MAY ilang araw nang hindi pinapatahimik si Seiichi ng isang tanong na bumaagabag sa isip niya pagkalabas ng ospital. Naroon na naman siya sa treasure room ng bahay niya dahil iyon lang ang alam niyang lugar na wala talagang mang-iistorbo sa kanya. Kahit si Reiko ay hindi alam ang tungkol doon dahil wala naman siyang balak na ipagsabi ang tungkol doon sa kababata.
For some reason, wala siyang gustong pagsabihan ng anumang tungkol sa lugar na iyon sa kahit kanino. Bukod sa iyon ang isa sa bilin ng kanyang namatay na ama, malaki ang hinala niya na walang ibang dapat makaalam ng tungkol sa nilalaman ng lugar na iyon. Knowing that his parents guarded each of the treasures in that room with their very lives, he had to at least do the same.
Iyon ang isa sa magagawa niya para sa mga magulang niya.
Ilang sandali pa ay napatingin si Seiichi sa Full Moon Sword at sa Iris Sword na inilagay na niya sa Treasure Room na iyon. Both of those swords held so much meaning to him and both had given him so much questions to think about. Lalo na ang naging tanong ni Reiko sa kanya nang maibalik ang nawalang Iris Sword ni Hitoshi sa kanya.
‘Rin…’ Hindi maintindihan ni Seiichi kung bakit ang dalaga ang unang pumasok sa isip niya sa tanong na iyon ni Reiko. Oo nga't halatang-halata niya ang pagkakahawig nito sa prinsesa ng Shinomiya clan. Pero iyon nga lang ba ang totoong dahilan kung bakit naisip niya si Rin nang maitanong iyon ni Reiko sa kanya?
Isang malalim na buntong-hininga na lang ang itinugon ni Seiichi sa lahat ng mga katanungang patuloy na gumugulo sa kanya dahil sa tanong na iyon ni Reiko. Imposible talagang masabihan niya ang sarili na huwag magpapaapekto sa anumang may kinalaman sa Shrouded Flowers, lalo na sa mga Shinomiya. Pero kailangan niyang isantabi ang pag-iisip ng kasagutan sa mga tanong na iyon kahit pansamantala man lang.
Tunog mula sa cellphone ang pumutol sa pag-iisip ni Seiichi. Nang tingnan niya kung sino ang tumatawag sa kanya, hindi na siya nagulat nang makita ang pangalan ni Reiko. Huminga muna siya ng malalim bago sinagot ang tawag ng kababata. "Hello? Ano'ng problema mo, Rei?"
"Paano kung sabihin kong ikaw ang problema ko? May magagawa ka ba?" may pagkasarkastikong tugon ni Reiko na ikinatawa na lang niya. Halata sa tinig nito na mukhang naiinis na naman ito sa kanya. "Aba! At nakuha mo pa talaga akong tawanan, ah."
"High blood ka na naman kasi, eh."
"Ikaw kasi. Kung anu-ano na naman ang pinagsasasabi mo," tila nagtatampong tugon ni Reiko. Ilang sandali pa ay narinig ni Seiichi na tumikhim ang dalaga sa kabilang linya bago ito muling nagsalita. "Nasaan ka ba? Wala ka man lang dito sa bahay mo."
"Sa kung saan lang. Kailangan ko lang munang mag-isip." Wala pa talagang planong isiwalat ni Seiichi ang tungkol sa hidden room ng bahay niyang iyon. Hindi muna ngayon.
"Kailan ka ba hindi pinag-isip ng sinuman sa mga Shinomiya? Pambihira..." Kapagkuwan ay narinig ni Seiichi na bumuntong-hininga si Reiko sa kabilang linya. "Pero posible naman ang sinasabi ko, 'di ba? Na may buhay pa sa mga Shinomiya. Sabihin na nating may kinalaman din ang iba pang mga angkan sa Shrouded Flowers pagdating sa Iris Sword ni Hitoshi Shinomiya. Pero malaki rin ang posibilidad na iilan lang sa mga iyon ang pinagsabihan ni Hitoshi ng tungkol sa espadang hawak mo ngayon. O baka nga wala siyang ibang pinagsabihan na nasa posesyon mo ang isa sa pinakamahalagang pag-aari ng dating Shinomiya clan prince. Maraming posibilidad, Seiichi. Mga posibilidad na walang dudang puwedeng bumago sa takbo ng buhay mo kapag nalaman mo ang tungkol sa mga iyon."
Hindi kaagad nakaisip ng itutugon si Seiichi sa mga pahayag ni Reiko. Naalala na naman niya ang reaksyon ni Shuji nang sabihin niya rito ang tungkol sa Iris Sword at pati na rin ang sinabi nito na hinahanap pa rin ng tatlong angkan sa Shrouded Flowers ang espada sa loob ng matagal na panahon mula nang mapatay si Hitoshi. Pero sa mga sinabi nito, isa lang ang gumulo sa kanya.
‘Maraming posibilidad... mga posibilidad na puwedeng bumago sa takbo ng buhay mo…’ Pero aminin man niya o hindi, may isang posibilidad siyang hinihiling na sana ay mangyari. Iyon ang pinakamatinding posibilidad na gusto niyang makitang mangyari mula nang dumating sa kanya ang balita tungkol sa nangyaring pagsugod sa Shinomiya mansion sa Kyoto.
"Hindi ko pa alam, Reiko. Kahit sabihing tama ka sa mga sinasabi mo, walang kasiguraduhan kung ano pa ang maaaring mangyari na may kinalaman sa Shrouded Flowers at kung bakit pati tayo ay nadadamay sa gulong nagpahina nang husto sa kanila. Imposibleng dahil lang iyon sa kaugnayan ko sa mga Shinomiya, kay Hitoshi."
"What if there was something else? The one that killed your parents a long time ago. What if there was something about their deaths that could connect to what happened at the Shinomiya mansion? At kung may nakaligtas mang Shinomiya sa pagsugod na iyon ― na may posibilidad naman talagang mangyari kahit na anong tanggi mo, ngayon lang nila nahahanapan ng sagot ang tungkol sa koneksyong iyon."
Napailing na lang siya. "Hindi ko alam. Hindi ko na alam kung ano ang iisipin ko, Reiko," tila nanghihinang tugon ni Seiichi at napaupo sa pang-isahang sofa na naroon. "Litong-lito na ako."
"Sorry. Hindi ko naman intensyong lituhin ka, eh. Nagsasabi lang ako ng kung ano man ang naiisip ko tungkol sa mga nangyayari sa 'yo."
"I know. You don't need to apologize. Nag-aalala nga ako dahil nadadamay ka rito."
"Sanay na akong madamay, 'no? Wala nang bago roon, lalo na pagdating sa 'yo."
Hindi napigilang mapangiti ni Seiichi sa sinabing iyon ni Reiko. "Salamat dahil hindi mo pa rin ako iniiwan kahit ganoon."
"'Sus! Para namang maaatim kong iwan ang kababata ko, 'no?"
And for that, Seiichi knew he would be eternally grateful for all that Reiko had done for him. All the more reason why he should be doing everything he could to discover the truth behind all these weird events that had happened recently.
Lahat ng maikakabit niya sa naging pagkamatay ng kanyang mga magulang, kailangan niyang matuklasan ang mga iyon.
No comments:
Post a Comment