Thursday, December 10, 2015

We'll Always Be Each Other's Baby - Chapter 5

"UY! GALIT ka pa rin ba sa akin?"

Pero tila ba kahit naglalambing at sinusuyo na siya ni Vince, nagmatigas pa rin si Ayumi na hindi ito pansinin. Iyon ay kahit aminin niyang naku-cute-an na talaga siya sa ginagawa nitong iyon.

Matapos siyang kausapin ng lola niya—and napilitang mapapayag na rin na pagbigyan ang hiling ng baby damulag niyang ka-batchmate—ay hindi na niya pinansin ang binata. May tatlong oras na rin siguro niyang ginagawa iyon. Ganoon katagal na rin siyang hindi tinitigilan sa pangungulit nito sa kanya.

Naroon siya sa porch kung saan siya kinausap ng lola niya at nakatingin lang sa swimming pool. Alas-siyete na iyon ng gabi kaya maliwanag ang paligid sanhi ng nagkalat na mga ilaw sa paligid ng mansyon. Pinagmasdan niya ang pagkislap ng tubig sa pool. Kahit papaano ay nakatulong ang ginagawa niyang iyon sa kunwari'y pag-iinarte niya kay Vince.

"Baby Girl naman, eh. Pansinin mo na ako," pangungulit ni Vince sa kanya.

Pero naka-focus pa rin ang tingin niya sa swimming pool.

At ang loko, hindi na yata talaga nakatiis at nakuntento, dumukwang pa ito sa harap niya at walang sabi-sabing kinintalan ng halik ang tungki ng ilong niya. Nanlaki ang mga mata niya at saka siya napatingin sa binata na nakakaloko nang nakangiti sa kanya nang mga sandaling iyon.

"Bakit mo naman ginawa iyon, ha? May permiso ba akong ibinigay sa 'yo?" natilihang usisa niya rito.

"I just missed doing that. Besides, it caught your attention and now you're talking to me." And then he crouched in front of her as he held her hand that was on her lap. "Huwag ka na kasing magalit. Na-miss lang talaga kita. But everything that Lola Esme told you was the truth. I really do need inspiration and I know na ikaw lang ang makakapagbigay n'on sa akin."

"Inspirasyon ba talaga ang kailangan mo o magbabantay sa iyo dahil aalis si Tita Margaret at walang mag-aasikaso sa iyo sa loob ng dalawang buwang wala siya rito?" taas ang kilay na usisa niya rito nang sa wakas ay nagawa na niya itong tingnan sa mga mata.

Of course, she did it with the full idea that her heart won't cooperate with her at all. Hayun nga't kumakabog na naman ang buwisit niyang puso dahil lang nagkatitigan sila ni Vince.

"Ang sama naman n'on! Hindi, ah. Big boy na ako, 'no. Kaya walang dahilan para bantayan pa ako." Napakamot pa tuloy ito ng ulo. "Si Mama talaga, kahit na kailan."

"Well, may punto naman kahit papaano ang Mama mo kung bakit gusto ka niyang pabantayan sa akin," aniya.

Kumunot ang noo nito. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hanggang ngayon ba naman kasi, pasaway ka pa rin pagdating sa pagkain mo. Palagi mo raw kasing nakakaligtaan iyon. May pagkakataon pa nga raw na inaaway mo ang mga maids dito sa mansyon kapag ipinapa-remind sa iyo na dapat ay kumain ka na. No wonder pumayat ka nang ganyan."

"Hindi ako payat, okay? I became physically fit. Heto nga't may muscles na rin ako, o." At talagang ipinakita pa ni Vince ang ipinagmamalaki diumano nitong muscles.

Natawa na lamang siya sa inaakto ng lalaking ito sa harap niya. Kung makaakto ay tila ba nakikipagkumpetensiya ito. But it didn't give her any doubt that this handsome guy was the same Vincent Castagnia she befriended all those years ago.

"Tinatawanan mo na lang ako. Ganyan ka," nakalabing anito na lalo niyang ikinatawa.

"Umayos ka nga riyan. Mas lalo kitang dededmahin kapag nagpatuloy ka pa sa pag-iinarte mo. Para kang bata."

"Don't you even miss this side of me, Ayumi?" bigla ay seryosong tanong ni Vince.

Natigilan siya. Pero saglit lang. Moments later, she smiled gently and tapped his head a few times before slightly ruffling his hair—just as she did before while comforting him.

"I've missed everything about you, Vince," she confessed before embracing him. To her joy, he returned her embrace with an even tighter one.

Pero kulang pa yata ang sabihing na-miss lang niya ito. Sa ngayon, kailangan muna siguro niyang pag-aralan ang sarili niyang damdamin. Mahirap nang magkaroon ng false alarm dahil lang sa nangyayari sa mga sandaling iyon. For now, she wouldn't waste the opportunity.

Gaya nga ng sabi ni Lola Esme, this could be the last time she would have this chance together with Vince.

= = = = = =

MAG-UUMAGA na pero hayun pa rin si Vince, nakahilata sa lounge chair malapit sa swimming pool habang nakatulog na sa dibdib niya si Ayumi. Napangiti siya nang makita niya ang payapang anyo ng dalaga nang yukuin niya ito. How long had he actually wished to see his high school friend's sleeping face once again? No one would be able to tell.

Pero isa lang ang alam niya nang mga sandaling iyon. Masaya siya at nagkita silang muli ni Ayumi. Ten years... It was already too long. Ganoon katagal na silang hindi nagkita ng babaeng nakatulog na sa dibdib niya. Ang babaeng kinaibigan siya sa kabila ng mga panlalait at pambubuska sa kanya noon.

Before the start of the school year during his first year in high school, his father died of cardiac arrest. Samantalang isang buwan bago ang pangyayaring iyon ay namatay naman ang lola niya sa parehong rason. Kaya naman hindi biro ang hinagpis niya nang mga panahong iyon. Hindi siya nakakilos nang tama dahil doon. But his mother never gave up in taking care of him kahit na ba nabiyuda ito at nasasaktan din. Idagdag pang ito ang naiwang mag-manage ng mga naiwang businesses na pinamamahalaan ng kanyang ama. And that was what drove him to go on with his life. But doing so proved to be hard, lalo pa't patuloy siyang kinukutya ng mga ibang bata sa eskwelahan. Nakababa iyon nang husto sa self-esteem niya. Pero nagbago rin ang pananaw niya tungkol doon nang dumating si Ayumi sa buhay niya.

Hindi nagbibiro si Ayumi nang sabihin nitong kahit siya na yata ang pinakamataba noon sa batch nila, not once na nilait siya nito dahil doon. In fact, ito pa nga ang nagtanggol sa kanya sa mga nanlalait na mga kapwa estudyante. At ang mas nakakatuwa pa, palagi itong nagsusumbong kay Ma'am Tina tungkol sa mga alaskador na iyon. Palaging resulta niyon—napaparusahan ang mga nang-aalaska sa kanya, courtesy of Ma'am Tina. Ayumi always had a way to defend him from those people who only knew how to criticize him because of his size—he was actually close to becoming obese. She was the only one who had ever seen the real him underneath all those thick fats—the broken Vincent Castagnia before that a certain Ayumi Mercado had managed to piece back together.

"Senyorito," tawag-pansin sa kanya ng mayordoma nila na si Manang Belen, dahilan upang mapalingon siya rito mula sa pagtingin niya kay Ayumi. "Pumasok na po kayo sa loob. Mag-aalas-kuwatro na po ng umaga. Malamig pa man din po rito sa labas."

"Hindi naman, Manang. Isa pa..." Napatingin siyang muli sa dalagang napakasarap pa rin ng tulog sa dibdib niya. "I have this girl as my blanket. Hindi ko rin siya puwedeng istorbohin sa tulog niya. Mukha ngang ayaw na niya akong pakawalan, eh."

Pareho silang natawa ni Manang Belen. And he looked at Ayumi with gentle eyes.

"Parang cuddly teddy bear ang turing niya sa inyo hanggang ngayon, Senyorito," anang mayordoma na nakatingin din pala sa dalaga bago dumako ang tingin nito sa kanya. "At mukhang wala pa rin pong nagbago sa nararamdaman n'yo para sa kanya."

Hindi na siya nakaimik doon. She just looked at Ayumi and watched the way she breathed. Pati ang paghinga nito, nagpapakalma sa magulo niyang isipan.

"May nagbago na po, Manang," aniya ngunit tila sa sarili lang niya gustong iparinig iyon.

Pero kung ano man ang pagbabagong iyon, sa kanya na lang muna siguro iyon.

 = = = = = =

"SENYORITO, mawalang-galang na po. Pero mag-aalas-dose na po ng tanghali. Maanong tumayo na po kayo riyan at nang makapagtanghalian na po kayo," malakas na pagtawag ni Ayumi mula sa labas ng silid ni Vince.

Pero tulad ng naunang pagtawag niya sa binata, parang hindi man lang tumagos ang tinig niya sa pinto ng silid para lang marinig nito ang pagtawag niya. Mukhang sinasagad talaga ng lalaking ito ang pasensiya niya, ah. Napabuga siya ng hangin upang pakalmahin ang sarili. Kunsabagay, inaasahan na niya ito. Hindi pa rin yata nagbago ang lahat kay Vince. Umiiral pa rin pala ang pagkapasaway nito.

"Isang beses pa na tawagin kita. At kapag hindi ka pa rin tumayo riyan para buksan ang pinto ng kuwarto mong ito, sisipain ko na talaga ito!" kapagkuwa'y aniya sa malakas na tono, nagbabaka-sakaling tumagos na sana ang mga pinagsasasabi niya papasok sa silid nito.

Akmang sisipain na talaga niya ang pintuan gaya ng sabi niya matapos ang kalahating minutong paghihintay sa response nito. Pero ang siste, bigla-bigla ay nagbukas ang pintuang tatamaan ng paa niya. At ang resulta, nawalan lang naman siya ng balanse dahil sa gulat. Ang sumunod na lang niyang namalayan, may dalawang matitipunong braso na nakapalibot sa kanya at nagkataong nagligtas lang naman sa kanya mula sa nakaambang pagla-landing ng pang-upo niya sa sahig.

"Are you okay?"

Okay? Ito ba ang okay? Muntik nang ma-flat nang wala sa oras ang pinakamamahal kong puwet sa bigla-biglang pagbukas mo ng pinto! Kung bakit ba naman kasi makalabas-labas pa ito ng kuwarto nito na tanging boxer shorts lang ang suot. Manhid na babae lang ang hindi madi-distract.

"Okay pa naman, so far. Mabuti na lang at mabilis ang reflexes mo," tila hinihingal pang sagot niya kay Vince. "Pambihira ka naman kasi, eh! Ang tindi mong manggulat."

He smiled na lalong nagpasingkit sa mga mata nito. "Sobra ba, to the point na nawalan ka pa ng balanse?"

"Ang tagal mo kasing sumagot, eh. Ilang beses na akong tumatawag, wala ka man lang response, ni ha, ni ho. Balak ko na ngang sipain 'tong pinto mo. Baka sakaling mabulabog na kita." Hanggang sa wakas ay napansin na niya ang puwesto nilang dalawa.

Her already fast beating heart increased its tempo because of that. Hindi na bago ang mga ganoong pagkakataong magkalapit ang mga katawan nila ni Vince. But this was the first time na nag-react nang ganito ang puso niya dahil lang malapit sila nito.

"S-siguro naman... P-puwede mo na akong bitiwan? Ikaw, ha? Ang hilig mong manamantala." Great! Bakit ba siya nauutal?

"S-sorry." Bigla ay binitawan nga siya ni Vince.

Pero labis naman ang panghihinayang niya nang tuluyan na siya nitong pakawalan. Grabe naman. Ang weird lang talaga ng nararamdaman niya. Subalit pinalis na lang muna niya ang isiping iyon.

Tumikhim siya upang i-compose ang sarili niya. "Magbihis ka na at nang makakain ka na ng tanghalian. You're supposed to continue the masterpiece you've started yesterday, right? Kilos na at nang may masimulan ka na bago matapos ang araw na ito."

"Sasabayan mo akong kumain?"

"Ay, hindi! Sasabayan ko 'yong mga alaga mong kuneho sa labas." Pero tinawanan lang siya ni Vince, dahilan upang mapalabi siya. "Ano ba naman kasing klaseng tanong iyan, ha? Siyempre, sasabayan kita. Mahirap na, baka utakan mo na naman ang mga maids dito at takasan mo pa ang pagkain mo. Sige na, lumarga ka na at magpalit ka ng matino-tinong damit. Pambihira lang kasi! Ang lakas pa ng loob lumabas ng kuwarto niya na ganyan lang ang suot. Hindi na nahiya!"

"Don't worry. Ikaw pa lang naman ang nakakakita sa akin na ganito." At ang hudyo, kumindat pa talaga.

Nag-init ang mga pisngi niya. "Ewan ko sa iyo! Pumasok ka na nga roon at magbihis ka na. Huwag mong susubukang tumakas at malalagot ka talaga sa akin."

"Oo naman, 'no. Takot ko lang sa iyo." Iyon lang at pumasok na ito ng silid nito.

Magkaganoon man, hindi pa rin humuhupa ang pagwawala ng puso niya. Ganoon din ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi.

Second day pa lang ito pero ganito na ang sumasalubong sa akin. Paano na sa mga susunod na araw? Mukhang ayaw na niyang isipin pa ang mga posibleng mangyari sa susunod na mga araw na darating.

= = = = = =

"ANG laki talaga ng inis mo sa akin, 'no?"

Kunot ang noong hinarap ni Ayumi si Vince habang naghahapunan sila nang gabing iyon. Pero imbes na sa dining room sila kumain ay nagdesisyon ang binata na doon na lang sila sa veranda maghapunan. Kung minsan talaga, hindi niya alam ang takbo ng utak ng bugok niyang kaibigan.

"Ano na nama'ng drama meron ka ngayon?"

Tinapos muna ni Vince ang pagnguya at paglunok bago ito nagsalita. "Gusto mo yata akong tumaba ulit, eh. Hindi pa nga natutunaw ang mga kinain ko noong tanghalian, sinagad mo naman ang pagpapakain sa akin ngayong hapunan."

"At nakuha mo pa talagang magreklamo samantalang hindi mo inubos 'yong hinandang pananghalian para sa iyo kanina. Puwes, habag nandito ako, magdusa ka. Not unless gusto mo na akong umalis para walang nagbabantay sa meal time mo, sure! Okay lang naman sa akin."

"Uy! Ibang usapan naman na iyon. Tinatanong ko lang kung malaki ang inis mo sa akin at parang isang batalyon ang pakakainin mo sa dami ng pagkaing ibinigay mo sa akin." At ang bruho, nakuha pa talagang bumusangot na parang bata.

Hindi tuloy niya napigilang matawa. "Ang OA mo, alam mo ba 'yon? Makareklamo ka ng isang batalyon, eh kulang pa nga iyan sa dapat na amount ng kinakain mo, 'no? You're supposed to be taking care of yourself lalo na't tutok na tutok ka sa ginagawa mong obra. Hindi na talaga ako magtataka kung bakit ka pumayat nang ganyan."

Inilapag ni Vince ang kutsara's tinidor na hawak nito at saka siya hinarap. "Sinabi nang hindi ako pumayat, eh. I became physically fit, okay? Ang kulit!" Nagkamot pa talaga ito ng ulo.

"Wow lang, ha? At ako pa talaga ang makulit ngayon. O, siya! Sige na nga. Pagbibigyan na kita. Pero sa oras na kinaligtaan mo na naman ang pagkain mo, asahan mong agad-agad akong mag-aalsa-balutan, okay? Ihanda mo na rin ang sarili mo sa pagtawag ko sa iyo ng payatot whether you like it or not."

Pero imbes na mainis, natawa na lang si Vince at maganang itinuloy nito ang pagkain. Ayumi could only watch him as though he was a happy child and she couldn't help smiling gently at the sight.

Aminin man niya o hindi, masaya siya na may ganitong pagkakataon sila ni Vince matapos ang sampung taong nagkalayo sila nito. Pero batid din niya na hindi magtatagal iyon. Lalo pa't may pangarap pa itong nais abutin na hindi nako-compromise ang responsibilidad nito sa Hacienda Castagnia.

"Huwag mo akong ngitian nang ganyan. Baka mamaya niyan, ini-imagine mo na pala ang kaguwapuhan ko nang hindi ko nalalaman."

Kahit anong pigil niya, naramdaman pa rin niya ang pag-akyat ng init sa mukha niya. Halakhak naman ang naging tugon ni Vince.

"Kaguwapuhan? Pakisabi sa akin kung kailan ka nagkaroon n'on," sabi na lang niya upang maitago ang pagkapahiya.

"Sus! Ayaw pang aminin. Ngiti mo pa lang, obvious namang na-miss mo ang itinatago kong gandang-lalaki."

"Eww! Seryosong usapan, tsong. Huwag kang feelingero, okay? Nakakakilabot, sa totoo lang. Hay... Iba na talaga ang nagagawa ng kapayatan, 'no? Yumayabang tuloy ang isang tao riyan."

Pero sa gulat niya, sumimangot ito na lihim niyang ikinataranta. Tatayo na sana siya sa kinauupuan niya nang unahan siya ni Vince at lumuhod pa talaga sa gilid niya. Yes, hindi sa harap dahil sa nakaharang na mesa. Natigilan siya nang bigla nitong ipatong ang ulo nito sa hita niya at hinawakan ang kanyang mga kamay.

"Vince?"

"Alam mo bang na-miss ko nang husto 'tong ganito sa pagitan natin, Baby Girl? Sorry, ha? Kung bigla akong lumayo, kung bakit matagal akong nawala. Ang daming nangyari, eh."

All she could do was to listen.

"You know what?" pagpapatuloy ni Vince. "I'm scared... na dumating ka sa puntong makakalimutan mo na naman ang mukha ko kapag umalis ako ulit. Kapag ipinagpatuloy ko ang pagtupad sa pangarap ko."

Honestly, she was speechless as she heard that. At lalo siyang walang maisip sabihin nang ibaon ni Vince ang mukha nito sa hita niya at patuloy pa rin itong nakahawak sa kamay niya.

"Kung makapagsalita ka naman, parang ikaw lang ang takot," aniya nang makalipas ang ilang sandali ay nahagilap din niya ang sariling tinig.

Dahilan naman iyon upang mag-angat ng tingin si Vince at harapin siya.

"Huwag na muna nating isipin iyon, okay? Ang mahalaga ngayon, magkasama tayo ulit. Okay ba 'yon? We'll think about that again when we get to that part. Right now, I don't want to think of what's worse. I just want to be happy. Lalo na't nandito sa tabi ko si Baby Boy na lagi kong ginagawang cuddly bear kapag malungkot ako."

"Baby Girl..."

"Pero dahil hindi ka na kasing-cuddly nang dati, I'll just find a way para hayaan kang gawin ang lahat mapawi lang ang anumang lungkot na nararamdaman ko. Can you help me do that?"

Mataman lang siyang tinitigan ni Vince matapos niyon. Ilang sandali rin iyon, pero hindi naman tensyunado. For some reason, it brought calmness to her heart.

He sighed and the next thing she knew, he was enveloped in those strong arms once more. She just returned the gesture. Hindi na nga ito ang cuddly bear niya. Pero sapat naman ang yakap nito sa kanya upang pawiin ang mga agam-agam niya nang mga sandaling iyon.

Sa ngayon, kontento na siya roon... basta si Vince lang ang gagawa niyon sa kanya.

No comments:

Post a Comment