MABAGAL ang mga hakbang ni Khea habang binabagtas niya ang daan patungo sa mansion ng mga Castillianes kung saan siya nakatira. Medyo may kalayuan iyon mula sa cove subalit hindi niya alintana iyon. Kung tutuusin ay okay pa nga sa kanya iyon upang magkaroon siya ng pagkakataong pag-isipan ang mga ibinalita sa kanya ni Phrinze kanina.
Hindi niya inakalang magiging huli na pala ang lahat para sa kanya. Ang laki ng panahong sinayang niya dahil sa pagtatago ng feelings niya sa lalaking ang akala ng lahat ay hanggang nakatatandang kapatid lang ang turing niya. Iyon kasi ang madalas niyang sabihin sa tuwing may magtatanong kung ano daw ba ang tingin niya kay Phrinze.
Well, kasalanan din lang naman niya. Kung bakit kasi itinago pa niya dito ang nararamdaman niya gayong abot-kamay lang niya ito. Kung siya ang tatanungin, walang dudang minahal niya ito na simula niyang naramdaman ten years ago, noong trese anyos pa lang siya. Pagmamahal na patuloy niyang sinikil sa puso niya as the years passed for the sake of protecting their friendship na hindi niya gustong masira.
At hindi pa rin niya ito sisirain kahit na magkasintahan na sina Phrinze at Norina. Like what she have said to him earlier, mas mabuti pang siya na lang ang umiyak at masaktan.
Hindi na niya namamalayang nakarating na pala siya sa mansion kaya naman laking-gulat niya nang salubungin siya ng kanyang ina sa gate pa lang.
"Anak, saan ka ba nanggaling? Kanina ka pa hinahanap ng papa mo," salubong ng kanyang ina habang sabay silang pumasok sa bahay.
"Nag-refresh lang po ako ng utak ko sandali, Ma. Marami kasing bumabagabag sa akin this past few days, eh."
"May problema ka ba na hindi mo sinasabi sa akin, ha?" nag-aalalang tanong nito.
Umiling siya. "Wala naman, Ma. Teka, bakit nga pala ako hinahanap ni Papa?"
"Kailangan niya ng isang expert advice kung ano daw sa mga designs na kararating lang ang gagamitin for the next line of fabrics na iri-release ng kompanya. May mga nagre-request pa ngang mga fashion designers na kailangan nila ng mga fabrics na magkasama ang concept ng spring at summer. Although I know na tapos na ang spring season sa ibang bansa," paliwanag nito.
Napangiti na lang siya sa sinabi ng ina.
Textile company kasi ang negosyong pinamumunuan ng kanyang ama na minana pa nito sa mga magulang nito. Mahigit tatlumpung taon na rin ang kompanyang iyon kaya naman alagang-alaga ito ng kanyang ama. Sa ngayon ay mayroon nang labinglimang branches ang kompanya na hindi lang nagsu-supply ng mga fabrics sa bansa kundi maging sa ibang bansa din. And since Fine Arts ang kursong tinapos niya ay sa kanya humihingi ng tulong ang ama pagdating sa pagdedesisyon ng mga designs na gagamitin.
Pasalamat na lang at hindi nakaapekto sa pagdedesisyon niya ang kasalukuyang problema niya. Nang matapos iyon ay agad na siyang nagtungo sa kanyang silid. Hindi na siya kumain ng hapunan dahil wala din lang naman siyang ganang kumain. Hindi niya mapilit ang sarili niya.
Paglapat na paglapat pa lang ng pinto sa kanyang likuran nang isara niya iyon ay hindi na niya napigilan ang kanyang sariling damdamin. Tuluyan nang bumagsak ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Nagtataka siya sa sarili kung bakit hindi iyon kaagad nag-manifest habang kausap niya si Phrinze at ibinalita nito sa kanya ang tungkol sa kanilang dalawa ni Norina.
Dahan-dahan siyang nagtungo sa kanyang kama at naupo. Humulagpos ang pinipigil niyang emosyon kanina pa at bigla ay napahagulgol siya. Hindi lang niya maamin nang husto sa sarili niya na labis siyang nasaktan sa mga nagyari pero wala na siyang magagawa pa kundi tanggapin ang lahat. Walang tigil ang pagtulo ng mga luha niya nang mga sandaling iyon.
Anyway, okay na ito. Mas magandang ako na lang ang nakakaalam na nasaktan ako sa ibinalita ni Phrinze sa akin. Kaya ko naman ito, eh.
Pero kahit na anong gawin niyang pagkonsola sa kanyang sarili ay hindi pa rin niya maitatanggi ang sakit na kaakibat ng mga naganap kanina sa cove.
But still, I have to accept the truth. Kahit na gaano kasakit para sa akin.
And with that thought, she cried even harder. As she continued to cry, hindi niya maiwasang alalahanin ang panahong pareho nilang natumbok ni Norina ang nararamdaman nila para kay Phrinze...
BUSY SI Khea sa pagsusulat ng isang tula habang nakaupo siya sa paanan ng puno ng manggang naroon sa school ground ng Salcedo University High School Department. Ugali na kasi niyang ibinubuhos ang kanyang free time sa pagsusulat.
Patuloy siya sa pag-iisip ng idadagdag sa tulang sinusulat niya nang biglang maupo sa tabi niya si Norina na may dalang dalawang canned softdrinks at iniabot nito sa kanya ang isa.
"Salamat," sabi niya at saka inilapag sa kanyang tabi ang notebook at ballpen.
"Nagsusulat ka na naman diyan," komento nito. "Para kanino ba kasi iyang mga tulang sinusulat mo, ha? Hindi ka talaga nauubusan ng inspirasyon."
Natawa na lang siya sa sinabi nito. "Ikaw naman. Pagbigyan mo na ako sa simpleng kaligayahan ko. At saka in the mood akong magsulat kaya sinasamantala ko lang."
"Ano ba kasi iyang sinusulat mo, ha?" At saka kinuha nito ang notebook sa tabi niya.
"Teka—" Sinubukan niyang kunin kay Norina ang notebook subalit nailayo nito iyon sa kanya. Ilang sandaling ganoon ang sitwasyon hanggang sa may nahulog na isang papel na mukhang nakaipit sa notebook na iyon.
Pareho silang natigilan dahil sa pagkalito at pagkagulat. At sino ba naman kasi ang hindi? Nakita nilang pareho ang nakasulat doon.
I love you, Phrinze Joel Valencia. Iyon ang nakasulat sa papel na iyon in her handwriting.
Hindi siya makatingin sa bestfriend niya samantalang walang masabi si Norina. Kinuha nito ang nasabing papel at muling isiniksik sa mga pahina ng notebook niya. Nang basahin nito ang nakasulat na tula doon ay noon lang nito nakita kung para kanino ang tulang ginagawa niya.
"Mahal mo si Phrinze?" mahinang tanong nito sa kanya bagaman hindi siya nakatingin dito. Matapos ang natuklasan nito ay hindi na niya alam kung makakaya pa nga ba niyang harapin si Norina.
Bumuntong-hininga muna siya bago nagsalita.
"P-paano kung sabihin kong... oo? Alam ko na may usapan tayo na walang lihiman sa ating dalawa kahit na usapang pampuso. Kaya lang..." Humugot muna siya ng hangin sa kanyang dibdib bago nagpatuloy. "Kaya lang, masyadong delicate kasi ang isyung ito, eh. Kasi kaibigan natin ang involved dito."
Lumipas ang ilang mahabang katahimikan sa pagitan nila ni Norina matapos niyang sabihin dito ang gusto niyang sabihin.
"Hindi lang naman ikaw ang may inililihim, eh," basag ni Norina sa katahimikang nakapagitan sa kanilang dalawa.
Napilitan siyang harapin ito. "Ano'ng ibig mong sabihin?" nagtataka pang tanong niya dito.
Ngumiti ito at saka binasa nang tahimik ang nakasulat na tula sa notebook niya.
"Hindi lang ikaw ang lihim na nagmamahal kay Phrinze, Khea," anito nang matapos na nitong basahin ang tula.
At ikinagulat niya iyon bagaman hindi niya ipinahalata rito. "You mean...?"
Tumango ito. "Mahal ko rin siya, Khea. Mahal ko siya nang higit pa sa isang kaibigan."
"I thought ako lang ang may kasalanan sa ating dalawa." At napatawa siya nang sabihin iyon. "Kailan mo na-realize na mahal mo na siya?" pagkuwa'y tanong niya kay Norina.
"Just last year. Ikaw?"
"Two years ago. After my birthday," sagot niya at bumuntong-hininga siya. " I never intended to love him much more than a friend. But I couldn't really force my heart not to fall in love with him. Kahit alam kong mahihirapan akong sikilin ang nararamdaman ko para sa kanya."
"Hindi lang naman ikaw ang nahihirapan, eh. Ako rin naman. At alam ko, we have to keep this feeling to ourselves for the sake of our friendship."
"Pero ngayong nabisto na natin ang isa't isa, do you think makakasira na ito sa friendship nating dalawa?"
"Of course not!" mabilis nitong sagot. "Kahit na ilang babae pa ang ma-in love sa kanya, I don't care. Hindi naman yata ako papayag na isang lalaki lang ang wawasak sa binuo nating pagkakaibigan."
Napangiti siya sa sinabing iyon ni Norina. "Talaga?" paniniyak niya.
"Oo naman. Bakit ikaw? Hahayaan mo bang mangyari ang bagay na iyon sa atin, ha?"
"Hindi, ah. Di hamak namang mas kilala natin ang isa't isa kaysa kay Phrinze. Kahit na seven years na natin siyang kaibigan."
"Pero paano kung dumating ang panahong na-in love siya sa isa sa atin?"
Nangyari na iyon, Norina. Sa iyo nga na-in love ang kumag na iyon, eh. Kaya alam kong ako na ang talo sa ating dalawa, saisip niya habang pinag-iisipan ang tanong nito.
"Bestfriends pa rin tayo. Gaya nga ng sinabi mo kanina, hindi ka papayag na isang lalaki lang ang sumira sa friendship natin. I feel the same, as well." Iyon ang totoong saloobin niya.
At dahil sa sinabi niyang iyon ay bigla siyang niyakap nito.
"Basta kahit na anong mangyari, bestfriends pa rin tayong dalawa. Nothing can break that apart," assurance nito sa kanya.
"I'll hold on to that..."
NAPUTOL lang ang pagmumuni-muni't pag-iyak ni Khea nang marinig niyang nagri-ring ang cellphone niya. Nakita niyang si Norina ang tumatawag sa kanya kaya dagling pinahid niya ang kanyang mga luha bago sagutin ang tawag ng kanyang kaibigan.
"Hello?" bungad niya. Sinikap niyang maging maayos ang pagsasalita niya upang hindi nito mahalata na umiyak siya.
"Khea, I'm sorry..."
Nabigla siya sa sinabing iyon ng kaibigan. "Bakit ka naman nagso-sorry? May kasalanan ka ba?"
Pasalamat na lang at hindi halatang kagagaling lang niya sa pag-iyak nang magsalita siya.
"Naging kami na ni Phrinze. And I guess siya ang unang nagsabi sa iyo ng tungkol doon," halata sa tinig nito ang kalungkutan.
Bumuntong-hininga muna siya upang pigilan ang nakaambang pagtulong muli ng kanyang mga luha.
"Yeah, siya nga ang unang nagsabi sa akin niyon. Congrats nga pala, ha?"
"Hindi ka galit?" nananantiyang tanong nito, tila hindi kumbinsido.
"Ano naman ang karapatan kong magalit? Ikaw ang mahal niya noon pa man at alam ko na iyon, Rin. Sorry kung ngayon ko lang nasabi sa iyo. Pero iyon ang totoo. Hindi ko naman puwedeng turuan ang puso niya na magmahal ng iba. At least, mas magiging panatag pa ako na ikaw ang minahal ni Phrinze at hindi kung sinu-sinong babae lang ang pinili niya."
"Khea..."
"Okay lang ako, Norina. Basta tuparin mo ang promise natin sa isa't isa, ha? Bestfriends pa rin tayo kahit na anong mangyari. Kahit na kayo na ni Phrinze," aniya subalit hindi na niya nagawang pigilan pa ang pagtulo ng mga luha niya. Hiling lang niyang huwag siyang pumiyok habang kausap si Norina.
"Oo naman. Pero sigurado ka bang okay lang sa iyo?"
"Yup. Huwag ka nang mag-alala pa sa akin, okay? Be happy kasi nakita mo na ang lalaking mahal mo at magmamahal sa iyo. Ngayon, ako naman ang magbo-boyfriend hunting."
Natawa sila sa sinabi niyang iyon.
"Thanks for all the help, Khea," kapagkuwan ay sabi nito.
Nangunot ang noo niya. "Help? Wala nga akong itinulong sa iyo, 'no?"
"Ang sabi ni Phrinze sa akin, ikaw daw ang laging nagbibigay ng encouragement sa kanya kung tungkol sa panliligaw niya sa akin ang isyu."
"Ah, iyon ba? Hindi naman masasabing tulong iyon, eh. Madalas ko nga siyang kagalitan dahil sa pagiging torpe niya na laging umiiral kapag kaharap ka. Kung hindi ko pa sinabing hindi na masusundan ang lahi niya, baka hanggang ngayon ay wala pa rin siyang ginawa para mapasagot ka."
"Kaya naman pala, eh. Tinakot mo pala." At saka ito tumawa.
"Iyon kasi ang nakakainis sa lalaking iyon, eh. Anyway, I gave the very same threat to him para huwag ka niyang paglaruan at saktan."
Narinig niya ang muling pagtawa nito sa kabilang linya. Kaya naman kahit papaano ay gumaan na ang pakiramdam niya. It doesn't matter to her kung ilang balde pa ang mapuno ng kanyang mga luha matapos ang pag-uusap nilang iyon. Ang mahalaga sa kanya ay maging masaya ang isa sa mga taong pinagkukunan niya ng lakas na harapin ang pagsubok sa kanyang buhay.
"I'm really sorry, Khea," hinging-paumanhin nito.
"Norina, you don't have to say sorry. Wala ka namang dapat na ihingi ng sorry in the first place. Basta ang mahalaga sa ngayon, masaya ka na sa piling ni Phrinze. Higit pa ang kasiyahang nadarama ko kapag alam kong masaya ka." Kahit ang magiging kapalit niyon ay ang pagdurusa ko, saisip niya ngunit hindi niya magawang isatinig. Hindi niya gustong masira ng emosyon niya ang kasiyahang nararamdaman ngayon ng kanyang kaibigan.
"Salamat sa lahat, Khea. At kapag may kalokohan siyang ginawa sa akin at sinaktan niya ako, ikaw ang unang-unang pagsasabihan ko niyon. Para magawa mo na nang totohanan ang pananakot mo sa kanya."
Tinawanan na lang nila ang sinabi nitong iyon.
KINABUKASAN ay agad na nagtungo si Khea sa cove upang pakalmahin ang sarili niya. Alas-singko pa lamang ng madaling-araw nang maisipan niyang magtungo doon. Hindi kasi siya nakatulog kagabi sa kaiiyak matapos ang pag-uusap nila ni Norina sa cellphone.
She's both happy and in so much pain at the same time. Masaya siya sa kinahinatnan ng relasyon nina Phrinze at Norina. Subalit mas nangingibabaw ang sakit na nararamdaman niya dahil sa kinahinatnan ng damdamin niya para kay Phrinze. Kaya naman walang patid ang pagtulo ng kanyang mga luha kagabi dahil doon. Pasalamat na lang at hindi nakahalata ang mga magulang niya sa nararamdaman niya.
Sa ngayon ay nais niyang mapag-isa kaya naman ang pagpunta sa cove ang naisipan niyang gawin. Dala ang kanyang notebook at ballpen ay naisipan niyang magsulat ng isang tula na ang gagamitin niyang inspirasyon ay ang sitwasyon niya ngayon.
Ilang sandali pa ay nag-umpisa na siyang magsulat. Kapag ganitong tahimik ang lugar at in the mood siya ay nakakapagsulat siya ng mga tula. Subalit iba ang tulang isinusulat niya ngayon. Base na ito sa masakit na sitwasyong kinakaharap niya ngayon. At hindi ito gaanong nakakatulong sa kanya.
Sa bawat linya ng tulang sinusulat niya ay nagpapatuloy pa rin ang pagtulo ng kanyang mga luha. Kaya naman dadalawa stanzas lang ang nagawa niya. Wala pa siyang maisip na pamagat ng kanyang tula kaya naman hahayaan na lamang niya munang ganoon. At hindi niya maiwasang mapangiti nang mapait nang basahin niya nang malakas ang sinimulang tula. Ugali niya iyon upang makuha niya ang tamang intonation at mood ng mga sinusulat niya. Ngunit tila hindi iyon nakatulong sa kanya nang mga sandaling iyon.
"Minahal kita ngunit hindi mo napapansin; 'pagkat kaibigan ko ang nais mong ibigin. Kaya naman 'di mo ako magawang mahalin at hanggang kaibigan lang ang 'yong turing sa akin. Hinayaan kitang mahalin s'ya kahit masakit; kahit na pagdurusa ang magiging kapalit. Hindi mo malalaman kung gaano kasakit ang magparaya sa kaibigan kahit pilit..."
And after reading it, she mused for a while that made her realized something.
Talagang hindi niya hahayaang malaman ni Phrinze na nasaktan siya nang piliin nito ang kanyang kaibigan. Anyway, hindi naman masasabing nagparaya siya. Takot ang nagkulong sa totoong nararamdaman ng puso niya. Kaya hindi niya nasabi rito ang totoo. Isa pa, matagal na niyang alam ang totoong damdamin ni Phrinze kay Norina. Right there and then, hindi na siya naglakas-loob pang ipagtapat rito ang lahat.
Umabot ng tatlong oras ang pagtambay niya sa cove at hindi na niya nadugtungan pa ang kanyang tula. Kaya naman nagdesisyon na lang siyang umuwi na at baka sa bahay ay magawa pa niyang maipagpatuloy iyon.
"KAILANGAN kong pumunta sa America, Khea." Iyon ang sabi ni Norina kay Khea nang maisipan nilang magkaibigan na pumunta sa abandoned river sa Isla Marino. Ang lugar na iyon ang special place nila ni Norina.
Tatlong kilometro ang layo niyon sa cove at pag-aari ng ama ni Norina ang nasabing lugar subalit dahil sa patuloy na pagtatapon doon ng mga basura ay tuluyan na itong ipinasara sa mga tao roon. Inabot ng tatlong taon ang rehabilitation ng ilog bago bumalik ang linis at ganda nito subalit hindi na ito muling ipinabukas at pinanirahan sa di malamang dahilan.
Tago ang nasabing ilog sa sibilisasyon kaya naman walang mag-aakalang pinupuntahan pa ito ng tao. Silang dalawa na lamang ni Norina ang nagtutungo doon. Makapal na kasi ang gubat na nakapaligid sa lugar na iyon. Dito madalas nilang isinisigaw ang galit nila sa mundo kapag matindi na ang problema nila at pagkatapos niyon ay nagiging okay at kalmado na sila.
"Ha? At bakit naman?" tanong niya rito.
"Nag-request ako kay Papa na ako ang mag-aasikaso ng business doon na hindi niya gaanong napagtutuunan ng pansin."
"Urgent ba?" Tumango ito at saka napabuntong-hininga.
"On the verge of bankcruptcy na iyon at kapag walang mag-aasikaso niyon at tuluyan nang mawawala iyon. Mahalaga pa man din ang kompanyang iyon para kina Mama't Papa."
"Alam na ba ito ni Phrinze?" Hindi niya maintindihan kung bakit iyon ang naisipan niyang itanong dito.
Umiling ito. "Ikaw pa lang ang napagsasabihan ko ng tungkol dito. Pupuntahan ko siya mamaya para sabihin ito sa kanya."
"Teka nga! Bakit naman ako ang unang taong pinagsabihan mo nito, ha? May boyfriend ka na, 'di ba? Dapat na siya ang unang makakaalam nitong plano mo."
"Sus! Ikaw ang una sa listahan ko kaya huwag ka nang umangal. Palaging second in the list lang si Phrinze."
Napangiti siya sa sinabi nito. "Ganoon?"
"Oo, ganoon. Kaya nga may hihilingin ako sa iyo bago ako umalis."
"Ano namang hihilingin mo sa akin, ha?"
"Ikaw sana muna ang aasahan kong mag-alaga kay Phrinze habang wala ako."
No comments:
Post a Comment