Thursday, December 24, 2015

We'll Always Be Each Other's Baby - Chapter 6

ENJOY na enjoy si Ayumi sa sketches na ginagawa niya sa kanyang sketchpad. Iyon lang ang naisipan niyang gawin nang matapos mananghalian si Vince at as usual at masiguro niyang kumain nga ito nang maayos. Kahit madalas ay nagrereklamo ito sa "pagpapataba" na ginagawa raw niya rito sa pagbabantay niya sa pagkain nito, sa huli ay nauubos pa rin naman nito ang inihahain niyang pagkain dito.

Hindi lang ang pagkain nito ang binabantayan niya sa nakalipas na dalawang linggong pananatili niya sa mansion ng mga Castagnia. Pati na rin ang oras ng pagtulog nito ay kailangan din niyang bantayan. May mga pagkakataon kasi na wala nang itinutulog si Vince dahil sa pagiging subsob nito sa obrang inaasikaso nito. There was one time na muntikan na itong mag-collapse nang nais nitong ipagpatuloy ang ginagawang obra sa kabila ng kakulangan nito sa tulog. Muntik pa nilang pag-awayan iyon. Pero dahil umiral lang naman ang dakilang kakulitan niya, napapayag niya itong magpahinga nang maayos.

Wala na siyang pakialam kesehodang abutin siya nang magdamag sa pagbabantay sa binata. Eh sa nag-aalala siya rito. Mapipigilan ba niya iyon? At least she could prove to him that she cared for his welfare. Bahala na ang bugok kung paano nito titingnan iyon.

Malapad na napangiti si Ayumi nang sa wakas ay matapos na niya ang final touches ng sketch na ginagawa niya. Actually, she was making a portrait of a couple dancing. Subalit unti-unting naglaho ang ngiting iyon nang may maalala siya. She was making the same portrait when Vince suddenly announced that he would leave Altiera before their graduation. Wala pang isang linggo pagkatapos niyon ay umalis na ito na hindi man lang nagpapaalam sa kanya. But she remembered asking one of the maids to give her sketch full of her drawings to Vince after learning that. Hindi nga lang siya sigurado kung natanggap nito iyon kahit na nasa malayo na ito.

Agad na sana siyang aalis sa kinauupuan niyang bahagi ng balustrade ng veranda nang bigla ay masagi niya ang pinaglalagyan ng mga colored pencils sa tabi niya. Out of instinct, she reached out to get it, only to realize later on na iyon ang malaking pagkakamali niya. Hindi nga pala siya nakakapit sa kahit ano bilang suporta! Kaya naman namalayan na lang niya ang sariling nilulukob ng matinding takot at mariing napapikit habang pabulusok siya pababa.

Pero ang inaasahan niyang matinding pagbagsak sa lupa at matinding sakit na sisipa sa kanya ay hindi nangyari. She was breathing hard para kalmahin ang sarili at nanatili pa rin siyang nakapikit. Pilit niyang ina-assess ang sitwasyon sa ganoong paraan. Until a painful grunt brought her out of her reverie and made her finally open her eyes. But what caught her sense of smell was a familiar scent enough to cause her heart to beat wildly.

Pambihira! Ito ang napapala niya sa pag-aalaga sa isang makulit at may katigasan ang ulong lalaki sa loob ng mahigit dalawang linggo. Kaya pati ang amoy nito ay kilalang-kilala na niya. Agad siyang napatayo at ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makumpirmang si Vince nga ang sumalo sa kanya.

"Oh, my gosh! I'm sorry, Vince!" Nagpa-panic na siya dahil patuloy pa rin sa pag-ungol ang binata bago siya tuluyang harapin nito. Grabe! Ano ba 'tong katangahang ginawa niya?

Vince heaved a sigh of relief and smiled. "I'm glad I caught you in time."

Okay... Ngumiti lang si Vince. And yet, para siyang namatanda sa nakita niya. Idagdag pa ang kakaibang kabog ng dibdib niya. What the heck? Ano na ba ang nangyayari sa kanya? "I'm sorry."

"Hey, no sweat! Okay lang ako."

Tila hindi na niya narinig iyon dahil sa dami ng tumatakbo sa isipan niya. Idagdag pa na hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha. Hindi niya alam kung bakit siya napapaiyak. Maybe because of shock, fear, even relief? Hindi siya sigurado. Basta namalayan na lang niya ang sarili na kinakabig ni Vince palapit dito at mahigpit na niyakap nito para pakalmahin siya. At least she could tell that from the way he caressed her hair and whispered comforting words.

That it was okay, that she had nothing to fear anymore. But the way he was holding her at the time... Bakit parang ito pa yata ang natakot nang husto para sa kanya? Ramdam niya ang panginginig nito sa kabila ng higpit ng yakap nito sa kanya—as if he was really scared for her. Pinigil niya ang luhang nagbabadya na namang tumulo. Even though she was really scared, all that mattered to her was Vince and the way he held her at the moment.

Napapikit na lang siya at ninamnam ang kaiga-igayang pakiramdam na dulot ng yakap ni Vince sa kanya. Weird. It felt like he hadn't embraced her like that in eternity. Iba sa yakap na ibinibigay nito sa kanya kapag sinasabi nitong nami-miss siya nito.

Does that even mean anything? Well, wala naman sigurong masamang mag-assume. Basta siya lang ang nakakaalam niyon.

= = = = = =

"SINABI nang okay lang ako, eh. Ilang beses ko bang kailangang sabihin sa iyo 'yan, Baby Girl, ha? Kaya tama na sa kasasabi mo ng 'sorry'. Baka sa susunod, hindi mo na alam kung paano sasabihin 'yan."

Hindi na itinatago ni Ayumi ang pagsimangot niya sa sinabi ni Vince. Gabi na iyon at katatapos lang nilang maghapunan. Kasalukuyan silang nasa silid nito. Patuloy pa rin kasi siyang humihingi ng tawad dito dahil sa pagsalong ginawa nito sa kanya nang mahulog siya mula sa veranda. Kahit sabihin pa kasing nasa ikalawang palapag ang nasabing veranda, may kataasan din iyon at batid niya na matindi ang naging impact ng pagkakabagsak niya rito.

Sa katunayan, kaaalis lang ng family doctor ng mga Castagnia na tumingin dito sa suhestiyon na rin ni Manang Belen na patingnan kung may napinsala sa anumang bahagi ng katawan ni Vince—lalo na ang kamay nito. Talagang hindi niya mapapatawad ang sarili niya kapag nagkaroon ng problema ang kamay nito. Puhunan pa man din nito iyon kaya nga ingat na ingat ito. Mabuti na lang at wala namang ganoong klaseng problema. Nakahinga talaga siya nang maluwag nang marinig iyon. Tinawanan pa nga siya ng doktor dahil doon. Kung makabuntong-hininga raw kasi siya, para raw dumaan sa life-and-death situation si Vince.

"Bakit parang wala lang sa 'yo ang nangyari, ha? Paano na lang kung nagkaproblema nga talaga ang kamay mo? Eh 'di ang laki na ng kasalanan ko sa iyo. Magkikita na nga lang tayo after ten years, magkakaroon pa ng ganitong problema," himutok niya at lalo pang nanghaba ang nguso niya na tinawanan lang ni Vince.

Hay, naku! Kung hindi lang cute ang ngiti mo na sapat para magwala ang puso ko, kanina pa talaga kita inupakan, walang-hiya ka! Natigilan siya sa naisip. Ano raw ang tumakbo sa isipan niya? Mukhang naalog pa yata ang utak niya kahit hindi naman tumama sa kung saan iyon kaya ganoon na lang ang naiisip niya.

"Huwag ka na ngang sumimangot diyan. Lalo kang pumapangit, o."

Naniningkit ang mga matang hinarap niya ito. "Sa lahat naman ng nadaganan, ikaw itong ang lakas pa ring mang-asar. Natural na akong simangutin, okay? At lalo talaga akong sisimangot sa ginagawa mong pambabale-wala sa nangyari sa iyo." Nakakainis talaga 'tong lalaking ito. Parang balewala lang talaga rito ang effort niyang humingi ng dispensa sa nagawa niyang katangahan.

Yes, katangahang maituturing ang nangyari sa kanya. Paano na lang pala kapag mataba siya at mabigat pa? Eh 'di dagdag damage pa pala ang naibigay niya sa kaibigan niyang ito. Napakamot na lang tuloy siya ng batok niya sa naisip.

"Baby Girl, I know you cared for me so much kaya ka ganyan. Pero wala ka na talagang dapat na ipag-alala, okay?" Huminto si Vince sa harap niya at bahagyang yumukod upang magpantay ang mga mata nila nang hawakan nito ang baba niya, saka iniangat iyon.

Now she was staring straight at Vince's eyes. Seriously, hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya magawang iiwas ang tingin niya rito.

"Pero doktor na rin mismo ang nagsabi na walang problema sa akin. Besides, even if I did suffer some damage because of saving you, hindi ko pagsisisihan iyon. If I have to do that again just to make sure you're alright, I'm more than fine with that idea. Ganoon kahalaga sa akin ang kaligtasan mo. Nagkakaintindihan tayo?" seryosong saad ng binata.

Siya naman ay napaawang lang ang labi dahil sa narinig. She could see nothing but sincerity in those beautiful eyes of his kaya alam niyang hindi ito nagbibiro. It took a while before she managed to comfort herself hindi lang dahil sa frustration niya sa nangyari kundi dahil na rin sa walang tigil na pagkabog ng puso niya. Damn it! Hawak-hawak lang ni Vince ang baba niya at nag-speech na ilang pulgada lang ang pagitan ng mga mukha nila. Aba'y manhid na lang talaga ang walang mararamdamang kaba kapag ganoon ang scenario. Lalo na at ganito kaguwapo ang taong gumawa niyon sa kanya.

Sa bandang huli ay napatango na lang siya at ngumiti. "Mahalaga rin naman sa akin ang kaligtasan mo, eh. Kaya nga ako humihingi ng sorry dahil sa nangyari."

"Hay, naku..." Umiling-iling si Vince at walang salitang niyakap siya nang mahigpit. "Quits na siguro tayo dahil pareho lang pala tayong iniisip ang isa't-isa nang mangyari iyon."

Hindi na siya nagsalita pa. Bagkus ay tinugunan na lang niya ang mahigpit na yakap nito sa kanya. "Sigurado ka ba talagang okay ka lang? Huling tanong ko na 'to sa iyo."

"Okay lang ako. Walang napuruhan sa akin noong daganan mo ako kaya wala ka nang dapat na ipag-alala. Pasalamat na lang talaga at hindi ka mabigat. Ikaw yata ang hindi kumakain sa ating dalawa, eh."

Dumistansiya siya rito at hinampas si Vince sa dibdib. "Hoy, kumakain ako, 'no? 'Di hamak namang mas matakaw ako kaysa sa iyo na tamad kumain at talagang kinakalimutan pa ang meal time niya."

Malutong na halakhak lang ang naging tugon nito. "Well, hindi halata kaya ka siguro ganyan ka-sexy."

Kumunot ang noo niya. Did she hear it right? "May sinasabi ka?"

"Wala. Payakap nga ulit."

At siya naman, pinagbigyan ang mokong. In fairness, mas gusto niya iyon kaysa ang makipag-asaran dito. At least, may ideya na siya kung ano ang pakiramdam na makulong sa matitipunong bisig ni Vince. Honestly, she liked it—a lot.

And she knew it spelled one thing. She was definitely in danger.

= = = = = =

"ANO na naman ba'ng topak meron ang lalaking iyon at kung saan-saan na naman ako naiisipang kaladkarin?" ani Ayumi sa sarili at napakamot ng ulo habang tinutulungan si Manang Belen sa pag-aayos ng mga pagkain sa picnic basket. Hindi niya alam kung bakit bigla-bigla na lang nagdesisyon ang lokong Vince na iyon na mag-picnic daw sila sa burol kung saan sila madalas tumambay noong mga bata pa sila.

Sa pagkakaalam niya kasi, mangangalahati pa lang ang natatapos ni Vince sa obra niya—na hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin niya alam kung ano nga ba iyon. Ayaw naman kasi nitong sabihin ang anumang tungkol doon. Sikretong malupit daw. Yeah, right!

Para walang away, hinayaan na lang niya ito. Basta ba hindi siya nito sismangutan at uungusan sa tuwing ipinapaalala niya rito ang oras ng pagkain nito, walang kaso sa kanya kahit manatiling sikreto ang anumang ginagawa nito.

"Pagbigyan mo na lang si Senyorito Vincent, Ayumi. Para mapahinga naman. At saka tingnan mo naman, mukha nang bampira sa putla. Hindi kasi naaarawan nang husto kaya ganoon ang kulay ng balat," nangingiting saad naman ni Manang Belen matapos maisaayos ang lahat ng kakailanganin sa picnic na iyon. "Laking pasalamat ko na lang talaga sa iyo at binabantayan mo ang pagkain niya."

"Mukhang iyon na nga lang po yata ang nagagawa ko para kay Baby Boy."

"Marami ka pang nagagawa para kay Senyorito bukod doon, kung alam mo lang, Ayumi. Ang hiling ko lang ay dumating ka sa puntong mapagtanto mo kung ano ang mga iyon. Para na rin sa kapakanan ninyong dalawa."

Hindi niya mapigilang pangunutan ng noo sa narinig. Mukhang may laman pa yata ang sinasabi sa kanya ni Manang Belen, ah.

"Okay na ba?"

Napatingin siya sa pinagmulan ng tinig na iyon. Kahit kuntodo sa pagwawala ang puso niya dahil sa porma nito—na bagaman simple lang dahil baby blue na polo shirt, jeans at sneakers lang naman ang suot nito—ay nagawa pa rin niyang ngumiti. "Katatapos lang."

"O, bakit hindi ka pa nakabihis? Hindi pupuwedeng naka-shorts kang pupunta roon."

Napatingin tuloy siya sa suot na damit. Kumunot ang noo niya. "Ano nama'ng masama? Wala namang sigurong manyakis na magkakamaling sunggaban tayo sa lugar na iyon habang nagpi-picnic tayo, 'di ba?"

"Basta! Huwag ka na ngang makulit. Isuot mo na lang 'yong damit na nakapatong sa kamang gamit mo. Bilis!"

"Demanding ka lang talaga ngayon, Baby Boy?" Gayunman, sinunod na lang niya ang sinabi nito.

Dumiretso siya sa silid na ginagamit niya na nasa ikalawang palapag at agad na hinagilap ang damit na tinutukoy ni Vince. But she was surprised to see a very pretty summer dress placed there. In fairness to him, magaling pumili ng magandang kulay ng summer dress. It was actually mint green at nang isuot na niya iyon, lumampas lang nang kaunti pababa sa mga hita niya.

Conservative lang? Napailing na lang siya sa naisip. Humarap siya sa salamin at hindi niya napigilan ang mapangiti. Para bang sa pakiramdam niya ay siya talaga ang nasa utak ni Vince nang piliin nito ang damit na iyon.

"Hindi ka pa ba tapos? Ang bagal mo naman!"

Impit siyang napahiyaw nang lingunin niya ang pinto. But what greeted her was Vince's somewhat starstrucked expression as he was looking at her. Soon after, he smiled that charming smile of his. And as usual, matindi na naman ang epekto niyon sa kanyang hindi na yata matatahimik na puso.

"Alam kong bagay ang kulay na iyan sa iyo. But I never thought na magmumukha kang anghel kapag isinuot mo na 'yan," ani Vince.

Napahawak na lang siya sa batok niya at nahihiyang napayuko. Ilang sandali rin ang tinantiya niya bago hinarap ang binata. "Bolero ka na pala ngayon. At saka sa pagkakaalam ko, puti ang sinusuot ng mga anghel. Hindi mint green."

"Well, you look like an angel to me whether you agree to it or not. Let's go."

Well, saka na siya magsasasayaw sa kilig na nararamdaman niya dahil sa sinabi nito. Hindi dapat makita ni Vince ang gagawin niyang iyon. Nakakahiya!

= = = = = =

THE place hadn't changed so much at all. Iyon ang nasa isipan ni Ayumi habang inililibot ng tingin ang burol kung saan sila magpi-picnic ni Vince. Para tuloy siyang nagbalik sa nakaraan sa mga nasilayan niya. Kasalukuyan silang nakaupo sa banig na inihanda rin nila at nakalatag sa malilim na bahagi ng puno ng acacia.

"Alam mo, dapat pala hindi na lang kita dinala rito."

Nagtatakang napalingon naman siya kay Vince nang marinig niya iyon. "Ha? At bakit naman? Matapos mo akong kaladkarin nang sabihin mong magpi-picnic tayo rito. Seryosong usapan, ano'ng topak meron ka ngayon?" Kanina pa kasi siya naguguluhan sa ikinikilos ng mokong na 'to.

Nilunok ni Vince ang nginunguya nitong sandwich at saka siya tiningnan. "Eh sa paligid na lang kasi nakatuon ang atensiyon mo. Dinala kita rito hindi lang dahil sa view, okay? Just for this moment, ako ang gawin mong view mo."

"H-ha?" Nabingi yata siya sa sinabi nito kaya hindi kaagad rumehistro iyon sa isipan niya. Tama ba ang narinig niya?

"Ang sabi ko, ako na lang ang tingnan mo sa halip na ang paligid ang pagtuunan mo ng pansin. I'm just giving you this one moment to do that." Seryoso pa rin ang mukha ni Vince habang sinasabi nito iyon.

Pero sa totoo lang, hindi niya matukoy kung nagbibiro lang ito o hindi dahil doon. O baka naman sa sobrang bilis ng tibok ng puso niya, naapektuhan na pati ang matinong takbo ng utak niya. Ano ba ang pinagsasasabi ng lalaking ito sa kanya, ha?

Kalaunan ay napabuntong-hininga na lang si Vince at napakamot sa sentido niya. "Ito na nga ba ang sinasabi ko, eh."

"Hoy! Nagsasalita ka na namang mag-isa riyan."

"Masamang kausapin ang sarili?"

Napangiti siya. "High blood ka lang, Baby Boy?"

"Hindi, 'no!"

"Eh bakit nakabusangot ka riyan kung hindi ka high blood? Alam mo, sa ating dalawa, ikaw ang pumapangit kapag sumisimangot. Ngumiti ka nga."

"Paano ako ngingiti kung ayaw mo naman akong tingnan? We're supposed to be enjoying this picnic together. Pero parang wala ako rito na kasama mo. Nasa paligid lang ang atensyon mo."

Honestly speaking, kahit sabihin pang hindi na niya makontrol sa kapapasag ang puso niya, hindi niya mapigilang matuwa sa drama ng lalaking 'to sa harap niya. Nakaka-touch lang. Inilapag niya ang kinakaing sandwich at lumapit sa tabi nito. "You're already an adult, Mr. Castagnia. And yet here you are, acting like a child. Hindi mo naman maiiwasang ganito ang maging reaksyon ko sa paligid natin, 'no? After all, ilang taon na rin naman akong hindi nakakapunta rito."

"How long since you last came to this place?" kapagkuwan ay tanong ni Vince matapos siya nitong tingnan nang mataman sa loob ng ilang sandali.

"Since you left," diretsong sagot niya at muling napatingin sa paligid ng burol. Bigla ay naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga mata. No way! She wasn't supposed to cry. Not now. Please lang. Ayokong mag-drama sa harap ni Baby Boy!

Nagulat na lang siya nang mamalayan niya ang sariling nakakulong sa mga bisig ni Vince sa isang mahigpit na yakap mula sa likod. Nakaramdam siya ng kilabot nang tumama sa balat niya ang mainit na hininga nito at napapikit siya nang halikan nito ang punong-tainga niya. Idinantay na lang niya ang mga kamay sa nakapalibot na mga braso ng binata. As if it would actually help, lalo na nang panghinaan siya sa ginawa nitong iyon. But at the same time, it gave her comfort and strength.

"I'm sorry, Baby Girl. I'm sorry for leaving you," hinging-paumanhin ni Vince at hinalikan ang buhok niya.

"Kung makapag-sorry ka naman, parang ang laki-laki ng kasalanan mo. Matagal na iyon, 'no? Ten years ago pa iyon. Mas mahalaga pa rin para sa akin na matupad mo ang mga pangarap mo. Hinding-hindi kita hahadlangan hanggang hindi mo naaabot iyon. Pangako ko iyon sa iyo noon, 'di ba? Kahit noong mga panahong wala silang ibang ginawa sa iyo kundi ang bully-hin ka. Hindi magbabago ang suportang ibibigay ko sa iyo." At bukal sa kalooban niya iyon kahit alam niyang kapalit niyon ay maghihiwalay na naman ang mga landas nila ni Vince.

"What did I do to deserve a girl like you to enter my life?" bulong nito na nagpangiti na lang sa kanya.

Umikot siya at hinarap ang binata. "Tumigil ka na nga sa drama mo. Ang ganda-ganda ng panahon, o. Huwag mong sirain."

"Okay. Hindi na ako magda-drama. Basta ipangako mo sa akin na ako lang ang titingnan mo at wala kang pakialam sa paligid mo, okay?"

"Ano? Ano nama'ng klaseng demand 'yan, ha?"

"Just promise me that. Sige na," pagpupumilit nito. May nalalaman pa talaga itong pagsalikop sa mga kamay nito para lang mapapayag siya.

With a defeated sigh, pumayag na siya sa kagustuhan nito. But soon after, gusto tuloy niyang malaman kung ano ang naging epekto n'on kay Vince para mamalayan na lang siya ang sariling hinahalikan nito.

On the lips! What in the world was going on?

No comments:

Post a Comment