"NOONG una, sa burol. Ngayon naman, sa manggahan? Dapat pala, naghanap na rin si Tita Margaret ng chaperone mo, 'no? At nang hindi ako nang ako ang kinakaladkad mo sa kung saan-saan," himutok ni Ayumi nang magtungo ito sa silid niya isang umaga at kinukulit siyang samahan daw niya ito sa pagpunta sa manggahan.
Pambihira! She was having her beauty sleep—na kailangang-kailangan pa man din niya matapos ang dalawang araw na kinulang siya niyon—nang bigla na lang maisipan ng bugok niyang kaibigan na bulabugin siya. Ano ba talaga ang kasalanan niya sa mundo at ganito ang sinasapit niya sa mga kamay ni Vincent Castagnia?
Okay, way too much drama! Weird lang. Pero masisisi ba niya ang sarili kung ganoon ang drama niya? Kung bakit ba naman kasi nangyari pa ang halikang iyon... Hay, panira lang talaga ng precious concentration. Kaya heto, ang drama ng buhay niya—tingalain ang kisame hanggang sa dalawin na siya ng antok na kailangan niya para makatulog at hopefully ay mairaos ang kanyang isipan mula sa pagkakalubog sa alaala ng araw na iyon.
And to think nangyari iyon three days ago... Ibig sabihin, ganoon na rin katagal na ipinagkakait sa kanya ang tulog na kailangan niya. Kaya naman wala nang tanong-tanong kung bakit moody siya nang umagang iyon. Idagdag pa na umakto si Vince pagkatapos niyon na para bang wala lang dito ang ginawa nitong iyon.