"NOONG una, sa burol. Ngayon naman, sa manggahan? Dapat pala, naghanap na rin si Tita Margaret ng chaperone mo, 'no? At nang hindi ako nang ako ang kinakaladkad mo sa kung saan-saan," himutok ni Ayumi nang magtungo ito sa silid niya isang umaga at kinukulit siyang samahan daw niya ito sa pagpunta sa manggahan.
Pambihira! She was having her beauty sleep—na kailangang-kailangan pa man din niya matapos ang dalawang araw na kinulang siya niyon—nang bigla na lang maisipan ng bugok niyang kaibigan na bulabugin siya. Ano ba talaga ang kasalanan niya sa mundo at ganito ang sinasapit niya sa mga kamay ni Vincent Castagnia?
Okay, way too much drama! Weird lang. Pero masisisi ba niya ang sarili kung ganoon ang drama niya? Kung bakit ba naman kasi nangyari pa ang halikang iyon... Hay, panira lang talaga ng precious concentration. Kaya heto, ang drama ng buhay niya—tingalain ang kisame hanggang sa dalawin na siya ng antok na kailangan niya para makatulog at hopefully ay mairaos ang kanyang isipan mula sa pagkakalubog sa alaala ng araw na iyon.
And to think nangyari iyon three days ago... Ibig sabihin, ganoon na rin katagal na ipinagkakait sa kanya ang tulog na kailangan niya. Kaya naman wala nang tanong-tanong kung bakit moody siya nang umagang iyon. Idagdag pa na umakto si Vince pagkatapos niyon na para bang wala lang dito ang ginawa nitong iyon.
"Woah! High blood ka?" Much to her surprise, he cupped her face and touched the part below her eyes. He was frowning soon after.
Lihim siyang napaungol nang maisip na nangingitim ang mga mata niya dahil sa kakulangan sa tulog. Tiyak na mahaba-habang sermon na naman ang aabutin niya mula rito.
Vince sighed. "Okay. Forget the mangoes. I'll stay here with you," bigla ay deklara nito na ikinabigla niya.
"Ha? Nasisiraan ka na ba? As far as I know, trabaho ang kailangan mong asikasuhin doon. Okay lang ako. Kailangan ko lang talaga ng tulog. As in mahaba-habang tulog kaya ganito ako, nagwawala sa pang-iistorbo mo sa akin."
"Ano ba kasi'ng nangyari at hindi ka nakakatulog nang maayos? Ako 'tong inaalagaan mo rito pero ang sarili mong kalusugan, kinakalimutan mo. Baby Girl naman, huwag mo akong bigyan ng matinding alalahanin, okay? Kung masama ang pakiramdam mo, sabihin mo sa akin. Hindi mo naman kailangang itago 'yon, eh." Bakas sa tinig ni Vince na nag-aalala nga talaga ito.
Her heart swelled at the thought that he really cared for her. Kung sana lang... "Wala akong itinatago sa 'yo kaya huwag kang mag-drama riyan at baka mabatukan lang kita. Sige na, pumunta ka na sa manggahan at kailangan ka nila roon. Minsan ka na nga lang magpakita sa kanila, eh. Pero sorry talaga, hindi ako makakasama sa iyo. I badly need the sleep."
Ilang sandali rin siyang tinitigan ni Vince bago ito huminga nang malalim, tanda ng pagsuko nito. "Sige. I'll do that." Lumapit ito sa kanya at hinalikan siya sa noo. "Get some sleep at babalikan kita rito pagkatapos ng mga dapat kong gawin sa manggahan. Magpahinga ka, pakiusap lang. Ayokong magkasakit ka."
Tumango na lang siya sa kawalan ng sasabihin. Naku lang po! Halik pa lang iyon sa noo, hayun at tumatambol na naman ang dibdib niya sa samu't-saring emosyong lumulukob sa kanya. Paano pa kaya kung—
Ipinilig na lang niya ang ulo nang sumagi sa isipan niya ang buwisit na kissing scene nila ni Vince. Kaya hindi siya makatulog-tulog, eh. Salarin ang alaalang iyon. Bakit ba kasi ginawa iyon ni Vince sa kanya?
= = = = = =
"KAYA naman pala hindi nakauwi sa mansion, eh. Nakikipaglandian pa pala ang bugok na 'to rito. Naku naman!" Hanggang sa mapakunot-noo si Ayumi sa naisatinig. Ano ba'ng pakialam niya kung makipaglandian si Vince?
Nagpatulong na siya kay Manang Belen kung saan matatagpuan ang manggahan nang magising siya pagkatapos ang masarap na tulog subalit wala pa ring Vince na umuuwi sa mansion. Kaysa naman tumunganga siya roon sa paghihintay, nagdesisyon na lang siya na magtungo sa manggahan at nang masigurong okay pa ito.
Pero grabe lang! Napaka-unsightly ng eksenang sumalubong sa kanya nang makarating siya roon kasama si Mang Luciano, ang isa sa mga nangangasiwa sa manggahan kapag wala si Vince roon. Nakalingkis sa braso ng binata ang isang babaeng pamilyar sa kanya. At least sigurado siya sa bagay na iyon kahit hindi na naman niya matandaan ang pagmumukha nito. Anyway, ten years was too long to even remember the face of a teenage girl. Iyon ay kung teenager ba ang malanding iyon nang makilala niya ito noon.
"Ayumi!" Napatayo si Vince nang sa wakas ay makita na rin ng bugok na 'to ang presensiya niya sa lugar na iyon matapos ang may kulang-kulang limang minutong pagmamasid rito mula sa isang tabi. Agad-agad naman siya nitong nilapitan at hinawakan ang kanyang mukha. "Okay ka na? Hindi na ba masama ang pakiramdam mo?"
Of course, that gesture sent her heart soaring again. Ano ba naman 'to? Madalas namang hinahawakan ng lalaking ito ang mukha niya, ah. Bakit ngayon, nagre-react nang ganito ang puso niya? Kailangan na ba niyang magpatingin sa isang love doctor? Delikado na talaga ang lagay niya, eh. "Kulang lang ako sa tulog. As far as I know, iba iyon sa masama ang pakiramdam." Hay... Ano ba 'tong nangyayari sa kanya at nakukuha pa talaga niyang mamilosopo sa kabila ng nararamdaman niya?
It seemed that Vince immediately understood what she really meant through her response. Napangiti ito nang maluwang at niyakap siya. Hindi talaga niya maiwasang magtaka sa inaakto ng lalaking 'to. Hanggang sa mapansin niya ang pagta-thumbs up ng ilang trabahador na nanonood na pala sa eksena nila ni Vince at maging ang masamang timpla ng mukha ng babaeng nanghaharot sa binata.
"Ginagawa mo lang ba 'to para mapaalis ang babaeng iyon?" bulong niya rito.
He distanced himself and faced her with a frown. "Ha? Hindi, 'no? Ano naman ang pakialam ko sa babaeng iyon? Hindi ko na nga pinapansin kahit parang hitad kung makadikit sa akin." Tila kinilabutan pa ito na ikinatawa na lang niya. "I'm just glad you're okay kahit na hindi ako kaagad nakauwi sa mansion para tingnan ang sitwasyon mo gaya ng ipinangako ko."
"Ang weird mo, tsong. Alam mo ba 'yon? Busy ka nga, 'di ba? As if I would blame you for not coming. Malay ko ba naman kasing may dakilang istorbo pala sa trabaho mo. Sana pala kanina pa ako nagpunta rito para naguwardiyahan kita." Humagikgik siya.
"Kung makapagsalita ka, parang girlfriend na kita, ah," may kislap ang mga matang saad nito na pumawi sa ngiti niya.
"H-hindi, ah! Ito talaga, kahit na kailan, feelingero. Naku!" Idinaan na lang niya sa biro ang pagkailang na nararamdaman niya. Ito pa ang isa sa nagpapagulo sa kanya bukod sa paghalik na ginawa nito sa kanya sa burol—ang mga pasimpleng banat nito na hindi niya alam kung biro lang o may iba nang ibig sabihin.
Nevertheless, it was undeniable that those actions were more than enough for her heart to make crazy twists and turns. At sa totoo lang, masakit na sa dibdib. Mabuti sana kung keri niya ang ganoong akto ng pasaway na puso niya.
"Ano ba? Huwag nga kayong humarang sa daraanan ko!"
Nanlaki ang mga mata nilang dalawa ni Vince nang makita kung paano puwersahang hinawi sa daraanan ang isang matandang lalaki na nagkataong isa sa bahaging iyon ng manggahan. Agad namang dinaluhan ni Vince ang matanda at tinulungan itong makatayo. At siya na hindi talaga pinapalampas ang ganoong kawalan ng modo lalo na sa isang matanda, hinarap niya ang hitad na babaeng nakataas lang ang kilay habang nakatingin sa kanya.
"Alam mo, ikaw na nga lang itong dakilang istorbo rito sa manggahan, ikaw pa 'tong may ganang manulak ng isang matanda. Ikaw ba ang nagpapakain sa kanya, ha? Ikaw ba ang nagpapakahirap magtrabaho para sa pamilya nila para itulak mo ang kahit na sino rito dahil lang nakaharang sila sa daraanan mo?"
"At bakit? Sino ka ba, ha?" mataray na tanong ng babae.
Kahit gusto niyang gantihan ang pagtataray nito, kinalma pa rin niya ang sarili upang masabi niya rito ang nais niyang ipunto. "Wala ka nang pakialam kung sino ako. Pero kung gusto mong malaman, sige. Sasabihin ko sa iyo. Ako lang naman ang pinakiusapan ni Tita Margaret na alagaan ang anak niya habang wala siya. At kahit sabihin mo pang wala akong pakialam sa pagiging walang modo mo, hindi ko naman yata palalampasin na mag-aasta kang boss dito na manunulak na lang kapag nakaharang sa daraanan mo gayong ikaw na nga lang ang nakikituntong sa lugar ng mga Castagnia at malakas ang loob na makipaglandian."
"Nakikituntong ka rin naman dito, 'di ba? So ano'ng ipinaglalaban mo?"
"At least ako, nakatuntong dito nang may permiso mula kay Tita Margaret. Eh ikaw? Nakiusap pa para lang makapasok—iyon ay kung talagang pinakiusapan mo at hindi tinakot."
Nakita niyang namula ang mukha ng babaeng iyon na sa totoo lang ay pamilyar talaga sa kanya. Pambihirang buhay lang! Bakit ayaw pang makisama ng utak niya? Pero hindi na lang niya pinagtuunan ng pansin iyon. She'd rather focus on her anger than anything else. Mayamaya ay napatingin siya kay Vince na sa mga sandaling iyon ay kinakausap ang matandang itinulak. Napangiti siya sa nakitang closeness ng mga trabahador sa binata kahit alam nila ang agwat na nakapagitan sa kanila.
Ilang sandali pa ay hinarap niya ang babae. "Sa susunod na malalaman kong pati matanda ay pinagbubuntunan mo ng inis mo, ihanda mo na ang pagmumukha mo, ha? Dahil sisiguraduhin ko sa iyo na matatadtaran iyan ng mga bubog galing sa workshop ni Vince." Natigilan siya nang maalala na rin niya sa wakas ang isang pamilyar na pangyayari sa buhay niya noon. In fact, she remembered that she had confronted the same girl once before—only for different reasons. "Wait a minute! I think I remember you now. Ikaw 'yong babaeng niligawan noon ni Vince. But since tabachoy siya dati, as you stated it, hindi pa enough sa iyo na binasted mo siya. Ipinahiya mo pa siya sa harap ng maraming tao dahil sa lakas ng loob niyang manligaw sa iyo na dating sikat sa school. And now... Tingnan mo nga naman kung paano nabaliktad ang sitwasyon, 'no?"
Tila tinakasan ng kulay ang mukha ng babae sa inilahad niya. Bubukas-sara din ang bibig nito na hindi yata mahagilap ang dapat na sasabihin. Siya naman ay natatawa na lang dahil late na niyang nalaman ang tungkol doon. Well, she guessed that memory came at a right time. The woman grunted and was about to hit Ayumi. But apparently, someone didn't want anything to happen to her at all.
Nakita na lang niya ang isang kamay na pumigil sa kamay ng babaeng iyon na mananapak sana sa kanya.
"That's enough, Krista! Kung ganito rin lang ang asal na ipapakita mo sa mga trabahador ko at lalong-lalo na kay Ayumi sa kabila ng kagandahang-loob na ipinapakita nila sa iyo, asahan mo nang hinding-hindi ka na makakatuntong pa rito. Nagkakaintindihan tayo?" dumadagundong na babala ni Vince.
Nanlaki naman ang mga mata ni Krista at padabog na hinila ang kamay nito mula sa pagkakahawak ni Vince. Walang lingon-likod namang umalis na sa lugar na iyon ang babae. At siya, napahinga nang malalim matapos pakalmahin ang sarili. Tiningnan niya si Vince na nakatalikod sa kanya. Hindi tuloy niya matukoy kung ano ba ang nararamdaman nito dahil sa mga nangyari. Pinili na lang niyang lapitan ang matanda na nakaupo sa upuang kahoy upang makaiwas sa nakakakabang atmosphere na nararamdaman niya kay Vince.
"Kumusta na po kayo?"
"Huwag mo na akong alalahanin, hija. Hindi naman ako napuruhan kaya makakapagtrabaho pa ako. Pero salamat pa rin sa pag-aalala mo kahit na hindi ka likas na taga-rito sa hacienda." Nakangiti pa ang matanda nang sabihin nito iyon.
Ikinangiti na rin iyon ni Ayumi. "May Lolo rin naman po ako kaya ganoon ako kung mag-react kanina. Siya at ang Lola ko po ang halos nagpalaki sa akin kaya ganoon na lang po ang concern ko sa mga matatandang inaargabiyado ng kung sino na kinakalimutan na ang tamang asal. Hindi naman po pupuwede sa akin iyon."
"Oldies ka kasi kaya ganyan ang pananaw mo. Gumamit ka lang ng youth potion kaya ganyan ka pa rin kaganda," ani Vince.
Nakairap tuloy na nilingon niya ito kahit na napapitlag siya sa pagsasalita nito at nag-init ang mga pisngi niya sa sinabi nito. "Thank you, ha? Grabe! Kaibigan nga talaga kita," sarkastikong tugon niya.
"Magkaibigan lang kayo ni Senyorito Vincent? Aba'y akala ko, magkasintahan na kayo," saad naman ng matanda.
"H-hindi ho, ah! At saka, malabo pong mangyari na maging kami." Bumigat ang pakiramdam niya sa sinabing iyon. Nang tingnan niya si Vince, nakita niya ang seryosong ekspresyon nito habang may binabasa sa record book na hawak nito. Hindi tuloy niya mabasa kung ano ba ang posibleng nilalaman ng isipan nito.
"Mukhang hindi naman ganoon ang nakikita ko, hija."
Tiningnan niya ang matanda na nakatingin din pala kay Vince. "Ano po'ng ibig n'yong sabihin?" But the old man just smiled mysteriously—and she could feel it held more meaning than she could think of.
= = = = = =
"ALAM mo, kung may problema ka at malaki ang galit mo sa akin, sabihin mo lang," umpisa ni Ayumi nang hindi na niya matagalan ang pagiging tahimik ni Vince hanggang sa makauwi sila sa mansion galing sa manggahan. "Hindi 'yong ganitong iniisip ko kung ano ba ang nagawa kong kasalanan sa iyo at hindi mo na ako kinakausap."
Tumigil sa paglalakad patungo sa pool area si Vince at hinarap siya. Kunot ang noo nito. "Sino naman ang nagbigay sa iyo ng ideya na galit ako, ha? May iniisip lang ako. Pasensiya ka na. Hindi ko naman intensyong dedmahin ka."
Well, at least she could tell that he was sincere when he said that. Bumuntong-hininga na lang siya. "Ano naman ang iniisip mo at parang kinalimutan mo na rin yatang may kasama kang Ayumi Mercado sa tabi mo habang pauwi tayo?"
Tiningnan siya ni Vince nang ilang sandali—nang mataman. Kaya naman ang puso niya, hindi na naman niya mapakalma sa lakas ng pagtibok niyon.
"How come you always have the guts to protect me even until now?" kapagkuwan ay mahinang tanong nito at saka nag-iwas ng tingin. Humarap ito sa pool. "I'm the guy, and yet you're still the one who defended one of the people I care about nang masaktan ito. You know what? I can't help feeling useless because of that."
Hindi niya alam ang sasabihin pagkatapos niyon. So balik na naman pala sa dating isyu—ang ginagawa niyang pagtatanggol dito kapag ito ang inaapi ng ibang tao. "I guess I just used to it. Siguro... ganoon pa rin kita pinapahalagahan kaya lintik lang ang walang ganti sa mga taong walang masabing matino sa iyo o sa mga taong pinapahalagahan mo. Bakit? Masama na bang gawin ko iyon? Ipinagbabawal mo ba 'yon?"
"Hindi sa ganoon. Ayoko lang dumepende nang husto sa pagtatanggol na ginagawa mo sa akin." Napakamot si Vince sa batok nito.
Pero hindi naging maganda ang dating niyon sa pandinig niya. Admit it or not, nasaktan siya sa sinabi nitong iyon. Hindi niya maiwasang magtampo. "Fine. Ganoon naman pala, eh. Sige, hindi ko na gagawin iyon sa susunod. Para naman masanay ka nang walang nagtatanggol at nag-aalala para sa nararamdaman mo." Iyon lang at agad na siyang umalis sa harap nito bago pa siya tuluyang maluha dahil sa sakit ng kalooban.
Ang hindi niya inaasahan, bigla siyang hinila ni Vince na sumunod pala sa kanya at mahigpit siyang niyakap na para bang natakot ito na mawawala siya.
"Huwag ka namang ganyan, Baby Girl. Wala naman akong masamang ibig sabihin sa mga sinabi ko, eh," tila nag-aalong sabi nito habang hinahaplos ang buhok niya at hinahalikan ang sentido niya. Napapikit siya sa sensasyong kaakibat ng ginagawa nitong iyon.
Seriously, why does Vince continue to act this way?
"I'm sorry. I didn't mean to offend you, okay?" Dumistansya ito sa kanya nang bahagya bagaman hindi pa rin siya nito pinapakawalan. Tinitigan siya nito at sa pagtataka niya, may kung anong nagpapahirap dito base na rin sa nakikita niya sa mga mata nito. "I never did anything to protect you till now, Baby Girl. Lagi na lang ikaw ang nagtatanggol sa akin. At iyon ang ikinakainis ko."
"Nagawa mo naman akong protektahan kanina kay Krista, 'di ba? Hindi pa ba sapat iyon? Kung hindi nga dahil sa 'yo, baka may kalmot na ang mukha ko. Naku, 'pag nagkataon talaga, lagot ako kina Lola Esme. Tiyak na magwawala iyon." Napahagikgik siya pero nanatili pa ring seryoso ang mukha ni Vince. Agad ding naglaho ang ngiti niya. "Baby Boy, kahit na anong mangyari, poprotektahan kita, okay? Mahalaga ka sa akin, eh. Kahit iyon man lang sana, pakatandaan mo para na rin sa akin." Kahit alam kong darating tayo sa puntong maghihiwalay na naman ang mga landas natin. Pero sinarili na lang iyon ni Ayumi.
Walang namutawing mga salita kay Vince. Bagkus ay muli siyang niyakap nito nang mahigpit. Ninamnam na lang niya ang kaiga-igayang pakiramdam na nakakulong sa mga bisig nito. She had to remember the feeling. She had to. Dahil hindi na siya sigurado kung muli pa nga bang darating ang ganoong sandali sa pagitan nila ni Vince.
No comments:
Post a Comment