Tuesday, March 28, 2017
I'll Hold On To You 61 - No More Truce
Saturday, March 25, 2017
Guia's Lotus: Be With Me - Chapter 4
KAHIT hindi sigurado si Guia kung totoo nga ba ang sinabi ni Mirui sa kanya nang araw na iyon, pinili na lang niyang huwag munang pagtuunan iyon ng pansin. Isa pa, hindi makakatulong sa concentration niya ang alalahanin pa iyon lalo pa’t patuloy pa rin siyang nag-aalala para kay Lexus. Mahigit isang linggo na itong hindi nakakapasok sa school dahil sa trangkaso nito na siya ang may kasalanan. Kahit sabihin pa ni Mirui na kagustuhan ni Lexus ang nangyari kaya walang dahilan para sisihin niya ang sarili.
Sa loob ng mga panahong hindi pumasok ang binata, wala siyang ibang ginawa kundi ang mag-practice ng piyesang patutugtugin niya sa musical play at magbasa ng mga nobelang hindi pa niya nababasa. Nakatulong naman iyon sa kanya na ibaling sa iba ang atensyon niya. At natutuwa siya roon.
Nang araw na iyon, hindi maintindihan ni Guia kung bakit hindi siya mapakali. Iba rin ang kabang buong araw niyang nararamdaman mula nang tumapak siya sa Alexandrite University. Ayaw niyang isiping may hindi magandang mangyayari kaya naman pinilit niya ang sariling mag-isip ng mga positibong bagay.
Isinukbit na niya sa balikat ang sling bag at lumabas na sa classroom nang masigurong wala nang masyadong maraming estudyanteng nasa labas. Subalit agad siyang napahinto nang may tumigil ilang hakbang lang ang layo sa kinatatayuan niya. Nang mag-angat siya ng tingin, napaismid siya at tiningnan nang masama ang taong iyon.
Thursday, March 23, 2017
You Will Be My Last - Chapter 11 (Final)
Napaiyak si Erin sa huling sinabi ng babae. Naramdaman na lang niya ang pagpatong ng isang kamay sa balikat niya. Nang mag-angat siya ng tingin, nginitian lang siya ni Lady Konami.
"Alam ko na isa ka sa mga dahilan ni Akio para patuloy na lumaban at nang tuluyan na siyang magising. Nararamdaman ko na gustong-gusto na niyang bumalik sa 'yo. I'm sorry kung ngayon ko lang naisipang ipagtapat sa 'yo ang nangyari kay Akio. I want to know one thing, though. I want you to answer it honestly. Mahal mo ba si Akio, Erin?"
Hindi maikakailang nagulat siya sa tanong na iyon ni Lady Konami. Pero ano ba ang dapat niyang ikagulat? Gusto lang malaman nito ang totoong nararamdaman niya kay Akio. Sa nakikita niya, bahagi na ng pamilya ni Lady Konami at hindi lang simpleng tauhan ang turing nito sa binata. Lady Konami was just concerned.
"Wala na akong ibang lalaking mamahalin maliban sa kanya, Lady Konami. Kahit siguro ilang beses niya akong itaboy at ganoon din ako sa kanya, siya lang at wala nang iba ang hahawak sa puso ko sa habang panahon. Hindi sapat ang galit at sakit ng kaloobang nararamdaman ko noong makipaghiwalay siya sa akin para tuluyan ko siyang alisin sa puso ko," matapat na sagot niya.
Tuesday, March 21, 2017
I'll Hold On To You 60 - Finally... We're Friends
Sunday, March 19, 2017
#IAmPrecious
Okay. Matagal-tagal na rin pala akong hindi nakakapag-post ng matino-tinong blog post dito. Sorry naman, mas busy ako sa pagsusulat ng manuscripts ko, eh. Yes, with ‘s’. Plural `yan, ah. Ngayon-ngayon lang, tiningnan ko ang FB newsfeed ko. I kept seeing posts about people and their PHR stories that most of the time had changed their lives. So I’ll post mine here instead of my FB wall/timeline. Para kapag hindi ko ito mahanap sa FB timeline ko kapag naisipan ko itong i-post doon, I could always look here.
Gaya ng naunang sinulat ko, nagsusulat ako ng manuscripts (with “s” so that means it’s plural). Noong una, wala talaga akong planong magsulat ng nobela. Masaya na ako sa pagsusulat ng short stories or even short skits para sa school noon. Nagbabasa rin ako ng mga pocketbook noon, mapa-PHR man o sa ibang publication houses. And I don’t consider them cheap at all. Isa ang mga pocketbooks sa nagpa-realize sa akin kung ano talaga ang gusto kong gawin.
Saturday, March 18, 2017
Guia's Lotus: Be With Me - Chapter 3
IPINIKIT ni Guia ang kanyang mga mata nang maramdaman niya ang pagluluha niyon. Mukhang napagod na nang husto iyon dahil ilang oras na rin kasi siyang nagbabasa. Naroon siya sa ilalim ng malaking puno ng acacia sa open field sa campus ground dahil doon niya naisipang tumambay pagkatapos ng klase. Wala silang professor para sa huling klase niya kaya naman maaga silang pinauwi. Wala rin itong iniwan na activity sa kanila kaya naman ang mga kaklase niya, hayun at masaya.
Pero siya, wala lang. Nanatili lang neutral sa lahat. Ang mahalaga lang naman sa kanya sa mga sandaling iyon ay maayos na niya ang magiging performance para sa musical play. Hindi niya alam kung bakit mas matindi yata ang dedication niya para lang sa performance na iyon. Hindi niya puwedeng irason na ginagawa niya iyon para kay Aria. May mas malaking rason para roon. Kaya lang, hindi naman niya matukoy kung ano.
Para bang... ginagawa niya iyon para makuha ang atensyon ng isang tao. Pero sino?
Hanggang dumating siya sa puntong hindi na niya magawang i-focus ang utak sa musical piece. Kaya ang naging diversion niya sa paparating na frustration, ang magbasa ng nobela. Mabuti na lang pala at dala niya ang ilan sa mga nobelang hindi pa niya natatapos basahin. Iyon na muna ang pinagtuunan niya ng pansin. Pero ninais naman niyang maghanap ng ibang lugar para gawin ang pagbabasa. Agad namang nagsialisan ang mga estudyante sa hallway dahil nagmamadali ang mga ito na umuwi upang makapaglakwatsa sa kung saan. Hindi naman siya nahirapang maghanap ng lugar na puwede niyang pagtambayan upang makapagbasa siya ng tahimik—na walang iba kundi ang malaking puno ng acacia.
Thursday, March 16, 2017
You Will Be My Last - Chapter 10
NAPABALIKWAS ng bangon si Erin at habol ang hininga. Mariin siyang napapikit at minasahe ang dibdib sa pag-asang pahuhupain niyon ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Ilang beses din siyang huminga nang malalim upang pakalmahin ang sarili.
Isang masamang panaginip ang dahilan kung bakit siya nagkakaganoon nang mga sandaling iyon. Hindi maikakaila ang takot na nararamdaman niya nang maalala iyon. Bakit ganoon ang panaginip niya? Naglaho raw si Akio sa tabi niya habang binabagtas nila ang tulay na malapit sa Eirene Tower. Kahit saan siya lumingon, hindi niya ito matagpuan. Nang tunguhin naman niya ang gubat malapit sa tore, napatigil siya nang makita si Akio na umiiling habang nakatingin sa kanya nang malungkot at saka siya tinutukan ng baril na ikinagulat niya.
Mabilis ang sumunod na pangyayari at natagpuan na lang ni Erin ang sarili na nakatulala sa dalawang kamay niyang may bahid ng dugo. Dugo mula sa sugat ni Akio na wala nang buhay sa mga bisig niya. Gusto niyang magsisisigaw sa sobrang sakit at 'di pagkapaniwala pero walang tinig na lumalabas sa bibig niya. Wala siyang ibang ginawa kundi ang humagulgol habang yakap ang katawan ni Akio. Dahil doon kaya hindi na niya napansin ang isang pigura na may hawak na baril at itinutok nito iyon sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya at nanatili lang siyang nakatingin dito kahit nang iputok na nito ang baril.
Nagising siya sa bahaging iyon ng kanyang panaginip. Mabilis pa rin ang kanyang paghinga na parang malayo ang itinakbo. Bahagya na siyang kumalma nang maisipan niyang tumingin sa tabi niya. Pero ganoon na lang ang takot na naramdaman niya nang hindi makita roon si Akio. Agad siyang umalis sa kama at tinungo ang banyo. Wala ito roon. Pati ang ilang bakanteng silid sa bahay na iyon ay pinuntahan niya pero wala sa mga iyon si Akio. Dumagsa ang 'di maipaliwanag na kaba sa dibdib niya nang mga sandaling iyon. Ang kusina at sala na lang ang hindi pa niya napupuntahan. Kung wala rin ito sa garden...
Tuesday, March 14, 2017
I'll Hold On To You 59 - Their Promise
Saturday, March 11, 2017
Guia's Lotus: Be With Me - Chapter 2
HINDI gustong mapag-isa ni Guia sa clubhouse ng Imperial Flowers pero hindi naman niya puwedeng pigilan ang mga kasamahan na umuwi nang maaga. May sari-sariling pagkakaabalahan ang mga ito nang araw na iyon at batid niya na importante ang mga iyon para sa mga ito. Palibhasa siya, ayaw pang umuwi sa bahay dahil nasa trabaho pa rin ang kanyang ina. Ito kasi ang kasalukuyang namamahala sa grocery na iniwan ng kanyang ama bago ito namatay.
Idagdag pa na wala siyang pagkakaabalahan doon kahit sabihin pang umuwi siya kaagad kasabay ng mga kasama niya. Kaya naisipan na lang niyang tumambay muna sa clubhouse. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya matapos patugtugin ang piyesang nakatoka sa kanya para sa musical play. Napapansin niya na ilang araw na niyang nakakahiligang gawin iyon.
To be specific, he was doing that ever since Lexus asked her when she last danced. Parang ibinuhos niya sa ilang beses na pagbuntong-hininga ang pilit na pinipigilang pag-iyak noong araw na itinanong sa kanya iyon ni Lexus.
“Grabe talaga ang babaeng iyon. Ang sabi ko, hintayin ako at sabay kaming uuwi. Mukhang plano pa akong indiyanin, ah.”
Thursday, March 9, 2017
You Will Be My Last - Chapter 9
Hindi na napigilan ni Erin ang mapaiyak sa mga naririnig niya mula kay Akio. Ilang sandali pa ay nanghihinang ipinatong na lang niya ang ulo sa dibdib nito. Doon niya ipinagpatuloy ang pag-iyak. Iyon lang ang gusto niyang gawin upang ilabas ang anumang galit na hindi niya nagawang iparating noon kay Akio, lalo na nang iwan siya nito sa tore para huwag lang madamay sa gulong kinasangkutan nito.
She wanted to yell at him for being an idiot, but immediately dismissed that thought. Pushing her away might be idiotic for her to think about. But for Akio, it was the only way to protect her. Hanggang sa huli, ang kaligtasan pa rin niya ang inalala nito. Kung ginawa nito iyon dahil sa pagmamahal nito sa kanya o dahil sa tungkulin nito, hindi na niya gustong alamin pa.
Tama nga si Karel sa mga naisip nitong posibleng dahilan kung bakit tinalikuran siya ni Akio noon. Pero sino ba naman ang mag-aakala na magkasama ang trabaho at pamilya sa dahilan nito?
"I said to myself that I'd rather die alone in that mission than include you and my comrades in that battle. Pero binago nina Lady Kourin, Lady Akari at Lady Konami ang pananaw kong iyon. Hindi ko puwedeng solohin ang lahat. Ayoko sanang sabihin ang lahat ng ito sa iyo pero ayoko rin namang hayaan kang patuloy na nagtatanong tungkol sa dahilan ko para itulak ka palayo sa buhay ko nang mga panahong iyon," pagpapatuloy ni Akio at niyakap na siya ng mahigpit pagkatapos. "Kahit tapos na ang laban namin, patuloy pa rin ako at ang mga kasamahan ko sa pagsisilbi sa kanila. Pamilya ko pa rin sila sa kabila ng lahat ng mga nangyari na muntik na naming ikamatay. Ngayong nabigyan kami ng pagkakataong maisaayos ang mga pagkakamali namin noon, sinamantala ko na iyon upang makahingi ng tawad sa 'yo. At sana, magawa mo pa rin akong bigyan ng isa pang pagkakataon na maitama ang lahat."
Tuesday, March 7, 2017
I'll Hold On To You 58 - My Final Decision
Saturday, March 4, 2017
Guia's Lotus: Be With Me - Chapter 1
HINDI mapigilan ni Guia ang mapangiti habang pinapanood si Mirui sa tila inspirado na pagpapatugtog nito ng violin. Isa ito sa mga kasamahan niya sa subgroup ng Spiritual Garden Society ng Alexandrite University, ang Imperial Flowers. Sa katunayan, siya mismo ang personal na nag-recruit rito noong first year pa lang ito habang siya naman ay bagong hirang na leader ng grupo.
Kinabibilangan ng labing-dalawang babae ang Imperial Flowers at tatlong taon na siyang leader niyon. At sa loob ng tatlong taon, nakita niya kung paano nahasa ang talento ni Mirui sa tulong na rin ng kanilang grupo. Gaya na rin ng naging pagtulong ng grupong iyon na mahasa ang talento niya at magawa niyang maipakita iyon sa madla.
“Iba nga naman ang nagagawa ng pag-ibig, 'no?”
Napalingon si Guia sa pinagmulan ng tinig na iyon. Sinalubong niya ng ngiti ang papalapit na si Ria, ang secondary leader ng Imperial Flowers. Naupo ito sa kanyang tabi at pinagmasdan din ang inspiradong pagpapatugtog ni Mirui.
Thursday, March 2, 2017
You Will Be My Last - Chapter 8
"PUWEDENG mag-request?" tanong ni Erin kay Akio nang tingnan niya ito.
Naroon sina Erin at Akio sa sofa ng sala. Nakaupo siya sa kaliwang dulo at nakapatong ang isang kamay sa armrest niyon habang hawak ang librong pinagkakaabalahan niyang basahin. Samantalang si Akio ay nakahiga at nagbabasa rin habang nakaunan ang ulo nito sa hita niya.
Mahigit dalawang linggo na ang nakalipas mula nang araw na iyon na sinabi ni Akio na mahal pa rin siya nito. At hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin siyang nagiging tugon sa pagtatapat nito. Laking-pasalamat na lang niya at naiintindihan naman siya ng binata. Kaya lang, nagulat naman siya nang hilingin nito sa kanya na tumira muna sa bahay niya para samahan siya. Pinayagan niya ito sa kondisyon na sasabihin nito sa kanya ang totoong dahilan kung bakit gusto nitong manatili sa tabi niya.
Agad namang ibinaba ni Akio ang binabasa at tiningala siya. "Ano'ng request? Huwag mo lang akong pahihirapan ng magiging request mo sa akin, ha? Kung minsan kasi, imposible ang iba mong request sa akin."