Friday, April 10, 2015

Don't Fear This Love - Chapter 3

BUONG ARAW na hindi nasilayan ni Sharian ang presensiya ni Nelmark na dapat sana ay ikinatuwa niya. At least, walang nang-away at nang-asar sa kanya.

Kaya lang, heto at iba ang nararamdaman niya. Nanghihinayang siya dahil hindi niya magagawa ang plano niyang mapalapit kay Nelmark upang maisagawa ang binabalak niya.

Hindi na niya inaasahang makikita pa ang binatang iyon kaya naman nagdesisyon na siyang umuwi na. Tutal naman ay wala na siyang gagawin pa sa school dahil nagkataong wala naman siyang assignment.

Dumaan na lang siya sa parking lot ng eskuwelahan dahil may usapan sila ni Suren na sabay na silang umuwi. Tutal naman daw ay magkatabi lang ang mga bahay nilang dalawa.

At ngayon nga ay palapit na siya sa kotse nito nang bigla niyang makita ang isang taong nakahandusay sa tabi ng isang itim na Honda Pilot. Kinabahan pa siya dahil baka patay na ito at siya pa ang mapagbintangan.

Kaya lang ay umiral sa kanya ang tapang na siyasatin kung sino ang taong iyon. Baka nga buhay pa ito.

Buong tapang na nilapitan niya ang taong nakahandusay. Nang lapitan niya ito ay nakita niyang padapa itong nakapuwesto doon kaya naman hindi niya masilayan ang mukha nito. Subalit nang kanlungin niya ang ulo nito paharap sa kanya ay muntik na siyang mapatili dahil ang taong iyon ay may tila malalim na sugat na sa noo nito at patuloy iyong nagdurugo.

At ang isa pang gumulat sa kanya ay ang katotohanang kilala niya ito. Dahil ang taong nasa kanlungan niya ngayon ay walang iba kundi ang taong kanina pa niya hinahanap.

Walang iba kundi si Nelmark!

Nakatulala lang siya sa mukha nito at hindi malaman kung ano na ang gagawin. Napansin pa niyang namumutla ito dahil na rin marahil sa dugong nawala rito na may karamihan rin.

Nagising lang siya nang marinig ang tinig ni Suren na naghahanap sa kanya.

"Sharian, nandito ka na ba?" narinig niyang tawag nito.

"Suren, nandito ako! Sa tabi ng sasakyan ng pinsan mo!" bahagya niyang nilakasan ang kanyang boses upang marinig nito.

Ilang sandali pa ay nakita na rin siya nito. Nagulat pa nga ito nang makitang nasa kanlungan niya si Nelmark na walang malay.

"Ano'ng nangyari sa kanya?" nag-aalalang tanong nito.

Umiling siya. "I have no idea. Nakita ko na lang siyang nakahandusay dito. Ang akala ko pa nga noong una, bangkay na ito, eh."

Wala itong masabi.

"Suren, dalhin na natin siya sa ospital. Kanina ko pa napapansing namumutla si Nelmark. Baka lalo siyang mapahamak," saad niya sa kaharap dahil sa labis na pag-aalala kay Nelmark.

Tinulungan niya itong dalhin si Nelmark sa kotse ni Suren at doon naupo siya naupo sa backseat upang maalalayan ang walang malay na binata.

Habang nagmamaneho si Suren ay pinupunasan naman niya ang dugong naglalandas sa mukha ni Nelmark mula sa sugat nito sa noo gamit ang panyo niya.

Agad naman silang nakarating sa ospital at dinala ng mga nurse at doktor na sumalubong sa kanila ang binata sa emergency room.

Nakaupo lamang siya sa isang bench doon habang si Suren naman ay nakatayo at kung minsan pa nga ay palakad-lakad ito. Nang mapagod sa kalalakad ay naupo ito. Saka siya binalingan.

"Ang mabuti pa ay umuwi ka muna, Shar. Ako na ang bahala kay Nelmark at sa mga parents niya. Total ay natawagan ko na sila and anytime ay parating na sila dito," anito.

Umiling siya. "Huwag muna, Suren. Kailangan kong masiguro na okay na siya. Ayokong umuwi sa bahay na hindi ko man lang nalalamang nasa mabuti na siyang kalagayan."

At seryoso siya sa mga sinabi niyang iyon despite the fact na lagi silang nag-aangilan ni Nelmark sa tuwing magkikita sila.

"Pero Sharian, mag-aalala sa iyo si Tita Erica kapag hindi ka pa umuwi sa mga oras na ito," wika nito na ang tinutukoy ay ang mama niya. "Don't worry. Just keep your cellphone on para malaman mo ang balita tungkol kay Nel. Okay?"

Bumuntong-hininga na lang siya at saka napilitang tumayo. Inihatid siya si Suren sa labas at ito pa ang kumuha ng taxi para sa kanya.

PAGDATING ni Sharian sa bahay ay agad siyang nakatanggap ng text message mula kay Suren.

Ibinalita nitong okay na ang kalagayan ni Nelmark at kasalukuyan na itong nagpapahinga sa isang private room doon. Nagkataon lang daw na talagang bumigay na ang katawan nito dahil na rin sa pagkakaroon nito ng severe amnesia, kasabay ng pressure na natatanggap mula sa eskuwelahan.

Habang ang sugat naman nito sa noo ay nakuha nito dahil matindi ang pagkakabagok ng ulo nito sa sahig. Subalit nagamot na daw iyon at wala na siyang dapat na ipag-alala pa.

Sa puntong iyon lang siya nakahinga nang maluwang at sigurado siyang makakatulog na siya nang mahimbing.

Pero imbes na makatulog siya gaya ng gusto niyang mangyari ay lalo lang siyang napaisip dahil sa mga nangyari kanina. Maging ang mga inaakto niya.

Sa totoo lang ay hindi niya ikinatuwa ang pag-aalalang naramdaman niya kanina para kay Nelmark. Para bang matalik na niya itong kaibigan kung mag-alala siya para rito samantalang wala naman itong alam na gawin kundi ang sungitan siya.

Tama pa nga bang ituloy niya ang balak para kay Nelmark? Pero kung hindi niya gagawin ang nararapat ay maaaring marami pang paluhaing babae ang ungas na iyon.

At iyon ang hindi niya mapapayagang mangyari. Pero sa totoo lang, nag-uumpisa na siyang matakot na hindi niya malaman kung para saan iyon.

MALIWANAG ang lugar na nasilayan ni Nelmark nang magising siya. Hindi pa man niya iniikot ang tingin sa buong paligid ay napagtanto na niyang nasa ospital na siya. Alam niyang tuluyang bumigay ang kanyang katawan dahil lumala na ang kanyang sakit sanhi ng pressure at stress sa eskuwelahan.

Hindi nga lang niya alam kung sino ang nagdala sa kanya doon dahil ang alam niya ay walang tao sa parking lot nang mga oras na nawalan siya ng malay-tao. At nang ilibot na niya ang tingin sa kanyang paligid ay nakita niyang nakaupo sa sofa na naroon si Suren. Nakatingin ito sa kanya.

"Kumusta ka na?" agad na tanong nito sa kanya.

"Medyo okay na ang pakiramdam ko," aniya sa seryosong tono. "Salamat, ha? Ikaw pa yata ang nagdala sa akin dito."

Umiling ito. "Huwag kang magpasalamat sa akin. Si Sharian ang nakakita sa iyo sa parking lot at tinulungan ko lang siyang dalhin ka rito. Ayaw pa sana niyang umuwi kanina dahil gusto niyang masiguro na okay ka na. kung hindi ko pa siya pinilit na umuwi ay hindi pa siya uuwi," paliwanag nito sa kanya.

At labis niyang ikinagulat nang marinig niya ang pangalan ni Sharian. Kaya bigla siyang napaupo sa kama.

"Si Sharian ang nakakita sa akin sa parking lot?" paniniyak niya.

"Yeah. Kaya huwag kang magalit sa kanya, okay? Dahil kung hindi sa kanya ay baka nasa parking lot ka pa rin hanggang ngayon."

Wala siyang masabi dahil sa narinig mula kay Suren. Hindi niya kasi akalain na ang babaeng lagi niyang itinataboy at sinusungitan ang magliligtas sa kanya.

Inangilan na niya ito at lahat ngunit heto at iniligtas pa siya sa kapahamakan. Hindi pa nga niya mapaniwalaang gusto pa nga dalaga na masigurong okay na siya.

"Siyanga pala, nakipag-break ka na naman daw sa current girlfriend mo," banat nito sa kanya sa gitna ng pagmumuni-muni niya. At labis siyang nagtaka kung paano nito nalaman ang tungkol doon samantalang wala naman siyang pinagsabihan ng anumang tungkol sa isyung iyon. Not unless nagsumbong si Jasmin rito.

"Huwag ka nang magtaka kung paano ko nalaman ang tungkol doon. Sa pagkakaroon mo ba naman ng record ng pagiging mapaglaro sa puso ng mga babae ay hindi na talaga nakakapagtakang malaman ko ang balitang iyon," sabi nito at saka marahas na bumuntong-hininga. "Nel, walang kasalanan sa iyo ang mga babaeng sinaktan mo ang kalooban. Wala silang kinalaman sa kung ano ka ngayon."

"Pare-pareho lang naman sila. Ang mga babaeng lumalapit at nakikipag-date sa akin, iisa lang naman ang ugali nila. They're manipulative to be able to get what they want from me. Kaya mas mabuti pang unahan ko na silang tapusin ang mga kahibangan nila," matigas niyang saad na bakas pa ang hinanakit at galit sa tinig niya.

"Pero hindi lahat ng mga babaeng sinasabi mo ay tulad ni Melissa. May mga babaeng kaya kang mahalin sa kung ano at sino ka; hindi sa kung ano ang meron ka. Ilang beses ko bang kailangang sabihin sa iyo ang bagay na iyan, ha?" tanong nito sa kanya na para bang napapagod na itong sermunan siya.

"At ilang beses ko rin bang sasabihin sa iyo na hindi na ako naniniwala sa pagmamahal na sinasabi mo sa akin ngayon?" ganting-tanong niya sa tonong naiinis na.

Natahimik naman si Suren habang siya ay natigilan dahil sa klase ng tono niya. Wala naman kasi itong ideya kung ano ba talaga ang naramdaman niya noong mga panahong tila iminulat siya sa isang katotohanan nang iwanan siya ni Melissa para sumama sa ibang lalaki.

"I'm sorry. Alam mo naman na ayoko nang pinag-uusapan pa ang tungkol diyan, eh," mahinang sabi niya na hindi nakatingin sa mukha ng pinsan.

Marahas itong bumuntong-hininga at saka nilandas ang daan patungo sa pinto ng hospital room na iyon. Ngunit tumigil muna ito doon at saka siya hinarap. "Nel, pag-isipan mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa mga instructors natin kung ano ang kalagayan mo. At siyanga pala, huwag mong kalimutang magpasalamat kay Sharian paglabas mo dito sa ospital, okay?" Iyon lang at saka umalis na ito.

NAIWANG NAKATULALA sa pintuan si Nelmark pagkatapos umalis ni Suren sa silid na iyon. Bumuntong-hininga na lamang siya nang mahamig niya ang kanyang sarili. Alam niyang napagod na itong kausapin at sermunan siya tungkol sa pinaggagawa niya.

This is all your fault, Melissa! Galit na sigaw ng kanyang isip at hindi niya napgilang mapaiyak nang muling maalala ang masakit na nakaraang naganap mahigit apat na taon na ang nakararaan... noong mga panahong naniniwala pa siya na may love pa ngang nag-e-exist sa mundo niya.

Second year high school siya nang matutunan niyang umibig nang totoo sa katauhan ni Melissa, captain ng cheerleading squad ng kanilang eskuwelahan. Isa kasi siyang varsity player at ang isa sa mga pambato ng basketball team bukod pa kay Suren na isa ring varsity player.

Naging malapit sila ni Melissa sa isa't isa dahil madalas na ito ang nag-a-assist sa kanya pagkatapos ng laro. Isa pang dahilan ay ang pagiging malapit ng mga magulang nila kaya naman nasiguro nilang walang magiging problema kung sakaling maging sila ng dalaga.

Ilang buwan din niya itong niligawan at nang sumapit ang end of the school year ay sinagot na siya nito na labis na nagpasaya sa kanya. Subalit sa nakalipas na isang taong pagiging magkasintahan nila ay hindi niya inakalang may ginagawa na pala itong kabalbalan behind his back. Napansin niyang hindi na ito kasing-lambing gaya noong nagsisimula pa lang sila. Madalas din niya itong hindi nakakasama sa mga espesyal na okasyon. At ang isa pang napapansin niya ay ang madalas na paghingi nito ng pera sa kanya para sa mga "pangangailangan" nito. Bagaman nagdududa na ay patuloy pa rin niyang minahal ito. Hanggang sa dumating ang puntong kinakailangan na niyang magising sa katotohanan.

Nalaman niya ang totoong purpose ni Melissa sa kanya nang masangkot sa isang nakakahiyang iskandalo ang dalaga. Kumalat sa buong campus ang video na kung saan ay nakikipagtalik umano si Melissa sa ibang lalaki. At nang kumprontahin niya ang nobya ay proud pa nitong sinabi sa kanya na ito nga ang nasa video. And worst, ipinagtapat pa nitong pera lang niya ang dahilan kung bakit siya sinagot nito. Pinagsawaan na raw siya nito.

That same day ay hiniwalayan siya nito at walang sabi-sabing iniwanan siya doon. Parang sinampal nang ilang ulit si Nelmark nang mga panahong iyon.

At iyon na ang simula ng lahat ng pagdurusa't paghihirap niya. Iyon na rin ang nagsilbing rason kung bakit nawalan na siya ng paniniwala sa pag-ibig dahil tumatak sa isipan niya ang mga sinabi ni Melissa—na pera lang niya ang kailangan nito sa kanya.

Napaluha na lang siya nang muling balikan sa isipan niya ang nakaraang iyon na pumatay sa kanyang puso... na naging dahilan kung bakit wala na siyang maramdamang kahit na anong love at soft emotions sa puso niya.

At hindi sinasadyang sumingit sa utak niya si Sharian.

Kahit na inangilan na niya ito at sinungitan, hindi niya inakalang ito pa ang tutulong sa kanya.

Mukhang kailangan ko nang pakitunguhan siya nang maayos sa oras na magkita kami... bilang pasasalamat man lang.

At hindi niya naiwasang muling alalahanin ang unang pagkikita nila ni Sharian... at ang mga pakikitungo nito sa kanya. Hindi man niya gusto ay napapangiti siya nang lihim habang inaalala ang mga pangyayaring iyon sa pagitan nila.

TATLONG ARAW daw na na-confine sa ospital si Nelmark, ayon kay Suren nang ibalita nito kay Sharian ang sitwasyon ng binata. Pahinga lang daw ang kailangan nito.

Nitong mga nakaraang araw, matapos ang insidenteng iyon ay napapansin niya sa sariling laging nag-aalala sa sitwasyon ni Nelmark. Hindi man niya gusto ay ganoon ang nangyayari. Mabuti na nga lang at hindi iyon lubusang nakakaapekto sa pag-aaral niya. Although may mga pagkakataong naglalakbay ang isip niya at nawawala siya sa kanyang sarili habang iniisip ang kalagayan nito.

Hindi niya gaanong napagtutuunan ng pansin ang dapat sana ay plano niya para kay Nelmark.

Kasalukuyan siyang nasa library dahil kinakailangan niyang mag-review para sa quiz nila mamaya. Pero sa totoo lang ay hindi niya mai-concentrate ang niri-review niya. Patuloy pa rin siya sa pagbabasa nang maramdaman niyang may tumayo sa likuran niya.

At nang lumingon siya ay ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makitang nakatayo si Nelmark doon. Bagaman seryoso ang ekspresyon ng mukha nito ay hindi siya nakaramdam ng takot o inis na tulad ng dati. Parang... may iba siyang nararamdaman na hindi niya maintindihan o matukoy kung ano.

"May kailangan ka?" basag niya sa katahimikan nilang dalawa.

"Puwede bang makitabi muna sa iyo?" tanong nito sa tonong hindi naman galit pero seryoso.

Kung kagaya siguro noon ang sitwasyon, agad na siyang umalis sa lugar na iyon at tinarayan na naman ito. Kaya lang, hindi na kasi ganoon ang nararamdaman niya ngayon.

"Sure," aniya at saka muling ibinaling ang mata sa binabasa. Naramdaman naman niyang naupo na sa tabi nito ang binata.

Alam niyang hindi lang siya ang nakakapansing may nakakapanibago sa kanilang dalawa. Kilala kasi sila ni Nelmark sa buong campus na archnemesis ang turing sa isa't isa at sa tuwing magsasalubong ang landas nilang dalawa ay parang may giyerang magaganap.

Pero ngayon... pareho silang tahimik at parang nakikiramdam sa isa't isa. Ngayon lang siya nailang sa presensiya ni Nelmark dahil hindi naman dating nangyayari iyon.

"Um... Thank you nga pala," untag nito matapos ang napakahabang sandaling katahimikan sa pagitan nila.

"Thank you saan?" takang tanong niya. Although may ideya na siya kung ano ang nais nitong tukuyin.

"Sa pagligtas mo sa akin. I felt guilty. Lagi kitang sinusungitan at inaangilan, pero tinulungan mo pa rin ako. Thank you for doing that," sinserong turan nito.

Napangiti siya dahil wala siyang masabi nang mga sandaling iyon. And then she sighed after a few moments. "Wala kang dapat na ipagpasalamat. Isa pa, hindi pa naman ako ganoon kasamang tao para pabayaan na lang kitang nakahandusay doon sa parking lot," pabirong aniya. And then she turned a page of her notebook. "Kumusta ka na nga pala?"

"Okay naman na ako. Pahinga lang daw ang kailangan ko at huwag ko daw masyadong pagurin ang sarili ko. Kailangan ko ring kumain ng ampalaya at atay ng manok, pampadagdag ng dugo."

"Iyan kasi ang napapala ng mga genius," pabulong niyang biro na umabot sa pandinig ng binata. At nang binalingan niya ito ay nakita niyang nakangiti ito na biglang nagpabilis sa tibok ng kanyang puso subalit pinilit niyang pakalmahin ang kanyang sarili. Lalo palang nagiging guwapo ito kapag nakangiti.

At sa totoo lang ay ngayon lang niya ito nakitang ngumiti... at tumingin sa kanya nang ganoon katagal.

"Gusto mo bang sabay na tayong mag-review bukas para sa Quiz Bee natin sa susunod na linggo?" tanong nito na hindi inaalis ang pagkakatingin sa kanya.

Kinuha niya ang kanyang planner at tiningnan ang kanyang schedule para bukas. "Wala naman sigurong problema. Okay lang."

"Thanks. I'll see you tomorrow," anito at agad na umalis doon. Bagaman labis na nagtataka ay hindi niya napigilang mapangiti dahil nag-uumpisa na yatang magbago si Nelmark ng pakikitungo sa kanya... na mukhang delikado at alam ng marami iyon, hindi lang siya.

Habang pinag-iisipan ang mga naging aksiyon ni Nelmark ay nilapitan naman siya ni Sandra na alam niyang uusisain siya tungkol sa nakita nito.

"Ano'ng nangyari doon at bigla ka yatang kinausap nang hindi man lang inaaway?" usisa nito.

Nagkibit-balikat na lamang siya at huminga nang malalim. Saka niya itinuloy ang pagbabasa.

"Milagro ba?" pabirong tanong niya.

"Oo. Halatang-halata nga, eh."

"Baka naman naengkanto," komento na lang niya upang manahimik ito.

"Siguro nga. Hoy, mag-iingat ka sa lalaking iyon, ha?" paalala nito bago ito umalis sa tabi niya.

No comments:

Post a Comment