direksyon patungo sa lugar na iyon dahil baka hindi na naman niya ito maabutan doon. Ilang sandali pa ay nagawa na rin niyang marating ang closed court kung saan madalas na mag-practice ang tennis team. At hindi nga siya nagkamali.
Naroon nga si Mirui at may kausap. “Sinasabi ko na nga ba’t nandito ang babaeng 'to, eh,” sabi ni Guia sa sarili at napapailing na lang. Panigurado na napag-utusan na naman ito ni Lexus kaya naroon ang dalaga.
Palapit na sana siya sa kinapupuwestuhan ni Mirui na kasalukuyang nakikipag-usap kay Lexus nang bigla ay narinig niyang may tumawag sa kanya.
“Errol,” aniya nang malingunan ang kababata niya na isa sa sampung miyembro ng Falcon Knights Tennis Team.
“Himala! Napabisita ka rito. Ano’ng meron?” tanong ni Errol nang tuluyan na itong makalapit kay Guia.
“Manunundo ng babaeng biglang nawala sa practice namin kanina para sa musical play.”
“Mabuti na lang at naisipan mong gawin iyan. Kanina pa nag-aaway sina Mirui at Captain, eh.”
Kunot-noong napatingin si Guia kay Errol na nagkibit-balikat lang. Ibinaling niya ang atensyon kina Lexus at Mirui na kung titingnan niyang mabuti, hindi na pala simpleng pag-uusap lang ang nagaganap sa dalawang iyon. It wasn’t a heated argument, yet it wasn’t a calm one, either.
“Ganoon ba talaga kapag nag-aaway ang dalawang iyon?” wala sa loob na naitanong ni Guia.
“Ganyan lang sila kapag may pinagtatalunan kasi hindi magkasundo sa isang bagay. Pasasaan ba’t magbabati rin sila.”
She sighed and soon decided to call for Mirui’s attention. Ngunit napipilan siya nang makitang nakatingin pala sa kanya nang mataman si Lexus.
Hindi niya alam kung tama ba ang napapansin niya pero tila naglaho ang lahat sa paligid niya dahil sa matamang tingin nitong iyon. But that wasn’t the real issue here. Bakit ako tinitingnan nang ganoon ni Lexus? Hindi tuloy niya maiwasang ma-conscious.
“Parang ngayon ko lang nakita si Captain na tumingin nang ganyan sa isang babae, ah,” ani Errol na pumutol sa pag-iisip niya.
“Nakakatakot nga, eh,” tugon ni Guia na bahagyang napangiwi. Iyon lang naman ang puwedeng dahilan kung bakit malakas ang kabog ng dibdib niya nang mga sandaling iyon. Lexus’ stare could really freeze someone to their spot. At mukhang hindi siya exempted doon.
Without words, she saw Lexus turned his gaze away and left the court. Dumiretso ito sa direksyon patungo sa locker room. Siyempre pa, ipinagtaka iyon ng lahat.
“Ano’ng nangyari?” naisatinig ni Guia nang mapatingin kay Mirui na malalim ang pagkakakunot ng noo. Kapagkuwan ay napansin niyang napakamot ng ulo ang dalaga.
“Ang hirap na namang ispelingin ng lalaking 'to,” narinig niyang sabi ni Mirui habang papalapit ito sa kanya at umiiling-iling pa.
Mukha nga. Halata naman, eh. Pero may palagay siya na iba ang dahilan kung bakit sumang-ayon siya sa sinabi ni Mirui.
======
GAYA ng dati, itinaon ni Guia ang paglabas sa classroom na wala ng masyadong maraming nagkalat na mga estudyante sa labas. Isa pa, hindi rin niya namalayan ang paglipas ng oras dahil nakatuon ang atensyon niya sa pinag-aaralang musical piece na nakaatang sa kanya. Isa iyon sa mga musical piece na nakatakdang i-perform ng Imperial Flowers para sa musical play ng Theater Club sa susunod na buwan.
But as soon as she stepped out of the room, tila itinulos siya sa kinauupuan nang tumambad sa kanya ang taong nakatambay sa harap ng classroom na iyon. Ano ba 'tong nangyayari sa kanya? Bakit nagkakaroon na ng freeze effect ang bawat engkuwentro nila ni Lexus nitong mga nagdaang araw?
More than that, ano’ng ginagawa ng lalaking ito sa harap ng classroom?
No words came out from both of them even after several moments had passed. Nakakakaba, pero hindi naman ganoon ka-awkward. Nakakapagtaka, pero hindi naman niya makuhang magtanong.
Naku naman! Ano ba 'tong nangyayari sa kanya?
“Okay lang ba na ihatid kiya pauwi sa inyo?” tanong ni Lexus sa seryosong mukha’t tonong tinig na bumasag sa katahimikang nakapaligid sa kanila.
Hindi na naitago ni Guia ang pagkagulat sa narinig. “A-ano?” Why in the world would Lexus Willard del Fierro suddenly decide to escort her home? Seryosong usapan, naguguluhan na talaga siya.
“Ihahatid na kita pauwi. If you don’t mind. At saka… gusto sana kitang makausap kahit sandali lang.”
Okay. Now things were getting weirder and weirder by the minute. But undeniably, she liked the idea. At least a bit.
“Sure. Walang problema sa akin,” tugon ni Guia bago pa niya mapigilan ang sarili. Me and my uncontrollable mouth! Masasabunutan ko talaga ang sarili ko sa ginawa kong 'to, eh.
Pero saka na niya gagawin iyon. Titingnan muna niya kung ano ba ang magiging kahihinatnan ng anumang pag-uusapan nila ni Lexus.
======
“HIMALA yatang naisipan mong makipag-usap sa akin. Samantalang hindi ko ma-explain ang pagmumukha mo kanina nang tingnan mo ako. Para tuloy akong may ginawang kasalanan sa ‘yo na hindi ko alam,” umpisa ni Guia nang makarating sila ni Lexus sa park malapit sa school. Napuna niya na medyo secluded ang lugar na pinili ng binata para sa pag-uusap nilang iyon.
Gayunpaman, hindi siya nakadama ng takot na silang dalawa lang ang naroon. Siguro dahil kahit noong unang beses niyang makilala si Lexus noong first year college siya at second year naman ito, nakadama na siya ng 'di maipaliwanag na seguridad sa presensiya nito.
“Wala kang kasalanan, okay? At saka, nakikipag-usap naman ako sa 'yo kahit noon pa, ah,” tugon ni Lexus nang makahanap na sila ng bench na mauupuan. He allowed her to sit first before sitting beside her at least a foot away.
“Yeah, right. Kung hindi pa kita lalapitan at kung hindi rin lang si Mirui ang dahilan, wala ka pa talagang planong makipag-usap sa akin.”
“Grabe naman ‘to. I just don’t want to waste my time talking to people who has no qualms of ruining themselves just to get what they want. Pero sa hindi ko paglapit sa 'yo kung hindi rin lang si Mirui ang dahilan, hindi totoo iyon. Hindi mo lang kasi masyadong mahalata sa mga kilos ko ang dahilan kung bakit kita nilalapitan.”
“Ang gulo mong kausap, sa totoo lang.” At saka, ano’ng pinagsasasabi nito? Ang hina naman kasi nitong magsalita. Daig pa ang babae. Nanatili lang siyang nakatingin kay Lexus na malayo ang tingin. Hindi tuloy niya mapigilang magtaka sa ikinikilos ng lalaking ito. “Nakakapanibago ka, alam mo ba 'yon?”
“I’m aware of it.”
Wow! Hanep din ang sagot nito, ah. “Makukutusan na talaga kita, alam mo ‘yon? At ano namang topak ang sumapi sa 'yo para kausapin ako ngayon?”
“Gusto ko lang kumustahin ka. At saka… gusto ko ring mag-sorry sa nagawa ko noon. Tingnan mo, napaiyak pa kita nang wala sa oras. Nasermunan pa nga ako ni Rui dahil doon, eh.”
So iyon pala. Pero sapat na iyon para mapipilan siya. Hindi niya alam ang dapat sabihin. “Okay lang naman ako… kahit papaano.”
“Hindi ka talaga kaagad lumalabas sa classroom n’yo kahit tapos na ang last class mo, 'no?” kapagkuwan ay tanong ng binata.
Tumango siya. “Hindi lang ako sanay makipagsiksikan sa dami ng mga estudyanteng umuuwi pagkatapos ng klase. At saka gusto ko lang tumambay muna sa loob ng classroom, lalo na kapag may kailangan akong pag-aralang musical piece. Parang kanina. Pinag-aaralan ko 'yong musical piece na gustong ipa-perform sa amin ni Aria para sa musical play ng Theater Club. Palibhasa kasi, kasama siya sa lead casts ng play.”
“Takot lang siguro siya na walang Imperial Flowers na susuporta sa kanya kaya ganoon na lang ang naisipan niyang gawin. Alam mo na, isa ka sa mga ate ng grupo.”
“Ginagawa ko lang ang trabaho ko bilang leader ng grupo. Parte ng trabaho ko ang suportahan sila sa lahat ng pagkakataon, hanggang kaya ko. Gaya na lang ng pagsuporta ko kina Mirui at Yuna sa kanilang ice skating journeys kahit tanging ang members lang ng IF ang nakakaalam ng tungkol doon,” nakangiting aniya bago mapatingin kay Lexus. Natigilan nga lang siya nang mapansin ang matamang titig na naman sa kanya ng binata. “B-bakit ka naman ganyan makatingin sa akin? M-may dumi ba ako sa mukha?”
To her surprise, though, Lexus slightly smiled and then he shook his head. “I guess I’ve been worried for nothing.”
“Ha?” Worried saan? Ano ba'ng pinagsasasabi ng lalaking ito?
“Wala. Huwag mo na lang pansinin ang mga pinagsasasabi ko.”
“Eh iyon na nga ang nakakatakot. Mamaya, may sinasabi ka na pala riyan tungkol sa akin na baka ikapahamak ko. Mahirap na, 'no?”
“Does my words always spell danger to you?”
Hindi nagawang makatugon kaagad ni Guia sa tanong na iyon ni Lexus. Danger nga ba ang dala ng mga sinasabi nito sa kanya? “Hindi,” agad na sagot niya. “But I can’t still help feeling nervous. Or I guess that’s just me.” Kapagkuwan ay may naalala siya kaya muli niyang hinarap ang binata. “Lexus, may gusto sana akong ipakiusap sa 'yo. Kung pupuwede sana, huwag ka na munang magbabanggit ng kahit na ano tungkol sa...” Pero hindi na niya magawang ituloy ang sinasabi. Nakaramdam na naman kasi siya ng kirot gayong ipapakiusap lang naman niya ang tungkol sa pagsasayaw niya.
“Hindi naman kita pipilitin kung ayaw mo munang pag-usapan ang tungkol doon, Guia. Ang sabi ko nga sa 'yo, may pagka-insensitive ako. Hindi lang minsan iyon. Pero sana, huwag mong tuluyang isara ang pinto para sa bagay na alam kong mahal na mahal mo.”
Kunot-noong tiningnan niya ang binata. Ganoon na lang ang gulat niya nang makitang nakatingin pala ito sa kanya. At hindi lang isang simpleng tingin iyon. Isang matamang tingin na agad na nagpabilis sa tibok ng kanyang puso. Kahit sabihin pa na hindi bago sa kanya ang pakiramdam na iyon kapag si Lexus ang kaharap niya, may iba siyang nararamdaman sa mensahe na nais nitong iparating sa kanya sa pamamagitan ng tingin.
“Gagawin ko ang lahat para tulungan ka na magbalik-loob sa pagsasayaw, Guia. Alam ko at nararamdaman ko na hindi mo pa nagagawang talikuran iyon nang tuluyan. Ipinapangako ko sa 'yo iyan. Okay?”
Seryoso ba talaga ang lalaking ito sa mga sinabing iyon?
No comments:
Post a Comment