PAKIRAMDAM ni Khea ay sinabugan siya ng isang malakas na granada sa harapan niya nang mga sandaling iyon. Ayaw pa ngang mag-sink in sa utak niya ang mga sinabi nito sa kanya.
"Tama ba ang narinig ko, Norina?" And then she laughed weakly. "Please tell me you're joking. Sabihin mo sa akin na hindi totoo ang mga sinabi mo sa akin ngayon."
Hindi niya gustong tanggapin na ganoon na lang ang lahat. Hindi niya magawang paniwalaan na mawawala na lang nang ganoon ang best friend niya... ang taong isa sa mga pinagkukunan niya ng lakas.
"Khea, totoo ang lahat ng mga sinabi ko sa iyo. I'm sorry kung ngayon lang ako nagkaroon ng guts na ipagtapat sa iyo ang lahat. But please try to understand. Hindi ganoon kadali para sa akin na aminin sa iyo ang totoo."
"Ganoon na lang iyon?" Huminga siya ng malalim dahil nag-uumpisa nang magsikip ang kanyang dibdib dahil sa mga emosyong lumulukob sa kanya ng mga sandaling iyon. At dahil doon ay hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha. "Bestfriend mo ako, Norina. Since we became friends, we rarely keep secrets from each other. Pero bakit kung ano pa iyong pinakaimportanteng bagay na kailangan kong malaman, iyon pa ang inilihim mo sa akin?"
"Please don't get mad," pakiusap nito.
"Don't get mad? Do you expect me not to get mad after what you just told me? My God, Norina! Hindi ganoon kasimple ang gusto mong mangyari. I'm hurt!" gumaralgal ang tinig niya dahil sa patuloy na pagtulo ng kanyang mga luha.
Napansin niyang umiiyak na rin ang best friend niya habang nakatingin sa kanya.
"Hindi ko naman ginustong itago sa iyo ang tungkol dito, eh," umiiyak na sabi nito.
Ilang sandali rin siyang hindi umimik. Hinayaan na lang muna niyang tumulo nang tumulo ang kanyang mga luha habang hinihintay ang pagluwag ng kanyang dibdib.
Huminga siya nang malalim.
"Kailan mo nalaman ang tungkol sa sakit mo?"
"Two months before graduation. Sinabi sa akin ng doktor na malala na ang sakit ko dahil nasa terminal stage na. Noon din sinabi sa akin na humigit-kumulang isang taon na lang ang itatagal ko."
She scoffed and faced the river. Kung kanina ay nagawa pa niyang i-appreciate iyon, ngayon ay hindi na. She felt that everything turned gray at that time. Nawalan siya ng dahilan upang i-appreciate ang mundo sa ngayon dahil sa nalaman niya mula kay Norina.
"At ngayon mo lang naisipang sabihin sa akin ang sitwasyon mo?" may tampong tanong niya dito nang harapin niya ito.
"Khea, I'm sorry. Ayoko lang kasing makita mo akong nahihirapan dahil sa pinagdadaanan ko. Gustuhin ko mang lumaban pa pero hindi na kaya ng katawan ko. At mahirap para sa akin iyon dahil marami pa akong gustong gawin sa buhay ko. Pero mananatiling plano na lang ang lahat ng iyon dahil ilang buwan na lang ang itatagal ko dito sa mundo."
At that moment, she felt her heart being clenched. Tuluyan na kasing napahagulgol ang kaibigan niya. Of all the things she hated the most, it was seeing her best friend cry. Pero labis siyang nasaktan dahil sa ginawang paglilihim ni Norina sa kanya. At kahit sino namang nasaktan ay mapapaiyak din.
Oh God! Why does it have to be like this?
Umiiyak na niyakap niya nang mahigpit si Norina hindi dahil iyon ang paraan niya upang mapakalma ito kundi iyon na lang ang kaya niyang gawin sa ngayon. No hug can actually fade away the pain that both of them were feeling at that moment. Alam niya iyon. At sigurado siya na alam rin iyon ni Norina.
Pero wala na siyang magagawa pa. Both of them could never change anything now. Nandiyan na iyan. It only takes a matter of acceptance and a long time for healing the wound that would surely be inflicted upon them once the inevitable they fear will happen. And she knew that she's not the only one who will be hurt because of this.
"Wala ka bang planong sabihin kay Phrinze ang tungkol sa kalagayan mo? He is your boyfriend, after all," aniya habang yakap pa rin ito ng mahigpit. Nagawa na niyang pigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha.
Kumawala ito sa pagkakayakap niya at nakita niyang umiling ito. At saka nito pinunasan ang mga tumulong luha sa pisngi nito.
"Ayoko nang ipaalam pa sa kanya ang sitwasyon ko, Khea. Whether I admit it to him or not, he will know about it soon. And I hope it doesn't come from you."
Kumunot ang noo niya. "I-I don't get it..."
"Ang plano ko noong una, hindi na ako babalik dito. I was planning to spend the rest of my short life in States. But then I thought of something. Naalala ko ang dalawa sa mga taong talagang minahal ko nang higit pa sa buhay ko. Ayokong masaktan sila nang husto sa oras na malaman nila na wala na ako dahil may leukemia ako."
"Well, it's better you came back here. At least face to face kitang nasesermunan dahil sa paglilihim mo sa akin ng sitwasyong noon mo pa pala pinagdaraanan. But can you get straight to the point? Lalo lang akong naguguluhan sa mga sinasabi mo, eh."
"Bumalik ako dahil may gusto akong hilingin sa iyo. Ito na lang ang last wish ko sa iyo. And please do this not for me but for your sake."
"Ha?" Lalo siyang nalito. "Alam mo, lalo lang gumugulo ang utak ko sa pagpapaliguy-ligoy mo, eh."
"I want you to make my boyfriend fall in love with you when I'm gone," diretsang pahayag nito.
Nanlaki ang mga mata niya dahil sa matinding gulat sa narinig niya.
"Ano?!" bulalas niya.
IT'S BEEN two days since Khea heard that request from Norina. At hanggang ngayon ay patuloy pa ring umaalingawngaw sa kanyang utak ang pakiusap nitong iyon.
Kung bakit ba naman kasi ganoon pa ang hinihiling nito sa kanya. Hindi ganoon kadali para sa kanya ang nais nitong mangyari. Lalo pa't ang taong involved ay ang lalaking lihim niyang minamahal nang higit pa sa isang kaibigan ngunit hanggang kaibigan lang ang turing nito sa kanya.
Her best friend must have gone crazy because of her illness. To think she would wish for her to make Phrinze fall in love with her. Kung nalalaman lang siguro ni Norina kung anong klaseng hirap ang pinagdaraanan niya upang sikilin lang ang nararamdaman niya para sa binata sa tuwing magkasama sila nito. Kung paano unti-unting sinusugatan ang kanyang puso sa tuwing makakarinig siya ng kahit na ano tungkol sa babaeng mahal nito na nagkataon namang best friend niya. Hindi nito alam kung paano patayin ang nalalabing pag-asa sa puso niya sa tuwing makikita niya ang kakaibang saya at ngiti sa mga labi ng binata habang sinasabi nito sa kanya kung paano napapasaya ni Norina ang puso nito. Ang akala niya noong una ay natanggap na niya ang kapalaran ng puso niya kay Phrinze. Pero nang magkasama sila nang solo sa loob ng tatlong linggong nawala si Norina ay bigla na namang nagbago ang lahat. Pakiramdam niya ngayon ay lalo pang sumidhi ang pag-ibig niya para kay Phrinze na hindi naman dapat na mangyari pero nangyari pa rin.
Matapos niyang marinig ang hiling na iyon ni Norina, ilang minuto din siyang hindi nakapagsalita dahil sa matinding pagkagulat. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Napakahirap para sa kanya na gawin ang nais nitong mangyari dahil alam niyang sa simula't sapul ay hindi siya magagawang mahalin ni Phrinze nang higit pa sa isang kaibigan. Kahit na sabihin pa na ang driving force niya ay ang pag-ibig na sampung taon niyang kinimkim sa kanyang sarili para kay Phrinze, alam niyang malabo nang magkaroon pa ng katuparan ang nais na mangyari ni Norina.
Hindi sa nagiging pessimistic siya ngunit alam na niya kung saan tutungo ang lahat. Very evident ngayon pa lang na siya ang matatalo. At triple ang sakit na tiyak na mararanasan ng kanyang puso sa oras na makatanggap siya ng rejection mula kay Phrinze. Iyon ang hindi niya maatim na mangyari kahit na kailan.
Kung ibang last wish pa siguro ang sinabi ni Norina sa kanya, may katiyakan pa siya na magagawa niya iyon. But making Phrinze fall in love with her? Suntok sa buwan ang kahilingang iyon ng best friend niya.
At iyon ang totoo.
Pero hindi niya gustong biguin ang kanyang kaibigan hanggang sa huling sandali ng buhay nito sa mundo. Dahil parang binigo na rin niya ang kanyang sarili sa oras na hindi niya magawa ang nais nito. And she's sure that she'll regret it once it happened.
Iyon ang ayaw na ayaw niyang mangyari.
Ngunit kung talagang ayaw niyang biguin ang best friend niya, ang ibig sabihin ba niyon ay gagawin na niya ang hinihiling nito sa kanya?
Makakaya ba niyang gawin iyon?
She sighed heavily. Bahala na nga kung ano ang mangyayari. Sana nga ay magawa ko ito nang maayos.
ISANG linggo na ang lumipas subalit hindi pa rin makapagdesisyon si Khea kung gagawin nga ba niya ang hiling ni Norina para sa kanilang dalawa ni Phrinze. Iniisip pa lang niya ang mga posibleng maganap ay gusto na niyang sumuko.
Naroon siya ngayon sa cove dahil gusto niyang pag-isipan nang husto ang magiging desisyon niya. Hindi niya gustong pagsisihan ang lahat sa bandang huli. Subalit dalawang oras na siyang naroon at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang maisip. Sadya nga yatang mahirap para sa kanya ang pag-isipan ang isang desisyong puso na ang kasangkot.
Binigyan niya si Norina at ang kanyang sarili ng isang linggong taning upang makapagdesisyon. At ngayon nga ang huling araw kaya naman puspusan ang ginagawa niyang pag-iisip ngayon.
Kasabay ng pag-iisip niya sa kanyang magiging desisyon ay tinatapos na rin niya ang kanyang tula. And just like her other poems, it consisted of five stanzas. At habang sinusulat niya ang bawat linya ng tulang iyon, unti-unti na rin siyang nakakapag-isip ng kanyang pasya sa nais mangyari ni Norina. Nang matapos na niya iyon, pinal na rin ang pasyang binuo niya.
Gagawin na niya ang hiling ng kanyang best friend.
Kaya naman agad niyang tinawagan si Norina nang mga sandaling iyon.
Habang kinakausap niya ito sa cell phone upang ipaalam ang desisyon niya ay hindi sinasadyang napadako ang kanyang tingin sa tulang sinulat niya. And the last two lines of the last stanza made her ask herself a question as she read it.
'Kung sana'y kaya kong baguhin ang damdamin mo... Hiling ko, sana ako naman ang mahalin mo...' Magagawa ko nga bang baguhin ang damdamin niya sa hindi biglaang paraan?
Ang tanging hiling lang niya nang mga sandaling iyon ay magawa niya nang maayos ang lahat. And she hoped that she won't regret her decision when the worst case scenario happens.
BUT UNKNOWN to Khea, Phrinze was secretly watching her from afar. Ilang araw na niyang nakikita ang pagiging matamlay at aburido ng dalaga. Kasabay din niyon ay ang hindi maipaliwanag na kalungkutang nakikita niya sa mga mata nito sa nakalipas na isang linggo. Magmula nang bumalik sa isla si Norina.
At sa totoo lang ay hindi niya nagugustuhan ang nakikita niyang iyon.
Hindi rin niya nagugustuhan ang nangyayari sa kanya habang pinagmamasdan si Khea. Apektado siya sa nakikita niyang kalungkutan sa mga mata nito. Gusto niyang alamin ang sanhi ng lungkot nitong iyon subalit nahihiya siyang lumapit dito sa hindi malamang dahilan.
Nagkasya na lang siya sa pagsulyap dito mula sa malayo habang nag-iisip.
May kinalaman ba si Norina sa nangyayari kay Khea ngayon? At napapansin ko na hindi na naglalalabas si Norina sa bahay. Palagi rin siyang malungkot at wala sa sarili. May nangyayari ba sa dalawang ito na hindi ko nalalaman?
At dahil doon ay lalo lang siyang nahihirapang mag-isip kaya naman idinaan na lang niya ang confusion na nararanasan niya sa paghinga nang malalim. Baka sakaling makapag-isip na siya nang matino sa oras na mai-relax niya ang kanyang utak.
"ALAM MO, kanina ko pa napapansing wala ka sa sarili mo. May problema ka ba na hindi mo sinasabi sa akin, Khea?" narinig ni Khea na tanong sa kanya ni Phrinze. Kaya naman agad siyang napatingin dito at tiningnan ito habang nakakunot ang kanyang noo.
"Paano mo naman nasabi iyan, ha?" inosenteng tanong niya. Although alam na niya ang tinutukoy nito.
Naroon sila sa dalampasigan nang araw na iyon at nakaupo sa buhanginan habang pinagmamasdan ang paghampas ng alon. Both of them were watching the sunset and to be honest, it was a breathtaking view. Lalo na kung ang titingin niyon ay ang dalawang taong in love sa isa't isa na nagagawang i-appreciate ang kagandahan ng kalikasan dahil sa pag-ibig na nagbubuklod sa kanila.
Love is the reason of all existence. At alam niya iyon. Noon pa. Magmula nang maranasan niya kung ano ang feeling ng isang nagmamahal, ng magmahal sa isang tao na pakiramdam niya ng higit pa sa buhay niya. Ang hindi lang maganda, ibang babae ang mahal ng lalaking mahal niya.
"Puwede ba, Khea? Huwag kang magpainosente diyan na para bang hindi mo alam ang tinutukoy ko. Mahigpit isang linggo na kitang napapansing laging malungkot at wala sa realidad ang utak mo dahil kung saan-saan na lumilipad. Ano ba'ng nangyayari sa iyo, ha? Kaibigan kita, Khea. Kaya kung may pinoproblema ka ngayon, sabihin mo sa akin. Baka makatulong ako sa iyo."
Napatitig siya rito. Iyon na nga ang problema ko, Phrinze. Kaibigan mo lang ako kaya paano ko pa magagawa ang hinihiling sa akin ni Norina? Kahit na inihanda ko na ang sarili ko sa mga posibleng maganap dahil sa pagpayag ko sa nais niya, mahirap pa rin para sa akin na baguhin ang lahat ng tungkol sa inyong dalawa ni Norina, saisip niya sabay buntong-hininga.
Pinag-iisipan niya kung sasabihin ba niya dito ang tunay na sitwasyong kinahaharap ni Norina. Pero nangako siya sa best friend niya na hindi niya ipagtatapat kay Phrinze ang lahat ng nalalaman niya ngayon.
But still, it looked like it will be betrayal on Phrinze's part sa oras na malaman nito nang hindi sinasadya ang lahat. Siyempre, boyfriend ito ni Norina. Isa ito sa mga importanteng taong pinahahalagahan nang labis ng kanyang best friend at ang dapat na karamay nito ngayon hanggang sa huling sandali.
"May kinalaman ba si Norina kung bakit ka malungkot ngayon? May galit ba siya sa iyo?"
Umiling siya. "Wala ito. Huwag mo na akong alalahanin. Hindi lang talaga ako makapag-isip nang matino sa ngayon. Hayaan mo na lang muna akong ganito." In the end, napagdesisyunan niya na huwag nang sabihin dito ang lahat.
"Hindi kita puwedeng hayaang ganyan. Mas lalo akong naaaburido kapag alam kong problemado ka, eh. At saka hindi ako sanay na nakikita kang malungkot."
"Dahil kaibigan mo ako, ganoon ba?" mapait niyang tanong rito.
"Hindi lang iyon. Dahil importante ka rin sa akin."
Napamaang siya rito.
No comments:
Post a Comment