Saturday, March 25, 2017

Guia's Lotus: Be With Me - Chapter 4

KAHIT hindi sigurado si Guia kung totoo nga ba ang sinabi ni Mirui sa kanya nang araw na iyon, pinili na lang niyang huwag munang pagtuunan iyon ng pansin. Isa pa, hindi makakatulong sa concentration niya ang alalahanin pa iyon lalo pa’t patuloy pa rin siyang nag-aalala para kay Lexus. Mahigit isang linggo na itong hindi nakakapasok sa school dahil sa trangkaso nito na siya ang may kasalanan. Kahit sabihin pa ni Mirui na kagustuhan ni Lexus ang nangyari kaya walang dahilan para sisihin niya ang sarili.

Sa loob ng mga panahong hindi pumasok ang binata, wala siyang ibang ginawa kundi ang mag-practice ng piyesang patutugtugin niya sa musical play at magbasa ng mga nobelang hindi pa niya nababasa. Nakatulong naman iyon sa kanya na ibaling sa iba ang atensyon niya. At natutuwa siya roon.

Nang araw na iyon, hindi maintindihan ni Guia kung bakit hindi siya mapakali. Iba rin ang kabang buong araw niyang nararamdaman mula nang tumapak siya sa Alexandrite University. Ayaw niyang isiping may hindi magandang mangyayari kaya naman pinilit niya ang sariling mag-isip ng mga positibong bagay.

Isinukbit na niya sa balikat ang sling bag at lumabas na sa classroom nang masigurong wala nang masyadong maraming estudyanteng nasa labas. Subalit agad siyang napahinto nang may tumigil ilang hakbang lang ang layo sa kinatatayuan niya. Nang mag-angat siya ng tingin, napaismid siya at tiningnan nang masama ang taong iyon.

“Lalo ka yatang gumaganda, Guia. Mukhang inspired ka, ah,” bungad ng lalaking nasa harap niya at malakas pa ang loob na ngitian siya.

“Eh ano ngayon? Ang lakas din ng loob mong magpakita sa akin, ah. Bakit? Nagsawa ka na bang paglaruan ang ibang babae at ako ang iniistorbo mo ngayon?” sarkastikong tugon niya na hindi inaalis ang masamang tingin sa lalaki—na nagkataong ex-boyfriend niya. Si Jeric.

“Hindi mo pa rin ba ako napapatawad, Guia? Dalawang taon na 'yon. Mag-move on na tayo, okay? It’s not healthy for both of us.”

Nagtaas naman siya ng kilay. OA din sa kayabangan ang taong 'to, ah. “Sa akin, oo. It will never be healthy lalo na kung nakikita ko sa paligid ang buwisit mong pagmumukha. Kaya puwede ba, Jeric, umalis ka na sa harap ko bago pa ako tuluyang mabuwisit sa 'yo at maihampas sa pagmumukha mo ang hawak kong libro ngayon? Hindi talaga ako mangingiming ihampas sa 'yo ito kapag hindi mo pa ako nilubayan.”

Agad siyang naglakad palayo sa lugar na iyon at kay Jeric kahit na ibang direksyon naman ang tinatahak niya. Mas pabor na iyon sa kanya kaysa naman makasalubong pa niyang muli ang lalaking iyon. Mukhang ito pa yata ang dahilan ng kabang kaninang umaga pa niya nararamdaman, ah. She should’ve known.

Pero sa gulat ni Guia, naramdaman niyang biglang may humawak sa braso niya at pinilit siyang iharap. Agad na napalitan ng galit ang gulat na naramdaman niya nang makitang si Jeric ang may gawa niyon. “Ano ba’ng problema mo?”

“Huwag ka ngang maarte.  Ako na nga itong nagpakahirap na puntahan ka rito para lang makausap ka, ikaw pa itong pakipot diyan.”

“Hindi ka rin hambog, 'no? Ako, magpapakipot sa 'yo? Sa panaginip mo na lang, Jeric. Dahil hindi ako katulad mong assuming at tanga,” pigil ang galit na banat niya sa lalaki bago hiniklas ang braso mula sa pagkakahawak nito. “At baka nalilimutan mo, ang laki ng kasalanan mo sa akin kaya walang dahilan para magpakipot ako sa 'yo. Hindi pa ako nasisiraan ng bait para gawin iyon sa taong walang pakundangang sumira sa mga pangarap ko.”

Sa totoo lang, hindi niya alam kung paano pa niya nagagawang magsalita nang hindi ito sinisigawan man lang. Hindi maikakaila ang tindi ng galit na nararamdaman niya dahil sa pagpapakita ni Jeric sa kanya nang mga sandaling iyon. Pero may delikadesa pa naman siya kaya nagawa pa niyang magpigil ng galit upang hindi ito mabulyawan.

“Iyon ang ipinagsisintir mo? Ang nangyari pa rin sa auditorium? Kasalanan mo naman iyon, eh. Masyado na kasing mataas ang lipad mo at hindi ko naman hahayaang masira lang ng katulad mo ang mga pangarap ng girlfriend ko, 'no? Mabuti na nga iyon. Hindi ka na nahihirapan ngayon. Isang pangarap na lang ang tinutupad mo.” At ang buwisit, ngumisi pa.

That’s it! That was the final straw. Guia was about to burst out and give this guy a good beating when something unexpected greeted her view. Namalayan na lang niya na nasa harap niya ang humahangos na si Lexus habang kaharap si Jeric na hawak-hawak ang panga nito at nakahiga sa sahig.

“L-Lexus?” hindi makapaniwalang sambit niya. Ano’ng ginagawa nito roon? Hindi ba’t may sakit pa ito? Wala nga ito kanina sa practice ng tennis team, 'di ba?

“Sino ka ba, ha? Ang lakas naman ng loob mong makialam sa amin!” galit na sabi ni Jeric habang pinipilit na tumayo.

“Mahalaga pa ba kung sino ako? Eh ako nga, walang pakialam kung sino ka. Pero hindi naman ibig sabihin n’on, hahayaan kitang bastusin ang kaibigan ko. At huwag na huwag mo nang ipaalala sa kanya ang mga nagawa mong kahayupan noon kung ayaw mong iparanas ko pa nang triple sa 'yo ang lahat ng sakit na pinagdaanan ni Guia sa sira-ulo mong girlfriend.”

Halata ni Guia sa tinig ni Lexus na nagpipigil din ito ng galit. At ano’ng sinabi nito? Kaibigan siya nito? At pati na rin ang huling sinabi nito. Does that mean he already knew?

“Let’s go, Guia. Ako na ang maghahatid sa ‘yo pauwi. At huwag ka nang makipagtalo pa sa akin, okay?” mahinang sabi ni Lexus nang tumigil ito sa tabi niya. 

Sa gulat niya, hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya paalis sa lugar na iyon. Hindi na niya nagawang mag-react nang tama dahil sa bilis ng mga pangyayari. Idagdag pa ang pagdadaop ng mga palad nila ni Lexus na sa 'di malamang dahilan ay agad na nagpabilis ng tibok ng kanyang puso. Sa totoo lang, mababaliw talaga siya nang wala sa oras dahil sa mga nangyayari.

Pero bakit ginagawa ni Lexus ang mga iyon para sa kanya?

xxxxxx

“KAILANGAN mo ba talagang gawin iyon, Lexus?” Iyon ang mahinang tanong ni Guia sa binata na bumasag sa nakakabinging katahimikan sa pagitan nilang dalawa.

Hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang isipin. Sa totoo lang, nalilito na siya sa mga nangyayari. Bakit bigla na lang manggugulo si Jeric sa buhay niya matapos ang lahat ng kasalanang ginawa nito sa kanya noon? Ano ba ang dahilan ng muling pagpapakita nito sa kanya? At si Lexus, bakit siya tinutulungan nito? Naalala niya ang mga sinabi ni Mirui noon tungkol sa mga ikinikilos ng tennis captain ng Falcon Knights pagdating sa kanya. That he cared for her. Gusto niyang paniwalaan iyon sa mga sandaling iyon. Pero may mga bagay pa ring pumipigil sa kanya para gawin iyon.

“Mabuti na lang pala at naisipang kong pumasok ngayon kahit ayaw pa talaga akong papasukin ni Rui. Kung hindi, baka kung saan ka na dinala ng sira-ulong iyon at baka kung ano pa ang nagawa niyang masama sa 'yo,” sa halip ay tugon ni Lexus matapos bumuntong-hininga.

Hinarap niya ito pagkatapos niyon. Pero ang atensyon nito, nakatuon lang sa paligid kung saan sila naroon nang mga sandaling iyon. Naroon silang muli sa tagong bahagi ng park kung saan una silang nagkausap nang masinsinan ni Lexus noon. Pero hindi maikakaila na hindi niya matagalan ang katahimikang nakapalibot sa kanila mula nang hawakan nito ang kamay niya at hilain siya paalis sa hallway. Tanging ang init na nagmumula sa palad ng binata habang hawak-hawak nito ang kamay niya ang nagpapakalma sa kanya kahit papaano.

It was as if the warmth of his touch was enough message for her to know that nothing bad would happen to her.

“Thank you. Thank you so much, Lexus,” taos-pusong sabi ni Guia. Huli na nang mamalayan niyang isinandal na niya ang ulo sa balikat ng binata. Naramdaman niya na tila nanigas ito sa ginawa niyang iyon pero wala naman itong ginawa upang paalisin siya nito. Bagkus ay naramdaman pa niya ang banayad na paghaplos nito sa buhok niya, dahilan upang mapapikit siya upang namnamin ang sandaling iyon.

“Mukhang tamang-tama lang pala ang dating ko, kung ganoon.”

“Trust me, you have no idea. Pero…” Napahinto siya at umalis sa pagkakasandal sa balikat ni Lexus upang tingnan ito. “Ano’ng ibig sabihin ng mga sinabi mo kanina kay Jeric?”

Kunot-noo siyang tiningnan ni Lexus. “Alin sa mga iyon? Marami-rami rin akong nasabi kanina, ah.”

“Iyong… tungkol sa pinagdaanan ko kay Clara. Ibig sabihin ba n’on, alam mo na?” Kailangan talaga niyang malaman mula sa binata ang totoo. 

Walang naging tugon si Lexus. Bagkus ay muli nitong itinuon ang tingin sa paligid. Pero si Guia, hindi inaalis ang tingin sa binata habang hinihintay ang magiging sagot nito. It appeared that he was still preparing himself. Ilang sandali pa ay huminga ito nang malalim.

“Tinanong ko si Errol tungkol doon. Pero ang ginawa lang niya, sinamahan niya ako kay Ria at pinilit namin ang kaibigan mo na sabihin sa akin ang lahat ng nalalaman niya tungkol sa nangyari sa 'yo,” salaysay ni Lexus na hindi tumitingin sa kanya.

Magkaganoon man, ramdam pa rin ni Guia na wala itong masamang intensyon sa ginawa nitong pagtuklas sa kung ano man ang nangyari sa buhay niya noon. Nag-iwas siya ng tingin dito at pinahid ang tumulong luha sa kanyang mga mata. Nakakainis lang! Of all moments na mapapaiyak pa siya, bakit kung kailan kasama niya si Lexus?

Hindi nagsasalita si Lexus. Hanggang sa namalayan na lang niya na isinasandal nito ang ulo niya sa balikat nito. Kapagkuwan ay hinahaplos din nito ang kanyang buhok na para bang ginagawa nito iyon upang pakalmahin siya. Moments later, she cried it all out… real hard. Lahat ng luhang pilit niyang itinago sa loob ng dalawang taon mula nang mangyari ang aksidente, inilabas niya sa tulong ng presensiya ni Lexus.

“Go ahead, cry all you want. I won’t stop you. I’m just here,” Lexus said comfortingly as he continued to caress her hair. Naramdaman din niya ang banayad na paghalik nito sa tuktok ng ulo niya na bagaman ikinagulat niya, panandalian lang iyon.

Well, just as he wanted her to do, she let it all out. There’s no holding back now…

xxxxxx

NAROON ang malaking kagustuhan ni Guia na tumalikod na at kumaripas ng takbo nang tuluyang makita ang lugar na pinagdalhan sa kanya ni Lexus. Ano'ng pumasok sa kukote nito at kinaladkad pa talaga siya nito patungo sa school auditorium?

Dapat pala ay kinutuban na siya sa itsura nito nang makita niya ito sa harap ng classroom kanina at inaabangan ang paglabas niya. Pero mas nangibabaw ang gulat na naramdaman niya nang makita ito. Idagdag pa ang pasaway niyang puso na biglang bumilis ang pagtibok dahil sa presensiya ni Lexus.

“Of all places na pagdadalhan mo sa akin, Lexus, bakit sa lugar na ayaw ko nang balikan pa? Nang-aasar ka lang talaga, 'no?” Hindi na niya napigilang makaramdam ng inis habang sinasabi ang mga iyon sa binata.

Pero nanatili pa ring walang emosyon ang mukha ni Lexus nang tingnan ito ni Guia. Kung hindi lang nito hawak nang mahigpit ang kamay niya, kanina pa talaga siya tumakbo. Mukhang alam nito na gagawin nga niya iyon sa oras na makarating sila sa auditorium.

“Sinabi ko na sa 'yo, 'di ba? Tutulungan kitang balikan ang pagsasayaw. Pero hindi mangyayari iyon kung hindi kita matutulungang labanan ang takot na patuloy pa ring nandiyan sa puso mo dahil sa nangyari,” seryosong tugon ni Lexus nang sa wakas ay tingnan siya nito.

Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang intensidad ng tingin nito sa kanya. Pero hindi rin niya maikakaila na dumoble ang kabang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon dahil doon.

“Wala nang dahilan para gawin mo pa ito, Lexus,” nasabi na lang ni Guia sa kabila ng panghihinang naramdaman. “Puwede mo naman akong tulungan sa ibang paraan, eh. Huwag lang dito. Please... Huwag lang dito.”

Umiling ito at hinawakan ang likod ng ulo niya. Napatingin siya rito at sigurado siya na bakas na ang pagmamakaawa sa mga mata niya. Ngumiti lang ito nang masuyo. “Isa ito sa mga paraan para matulungan ka, Guia. May palagay ako na hindi ka tuluyang makakabalik sa pagsasayaw hanggang nariyan pa ang takot sa puso mo kapag nakikita mo ang lugar na ito.”

“Dahil dito nangyari ang lahat, Lexus. Ang lugar na ito ang isa sa nagpapaalala sa akin ng pangyayaring iyon. Idagdag mo pa ang pagmumukha ng sira-ulong Jeric na iyon, ang mga achievement ng Dance Troupe na wala akong naitulong. Ipinapaalala lang nila sa akin ang lahat ng hirap ko na kalimutan ang lahat ng pinagdaanan ko pagkatapos ng aksidente.”

“Makinig ka sa akin, Guia,” masuyong utos ni Lexus, dahilan upang hindi niya magawang iiwas ang paningin kahit gustuhin niya. Bakit ba kasi ganito na lang kung makatingin sa kanya si Lexus? Kulang ang salitang intense. “Hindi ba puwedeng umisip ka ng ibang dahilan para pilitin mong alisin ang takot na nararamdaman mo? Hindi mo ba ako puwedeng gamitin na rason?”

Mababakas ang matinding gulat sa mukha ni Guia nang marinig ang tanong nitong iyon. Tama ba ang narinig niya? Pero teka! Ano'ng ibig sabihin n'on?

“Alam kong mahirap sa ngayon dahil ang tagal na rin mula nang huling beses kang nakarating dito. Pero ito ang gusto kong tandaan mo, Guia. Hindi lahat ng tao sa paligid mo, katulad ng sira-ulo mong ex-boyfriend na gusto kang mahulog at malugmok sa isang tabi. Meron at meron pa ring sasalo sa 'yo at maglalahad ng kamay para tulungan kang makatayo ulit. At kung mahulog ka man ulit kahit sinubukan mo nang tumayo, tandaan mo na isa ako sa mga sasalo sa 'yo, okay?”

Okay... Nananaginip lang siguro siya.

Lexus did not just say those words, right?

Lalo siyang naumid nang maramdaman ang paghapit nito sa baywang ni Guia at yakapin siya. Patunay lang na lahat ng mga nangyayari nang mga sandaling iyon ay totoo. Hindi na niya napigilan ang mapaiyak. Ano ba ang nagawa niya para magkaroon ng kaibigang katulad ni Lexus?

Pero sa totoo lang, bakit bigla siyang nanlumo sa salitang “kaibigan”?

xxxxxx

WALANG ibang gustong gawin si Lexus nang mga sandaling iyon kundi ang pagmasdan ang patag na paghinga ni Guia habang nakaidlip. Nakapatong ang ulo nito sa balikat niya. Naroon pa rin sila sa auditorium. Pero hanggang doon lang sila sa mga upuan sa pinakataas na bahagi. Hindi pa rin niya mapilit ang dalaga na lumapit sa mismong stage. Ayaw talagang tumigil sa pagmamakaawa si Guia na huwag lumapit doon.

Alam niyang nahihirapan pa rin ang dalaga sa gusto niyang mangyari. Binalaan naman niya sina Ria at Errol na paniguradong magsusumbong si Guia sa mga ito tungkol sa gusto niyang mangyari rito. Pero sana ay maintindihan ng mga ito na para rin kay Guia ang ginagawa niya.

Kahit alam na ni Lexus ang buong kuwento tungkol sa aksidenteng kumitil sa pangarap ni Guia, hindi niya alam kung bakit gusto pa rin niyang marinig ang tungkol doon. Pero ginusto niyang malaman iyon sa mismong bibig ni Guia. Ang akala niya noong una, hindi ito magsasalita. Kahit nang tumigil na kasi ito sa pag-iyak, walang salitang lumabas mula sa dalaga. Malungkot lang itong nakatingin sa stage. Kapagkuwan ay humugot ito ng malalim na hininga at nagsalita.

Hindi man pilit, pero alam niya na hindi rin ganoon kadali para kay Guia ang magkuwento. Gusto na talaga niyang sabihin dito na okay lang kahit hindi na nito ikuwento ang mga pangyayari kung mahirap din lang para rito. Pero napipilan siya nang mag-umpisa na itong magsalita...

“Audition day 'yon. Nagpasimula ng audition para sa musical at dance play si Ma'am Terre. Kahit nga maging bahagi lang ng ensemble, okay lang sa akin, sabi ko. Hindi naman ako mapili. Pero si Ma'am Terre na mismo ang nagsabi sa akin na puwede raw akong mag-audition for one of the lead casts. Apat na lead parts iyon—ibig sabihin, dalawang lead couple. Pinag-iisipan ko pa naman iyon. Hindi kasi ako sigurado kung gusto ko ng sobrang exposure.” Tumawa nang mahina si Guia kapagkuwan.

Pero si Lexus, nanatili lang nakatingin sa dalaga na malungkot pa rin ang mukha.

“Ang hindi ko alam, nag-audition din pala para sa isa sa lead female roles si Clara, 'yong kaibigan ni Jeric. Boyfriend ko pa ang sira-ulong iyon nang mga panahon na iyon. Only to find out that Clara wasn't just a friend to him. Wala man lang akong kaalam-alam na pinaglalaruan na pala ako ng lalaking iyon. Hindi siguro nakatiis, at siguro dahil malaki ang posibilidad na makuha ko ang isa sa lead female roles, kinompronta ako ni Clara.”

“Noon mo ba nalaman ang tungkol sa panloloko ni Jeric sa 'yo?”

Tumango si Guia. “At alam mo kung ano ang weird? Wala akong naramdaman ni katiting nang malaman ko iyon. 'Yong ini-expect kong sakit na darating, hindi dumating. Hindi ko alam kung namanhid lang ako o inaasahan ko na darating ang ganoong pagkakataon. At talagang ipinamukha pa sa akin na wala raw akong kuwenta, na wala akong talent at ang taas naman daw ng pangarap ko na maging bahagi ng play sa klase ng talent na meron ako.”

Hindi na nagulat si Lexus sa pag-usbong ng 'di maipaliwanag na galit para sa walang hiyang Jeric na iyon. Dapat pala ay higit pa sa isang suntok sa mukha ang ibinigay niya rito.

“Mas nakatutok ang atensyon ko noon kay Jeric. Kaya huli na nang namalayan kong tuluyang nakalapit sa akin si Clara. Nagulat na lang ako sa pagtulak na ginawa niya sa akin. Ang malala pa, itinulak niya ako sa mga kahoy na inipon at nakapuwesto patayo sa isang tabi ng backstage. Binaklas kasi nang araw na iyon ang isang stage scene kaya nandoon ang mga kahoy na iyon. Bumangga ang likod ko roon at tumusok sa pakong nakausli mula sa isa sa mga kahoy. Bumagsak malapit sa akin 'yong mga kahoy pero napailalim ang isang paa ko. Medyo malalim ang iniwan na sugat ng nangyaring iyon. Kaya sa twuing tinitingnan ko ang peklat ng sugat na iyon sa paa ko, laging sumasagi sa isip ko ang araw na iyon. Lagi rin akong pinapangunahan ng takot na maulit ang bagay na iyon kapag pinilit ko ang sarili ko na sumayaw ulit.”

Natapos ang kuwento ni Guia sa tila hirap na paglunok at patuloy na pagtulo ng mga luha nito. Hindi naman magawang ialis ni Lexus ang tingin sa dalagang nahihirapan nang mga sandaling iyon. Hanggang tingin lang ang kaya niyang gawin dito dahil wala siyang mahagilap sa isip niya kung paano ito pakakalmahin.

Huminga siya nang malalim kapagkuwan. Natagpuan na lang niya ang sarili na inaakbayan si Guia na napasinghap pa sa gulat at siya na ang nagpatong ng ulo nito sa balikat niya. 'Di nagtagal ay napahagulgol ang dalaga.

“Tatanggalin ko ang takot na iyan sa puso mo, Guia,” pangako niya. Pero hindi siya sigurado kung naririnig ba nito ang lahat ng sinabi niyang iyon. “Gagawin ko ang lahat para mangyari iyon. Huwag ka lang susuko, okay?”

Walang naging tugon si Guia sa sinabing iyon ni Lexus maliban sa patuloy na pag-iyak nito. Pero hinayaan lang niya ito. Sa napansin niya, ang tagal na nitong hindi nailalabas ang sakit ng kaloobang nararamdaman matapos ang aksidenteng iyon.

At ngayon nga ay nakatulog na ito sa balikat niya dahil na rin siguro sa pagod sa pag-iyak. Tiyak na sermon ang aabutin niya kay Mirui kapag nalaman nito na pinaiyak na naman niya si Guia. Natawa siya. Mukhang napapadalas naman yata ang panenermon ng babaeng iyon sa kanya.

Pero sa mga sandaling iyon, wala muna siyang pakialam sa sermong aabutin niya. Mas mahalaga sa kanya si Guia at sa pagtulong na gusto niyang ibigay rito.

xxxxxx

MARAMI ang nakakapansin na tila nag-iba ang aura ni Guia pagkatapos ng araw na iyon na ipinagtapat niya kay Lexus ang lahat. Matapos aminin iyon sa binata na ilang taon din niyang pilit na itinago mula rito, parang nawala ang bigat sa dibdib na matagal na pala niyang dala-dala. It was truly a refreshing feeling. Nakadagdag sa magandang pakiramdam na iyon ang katotohanang hindi siya nakarinig ng anumang hindi maganda mula sa binata pagkatapos ng lahat. Naroon lang ito sa tabi niya na para bang sinasabi nito na naiintindihan nito ang lahat.

Sino ang mag-aakala na may ganoong klaseng side pala si Lexus? Sa totoo lang, hindi inaasahan iyon ni Guia. Pero hayun, ipinakita pa talaga nito iyon sa kanya. Gaya nga ng sabi nito, may mga characteristic ito na tanging si Mirui lang ang nakakakita. Hanggang maaari ay nais nitong manatiling misteryo sa lahat ang tunay nitong personalidad. Kung gusto man nitong ipakita sa iba ang tagong bahaging iyon ng pagkatao nito, mas gusto raw nito na sa mga piling tao lang iyon ipakita.

Naisip niya na ang suwerte naman ni Mirui dahil ito talaga ang nakakakita kung sino si Lexus Willard del Fierro sa labas ng tennis court at campus ground ng Alexandrite University. Kaya nakakapagtaka talaga na wala man lang naging relasyon ang dalawang iyon. Isa siya sa mga nagulat nang malaman na ang may relasyon ay sina Mirui at Theron. Ano kaya ang nangyari para ganoon ang kahantungan ng lahat? 

“Alam mo, kulang na lang, iisipin ko talagang nag-uusap kayo nang palihim ni Lexus, eh,” untag ni Mirui na dahilan upang mapatingin siya rito.

Kumunot ang noo niya nang makitang nakangisi ito. Ano na namang kalokohan ang nasa utak ng babaeng 'to? Kung minsan talaga, nakakatakot si Mirui kapag ganito ang ngiti nito. Napaghahalatang may kalokohang gagawin. “Umayos ka nga! At saka, ano na naman ba 'yang mga pinagsasasabi mo? Alam mo, kapag ikaw narinig nina Ria at Stacie, lagot ka sa akin. Masasapak talaga kita nang wala sa oras.”

“'Sus! Umiral na naman ang pagka-war freak mo, Ate Guia. Kaya ko lang naman nasabi iyon kasi nga po, imbes na ang piyesang nakatoka sa 'yo ang pina-practice mo, ibang kanta ang pinagtutuunan mo ng pansin. At kapareho pa talaga ng kantang madalas patugtugin ni Lexus sa piano sa bahay, ah.”

Tumutugtog ng piano si Lexus? Hindi niya yata alam iyon. Pero kung tutuusin, marami pa siyang hindi alam sa lalaking iyon. At ano ang sinabi ni Mirui? Kapareho ng tinutugtog ni Lexus sa piano ang kantang pinatutugtog naman niya sa violin?

“Ang weird na nga ng mga ikinikilos ni Lexus this past few days, eh. But I guess I like him better right now than he was before. Alam mo bang mas maluwang nang ngumiti iyon ngayon? Ang ganda na rin ng aura niya. Hindi na ganoon ka-gloomy tulad ng dati. Inspired siguro sa 'yo.”

Napailing na lang siya at nag-iwas ng tingin. Mahirap na, baka makita pa nito ang pag-init ng kanyang mga pisngi. “Manahimik ka nga, Mirui. Malabong mangyari iyon, 'no? At saka, bakit naman siya mai-inspire sa akin?”

“Who knows? Ayoko nang alamin at baka masapak lang ako n’on. Hanggang pang-aasar lang ako pero ayokong tuluyang panghimasukan ang buhay niya maliban na lang kung talagang kinakailangan. Pero sa tingin ko, may kinalaman ang pag-uusap ninyo sa auditorium last week.” 

Iyon lang at umalis na sa tabi niya si Mirui. Pero siya, nanatili lang itong sinusundan ng tingin. Hindi naman niya napigilang mapangiti nang maalala ang sinabi nito. Na inspired daw si Lexus dahil sa kanya.

Well, what happened a week ago between her and Lexus really changed her outlook in life. Kaya siguro, masasabi rin niyang inspired siya. But no way she would reveal that to anyone. Sa kanya na lang iyon, 'no? She proceeded to play the song she was playing on her violin a while back as she sang the lyrics of the song in her mind.

“Sore ni egaita mirai wa... Te wo tsunaide waraiatte iru... Sonna sukoshi no shiawase de ii noni wa... Kanawanai no? Hontou wa ne soba ni ite hoshii noni... Demo umaku kimi ni tsutaerarenai... Todokanai kimochi to wakatteru kedo... Nee semete suki de isasete... Onegai...”

Pero seryosong usapan, bakit nga ba niya pinatutugtog ang kantang ito mula pa kahapon?

No comments:

Post a Comment