NAPANGANGA si Khea, and at the same time ay labis na nagulat sa sinabi ng kaibigan. Hindi niya alam ang sasabihin matapos marinig iyon.
"Rin, seryoso ka ba diyan sa sinasabi mo sa akin ngayon, ha?" naninigurong tanong niya rito.
Tumango ito.
Idinaan na lang niya sa pagtawa ang pagpawi sa gulat na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
"Bakit ako? Kailan pa nangyaring naging babysitter ako ng kumag na iyon, ha? At saka bakit naman ganyan ang request mo sa akin? Hindi ba puwedeng ang parents mo na lang ang gumawa niyan para sa iyo?" sunud-sunod na tanong niya.
"Ikaw lang ang isa pang taong nakakaalam ng tantrums ng lalaking iyon. At saka pasensiya ka na kung ikaw pa ang hiningan ko ng ganitong klaseng pabor. Kaya lang, wala na kasi akong ibang aasahan, eh. Isa pa, pupunta ng Maynila sina Papa't Mama the same day na aalis ako upang i-check ang dalawang advertising company doon."
Huminga na lang siya nang malalim upang hamigin ang kanyang sarili.
"Magtatagal ka ba sa America?" tanong niya.
"For three weeks lang. iyon ang binigay kong deadline sa sarili ko upang matapos ang problema namin doon."
"At parang ganoon lang daw kadali iyon. Huwag mong pilitin ang sarili mo kung talagang malala na ang problema niyon. Lalo ka lang mahihirapan niyan, eh."
"I know. Kaya nga sa iyo ko muna ipapaubaya ang boyfriend ko habang wala ako. Alam kong maaalagaan mo siya nang husto."
Hindi niya maintindihan subalit parang may ibang ibig ipahiwatig si Norina nang banggitin nito ang katagang 'ipapaubaya.' "So three weeks pala akong magiging babysitter ng makulit mong boyfriend."
"Is that a yes?" Norina asked hopefully.
Bumuntong-hininga muna siya bago ngumiti dito at tumango. Sa katuwaan ay bigla siyang niyakap nito.
"Thank you, Khea!"
Nahawa siya sa katuwaang ipinakita nito kaya naman ginantihan niya ang yakap nito.
"Wala iyon, 'no? Para ano pa't naging magkaibigan tayo."
NGAYON ang takdang oras ng pag-alis ni Norina kaya naman inihatid nina Khea at Phrinze ang dalaga sa airport. Hindi matapus-tapos ang paalaman nila gayong three weeks lang naman ito sa America, ayon na rin kay Norina.
"Take care of yourself, Rin. Iba ang klase ng buhay sa America kumpara dito kaya lagi mong aalagaan ang sarili mo," paalala niya sa dalaga habang nakatingin ito sa kanya at yakap-yakap naman ni Phrinze.
Sanay na siyang tingnan ang ganitong eksena sa pagitan nina Phrinze at Norina mula nang magkaintindihan ang mga ito. Kaya naman hindi na siya gaanong nagiging emotional kapag nakikita niyang magkayakap ang dalawang ito.
Napangiti naman si Norina at agad siyang niyakap matapos kumalas sa pagkakayakap ni Phrinze.
"Ingatan mo ang boyfriend ko, ha? Ipapaubaya ko ang welfare niya sa iyo," bulong nito sa kanya at saka siya hinarap.
"Rin, hindi ba dapat ang boyfriend mo ang sinasabihan mong mag-alaga sa akin? Ako ang babae, eh."
"Eh mas lalaki ka pa nga kumpara sa akin," sabad ni Phrinze kaya napatingin sila ni Norina dito.
"Baka nakakalimutan mo kung ano ang sinabi ko sa iyo sa oras na asarin mo ako. Gusto mo bang simulan ko na ngayon, ha?" banta niya kay Phrinze.
Natawa na lang si Norina sa sinabi niyang iyon. At saka muli niyang hinarap ang bestfriend niya.
"Ikaw ang dapat na mag-ingat, Norina. Huwag mo kaming alalahanin dito ni Phrinze. Kaya naming alagaan ang mga sarili namin. Kung pupuwede nga lang ba akong sumama sa iyo, ginawa ko na."
"Thanks for the concern but I'll be okay."
Iyon lang at saka dumiretso na ito sa boarding area nang sabihing ready for boarding na ang eroplanong sasakyan nito. Subalit hindi niya maintindihan ang kabang nararamdaman niya habang unti-unting nawawala sa paningin niya si Norina. It's like she was about to lose something. Magmula nang mag-usap sila ni Norina sa special place nila ay laging ganoon ang nararamdaman niya.
"Shall we go?" untag ni Phrinze sa kanya.
Napatingin siya rito. "Umm... sure. Uuwi na ba tayo?"
Sinundan na niya ito sa paglalakad palabas ng airport.
"Will it be okay kung pumunta muna tayo sa mall? Bigla kasi akong nagutom, eh."
"Sure. Gutom na nga rin ako, eh," nakangiting sagot niya.
HABANG nagla-lunch sila sa isang restaurant ay hindi nagsasalita si Khea na agad na napansin ni Phrinze.
"Alam mo, kanina pa kita napapansing wala ka sa sarili mo. May sakit ka ba?" may pag-aalalang tanong nito sa kanya.
Umiling lang siya. "Wala akong sakit. Dumako lang sa kung saan ang utak ko. Bakit mo naman nasabi iyan, ha?"
"Kanina ka pa kasi tahimik, eh. Kaya ako naninibago. Masyado ka bang nalungkot sa pag-alis ni Norina?"
Hindi siya umimik. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit isang bahagi ng kanyang nakaraan ang nais niyang ungkatin upang malaman niya ang opinyon ng binata.
"Can I ask you something?" pagkuwa'y tanong niya rito.
"Tungkol naman saan ang itatanong mo?"
"Nang malaman mong ampon lang kami ni Norina, ano'ng naramdaman mo?"
Naitanong niya iyon kay Phrinze dahil ni minsan ay hindi niya naisipang alamin ang naramdaman nito nang malaman nitong ampon lang sila ng mga taong itinuring silang mga tunay na anak at kabahagi ng pamilya.
Seventeen years ago nang maging magkaibigan sila ni Norina habang nakatira sila sa Little Angels' Hometown, isang bahay-ampunan sa Baguio na walang alinlangang nag-alaga sa kanila. Magkaiba ang dahilan nilang magkaibigan kung bakit sila napadpad doon.
Pinatay ang mga magulang niya noong anim na taong gulang siya at ang tanging nagawa na lamang niya nang mga panahong iyon ay tumakas mula sa mga taong gustong pumatay din sa kanya. Natagpuan siya ni Sister Amy, isa sa mga madreng nangangasiwa sa Little Angels' Hometown, na nakahandusay sa labas ng bahay-ampunan.
Si Norina naman ay basta na lamang iniwan ng lasenggerang ina doon at hindi na muling binalikan pa. Nabalitaan na lamang ng mga ito na nagpakamatay ang ina ni Norina tatlong linggo mula nang iwanan nito ang anak.
Subalit kahit na magkaiba ang dahilan kung bakit sila napadpad doon ay hindi iyon naging hadlang upang maging magkaibigan sila ni Norina. She doesn't know how or why but they became fast friends. Madalas na sila lang ang nagkukuwentuhan, naglalaro at namamasyal sa labas ng bahay-ampunan. Para silang magkapatid kung magturingan. At ni minsan ay hindi sila naging problema ng mga madre doon.
Isang taon silang namalagi doon hanggang sa dumating ang pagkakataong may nagkainteres na ampunin sila ni Norina. Ang mag-asawang Enrico at Victoria Castillianes ang umampon sa kanya samantalang sina Clyde at Marissa Rodriguez naman ang umampon kay Norina. May problema sa pagbubuntis sina Victoria at Marissa kaya naman hindi na nabiyayaan ng anak. Kaya naman naisipan na lamang nilang mag-ampon. Magkapatid sina Enrico at Marissa kaya legally ay naging magpinsan sila ni Norina. Matapos niyon ay agad silang dinala ng kanilang mga magulang sa Isla Marino kung saan doon na sila permanenteng nanirahan.
Ang pangyayaring iyon ang lalong nagpabuklod sa kanila ni Norina na labis na ikinatuwa ng kanilang mga adoptive parents. Iilan lamang sa isla ang nakakaalam na ampon lang sila ng kaibigan niya.
Kaya naman nang malaman ni Phrinze ang sikretong iyon ay inakala niyang masisira ang closeness nilang tatlo subalit nagkamali siya. Ngunit hindi siya naglakas-loob noon na tanungin dito ang posibleng naramdaman nito nang malaman nito ang totoo.
Tumikhim muna si Phrinze bago nagsalita.
"Aaminin ko, medyo nagulat ako. Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko nang mga panahong iyon. Ang akala ko talaga, tunay kayong mga anak nina Tito Enrico, Tito Clyde, Tita Victoria at Tita Marissa. Hindi ko inakala na mga ampon pala nila kayo. But then I said to myself na hindi masisira ang closeness natin dahil lang nalaman kong ganoon nga ang totoong katauhan ninyo. Besides, sino ba naman ako para husgahan ko kayo? Hindi man naging patas ang buhay para sa inyo ni Norina noon, ginawa niyo pa rin ang lahat para masuklian ang kabaitan, pagmamahal at pagpapahalagang ipinamahagi sa inyo ng mga magulang ninyo. At iyon ang isa sa dahilan kung bakit proud ako sa inyong dalawa ni Norina."
Na-touched siya sa mga sinabing iyon ni Phrinze kaya naman hindi niya naiwasang mapangiti at saka naging maganang kumain.
"Bakit mo nga pala naisipang itanong iyon, ha?" pagkuwa'y tanong ni Phrinze sa kanya.
"Matagal ko nang gustong itanong iyon sa iyo. Kaya lang, lagi akong nawawalan ng tsansa. So sinamantala ko na ang pagkakataon ngayon."
"Ang akala ko naman, kung ano na."
Nang mapatingin siya sa labas ay nakita niyang bumuhos ang malakas na ulan. Ngunit sa palagay niya ay bumabagyo na dahil kaakibat ng malakas na ulan ang malakas na paghampas ng hangin.
"Mukhang inabutan tayo ng bagyo dito, ah. Malabong makauwi tayo nito kaagad sa Isla Marino," sabi niya habang nakatingin pa rin sa labas.
"Tatawagan ko na lang sina Tito Enrico't Tita Victoria na magtsi-check-in muna tayo sa isang hotel habang pinapatila pa natin ang bagyo."
"Pero baka mag-alala sila. Alam mo naman ang mga iyon, masyadong maaalalahanin. At saka—"
"Okay lang iyon. May tiwala sa akin sina Tito't Tita kaya huwag ka nang mag-alala, okay? At saka kung inaalala mo ang babayaran, ako na ang bahala doon."
Wala na siyang nagawa kundi ang sumang-ayon na lang sa sinabi nito.
NAG-CHECK-IN sina Khea at Phrinze sa isang hotel na malapit lang sa restaurant na pinuntahan nila. First class ang kinuhang room ng binata kung saan may dalawang magkahiwalay na kuwarto. Hindi mawari ni Khea ang kabang sumasakanya nang mga sandaling iyon habang papalapit na sila sa room na kinuha nito.
Kahit na sabihing magkaiba sila ng silid nito ay naiisip pa rin niyang ito ang first time na mapagsosolo sila ng binata kaya naman samu't saring damdamin ang sumasakanya. Pasalamat na lang at kaya niyang itago iyon kay Phrinze.
Nang makapasok na sila sa hotel room ay agad na siyang pinadiretso nito sa isang silid at pinagbihis. Ipinamili siya nito ng mga damit na maaari niyang ipamalit dahil hindi naman kasi niya inaasahang aabutan sila ng bagyo doon. At napangiti siya nang dalhin nito doon ang mga damit.
I admit na makulit ang lalaking ito pero alam ko naman kung paano siya mag-alaga ng isang babae.
Tapos na siyang maligo at magbihis ng pantulog niya nang marinig niya ang pagkatok ni Phrinze sa labas.
"Bakit?" tanong niya rito nang pagbuksan niya ito ng pinto.
"Gusto ko lang sanang ipaalam na natawagan ko na sina Tito't Tita. At sinabi ko sa kanila na malabong makauwi tayo kaagad sa Isla Marino dahil sa bagyo."
"Ano'ng sabi nila?"
"Although worried sila sa iyo, sinabi ko naman na okay ka lang at wala silang dapat na ipag-alala."
Ngumiti siya. "Thank you."
"Siyanga pala, humigop ka muna ng mainit na sabaw doon sa dining table bago ka mahiga. Nagpa-room service ako para naman mainitan iyang tiyan mo. Alam ko naman kasing madali kang magkasakit kapag nababasa ng ulan."
Tumango na lang siya. Napaka-thoughtful talaga ng lalaking ito. Kaya naman iniisip niyang napakasuwerte talaga ni Norina na naging boyfriend nito si Phrinze. At hindi niya maiwasang kiligin habang iniisip na inaalala talaga siya ng binata. Even though she knew that it's just a friendly gesture ay nagdulot pa rin iyon ng saya sa kanya.
Parang kabaligtaran pa ang nangyayari. Siya ang inutusan ni Norina na alagaan si Phrinze pero ang nangyayari ay siya ang inaalagaan nito.
Ngayon lang ito. By tomorrow, sisimulan ko nang gampanan ang tungkuling ipinagawa sa akin ni Norina, saisip niya habang humihigop ng mainit na sabaw.
INABOT ng apat na araw ang pananatili nina Phrinze at Khea sa hotel dahil na rin sa bagyo. Nang mga panahong iyon ay si Phrinze ang nag-aasikaso sa kanya. Kabaligtaran ng ipinangako niya kay Norina na siya ang mag-aasikaso sa boyfriend nito.
At nang mga panahon ring iyon ay dinadalaw siya ng isang panaginip. Panaginip kung saan nakikita niya ang isang bahagi ng nakaraan niya seventeen years ago. Isang nakaraan na hindi niya ipinagsabi kaninuman, maging kay Norina. At ang panaginip na iyon na paulit-ulit niyang napapanaginipan ang dahilan kung bakit lagi siyang nagigising na umiiyak. Ayon pa kay Phrinze at sumisigaw pa raw siya.
Kaya naman isang pasya ang naisipan niya. At iyon ay puntahan ang bahay-ampunan na nag-aruga sa kanila noon ni Norina at hanapin ang kailangan niya.
"Phrinze, will it be okay if I ask you a favor?" agad na tanong niya rito pagkasakay nila sa kotse nito.
Napatingin ito sa kanya at nangunot ang noo nito. "Ano namang pabor ang hihingin mo?"
"Okay lang ba kung puwedeng puntahan natin ang bahay-ampunan na nag-aruga sa amin ni Norina noon? May gusto lang kasi akong gawin doon."
Nagkibit-balikat ito at saka pina-start ang engine. "Walang problema."
"Talaga?" paniniyak niya.
"Oo naman. At saka gusto ko ring makita ang lugar kung saan kayo unang nagkakilala ni Norina. Pero ang pagpunta mo ba doon ay may kinalaman sa mga panaginip mo?"
Hindi siya nakasagot kaya naman napabuntong-hininga na lang siya.
"May gusto lang akong malaman tungkol sa isang bahagi ng nakaraan ko na hanggang ngayon ay hindi ko nagawang hanapan ng kasagutan dahil wala akong magawa. Gustuhin ko man kasing kalimutan iyon, patuloy parin iyong bumabalik sa utak ko at ipinapaalala sa akin."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
Muli ay bumuntong-hininga siya at mataman siyang tumingin sa binata.
"Malalaman mo rin pagdating natin doon."
No comments:
Post a Comment