Thursday, August 13, 2015

Finding A Special Heart - Chapter 3

ANG AKALA ni Seth ay binibiro lang siya ng babaeng kanina'y yakap-yakap niya nang mahigpit. He even thought na dahil siguro sa tagal ng panahong hindi sila nagkita ni Czarina ay nakalimutan na nito ang itsura niya. Pero nagkamali siya. At ang pagkakamaling iyon ang pinakamasakit para sa kanya na tanggapin.

Paano nangyaring nawala ang alaala ni Czarina?

Kuyom niya ang kamao nang maalala ang naging takbo ng mga pangyayari kanina lang...

Nanigas si Seth nang marinig niya ang tanong na iyon ni Czarina at bahagyang dumistansiya siya rito. Subalit hindi pa rin niya ito pinapakawalan.

"It's me, Seth. Seth Alarcon," pagpapaalala niya rito.

Unti-unting bumigat ang pakiramdam niya nang wala siyang makitang bakas ng rekognisyon sa mga mata nito. Had she forgotten about him?

"Seth..." ulit nito sa pagbigkas. Pero wala nang idinulot iyon na ibang reaksyon mula rito. Umiling ito at hinarap siya. Her face had a look that said she was sorry. "I don't remember. Halos lahat ng mga pangyayari sa buhay ko other than the ones I have for the past three years, hindi ko maalala ang mga iyon. So if it's true that you know me and if I met you before I had an accident, I'm sorry if I can't remember anything about you now."

Tuluyan na niya itong pinakawalan sa labis na pagkabigla. Ano ba'ng nangyari nang mga panahong wala siya sa Pilipinas? Paanong umabot sa ganito?

Hindi na siya nakakilos pa nang magpaalam ang dalaga—kung dalaga pa nga ba ito—na papasok na ito sa bahay. All he could do was to watch at her retreating figure with a heavy heart. Kung noong magpaalam siya kay Czarina 13 years ago ay sobrang paghihirap na ang nararamdaman niya, nang mga sandaling iyon ay parang pinapakol ang puso niya nang paulit-ulit. At iyon ay dahil sa katotohanang napunta sa wala ang lahat ng isinakripisyo niya.

Czarina couldn't remember him. So how would he fulfill his long time promise to return and make her his?

Hindi naglaho ang tanong na iyon sa isipan ni Seth kahit na ilang oras na siyang naroon sa loob ng kotse niya at nakamasid lang sa tahanan ng mga Almendarez. It still looked the same on the outside. But what lies inside was something that had surely happened. Lalo na ang dalagang nagmamay-ari niyon.

"How could you forget me like that, Czarina?" puno ng pait na bulong niya sa sarili. Sa inis niya ay hinampas niya ang manibela ng kotse. He felt helpless and truth be told, he also wanted to cry.

=========

PAGHINGA lang nang malalim ang tanging tugon ni Czarina habang nakatingin siya sa labas ng bintana ng kanyang silid sa ikalawang palapag ng bahay na iyon. Mag-aalas-siyete na ng gabi subalit nakikita pa rin niya ang nakaparadang SUV ni Seth Alarcon sa kabilang bahagi ng kalsada na nasa tapat lang ng bahay niya. Hindi pa rin siya makapaniwala na kilala siya ng taong iyon na talaga namang sikat sa corporate world.

Sa 'di malamang dahilan, tila napakasakit sa kanya na malamang hindi niya ito matandaan. Batid niyang napakalaki ng bahagi ni Seth sa nakaraan niya, lalo na kung ibabase iyon sa damdaming idinulot at binuhay nito sa kanya habang yakap siya nito kanina. Parang ramdam pa rin niya ang mga matitipunong bisig nito na nakapalibot sa kanya hanggang sa mga sandaling iyon. Naroon ang pakiramdam na minsan na siyang niyakap nang ganoon ng kung sino.

"Hanggang tingin na lang talaga ang gagawin mo? Wala ka bang planong puntahan siya?"

Napalingon siya sa pinto kung saan iniluwa niyon si AJ. Sa mga makakarinig ng palayaw na iyon mula sa kanya sa unang pagkakataon kapag nagbabanggit siya ng anumang tungkol sa pinsan niya, aakalain talaga na lalaki ang tinutukoy niya. Walang alam ang mga iyon na babae ang pinsan niyang iyon sa ina. Kung bakit ba naman kasi AJ pa ang naisip nitong palayaw sa pangalan nitong Alcris Jane.

"Para ano? Para lalo ko siyang masaktan? Huwag na," aniya at muling napatingin sa labas. Sa pagkadismaya niya, pinaandar na ni Seth ang sasakyan paalis sa lugar na iyon.

Why do I have a feeling that I've seen something like this before?

"'Yan tuloy. Umalis na siya." Umupo ito sa tabi niya.

"Kanina pa dapat." Napabuga siya ng hangin. "Bahagi ba talaga siya ng nakaraan ko, AJ? Ano ba ang meron sa aming dalawa?"

"Bakit hindi mo siya tanungin?" balik-tanong nito.

"Eh sa hindi ko nga malapitan. Tanungin pa kaya?" Ngali-ngaling batukan talaga niya ito. Hindi ba nito naiintindihan ang dilemma niya?

"Lalo kang walang malalamang sagot kung ganyan ang iniisip mo. Kaya ka nga pumunta rito sa Altiera, 'di ba? Para hanapin ang kulang-kulang mong alaala. Isa lang si Seth sa makakatulong sa iyo, Czari."

"Paano ka nakakasiguro sa sinasabi mong iyan? Eh sinabi mo nga kay Carlyn na ilihim ang tungkol sa pagpunta-punta ko rito bago ang aksidente." Hindi na niya itinago ang tampo sa pinsan dahil sa bagay na iyon.

"May magbabago ba kung sabihin ko sa iyo ang tungkol doon? Puso mo pa rin ang magdedesisyon kung gusto mong bumalik dito o hindi. And I guess I just did the right thing. Mukhang kinakasihan ka rin ng pagkakataon ngayong nagdesisyon kang bumalik. Tingnan mo naman. Bumalik din dito si Seth, though he surely came back at a wrong time."

Hindi na siya nakaimik dahil naintindihan niya kaagad ang nais ipunto ni AJ. Nagbalik siya sa Altiera at nagkita sila ni Seth na wala siyang maalalang anuman tungkol dito. At nagdulot ang katotohanang iyon ng 'di matatawarang sakit sa kanilang dalawa. Oo, alam niyang hindi lang pagkabigla ang naramdaman ni Seth nang sabihin niya rito na wala siyang maalala. Sa paraan na rin ng pagtingin nito sa kanya nang pakawalan siya nito, nakita niya sa mga mata nito kahit na saglit lang ang sakit na iyon.

She, too, was hurt though she still had no idea where it came from. But she knew she felt something else, as well. Longing, relief, happiness... Muli niyang hinarap ang pinsan niya na sa mga sandaling iyon ay kinakalikot na ang upright piano na naroon sa silid niya.

"Sino ba talaga si Seth Alarcon sa buhay ko, AJ? Please tell me the truth. Sa paraan na rin ng pagkakasabi mo, parang alam mo ang koneksyon niya sa akin," saad niya na hindi inaalis ang tingin kay AJ na tila saglit na natigilan bago siya harapin nito.

"Seth Alarcon... is your childhood friend and first love, Czarina. And he was the one who gave you the shawl you're wearing now."

=========

PAGTAPON ng bato sa lawa ang tanging ginagawa ni Seth nang umagang iyon. Naisipan niyang magliwaliw muna dahil hindi siya nakatulog nang maayos kagabi dahil sa dami ng iniisip. Iisa lang naman ang iniisip niya.

Walang iba kundi ang dahilan ng pagbabalik niya sa bayan ng Altiera—si Czarina Almendarez. Ang babaeng wala nang maalalang anuman tungkol sa kanya. Hanggang sa mga sandaling iyon, hindi pa rin siya makapaniwala sa natuklasang limot na ni Czarina ang nakaraan nila. Walang kapantay na sakit ang idinulot niyon sa puso niya. Tila ba nawalan ng saysay ang pagbabalik niya roon matapos ang labing-tatlong taong pagtitiis.

But then he also had faults with regards to that. Hindi niya kaagad tinupad ang ipinangako niya kay Czarina noon. Oo nga't nakikibalita siya sa pamamagitan ng mga tauhan niya. Subalit natigil iyon nang mamatay ang kanyang amang si Enrico Alarcon may limang taon na ang nakakalipas. Hindi basta-basta ang responsibilidad na kaagad ipinasa sa kanya bilang chairman ng Alarcon Industries pagkatapos niyon. Kaya naman napokus sa pagpapalakad ng kompanya ang atensiyon niya at hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataong alamin ang anumang tungkol kay Czarina.

At iyon ang pinagsisisihan niya. Kung noon pa siguro siya gumawa ng paraan para magbalik, baka hindi siya ganito ngayon. Baka sakaling napaghandaan pa niya ang pagkikita nilang iyon. Baka sakaling napigilan niya ang aksidenteng tumangay sa alaala ni Czarina. Kung hindi man, baka nagawa niyang manatili sa tabi ng dalaga noong maaksidente ito. Baka nakagawa siya ng paraan para matulungan itong ibalik ang mga alaalang iyon.

Pero hanggang pagsasabi lang ng 'baka' ang tanging magagawa niya. Nahuli na siya at wala nang makakapagbago pa ng katotohanang iyon.

"I'm sorry I came back too late, Czari," bulong niya habang pinagmamasdan ang lawa na puno ng 'di mapantayang lungkot at pagsisisi. Muli siyang kumuha ng bato malapit sa paanan at buong lakas na itinapon iyon sa lawa.

Kahit papaano ay nakatulong iyon upang kumalma siya. Seriously, when was the last time he had done something like this?

Bigla siyang naging alerto nang makarinig ng mga yabag na tila papalapit na sa kinaroroonan niya. Hindi rin niya maiwasang kabahan dahil doon. But then he thought, ano nga ba ang dahilan para kabahan siya? Damn it! Mapapahamak pa yata siya nang wala sa oras, ah. Kung kailan naman hindi siya nagsama ng sinuman sa mga bodyguard niya.

Huli na nang namalayan niyang kumilos siya at natagpuan ang sariling nagtatago sa malaking bato malapit sa kinatatayuan. Ilang sandali pa ang lumipas at narinig niya ang papalapit na mga yabag. Nangunot ang noo niya nang marinig na tila sa paglalakad ang may-ari ng yabag na iyon. Hindi niya alam kung curiosity nga bang maituturing subalit hindi niya napigilang silipin kung sino ang nagtungo sa lugar na iyon.

Subalit nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino iyon. Napalabas siya sa pinagtataguan niya. Kasabay niyon ay naging usal ang unang salitang pumasok sa kanyang isipan nang mga sandaling iyon.

"Czarina..."

=========

ANO'NG ginagawa niya rito? Iyon ang tanong na tanging naisip ni Czarina pagkakita kay Seth na hindi niya alam na nagtatago pala sa malaking bato roon sa lawa.

Nagpunta siya sa lugar na iyon dahil unang hakbang iyon upang matulungan niya ang sarili na alalahanin ang karamihan sa mga nawawala niyang alaala. But she didn't go there by instinct or anything. She had a little help from her old journal she took from the attic the night AJ told her about Seth and his true connection to her. Hindi talaga siya makapaniwala sa mga natuklasan niya. Was Seth the real reason kung bakit tila may pakiramdam siya na may kailangan siyang hintayin? Kung bakit hindi niya maibigay ang puso niya sa kahit kanino? Umaasa ba talaga ang puso niya na tutuparin ni Seth ang ipinangako nitong muling magbabalik para sa kanya?

Pero pinatunayan lang iyon ng journal na hawak niya nang mga sandaling iyon. It was actually a hard bound journal with entries dating back from when she was still 10 years old—starting from the time she met Seth Alarcon—until a year before the accident. There were photos of their journeys together besides the written entries placed there. Nang makita't mabasa niya ang mga iyon, isa lang ang pumasok sa isipan niya.

She could visit the places where she took photos of herself, with her friends, her parents, and with Seth. But she settled on the thought that she would do it alone. She had to remember the memories that goes with each photos in that journal all by herself.

At iyon nga ang rason kung bakit naroon siya sa lawa. Iyon kasi ang lugar na nasa background ng unang dalawang picture na nakita niya sa journal. According to the entry, they were photos that she and Seth took of each other on the same spot. Kaya naman iyon ang unang pinuntahan niya.

Subalit wala naman sa hinagap niya na makikita niya roon ang taong nagsilbing dahilan kung bakit umigting ang pagnanasa niyang magbalik ang alaala niya.

"I... I didn't know you're here," tanging nasabi niya sa kawalan ng matinong sasabihin kay Seth na tila gulat ding makita siya roon. "P-pasensiya na. Naistorbo ko pa ang pananahimik mo rito. Maybe I should—"

"Don't!"

Natigilan siya sa sinabing iyon ni Seth. Ang tanging nagawa na lang niya ay tingnan ito. He had that sad look on his face with the hints of... plea? Para saan?

"Just stay... Please..."

No comments:

Post a Comment