"IT'S RARE to see you up here practicing."
Natigil sa pagtugtog ng gitara si Mirui nang marinig iyon. Kasabay niyon ay ang awtomatikong pagbilis ng tibok ng kanyang puso nang malingunan kung sino iyon. Naroon siya sa rooftop ng building ng College of Arts para mag-unwind sa pamamagitan ng pagtugtog ng gitara.
"Kailangan ko rin naman ng change of atmosphere, 'no? Masama ba 'yon?" Kapagkuwan ay napayuko siya nang hindi niya magawang tagalan ang tinging iginagawad ni Theron sa kanya.
Naramdaman pa niya ang pag-upo nito sa tabi niya. Ilang sandali pa ay naramdaman niya na may ipinandong na naman ito sa kanya. Nang tingnan niya iyon ay nakita niya ang varsity jacket nito, dahilan upang mapatingin naman siya sa binata.
"Bakit ba ang hilig mong ipahiram sa akin ang jacket mong ito kahit hindi ko naman hinihiram sa 'yo, ha? Alam mo, kapag nakita ako ng fangirls mo rito at ganito ang suot ko, good luck na lang talaga sa akin kung makakalabas pa ako ng buhay sa campus."
Tumawa ito. "As if they could easily do that to you. Tingnan mo nga, tingnan lang sila ni Captain, kung hindi hinihimatay, tumitiklop kaagad ang mga babaeng iyon."
Napangiti naman siya sa tinuran ng binata. Napapansin niya na tila napakadali na lang para rito ang ngumiti. Hindi gaya dati na talagang milagro na mapangiti ito ng kung sino maliban sa mga kabarkada nito. "Kahit na tingnan na sila ni Lexus ng masama para lang matahimik, wala pa ring effect. Sa palagay ko, nawawala na ang killer effect ng tingin ng lalaking iyon."
Pagkatapos niyon ay tiningnan ni Mirui si Theron. Para lang magulat na nakatingin din pala ito sa kanya. Naumid siya sa nasilayan. Who would've thought a time like this would come? 'Yong pagkakataon na magagawa niyang tingnan si Theron ng ganito kalapit. Ilang sandali pa ay nakita niya na unti-unti itong napangiti na hindi niya alam kung bakit. Naging dahilan din iyon upang makaramdam ng pagbilis ng tibok ng kanyang puso.
Seriously speaking, what's going on with me? Ilang beses nang itinatanong ni Mirui iyon sa sarili. Hindi niya alam kung saan hahanap ng matinong sagot. O kung may tutulong man sa kanya. Nag-iwas na siya ng tingin nang hindi na naman niya matagalan ang tinging iginagawad nito.
Itinuon na lang niya ang atensyon sa paggigitara. Baka kasi sakali na matanggal ang kung anumang agiw sa kanyang utak at makapag-isip na siya nang matino.
"Nawawala ka talaga sa realidad kapag nagpapatugtog ka ng gitara, 'no?" putol ni Theron sa katahimikang nakapalibot sa kanila.
Hindi na niya napigilan ang pagngiti. "Masyado bang halata?"
Tumango si Theron. "It's always like that every time I watch you perform."
Natigilan siya. "Every time?" Ibig sabihin, matagal na nitong napapanood ang mga performance niya?
"You're one of the Imperial Flowers. Walang nakakapagtaka roon."
"Oh." Bahagya siyang nadismaya sa sagot nitong iyon. Pero pilit niyang huwag ipahalata iyon sa binata. Somehow, she was actually expecting a different answer from him. Kaya lang, ano namang sagot ang inaasahan niyang marinig mula kay Theron? Sa totoo lang, hindi na talaga niya maintindihan ang sarili.
Mirui just composed herself nang matiyak na wala na namang patutunguhang matino ang mga pinag-iisip niya. Nang muling pagtuunan ng pansin ang gitara ay sumagi sa isip niya ang isang ideya na nais niyang gawin ni Theron. Hinarap niya ang binata kapagkuwan.
"Want to use this?" aniya at saka iniabot ang gitara rito. "I want to hear you sing again."
Bakas ang pagkagulat sa mukha ni Theron habang nagpalipat-lipat ang tingin nito sa gitara at sa kanya. Marahil ay hindi nito inaasahan ang narinig. "W-what do you mean 'again'? N-narinig mo na akong kumanta dati?"
Nakangiting tumango siya. "Pero hindi ko sasabihin kahit kanino ang hidden talent mo na 'yon. Huwag kang mag-alala."
Bagaman tila nakahinga ito nang maluwag sa sinabi niya, kababakasan pa rin ng pag-aalinlangan ang guwapong mukha ng binata. Habang siya naman ay pigil ang hininga habang hinihintay ang isasagot nito. Gusto na nga niya itong yugyugin para lang sumagot o kumilos man lang para iparating na sa kanya ang sagot na kailangan niya.
Ilang tensyunadong sandali pa ang lumipas bago nagawang pakawalan ni Mirui ang pinipigilang hininga. Kasabay niyon ay maluwang siyang napangiti nang kunin nito ang gitara sa kanya.
Tumikhim si Theron. "What song do you want me to sing?" tanong nito nang harapin siya.
Napaisip siya hanggang magliwanag ang hitsura niya. "The song that you want to sing to the... one you care about. Kahit sino pa iyon. O kung ayaw mo naman, bahala ka na kung ano ang gusto mong kantahin." Mirui just wanted to hear him sing again after three years.
Maybe it would help her realize something important.
= = = = = =
A SONG... to the one I care about? Teka, ano nga ba ang kantang puwedeng tumugma sa sinabing iyon ni Mirui kay Theron?
Hanggang sa maalala niya ang isang kanta na matagal na niyang sinasabi na dedicated especially kay Mirui. Huminga siya ng malalim nang makapagdesisyon na sa wakas. Sana ay magustuhan iyon ng dalaga.
"Minamasdan kita nang 'di ko alam. Pinapangarap kong ikaw ay akin. Mapupulang labi at matingkad mong ngiti, umaabot hanggang sa langit. Huwag ka lang titingin sa akin at baka matunaw ang puso kong sabik..."
How long Theron had been dreaming of this moment? To sing this song in front of the girl whom he wanted to listen to it. Grabe, hindi niya maipaliwanag ang saya at kaba na sabay niyang nararamdaman. Kahit alam naman niyang hindi malalaman ni Mirui na para rito ang kantang buong puso niyang iniaalay rito, he was still glad na maipaparating niya iyon sa dalaga.
Theron glanced at Mirui who was just sitting beside him. She was watching him with amusement and admiration in her eyes. On top of that, she was smiling beautifully. His heart soared high at the sight. Hindi nito alam kung gaano siya pinasaya niyon.
Kaya naman hindi na nakakapagtaka na lalo siyang ginanahan sa pagkanta at pagtugtog na ginagawa. He would pour his heart out to the song he was singing at the moment. He would convey his feelings for Mirui that way. Ang hiling lang niya, malaman at maintindihan sana iyon ng dalaga.
It was his earnest wish at the moment. Wala nang iba.
"Sa iyong ngiti, ako'y nahuhumaling... At sa tuwing ika'y lumalapit, ang mundo ko'y tumitigil... Ang pangalan mo, sinisigaw ng puso... Sana'y madama mo rin ang lihim kong pagtingin..."
= = = = = =
"ALAM mo, puwede ka na talagang sumali sa SGS, eh. Ang galing mo talagang kumanta. Or better yet, mag-audition ka na lang sa isang recording company."
Tumawa lang si Theron sa tinurang iyon ni Mirui. Kasalukuyan silang naglalakad pauwi pagkatapos nilang tumambay sa rooftop. Hindi niya akalaing may maganda rin palang idudulot ang desisyon niyang mag-unwind doon imbes na sa clubhouse ng Imperial Flowers. Nakita pa niya si Theron at muling narinig ang pagkanta nito kahit aminadong nahihiya itong gawin iyon.
Ang totoo niyan, naisipan lang niyang magtungo roon dahil kailangan niyang mag-isip nang husto. Hindi niya gusto idamay ang mga kaibigan sa problemang bumabagabag sa kanya nang mga sandaling iyon. Nalaman kasi ng kanyang ina na nakikipaglapit siya kay Theron. At nagkaroon pa tuloy sila nito ng argumento dahil ipinipilit nito na layuan niya ang binata.
Hindi siya tanga para hindi malaman ang dahilan kung bakit sinabi ni Sierra iyon sa kanya. But as if she would let her mother win. Tama nang nadadamay sa gulo si Lexus. Hindi niya hahayaang pati siya ay maisama roon.
Not now that Mirui had finally come to realize one important thing because of what was happening to her these past weeks.
"Hey, natahimik ka na naman riyan," untag ni Theron.
Lihim siyang napapitlag at hinarap ito. "Wala lang. may iniisip lang ako."
"Problem?"
"Hmm... Ayoko na lang pag-usapan iyon. Mawawalan lang ng silbi ang pag-a-unwind ko kapag inisip ko pa ulit iyon." Pagkatapos niyon ay walang pasabing kinuha niya ang isang kamay nito.
Kagyat na napatigil sa paglalakad si Theron at gulat na napatingin sa magkahugpong nilang mga kamay bago tumingin sa kanya. Nginitian lang niya ito nang matamis.
"You won't mind, right?" Alam niyang nasa mata na rin niya ang pag-aasam na pumayag ito. Come to think of it, when was the last time she held his hand like this? Oo nga, nagyakap na sila nito noon. But to actually hold his hand where she knew she would feel that undeniable warmth from him...
It was then that she was truly sure of one thing. Hindi na niya gustong pakawalan pa ito.
Ganoon na lang ang tuwa ni Mirui nang ngitian siya ni Theron bago tumango. Nagpatuloy na sila sa paglalakad na magkahawak-kamay. Walang salitang namamagitan sa kanila. But holding each other's hands like that seemed to be enough to convey everything that words couldn't say.
Ang hiling lang niya, sana ay maparating din niya rito ang totoong nararamdaman—ang realisasyon sa lahat ng mga nangyayari sa kanya. Sana ay maiparating niya ang katotohanang mahal na ni Mirui si Theron.
Palihim niyang sinulyapan ang binata. Gusto niyang matawa sa realisasyong dumating sa kanya. Hindi talaga niya lubos maisip na darating siya sa puntong iyon—na mamahalin niya si Theron. Pero heto na, wala na siyang magagawa. Nangyari na. Now all she had to do was to let him know about it and fight for it.
Lalaban siya para sa pagmamahal niya para kay Theron. Iyon na lang ang pakakaisipin niya habang ipinaparamdam ang damdaming iyon dito.
= = = = = =
HINDI na nagulat si Mirui nang maabutan niya ang inang si Sierra sa sala. Nakaupo ito sa sofa at halatang hinihintay ang pag-uwi niya. Mula kasi nang malaman nito ang tungkol sa kanila ni Theron ay napapadalas na ang pagbabantay nito sa mga kilos niya na noon naman ay hindi nito ginagawa. Hindi na rin ito naglalagi sa skating school gayong malapit na ang competition kung saan kailangan nitong tutukan ang performance ng mga estudyante nitong sasali roon, kasama na si Yuna.
Bumuntong-hininga na lang siya at dire-diretso siya sa hagdanan para magtungo na sa silid.
"So tinatalikuran mo na lang ako ngayon, Mirui? 'Di ba sinabihan na kita na huwag mo nang palalain pa ang sitwasyon? Bakit hindi mo pa rin nilalayuan ang Monterosa na 'yon, ha?" sunud-sunod na saad ni Sierra.
Marahas siyang napabuntong-hininga para lang mapawi ang inis na lumulukob sa kanya.
Pero wala talaga siya sa mood para lang patulan pa ang ina. Kahit sabihin niya rito ang saloobin, hanggang alam niyang patuloy na nababalot ang puso nito sa galit dahil sa isang bahagi ng nakaraan nito ay hindi siya pakikinggan nito. Hindi na lang niya ito pinagtuunan ng pansin at nagtungo na sa silid para makapagpahinga.
No comments:
Post a Comment