Monday, April 27, 2015

Sana Ako Naman Ang Mahalin Mo - Chapter 4

THE TRIP to Baguio took almost seven hours since hindi naman sila gaanong namoroblema sa traffic. Habang bumibiyahe ay hindi gaanong nagsasalita si Khea at laging nakatingin sa labas. Para ngang wala sa daan ang isipan niya kundi sa isang bahagi ng kanyang nakaraan na laging nagiging bahagi ng mga panaginip niya mula pa noong bata siya.

At hindi niya akalaing babalikan pa siya ng nakaraang iyon na pilit niyang kinalimutan. God knew how hard she tried to forget that gruesome past of hers. Pero may palagay siyang hindi siya matatahimik nang lubusan hanggang hindi niya nahahanapan ng kasagutan ang mga katanungan niya.

And she thought that it's about time para malaman na ni Phrinze ang tungkol sa nakaraang iyon. May palagay kasi siyang may pagdududa pa rin ito sa pagkatao nila ni Norina kahit na magkakaibigan na sila. Although hindi naman niya iyon nakikita dito, hindi pa rin maiwasang magduda ito sa kanila.

During the trip, napapansin niyang madalas na si Phrinze ang nag-uumpisa ng topic na maaari nilang pag-usapan. Wala dudang napapansin nito ang pananahimik niya at ang pagiging tulala niya kaya ito na ang nag-i-initiate ng isang usapan. Puwede din naman na ayaw nitong mapanisan ng laway habang nagbibiyahe. Si Phrinze pa man din ang tipo ng taong hindi sanay na walang kausap.

It's almost three in the afternoon nang marating nila ang kanilang destinasyon: sa Little Angels' Hometown. At hindi niya maiwasang hindi mamangha dahil sa nakikita niyang malaking pagbabago sa bahay-ampunan. Anyway, it's been sixteen years since she last saw this place.

Medyo malaki na ito kumpara noong mga panahon na dito pa siya nakatira. There were two three-storey buildings adjacent to the main house kung saan nagkukumpulan ang mga bata kapag kainan na. Mayroon na ring playground sa harap ng main house na dati ay wala.

Nang bumaba siya sa kotse kasama ni Phrinze ay napansin niya ang isang babaeng marahil ay kaedad niya na lumapit sa kanila.

"Yes, may kailangan po ba kayo?" magalang na tanong sa kanya ng babae. She doesn't know why, pero may palagay siyang kilala niya ang babaeng nasa harap niya ngayon.

"Umm... gusto ko lang sanang itanong kung dito pa ba nagsi-serve si Sister Amy Santiago. May kailangan lang kasi akong itanong sa kanya."

"She's at the main house," anito sabay turo sa malaking bahay. "May I know kung sino ang naghahanap sa kanya?"

"Pakisabi na lang na si Khea Castillianes," sabi niya.

Nakita niyang natigila ito at saka siya tinitigan. Bagay na ipinagtaka niya.

"B-bakit, Miss?"

"You said your name is Khea, right?" Tumango siya. "Ikaw iyong madalas na kasama ni Norina dito."

"Kilala mo ako?" nagtatakang tanong niya.

Nakita niyang ngumiti ito. "Hindi na ako magtataka kung hindi mo ako maalala. Anyway, it's been sixteen years ago. Ako nga pala si Aiko, iyong madalas na kasama ninyong dalawa ni Norina dito bago kayo ampunin."

She tried to remember. And when she did, napangiti na lang siya at agad itong niyakap.

"Oh, my! I'm sorry if I didn't recognize you earlier. Kaya pala familiar ang mukha mo." At saka siya tumingin dito matapos niya itong yakapin.

"Okay lang iyon. Hindi rin naman kita kaagad nakilala, eh. Kumusta ka na? Ang laki ng iginanda mo, ah."

Napangiti na lang siya. Napansin niyang dumako ang tingin nito sa kanyang likuran. Tila noon lang niya naalala na kasama nga pala niya si Phrinze.

"Phrinze, this is Aiko. Isa siya sa mga naging kaibigan namin ni Norina dito sa Little Angels'. Aiko, this is Phrinze. Ang makulit kong bestfriend at boyfriend ni Norina," nakangiting pagpapakilala niya sa mga ito.

"At first, I thought he's your boyfriend," komento nito na dahilan upang pamulahan siya ng mukha. "By the way, nasaan ng pala si Norina?"

"She went to America four days ago. May kailangan siyang asikasuhin doon."

"Ah. Nasa loob si Sister Amy. I'm sure na matutuwa iyon kapag nakita ka niya."

With Aiko leading the way, pumasok na sila ni Phrinze sa main house.

NALAMAN ni Khea mula kay Sister Amy na isa na si Aiko sa mga counselors ng Little Angels'. Malaki daw kasi ang utang na loob nito sa nasabing bahay-ampunan kaya naman mas pinili nito ang maglingkod sa mga batang ulila at kapus-palad na napadpad doon. Ngunit bukod pa roon ay may nalaman pa siya. Inalam niya mula sa madre ang lokasyon ng puntod ng kanyang tunay na mga magulang. At ikinagulat niya nang labis ang impormasyong ibinigay nito sa kanya.

Buong akala niya'y walang kaalam-alam ang mga adoptive parents niya sa totoong nangyari sa kanya at sa tunay niyang katauhan. Sinabi nito sa kanya na ang mag-asawang Castillianes ang nagbigay ng marangal na libing sa kanyang tunay na mga magulang. Alam daw kasi ng mga adoptive parents niya na darating ang araw na nanaisin niyang balikan ang kanyang nakaraan kaya naman ginawa ng mga ito ang lahat upang mangalap ng mga impormasyong kakailanganin niyang malaman.

Hindi niya malaman kung ano ang iisipin nang mga sandaling iyon. Ngayon lang niya napag-isipan nang husto na talagang minahal siya ng mag-asawang Castillianes to the point na hinayaan pa siya ng mga ito na balikan at alamin niya ang ilang malabong bahagi ng kanyang nakaraan.

Nagpasalamat siya sa madre dahil sa impormasyong ibinigay nito sa kanya. At nangako naman siya sa mga ito na babalik siya roon kapag may panahon. Nagpaalam siya sa mga ito at dumiretso na sa playground kung saan naabutan niya si Phrinze na nakikipaglaro sa mga batang naroon. At hindi niya naiwasang mapangiti nang makita niya sa mga mata nito ang kakaibang saya.

Walang dudang kapag may anak na ito, he will be a very good father to his child.

Nang sumakay na sila sa kotse ay agad siyang hinarap nito.

"May kailangan ka pa bang puntahan?" tanong nito sa kanya bago pina-start ang kotse.

"Will it be okay kung may isa pa tayong pupuntahan?"

"Wala namang problema. Saan nga pala tayo pupunta?"

"Sa sementeryo. Gusto ko sanang makita ang puntod ng mga tunay kong magulang," seryosong sagot niya.

Mataman siyang tiningnan nito nang ilang sandali bago minaniobra ang kotse. "Don't you think you have to go and buy flowers to offer it to their grave?" pagkuwa'y tanong nito.

"Nang-aasar ka ba? Alam mo namang hindi ko dala ang pera ko, di ba?"

He chuckled and then looked at her.

"Ako naman ang bibili, eh. Tell me, ano'ng bulaklak ang io-offer mo sa kanila?"

Napaisip siya nang ilang sandali. And then she closed her eyes, as if trying to remember something.

"Madalas na naglalagay si Mama ng pink carnations sa altar noon. Iyon kasi ang madalas na ibigay ko sa kanya tuwing may okasyon. Mother's Day, her birthday, Christmas, even New Year. That's when I asked her kung ano ba ang ibig sabihin ng pink carnations. She said that it's the emblem of Mother's Day. It could also mean that 'I will never forget you.'"

"You really loved them, huh?" he commented.

"I really do. And I always will even though iba na ang tumatayong mga magulang ko. Sayang nga lang at umabot sa trahedya ang lahat."

Hindi na nagsalita pa si Phrinze.

Kumain muna sila nito ng merienda. Habang kumakain ay nagkukuwento ito ng mga nangyari kanina sa bahay-ampunan kasama ang mga bata. Kung minsan ay seryoso at kung minsan naman ay nakakatawa ang mga kuwento nito.

Hula niya ay gumagawa ito ng paraan upang hindi siya gaanong mag-alala sa kung ano ang mangyayari sa oras na makita niya ang puntod ng kanyang tunay na mga magulang.

Napag-isipan na rin niya na sasabihin na niya kay Phrinze ang lahat-lahat tungkol sa pagkatao niya.

Pagkatapos kumain ay dumaan muna sila sa isang flower shop. There, he bought two bouquets of pink carnations as she requested. Then they went to a memorial park.

Nang makita na nila ang puntod na hinahanap ay nagulat siya nang malaman niyang sa mausoleum ng mga Castillianes inilibing ang mga magulang niya. May apat na puntod doon. Dalawa sa hinahanap niya ay magkatabi at doon sila huminto ni Phrinze sa tapat niyon. Inialay niya ang dalawang bouquet na dala nila ng binata sa dalawang puntod doon.

Una niyang binasa ang nakasulat sa lapida ng puntod sa bandang dulo.

Gerald Ortega

Born: February 23, 1961

Died: April 6, 1992

Nakasulat naman sa katabi nitong lapida ang isa pang pangalan.

Helena Cariño-Ortega

Born: September 20, 1963

Died: April 6, 1992

Iyon ang nabasa niya sa dalawang lapida.

"Sila ang mga tunay kong magulang," pagsisimula niya na hindi nililingon si Phrinze. "It was their wedding anniversary two days ago. And today is... actually their death anniversary."

"Ortega... Are they the journalists who were—"

"Who were murdured seventeen years ago," pagpapatuloy niya sa sinasabi nito. "They were shot. At ang masama, kasamang nabaon sa libingan nila ang katarungan hinahanap nila."

"Khea..."

Hindi na niya nagawang pigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha. He then led her to a concrete bench inside the mausoleum.

"Look, kung hindi ka pa handang balikan ang lahat—"

"No, it's okay." And then she sighed. "Oras na siguro para malaman mo kung sino talaga ako bago ako napadpad sa bahay-ampunan."

"Are you sure?" nananantiyang tanong nito.

Tumango siya. Doon ay nagsimula na siyang magkuwento. "My parents were already journalists before I was born. They weren't really famous but they were happy with their jobs. Kahit na busy sila, naaalagaan pa rin nila ako. Madalas silang kondenahin ng mga politicians because of the political scams and issues na sumisira sa mga pangalan ng mga ito. Pero ginagawa lang nina Mama at Papa ang nararapat, even though they knew the consequences that they're going to face because of it. Hindi iilang beses na nakatanggap sila ng mga death threats. Pero balewala lang iyon sa kanila. Katwiran nga nila, paano magkakaroon ng hustisya kung walang kikilos?

"Pero may isang isyu na tuluyang nagdala sa kanila sa kamatayan. Two days after their wedding anniversary, I was playing in the living room with my dad. And then all of a sudden, may biglang nagpaputok ng baril mula sa labas ng bahay. They told me to hide down the basement. Wala akong idea noon kung ano na ang nangyayari. But I heard grunts and painful moans that I was sure it's coming from my parents. And then I heard gunshots. Nang masiguro kong wala na ang mga taong nanloob sa bahay, I went out. I secretly went to the window to check the attackers' faces but they were all wearing masks. At nang hanapin ko ang mga magulang ko, I found their bodies lying in the living room."

Bahagya nang pumiyok ang boses niya dahil sa walang tigil na pagtulo ng kanyang mga luha.

"I saw a newspaper article about a certain politician who was said to have raped a 19-year old girl two months before," pagpapatuloy niya. "Sinabi rin doon na malaki na ang ninakaw ng politician na iyon sa kaban ng bayan ng lungsod. I found it on my father's bloody hand. My mother then said that I have to go and hide. Kahit pinipilit ko ang sarili ko na doon lang ako sa bahay na iyon, sinabi pa rin niya na umalis ako doon bago pa bumalik ang mga kalaban. Before I left, she gave me the articles and some folders hidden in a case. Itago ko raw iyon dahil kailangang mabigyan ng hustisya ang teenager na iyon. Kahit na magkandadulas-dulas na ako dahil sa pagtakas ko, hindi ko pa rin binitawan iyong case. Hanggang sa napadpad ako sa Little Angels' at kunin ako ni Sister Amy."

Huminga muna siya ng malalim at saka ipinagpatuloy ang pag-iyak habang nakatingin sa puntod ng mga magulang.

"Khea, stop crying," alo ni Phrinze sa kanya.

"Wala akong nagawa nang mga panahong iyon, Phrinze. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga magulang ko," aniya habang patuloy ang pagtulo ng luha sa mga mata niya.

Bumuntong-hininga ito at saka siya niyakap nang mahigpit sabay halik sa kanyang noo. Pero kahit na labis siyang nasorpresa sa ginawa nito ay hinayaan na lamang niya ito. She liked the feeling of the hug and the kiss that was offered to her. At ang higpit ng yakap nito ang nagpapakalma sa kanya nang mga sandaling iyon. Kahit na hindi para sa kanya ang lalaking kasama niya ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag ang sayang dulot ng presensiya nito, ng mga yakap nito sa kanya.

Kaya naman hindi niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha habang yakap-yakap pa rin ni Phrinze. At ang hiling niya, sana ay hindi na matapos ang sandaling iyon kung saan nasa tabi lang niya ang binata.

"Huwag ka nang umiyak, Khea. Nandito lang ako, hindi ako kailanman aalis at sisiguruhin kong hindi ako mawawala sa buhay mo hanggang kailangan mo ako sa tabi mo. Pangako ko iyan sa iyo," pahayag nito sa kanya.

Pero imposible ang sinasabi mo, Phrinze. Alam kong darating ang panahon na malilimutan mo rin ang pangako mong iyon. Kaya hindi na ako aasa pang matutupad mo pa nga iyan. Sapat na sa akin na nandiyan ka lang... kahit hanggang kaibigan lang ang turing mo sa akin.

PAGKABALIK ni Khea sa Isla Marino ay sinabi niya kina Enrico at Victoria ang tungkol sa pagpunta niya sa Little Angels' Hometown. Hinayaan siya ng mga ito na sabihin ang mga nalaman niya mula kay Sister Amy. At nagpasalamat siya sa mga ito sa effort na ginawa nila upang magawa niyang balikan ang kanyang mga magulang at ang kanyang nakaraan.

Napag-alaman naman niya na ginamit ng mag-asawa ang lahat ng impormasyong nakalagay sa brief case na dala-dala niya noon na minsan niyang ipinagkatiwala sa mga madre upang bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mag-asawang Ortega. Sa tulong ni Attorney Isabella Valencia na ina ni Phrinze ay naipakulong nila si Congressman Eduardo Carta nang ito ay mahatulan ng habang-buhay na pagkakakulong.

Karma na marahil ang dumapo sa congressman nang mapag-alamang nasa terminal stage na ang prostate cancer nito. At matapos ang isang taong pagtitiis ay namatay ito. Ngunit hindi ito namatay nang hindi nasasabi sa publiko ang kasalanang nagawa, partikular na ang pagpapapatay sa kanyang mga magulang.

Agad siyang nagtungo sa kanyang silid at pinag-isipan ang lahat ng mga nangyari sa nakalipas na mga araw.

Hindi niya akalaing sa loob ng limang araw ay nakasama niya nang solo si Phrinze. Madalas kasi na nakakasama lang niya sa mga biyahe ang binata kapag kasama niya si Norina. Iyon pa lang ang unang pagkakataon na nakasama niya ang binata without the presence of Norina.

Ang pag-aalalang ipinakita nito sa kanya habang nasa hotel sila, ang pag-alo nito sa kanya noong nasa sementeryo sila habang sinasabi niya rito ang tungkol sa nakaraan niya—lahat ay siguradong mananatili sa kanyang puso sa habang panahon. Kahit na panandalian lang ang lahat, hindi pa rin mapapantayan ang sayang idinulot niyon sa kanyang puso.

Pero nanatiling nakatanim sa kanyang isipan ang sinabi nito sa kanya sa harap ng puntod ng mga magulang niya.

Na hindi ito aalis at sisiguruhin daw nito na hindi ito mawawala sa buhay niya hanggang kailangan niya ito. Hindi niya alam pero may pakiramdam siya na may iba pang ibig sabihin iyon bukod sa isang simpleng pangako lang. kilala niya si Phrinze. Kapag nangako ito ay talagang tinutupad nito at all cost. Parang gusto na nga niyang paniwalaang gagawin nito ang ipinangako.

Pero sa kaso nila ngayon na mayroon na si Norina sa buhay nito, dapat pa nga ba niyang paniwalaan iyon? Paano na kung maisipan na lang ng mga ito na magpakasal? Malabo nang mangyaring matupad pa nito iyon. At iyon ang isang bagay na sigurado siya.

Sana nga ay makaya ko pang magpanggap na hindi nasasaktan kapag dumating ang panahong tuluyan nang limutin ni Phrinze ang pangako niyang iyon. Kahit na sinasabi ng utak ko na hindi na ako dapat na umasa pa dahil wala naman na akong aasahan. He already belongs to my bestfriend.

And that's the truth she has to deal with... kahit masakit.

"ANO namang pumasok sa utak mo at naisipan mo pang mag-hiking samantalang kagagaling lang natin sa biyahe?" naiinis na tanong ni Khea kay Phrinze habang nag-uumpisa na silang pumasok sa kasukalan ng Isla Marino.

Tumawag kasi ito sa kanya kaninang alas-singko pagkagising niya at niyaya siya nitong mag-hiking. Bagaman umayaw siya noong una dahil kailangan pa niyang magpahinga ay napapayag pa rin siya nito nang magpunta ito sa bahay nila at ipaalam siya sa kanyang magulang.

Ipinakita niya rito na naiinis siya dahil doon kahit na ang totoo ay nae-excite siya sa ideyang makakasama na naman niya ang lalaking mahal niya. Kahit na sa kaibuturan ay nakakaramdam siya ng guilt dahil sa atensyong ibinibigay nito sa kanya na dapat ay kay Norina nito ipinapakita. Hindi rin excuse na kaibigan niya si Phrinze para pakitaan siya ng ganoong atensiyon.

Or maybe he was missing his girlfriend at sa kanya ito naghahanap ng atensiyon.

Whatever the case, mali pa rin ang nangyayari sa pagitan nila ng binata. Dapat nga ay umiiwas na siya rito as much as possible pero nagtataka rin siya kung bakit hindi niya iyon kayang gawin. And this would only make matters worst, alam niya iyon. At hindi niya gustong dumating sa puntong hindi na siya makaalis pa sa sitwasyong kinasusuungan niya.

Pero mahirap para sa kanya na iwasan si Phrinze lalo pa't ganito kakulit ito sa pagyaya sa kanya.

Konting tiis pa, Khea. You can survive this. You're just doing a favor for a friend kaya ka sumasama sa kanya ngayon. Wala nang ibang ibig sabihin iyon, tanging sinasabi niya sa kanyang sarili.

Ngumiti na lang sa kanya si Phrinze at saka siya tiningnan.

"Na-miss ko lang kasing mag-hiking, eh. Two years ago pa nang huling beses akong umakyat sa bundok dito sa Isla Marino."

"Eh bakit isinama mo pa ako sa balak mong mag-hiking? Inistorbo mo pa tuloy ang balak kong mamahinga buong maghapon," nakasimangot na sabi niya habang nakatingin sa unahan.

"Ikaw naman. Ngayon ka pa nagreklamo kung kailan nasa paanan na tayo ng bundok. At saka sinusulit ko lang naman ngayon iyong ipinangako mo kay Norina, ah. 'Di ba, nangako ka sa kanya na aasikasuhin mo ako habang wala siya?"

She rolled her eyes. "Sus! Ang dami mo pang palusot. Ginamit mo pang dahilan ang sinabi ko kay Norina. Ang sabi ko lang naman sa kanya, babantayan kita. Pero hindi nangangahulugan iyon na kailangan kitang sundan sa kahit saang lugar ka magpunta. Hindi naman ako personal alalay, 'no!"

"Huwag ka nang umangal. Nandito na tayo, eh. At saka paano kapag may nangyaring masama sa akin? Halimbawa, baka may pumatay pa sa akin dito na mga bandido. O di kaya naman ay mabangis na hayop na sumugod sa akin at lapain ako. At paano na kapag nahulog pa ako sa bangin? Maraming posibilidad na may mangyaring masama sa akin dito. Eh di kasalanan mo pa iyon kay Norina?"

Tinaasan niya ito ng kilay at humalukipkip siya.

"May gana ka pang mangonsensiya diyan. Uy, hindi na tatalab sa akin iyan kung sa iyon rin lang manggagaling. Hindi mo pa kasi diretsuhin na nangangailangan ka lang ng alalay."

"Hindi alalay ang kailangan ko. Date ang kailangan ko," pilyong sabi nito. "But since wala si Norina dito para maging ka-date ko, ikaw na lang ang naisipan kong isama dito."

"Ah, ganoon? Kailan pa nangyaring naging substitute date mo ako, ha?" sarkastikong tanong niya. Pero sa totoo lang, walang tigil sa kapapasag ang puso niya dahil sa mga sinabi nito. "At saka bakit ako pa ang naisipan mong isama? Marami namang babae diyan ang willing na willing kang samahan."

Tumawa ito. "Ayoko nga sa kanila. Hindi sila game sa mga trip ko. Mas gusto pa nila ang magpaganda nang magpaganda kaysa ang makisakay sa mga adventures ko. Hindi sila kagaya ninyo nina Norina na nagagawa akong pakisamahan."

She sighed. And then she reached for the big root of a tree. "Oo na nga. Nagawa mo pang mambola."

Nagpatuloy sila sa pag-akyat sa bundok. Ang bundok na iyon ang highest peak ng buong isla at madalas na puntahan ng mga hikers. At kapag ganitong bakasyon ay mas maraming nagpupunta dito. Isa ang bundok na iyon sa pride ng Isla Marino, bukod pa sa waterfall at beach resorts doon.

Humigit-kumulang isang oras ang itinagal ng pag-akyat nila bago sila nagpahinga nang ilang sandali sa isang kuweba doon at saka muling nagpatuloy. Ngayon ay naglalakad sila sa isang cliff na naroon na kinakailangan nilang daanan upang makarating sa isang kuwebang magsisilbing ruta upang makarating sila sa tuktok. Medyo madulas at makitid ang cliff na dinaraanan nila kaya naman ganoon na lamang ang higpit ng kapit niya sa braso ni Phrinze. Hindi naman siya pinababayaan nito.

Nang marating nila ang turning point ng cliff, nagpasiya siyang mauna na muna sa pagtahak niyon. Bagaman napansin niyang alangan ang binata ay hinayaan na lamang siya nito. Kahit medyo natatakot ay kumapit siya nang mahigpit sa isang nakausling bato na malaki sa gilid.

But all of a sudden, the boulder that she was holding on to cracked and then broke that made her slip. Napasigaw siya nang dahil doon at kumapit siya sa gilid ng cliff habang hawak naman ni Phrinze ang isang kamay niya. Mabilis ang naging disposisyon nito nang makita siya nitong nadulas. Her one hand was holding tight on the edge of the cliff and the other was to Phrinze's arm dahil ayaw niyang mahulog. Takot siyang mahulog.

"Huwag kang bibitaw, Khea. Tutulungan kita, okay? Just hold on to me," nag-aalala ngunit mariing wika nito habang hawak ang kamay niya.

She couldn't look down dahil ayaw niyang makita kung gaano kataas ang cliff mula sa ibaba. Ayaw rin niyang makita kung gaano kataas ang kababagsakan niya kung sakali. That's why she only looked at Phrinze habang tumutulo ang luha niya dahil sa takot. Hindi niya akalaing aabot sa ganito ang lahat.

"D-don't let go..." umiiyak na pakiusap niya sa binata habang pa rin ang hawak nito sa kanya.

"I won't let go." Pagkasabi niyon ay agad itong kumapit sa isang malaking batong nakatirik doon sa likuran nito. Iyon ang ginamit nitong support upang mahila siya nito pataas.

Siya naman ay pinilit maghanap ng matutungtungan upang hindi mahirapan ang binata na hilain siya pataas. Mahigpit ang hawak nito sa kamay niya at ganoon din siya. At kahit patuloy pa rin siyang nakakaramdam ng takot, alam niya na hindi siya pababayaan ni Phrinze.

Sa wakas ay nagawa na siyang maiakyat nito mula sa gilid ng cliff at kahit nanginginig pa siya dahil sa matinding kaba at takot ay nagawa nilang makaalis sa lugar na iyon patungo sa kuweba. Nakaalalay ito sa kanya nang husto sa takot na baka mapahamak na naman siya.

Nang marating nila ang kuweba ay naupo muna sila sa isang sulok upang magpahinga. Noon lang siya nakahinga nang maluwag at nabawasan ang takot na nararamdaman niya. At noon lang niya nailabas ang nararamdaman sa pamamagitan ng walang tigil na pag-iyak.

"Khea, it's alright. Huwag ka naman nang umiyak. Please," pakiusap at pagpapakalma ni Phrinze sa kanya na bakas sa mukha nito ang pag-aalala't pagkalito dahil hindi nito alam kung paano siya pakakalmahin nang mga sandaling iyon.

Subalit hindi pa rin siya tumitigil sa pag-iyak.

Nabigla na lang siya nang yakapin siya nito nang mahigpit at masuyong hinahaplos ang buhok niya.

"You don't have to be afraid now, Khea. I'm here. And I'm sorry..." masuyong wika nito habang yakap siya nito.

Napatingala siya rito. "Phrinze..."

"Kasalanan ko kung bakit ka napahamak. I'm supposed to take care of you dahil alam kong delikado dito. Hindi na lang sana kita kinulit na sumama sa akin dito. I'm really sorry." Kita niya sa mga mata nito ang sinserong paghingi nito ng tawad dahil hindi siya nabantayan nito.

She sighed and looked down. "Wala kang dapat na ihingi ng tawad. Kasalanan ko rin naman, eh. Naging makulit ako na magpauna sa pagdaan natin doon sa parteng iyon ng cliff."

"Khea..." At naramdaman niya ang mahigpit na pagyakap nito sa kanya. Dama niya ang mga yakap nito ang matinding concern dahil patuloy pa rin ang panginginig niya. Pero unti-unti nang nawawala iyon habang tumatagal ang yakap nito sa kanya.

At dahil sa kakaibang calmness na nararamdaman niya habang yakap siya nito ay hindi niya naiwasang mapangiti nang lihim. Pero dagli ring napawi iyon nang may maalala siya.

Kahit na kaibigan siya ni Phrinze, mali pa rin na ganito ito ka-concern sa kanya. Hindi sapat na dahilang wala sa isla si Norina para samantalahin niya ang pagkakataon. Subalit hindi niya mapigilan ang sariling namnamin ang saya at ginhawang dulot ng yakap nito at ang patuloy na paghaplos nito sa buhok niya. Kaya kahit na nahihirapan siya dahil sa pagdadalawang-isip kung hahayaan ba niya ito o hindi ay nanahimik na lang siya roon at napapikit.

Just this time, hahayaan ko na lang munang sundin ang puso ko. This might not happen again. I'm really sorry kung tinatraidor na kita, Norina...

No comments:

Post a Comment