"SIGE NA, sumama ka na kasi. Tatlo na lang naman kayong kinukumbinsi naming sumama. At saka, minsan lang naman ito, eh."
Kulang na lang ay iuntog ni Ayumi ang ulo niya sa mesang nasa harap niya nang mga sandaling iyon dahil sa inis. Nakukulili na kasi ang tainga niya sa walang kupas na pangungulit ng high school batchmate at kaibigan niyang si Beatrice na magpunta siya sa high school reunion ng batch nila. Hindi pa yata sapat ang ilang beses na pag-ungol na narinig nito mula sa kanya na nagpapahayag ng disgusto niya sa nais nitong mangyari.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na ayoko, ha? Hindi naman siguro mahirap intindihin iyon, 'di ba? Ayoko, I don't want to, no way, yadda!" Ano ba 'to? Napa-Japanese pa siya nang wala sa oras. "Isa pa, wala akong mahihita sa pagpunta riyan. Matutulog na lang ako, may mapapala pa ako."
"At gagawin mo na namang stagnant ang social life mo? Ayumi naman! Tumigas na sa ilalim ng iceberg sa Antartica ang pag-asa mong magkaroon ng love life. Huwag mo naman nang idamay sa parehong status ang social life mo!" sermon ni Beatrice sa kanya sa pagkalakas-lakas na tono, dahilan upang mailayo niya sa tainga ang hawak na cellphone.
Pambihira naman kasi sa lakas kung manermon sa kanya ang babaeng 'to! Dinaig pa nito sa kakulitan at paraan ng panenermon tungkol sa love life ang ina niyang nakabase sa Canada kasama ang stepfather niya.
"Kailan ka pa nagkaroon ng concern sa social life ko, eh sa pagkakaalam ko, introvert ka?"
"Sira! Magkaiba ang introvert sa pagiging tahimik."
'Yan! Siya pa ang natawag na sira. Kung hindi ba naman may saltik sa utak ang babaeng kausap niya sa kabilang linya.
"Weh? Ikaw, tahimik? Seryoso?"
"Nililihis mo ang usapan, eh!"
Napangiwi siya sa lakas ng tonong ginamit nito. Akala tuloy niya ay hindi nito nahalata iyon.
"Ano ba kasi ang kailangan kong gawin para lang mapapayag kang sumama?" tila nagmumuryot na tanong nito. Nai-imagine niya bigla ang pagnguso nito habang tinatanong iyon ni Beatrice.
Napabuntong-hininga na lang siya. "Wala kang kailangang gawin dahil hindi talaga ako pupunta."
"Kahit sabihin kong pupunta rin si Anton sa reunion?"
Napaismid siya sa binanggit na iyon ng makulit niyang kaibigan. "Kahit magbalandra pa siya ng pagmumukha't katawan niya roon, I don't give a damn care. 'Yan na nga ba ang sinasabi ko, eh. Kaya mas mabuti pang matulog na lang ako sa araw na iyon. May mapapala pang pahinga ang utak ko."
Ang Anton na tinutukoy ni Beatrice ay ang ultimate crush niya noong high school. Pero gaya ng mga usual na nangyayari, wala siyang lakas ng loob na ipagtapat sa lalaki ang totoo. Nagpapababa pa sa self-confidence niya ang pagiging plain Jane niya samantalang ito ay varsity pplayer at campus hearthrob. Kaya nang maka-graduate na sila't lahat sa high school, hayun at nanatiling tigang sa isang sulok ang feelings niya para rito. 'Di naglaon ay napansin na rin niyang wala na ang batang damdaming iyon.
"Eh kung sabihin ko sa iyo na pupunta rin doon si Ma'am Tina? Alam mo ba na noong huling beses na nagkita kami, hinahanap ka niya sa akin?"
Doon na siya tila nag-alangan. Ayaw man niyang aminin pero nagkaroon siya ng urge na pumayag na sa kagustuhan ni Beatrice para lang makita ang favorite high school teacher niya. Pero gusto na rin niyang maubusan ng pasensiya dahil lahat na lang yata ng maaaring idahilan nito ni Beatrice para lang mapapunta siya ay nasabi na nito.
Naku! Mababatukan talaga niya ito.
"Kahit si Ma'am Tina na lang ang gamitin mong rason para magpunta sa reunion. It's okay kahit siya na lang ang kausapin mo roon. Basta magpunta ka lang. Please?" todo-pakiusap ni Beatrice sa kanya. Kulang na lang ay ma-imagine niyang nakaluhod ito sa harap niya para lang mapapayag siya.
Pero reasonable naman sa kanya ang option nito. At least, may sense ang makakausap niya roon. Isa pa, para na rin niya itong pangalawang ina at alam ng ginang ang life story niya dahil saksi ito sa mga iyon.
Hay, naku, Beatrice! Kung hindi ko lang ina-inahan ang taong pinamba-blackmail mo sa akin, baka nasakal kita nang walang pasabi. Pero hindi naman siya ganoon ka-brutal para sabihin iyon sa best friend niya. Isang malalim na buntong-hininga ang huling tugon niya bago siya muling nagsalita.
"Sige na. Pupunta na ako. Para lang makita si Ma'am Tina at wala nang iba," pagpayag niya na may pagdidiin sa huling pangungusap.
At ang reaksiyon ng bruha niyang kaibigan? Isang matinis at nakakabinging tili sa salitang "yes", dahilan upang mailayo niya ulit sa tainga cellphone. Napailing na lang siya.
= = = = = =
"HINDI ka ba mapapahamak diyan sa reunion na pupuntahan mo, apo?" nag-aalalang usisa ni Lola Esme kay Ayumi habang naghahanda siya ng maisusuot para sa buwisit na reunion na iyon at para na rin sa kasabay na bakasyon niyon.
Naisipan niyang bisitahin ang Lolo Hernan at Lola Esme niya sa bayan ng Altiera kung saan naglalagi ang mga ito habang siya ay nagtatrabaho sa Baguio bilang receptionist sa isang flower shop. Nabanggit din niya sa mga ito ang tungkol sa reunion dahil wala naman talaga siyang inililihim sa mga ito. Isa pa, kahit 26 years old na siya ay bantay-sarado pa rin ng mga ito ang kilos niya, lalo na ang mga pinupuntahan niya.
Mabuti na raw ang nakakasiguro dahil takot ang mga ito na maulit sa kanya ang minsang sinapit ng ina nang dumalo ang huli sa isang kasiyahan. Iyon ang mga panahong nakipagtalik ang dati'y teenager niyang ina sa kasintahan nito, conceiving Ayumi in return. Isa pa, iyon din ang ikinatakot ng kanyang ina na posibleng pagdaanan niya. Kaya naman kabilin-bilinan nito sa lolo't lola niya na bantayan siya, lalo na ang mga taong pinakikisamahan niya.
Maagang ipinagbuntis si Ayumi ng kanyang ina—disinuwebe ito nang mangyari iyon. Ito at ang lolo't lola niya ang nagpalaki sa kanya dahil tinakasan ito ng boyfriend nito na siyang biological father niya. Hindi nagkukuwento ang kanyang ina pagdating sa lalaking iyon at halata rin ang matinding disgusto ng dalawang matanda rito kaya wala siyang ideya kung sino nga ba ang ama niya. Pero okay lang iyon sa kanya dahil hindi naman siya pinabayaan ng kanyang ina. Even though she was a product of a mere curiosity and teenage stupidity, she was never treated as such. Ganoon din ang trato sa kanya ng lolo't lola niya.
She was in third year high school nang makilala ng ina ang Filipino-Canadian nitong asawa. Tinanggap ng lalaki ang lahat—ang nakaraan nito at pati siya—para lang makasama ang kanyang ina. Ayumi was happy and she was able to prove how much her stepfather loved her as his own and her mother, most of all. Kaya naman ibinigay niya sa mga ito ang blessing na alam niyang kailangan ng mga ito upang tuluyang magsama. Pero hindi siya sumama sa mga ito na manirahan sa Canada dahil hindi niya kayang iwan ang lolo't lola niya. Binibisita pa rin siya ng mga magulang niya kapag may mahahalagang okasyon sa buhay niya at nagkakausap rin sila sa Facebook, Skype, at sa telepono.
"Lola, huwag po kayong mag-alala. Kasama ko naman po si Beatrice, eh," pagkokonsola niya sa matandang babae.
"Naku! Kaya nga mas lalo akong nag-aalala para sa iyo, apo. Makakita lang ng guwapo ang babaeng iyon, kinakalimutan na nito ang mga dapat gawin."
Hindi niya napigilang matawa. "Lola talaga... Parang sinabi n'yo na rin po na wala kayong tiwala sa kaibigan ko. Hindi po ako ipapahamak n'on." At sigurado siya sa bagay na iyon... kahit papaano.
"Hindi naman sa ganoon, Ayumi," ani Lolo Hernan na kapapasok lang sa kanyang silid. "Mabuti na ang nakakasiguro. Alam naming mabait at mapagkakatiwalaang tao si Beatrice. Hindi ka niya pababayaan. Pero hindi mo pa rin alam ang takbo ng utak ng mga taong nasa paligid mo. Sa Laguna pa man din ang reunion na iyan. Wala nang ligtas na lugar sa panahon ngayon."
"Alam ko naman po iyon. Pero pangako po, mag-iingat po ako. At saka, si Ma'am Tina lang naman po ang talagang dahilan kung bakit po ako pupunta sa reunion. Pupunta rin kasi siya, eh. Gusto ko lang po siyang makita ulit. Miss ko na po kasi siya, eh," tuwang anunsyo niya sa dalawang matanda.
Hindi lingid sa mga ito ang nagawa ng nasabing guro para sa kanilang mag-ina noon.
"Talaga? Ay, naku! Kumustahin mo siya, ha?" At napatingin si Lola Esme kay Lolo Hernan. "Wala na pala tayong dapat ipag-alala, Hernan. Pupunta rin pala si Kristina sa reunion." Kristina ang given name ni Ma'am Tina.
"Balita ko'y sundalo raw ang naging asawa ni Tina."
Tumango siya bilang tugon sa sinabing iyon ni Lolo Hernan. "At nasabi po sa akin na isasama raw po ni Ma'am Tina ang asawa niya sa reunion. Hinahanap nga raw po ako ng mag-asawang iyon sabi ni Beatrice dahil gusto raw akong makita ng asawa ni Ma'am."
Napatango-tango na rin ang lolo't lola niya. Siguro naman ay wala na siyang dapat problemahin pa sa pagpawi sa pag-aalala ng mga ito sa gagawin niyang pagpunta sa high school reunion.
"O, siya! Mukhang wala na kaming dapat ipag-alala ng lolo mo. Basta mag-iingat ka, ha?" bilin ng matandang babae.
Sa tuwa ay niyakap na lamang niya ito at nagpasalamat.
= = = = = = =
NAKAHINGA nang maluwag si Ayumi paglabas niya sa opisina ng kanyang amo na si Beth Santiago matapos magpaalam na magli-leave muna siya ng dalawang buwan. Sa loob ng dalawang taong pagtatrabaho niya sa flower shop na iyon—ang Love Blossoms—ay hindi man lang niya nagamit ang vacation leave, sick leave at emergency leave niya. Hindi man nahahalata ng iba pero mahal niya ang trabaho niya, lalo na kapag kaharap niya ang mga bulaklak na talaga namang nagbibigay ng kasiyahan at kapanatagan sa kanya.
Muli niyang binalikan ang mga trabahong pansamantalang iniwan sa isang kasamahan nang magpaalam siya sa kanyang amo. Subalit hindi pa man siya nakakapag-umpisa sa dapat na gawin ay napaangat siya ng tingin nang marinig ang pagbukas ng pinto ng shop.
Hindi niya alam kung bakit tila natigilan siya sa nasilayan. Wala nang bago sa kanya na makita ang isang lalaki sa flower shop para mamili. Marami nang naglabas-masok roon na mga lalaki upang bumili ng bulaklak na kadalasan ay inaalay ng mga ito sa mga girlfriends at nililigawan. Pero iyon yata ang unang pagkakataon na ayaw niyang ialis kahit na isang segundo ang paningin niya sa lalaking kasalukuyang nagmamasid sa hilera ng mga chrysanthemum.
May significance siguro ang bulaklak na iyon sa kanya, naisip na lang niya habang patuloy pa rin siya sa pagmamasid sa lalaki. Ang weird lang dahil madalang mangyari na makuha ng isang estrangherong lalaki ang atensiyon niya. Kaya ano'ng meron sa lalaking ito at kahit wala man lang itong sinasabi at ibang ginagawa kundi ang pagmasdan ang chrysanthemum ay nagawa pa rin nitong kunin ang atensyon niya.
Mayamaya pa'y tinawag na ng lalaki ang atensiyon ng isa sa mga kasamahan niya—si Tasha—na kanina pa tila impit ang kilig na pinagmamasdan ang una. Hindi tuloy niya napigilang matawa subalit sinikap niyang gawin iyon nang mahina. Pero hindi yata siya nagtagumpay na huwag ipahalata iyon kahit kanino. Nakita kasi niyang napalingon sa kanya ang lalaki.
That action somewhat froze her and immediately wiped the smile on her face. Kung kanina na kalahati lang ng mukha nito ang nakita niya ay kapansin-pansin na ang taglay nitong kaguwapuhan, the full view of his features redefined her perception about the guy.
Well, I guess he's a perfect example of a chinky-eyed cutie... na hindi ko alam kung bakit pamilyar yata sa akin. Have I met this guy before? Kunot-noong pilit niyang kinalkal sa memory bank niya ang mga taong nakilala niya noon na posibleng tumugma kay Chinky-Eyed Cutie. Pero ang problema sa kanya, mahina siya sa muling pag-alala ng mga dating mukha.
Kaya nga ang mga kasamahan niya ang humaharap sa mga customers nila na kalaunan ay nagiging suki na nila. Dumarating kasi siya sa puntong humihina ang memory niya pagdating sa pag-alala sa mukha ng mga tao, lalo na kapag matagal na niyang hindi nakikita.
Nagpatuloy na lang siya sa pagmamasid sa lalaki na kinukuha mula kay Tasha na nag-a-assist dito ang in-order intong isang bouquet ng white chrysanthemum. Hindi niya maiwasang matawa sa ngiting iginawad ng lalaki sa kasamahan niya na ikinailing na lang niya.
Watching this wouldn't get her anywhere. Ipinagpatuloy na lang niya ang dapat gawin at hinarap ang trabaho. Baka lalo lang makulta ang utak niya kapag nanatili pa siyang nakatingin at napatulala sa kung sinong anak ni Adan na walang hirap na kumuha ng atensiyon niya.
Ang pagbukas at pagsara ng pinto kasabay ng magalang ngunit pilit itinatago ang kilig na paalam ng kasamahan niya ang sumunod na narinig niya. Subalit hindi siya nag-angat ng tingin para makita ang pag-alis ng lalaki. Mahirap na. baka matigilan na naman siya nang wala sa oras.
Pero dumating din siya sa puntong kailangan niyang mag-angat ng tingin dahil naeskandalo lang naman ang tainga niya sa pigil na tili ni Tasha. Napansin niyang papalapit ito sa kanya na tila excited. Nangunot na lang ang noo niya nang dumako ang tingin niya sa puting box na hawak nito.
"Ano nama'ng ipinagwawala mo riyan, Tasha? At ano naman 'yang hawak mo?" kaswal na tanong niya.
"Ayumi, ha? Wala ka man lang nababanggit sa amin na may manliligaw ka pang poging singkit," malapad ang ngiting turan ni Tasha kasabay ng mahinang pagpalo nito sa braso niya.
But those words only caused her frown to deepen to hide her surprise and show her obvious confusion. "Ano? Ako, magkakaroon ng manliligaw? Kailan pa? At paano nangyari iyon?" Oo nga't alam niyang may mga nagtatangka subalit taob na bago pa man makadiskarte ang mga ito. Siguro nga, magaling lang siyang manopla lalo na kapag talagang ayaw niya sa tao.
"Ikaw, ang galing mo talagang maglihim. Anyway, ipinabibigay niya ito para sa iyo. Sana raw, magustuhan mo." Ipinatong ni Tasha sa table niya ang puting box na hawak nito kanina pa. Iniwan na siya nito pagkatapos.
Para nga sa kanya ang box na iyon dahil nakasulat doon ang buong pangalan niya—Ayumi Mercado. Complete with a drawing of a baby holding a plush heart. Sa hindi matukoy na dahilan, kumabog ang dibdib niya sa nakita.
Wala siyang pinalampas na sandali at binuksan na niya ang box upang makita ang laman niyon. Napaawang siya nang tumambad sa kanya ang tuktok ng isang glass figurine. Kinuha niya iyon at inilabas sa box. Katulad ng nasa drawing sa box ang korte ng glass figurine na iyon. May nakaukit na mga salita sa platform ng saan nakadikit ang puwitan ng figurine.
Napamulagat siya sa nabasa niya.
Nice to see you again, Baby Girl.
No comments:
Post a Comment