NAPUYAT si Sharian sa kaiisip kay Nelmark na labis niyang kinaiinisan. Hiling lang niya ay hindi niya makita ang lalaking iyon dahil baka lalo lang siyang mainis.
Pagkapasok niya sa loob ng classroom ay kakaunti pa lang ang naroon. Anyway, hindi naman nakakapagtaka. Masyado kasing napaaga ang punta niya roon at isa pa, hindi na niya hinintay si Sandra. Sigurado naman siya na nakipag-gimik na naman ito kagabi kasama ang kasalukuyang boyfriend.
Nang makaupo na siya sa kanyang upuan ay agad siyang sinalubong ng yakap ng isang babae at humagulgol pa. Nagulat man ay agad din niyang nalaman kung sino ang umiiyak ngayon sa kanya — ang kaibigan niyang si Jasmin.
"Jasmin, bakit? Ano'ng problema? Bakit ka umiiyak?" may bakas ng pag-aalalang tanong niya rito.
Subalit hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak ang babae kaya naman hinayaan na lang muna niya itong umiyak upang kumalma kahit papaano. May ilang minuto din itong umiyak nang umiyak. Nang magawa na nitong kumalma pagkalipas ng ilang minutong pag-iyak ay pinakawalan na siya nito.
"Care to tell me your problem?" tanong niya.
Halatang gusto na namang tumulo ang mga luha nito subalit agad nitong pinunasan ang mga mata. At agad siyang hinarap nito na mugto pa ang mga mata.
"S-si Nelmark... nakipag-break siya sa akin kagabi," paiyak na sabi nito sa kanya.
Hindi na niya ikinagulat ang balitang iyon. Pero naaawa siya kay Jasmin dahil alam niya kung gaano nito kamahal si Nelmark. Ano ba kasi ang problema ng lalaking iyon at hindi nito magawang mag-settle down sa iisang babae? Hindi ba talaga nito gustong magkaroon ng commitment sa isang babae?
"Bakit naman daw siya nakipag-break sa 'yo?"
Humihikbi pa rin ito nang magsalita. "A-ang sabi niya, basta na lang daw niyang na-realize na hindi daw ako ang babaeng nararapat para sa kanya." At dahil doon ay tuluyan na itong humagulgol muli at napayakap sa kanya. "Bakit ganoon, Shar? Ginawa ko naman ang lahat para mapatunayan ko lang sa kanya na mahal ko siya at ako ang right girl for him. Pero bakit nakipag-break pa rin siya sa akin? Ano'ng kulang sa mga ginawa ko?" tanong nito habang nakayakap pa rin sa kanya at umiiyak.
Napakagat-labi na lang siya at bumuntong-hininga. Saka niya inalo ang kaibigan at hinayaang umiyak ito nang umiyak hanggang sa magawa na nitong kumalma. Iyon lang muna marahil ang maitutulong niya rito.
"Jasmin, that jerk is not worth crying for. But... I'll let you cry for him dahil alam ko kung gaano mo siya kamahal," tanging nasabi niya rito.
"Shar?" takang napatingin ito sa kanya.
"Just prove to him na malaki kang kawalan sa kanya. At kung hindi man magkaganoon, try to move on. Hindi lang naman ang Nelmark na iyon ang lalaki sa mundo, okay? I'm sure, makakakita ka pa ng lalaking nararapat para sa iyo."
"Sana nga, magawa ko iyang sinasabi mo kaagad..."
SUMUSOBRA na talaga ang Nelmark na 'yan! Pati ang kaibigan ko, hindi niya pinalampas. Ano ba talaga ang issue ng lalaking iyon at kung magpalit ng nobya ay parang nagpapalit lang ng damit? Iyon ang katanungang naglalaro sa isipan ni Sharian habang naroon sa library at ginagawa ang kanyang assignment, kasabay ng pagpupuyos ng kalooban dahil sa nabalitaan niya kanina.
Hindi nga niya nakita ang taong iyon ngunit pinag-iisip naman siya nito nang husto. At nabubuwisit siya dahil doon.
Sa totoo lang ay matagal na niya itong itinatanong sa sarili niya. Magmula nang malaman niya ang record nito na pagkakaroon ng mapaglarong puso dahil sa pagpapalit nito ng girlfriend linggo-linggo.
Subalit kahit na ano pang pagpuna at ngitngit ang ipakita niya ay hindi na mababago pa ang lahat. Nasaktan na nito ang kaibigan niya at hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ang kinahinatnan ng relationship ng mga ito. Alam niya na matatagalan bago makapag-move on si Jasmin. To think na wala pang isang linggo ang itinagal ng relationship ng dalawang iyon.
May matinding dahilan nga kaya si Nelmark upang magkaroon ito ng ganoong reputasyon pagdating sa pakikipagrelasyon?
Nang maisip iyon ay agad na napatayo si Sharian. Alam na niya kung sino ang dapat na kausapin tungkol sa bagay na iyon. Sana nga lang ay masagot ng taong iyon ang mga katanungan niya.
MAMAYANG alas-diyes pa ang susunod na subject ni Sharian kaya naman may pagkakataon pa siya na kausapin si Suren upang malaman ang sagot sa katanungan niya. Si Suren ang pinsan ni Nelmark at ang tanging taong ka-close nito.
At ngayon nga ay papunta na siya sa gym upang kausapin ito dahil kasalukuyan itong may basketball practice bilang preparation sa nalalapit na laro ng kanilang team sa kalabang university. Nang makarating siya doon ay nakita niya na busy ito sa pagpa-practice kasama ang mga teammates nito. Ngunit sigurado siya na nakilala siya nito dahil agad siyang nginitian at kinawayan.
Isinenyas na lang niya nito na maghihintay na lang siya sa bench at tumango ito. Tumagal ng labinglimang minuto ang paghihintay niya ngunit hindi niya iyon alintana.
Nang matapos ang practice ay kinuha lang ni Suren ang tuwalya nito at ang bag nito saka siya pinuntahan sa kinauupuang bench.
May mga babaeng halatang inis at naiinggit sa kanya dahil nilapitan siya ni Suren pero wala siyang pakialam sa mga ito. Ang mahalaga sa kanya ay makausap niya ito at malaman mula rito ang isang mahalagang impormasyon.
"Napasyal ka naman yata dito, Sharian. May kailangan ka ba?" agad na tanong nito sa kanya nang makalapit na ito at maupo sa tabi niya.
Close na sila ni Suren dahil kapitbahay niya ito sa subdivision na tinitirahan ng pamilya niya. Sa katunayan ay magkatabi lang ang bahay nila. At isa pa, close ang pamilya niya sa pamilya nito since childhood days pa yata ng mga magulang nila.
"May gusto lang kasi akong malaman mula sa iyo," simula niya.
Napangiti na lang ito. "Sinasabi ko na nga ba, eh. Dahil hindi mo naman talaga ugali ang magpunta dito sa gym kung hindi rin lang kailangan." Saka nito pinunasan ang pawis sa mukha at sa batok bago uminom ng tubig. "Anyway, ano naman ang gusto mong malaman mula sa akin?" kaswal nitong tanong at saka muling uminom ng tubig.
"Tungkol sana sa buwisit mong pinsan na nakipag-break na naman sa current girlfriend niya," walang gatol na pagsagot niya.
Biglang ibinuga ni Suren ang iniinom nitong tubig at napaubo na naging dahilan upang mapatingin sa direksiyon nila ang mga naroon habang siya naman ay medyo nabigla. Hinayaan na lang niya muna itong umubo hanggang sa mahimasmasan na ito.
"Mukhang may mali yata sa sinabi ko kanina, ah," nasabi na lang niya.
Huminga ito nang malalim bago nagsalita. "Talagang may mali. Sukat tanungin mo ba naman ang tungkol kay Nelmark samantalang ikaw itong ayaw makarinig o magsalita ng kahit na ano tungkol sa kanya. Ano bang milagro ang nangyari sa 'yo at naisipan mo akong kausapin tungkol kay Nelmark?"
"Walang milagrong nangyari sa akin, okay? Kung tungkol rin lang sa akin, wala akong pakialam sa kanya. Kaya lang, ang best friend ko na si Jasmin, hiniwalayan na niya kahapon. By the way, pang-ilang beses na ba niyang nakipaghiwalay sa mga babaeng nakakarelasyon ng kumag na 'yon, ha?"
"At bakit ka naman biglang naging interesado sa mga hiniwalayan niya, ha?" ganting-tanong nito na tonong nanunukso.
Tinaasan niya ng kilay si Suren nang sabihin iyon. "Suren, huwag mong subukang mang-asar ngayon. Talagang sasamain ka sa akin," banta niya rito.
Natawa na lang ito. "Nagbibiro lang po. Ikaw naman." Mayamaya ay sumeryoso ito. "Anyway, sorry for your bestfriend."
"Bakit sa akin ka nagso-sorry? At bakit ikaw ang humihingi ng sorry? Hindi ba't mas nararapat na ang pinsan mo ang nagsasabi niya kay Jasmin at hindi ikaw?" taking tanong niya nang humingi ito nang paumanhin.
"Sa ngayon, iyon na lang ang magagawa ko. Kahit ano'ng pigil ko kasi kay Nelmark na huwag paglaruan ang puso ng mga babaeng pinaiibig niya, wala naming pumapasok sa utak niya," sinserong at tila nagi-guilty na pahayag nito.
Napatitig siya rito. Ngayon na ang chance niya upang malaman ang lahat.
"Um, Suren... Puwede ba kitang matanong? Do you know the reason why Nelmark breaks up with almost every girl student of the campus na nakakarelasyon niya kapag nagsawa na siya sa mga ito?" pigil ang hiningang tanong niya rito. Talagang gusto niyang malaman ang totoo sa likod ng inaasal na iyon ni Nelmark.
Bakit? Interesado ka kay Nelmark kaya gusto mong malaman ang tungkol sa kanya? Nang-aasar na tanong ng isang bahagi ng kanyang utak.
Duh! Kailan pa ako naging interesado sa kumag na 'yon? Ginagawa ko lang ito para sa bestfriend ko! Hindi para sa akin! Depensa naman ng isa pang bahagi ng utak niya. Pero... iyon nga ba ang talagang dahilan?
"Mahigit apat na taon na siyang ganoon. All because of one girl na minsan niyang minahal nang totohanan pero iniwan pa rin siya para ipagpalit sa ibang lalaki na nagkataong mas mayaman sa kanya. Ever since then, bigla siyang nawalan ng dahilan na magmahal, lalong-lalo na kung totohanan rin lang. Ang naging tingin na niya kasi sa mga babae ay mga gold-digger, oportunista at naglalaro lang ng puso ng iba. Isa pa, hindi na rin niya gustong maniwala na may true love pa ngang nag-e-exist sa mundo," pagsasalaysay nito na bakas ang disappointment. At alam niyang para kay Nelmark ang disappointment na iyon.
"But that's wrong!" agad na komento niya sa kuwento nito.
"Oo, alam ko iyon. At iyon ang madalas kong sabihin sa kanya pero wala na siyang pinakikinggan. Hanggang sa nagsawa na rin ako sa panenermon sa kanya. Wala rin naming pumapasok sa kukote niya." Umiiling ito at saka ito napabuntong-hininga.
Siya naman ay natahimik na lang dahil wala na siyang masabi.
Inihudyat ng coach ni Suren na magpapatuloy na ang practice ng mga ito kaya naman iniwan na siya nito sa bench na knauupuan niya. At habang pinapanood ang paglalaro nito at ng team ay may isang plano na siyang binabalak na isagawa para kay Nelmark.
She could only hope that her plan will work.
ILANG MINUTO nang binabasa ni Sharian ang kanyang essay ngunit parang hindi pumapasok sa utak niya ang mga ito dahil hanggang ngayon ay pinag-iisipan pa rin niya ang gagawin niya upang mabago ang pananaw ni Nelmark pagdating sa mga babaeng lumalapit dito.
Pati na rin ang tungkol sa true love na hindi na nito mapaniwalaang nag-e-exist pa nga sa mundo.
Subalit iniisip niya kung tama ba ang gagawin niyang ito. Alam niyang nasaktan ito dahil sa pag-iwan rito ng babaeng marahil ay talagang minahal nito nang husto.
Mukhang minahal nang husto ni Nelmark ang babaeng iyon. To think na ito pa ang naging rason kung bakit ganoon na lang ang inaasal ngayon ng kumag na iyon.
Pilit niyang sinasabi sa sarili niya na gagawin niya ang binabalak for the sake of having revenge for her bestfriend. Ngunit may isa at malaking bahagi pa rin ng kanyang puso ang nagsasabing ginagawa rin niya ito dahil iyon ang gusto niya.
At iyon ang hindi niya matanggap dahil wala naman siyang dahilan upang masaning iyon ang gusto niyang gawin. Imposibleng mangyari iyon dahil sa simula pa lang ay hindi na naging maganda ang trato nito sa kanya.
At ganoon din siya... kahit na may mga pagkakataon pa ngang gusto na niyang pagdudahan ang kanyang sarili kung tama bang ganoon na lang ang dapat na maging trato niya rito.
Kung minsan pa nga ay gusto na niyang kausapin ito sa mahinahong paraan gaya ng isang kaibigang magkasundo. Pero dahil ang pagiging 'mataray' at 'suplada' na ang imaheng ipinakita niya rito noong unang beses silang magkita, hindi na niya nagawang baguhin ang bagay na iyon.
She only wished na sana nga ay may mabago kapag isinagawa na niya ang plano niyang baguhin ang pananaw ni Nelmark tungkol sa true love at happily ever after. Dahil alam niyang kahit na sa modernong panahon na sila namumuhay ay nag-e-exist pa rin ang dalawang bagay na iyon sa mundo.
Kahit na nagtatago lang iyon sa ibang anyo, sa mga bagay man... o maging sa mga tao.
No comments:
Post a Comment