Thursday, May 21, 2015

Indigo Love - Chapter 3

BAHAGYANG nangunot ang noo ni Rianne nang makita niya ang isang kahon na nakapatong sa kotse niya. She just went out of the coffee shop and her cark was parked on the other side of the road. Kaya tanaw niya mula sa kinatatayuan ang misteryosong kahon. Sino naman kayang walang magawa sa buhay ang naglagay niyon sa kotse niya? Bumuntong-hininga na lang siya at napailing bago niya naisipang puntahan iyon.

Pero bago pa siya makahakbang papunta roon ay nakita niyang palapit sa kanya si Alex. Hindi niya naiwasang mapangiti habang nakatingin sa guwapo nitong mukha at nakasuot lang ng simpleng polo shirt at jeans. Gayunman ay sapat na iyon upang kumabog ang dibdib niya. Hindi siya makapaniwala na ganoon pa rin kalakas ang epekto nito sa kanya kahit labing-isang taon na ang nakalilipas nang huli silang magkita nito. Ang akala niya ay limot na niya ang lahat ng iyon. Hindi ba't nagawa na niyang magka-boyfriend na hindi si Alex ang ginagamit niyang standard sa pagpili?

"Hindi ka ba marunong magtimpla ng kape at lumalabas ka pa para lang magkape?" pabiro at nakangiting tanong nito at kunwari ay inirapan lang niya ito.

"Hindi ko gusto ang timpla ng kape ko kaya ganoon."

Tumawa ito at nagpatuloy sa paglapit sa kanya, dahilan upang wala sa sariling mapahakbang siya patalikod. Hindi na niya namalayang nasa gilid na pala siya ng sidewalk na kinatatayuan niya. Isang hakbang pa ang ginawa niya bago niya nalaman iyon pero huli na dahil pabulusok na siya. Kung hindi pa hinila agad ni Alex ang isang kamay niya ay baka tuluyan na siyang bumagsak. Subalit hindi naman niya inakala na higit pa sa simpleng paghila sa kamay ang gagawin nito para lang mailigtas siya.

Hinila nga siya nito ngunit kasabay naman niyon ay kinabig din nito ang baywang niya at niyakap siya. Nakatitig lang siya sa kawalan at tila naestatwa dahil roon. Ilang saglit lang iyon subalit pakiramdam niya ay tila oras ang itinagal niyon. Natauhan siya nang bahagyang pinakawalan siya nito at tinitigan sa mga mata niya. Bumilis pa lalo ang mabilis nang tibok ng kanyang puso habang magkahinang ang mga mata nila ni Alex.

"Okay ka lang?" concerned na tanong ni Alex.

Ilang sandali ang pinalipas niya bago tumango. Iyon lang kasi ang magagawa niya dahil hindi niya mahagilap ang sariling tinig. This was the first time—or rather the second time—na naging ganito siya kalapit kay Alex. Wala siyang ganitong experience rito noong high school siya kaya matindi ang pagkabog ng dibdib niya ngayon. Lalo pang tumindi iyon nang ngumiti ito at hinawi ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa mukha niya. Napalunok siya dahil doon.

"Mabuti naman," wika nito.

"T-thanks. Ilang beses na itong nangyari. I guess I'm such a klutz."

"No, you're not."

"Yes, I am," she insisted.

"No, you're not a klutz. You're just being cautious with me and I can understand that. Besides, it's really obvious."

She frowned. "Ano'ng ibig mong sabihin?" Pero iling lang ang isinagot nito at pinakawalan na siya nito na ikinadismaya niya. Agad naman nitong hinawakan ang kamay niya nang hindi pa siya kumikilos sa kinatatayuan niya.

"Huwag mo nang alamin at baka kung ano pa ang masabi ko. Pero okay ka lang ba talaga?"

"Oo. Ang kulit. Ganyan ka pa rin ba kakulit hanggang ngayon?"

"Kapag may gusto lang akong suguruhin kaya masanay ka na. May pupuntahan ka ba ngayon?"

"I'm not sure where. Marami akong gustong puntahan dito kaya lang, hindi ko alam kung saan ang uunahin ko."

Natawa ito. "Kaya nga ako nandito, 'di ba? After all, I'm your tour guide."

Napangiti na lang siya dahil doon. Pangatlong araw na niya sa San Rafael at talagang pinanindigan nito ang pagiging tour guide niya kahit hindi naman talaga niya kailangan niyon. Pumayag na lamang siya sa gusto nito dahil iyon ang pagkakataong mayroon siya para makasama siAlex. It had been eleven years since she last saw him. Hindi man nito alam ay hindi naging madali para sa kanya na lisanin noon ang San Rafael. Lamang ay nasaktan siya nito nang hindi nito nalalaman, dahilan upang umalis siya nang hindi nagpapaalam dito. Iyon lang ang tanging paraan niya nang mga panahong iyon upang mapawi niya sa kanyang dibdib ang sakit na naramdaman kahit na talagang mahirap.

Nang lingunin nilang dalawa ang kotse niya ay noon lang niya naalala na mayroon nga palang misteryosong kahon na nakapatong roon. Subalit isang hakbang pa lang ang nagagawa niya ay bigla na lang sumabog ang kotse niya na gumimbal hindi lang sa kanya kundi maging sa mga nasa malapit sa pinangyarihan ng pagsabog. Agad siyang hinila ni Alex at tinangkang tumakbo palayo roon.

The resulting blast somehow threw them away, causing both of them to fall to the ground before they could even get away from the place. Inabot din ng ilang sandali bago tuluyang humupa ang epekto ng pagsabog at sa loob ng mga sandaling iyon ay nanatili siyang nasa mga bisig ni Alex. Nakayakap ito sa kanya at iniharang pa nito ang sariling katawan upang maprotektahan lang siya sa mga bagay na maaaring tumama sa kanya dahil sa pagsabog. Sa kabila ng gulat at takot ay hindi niya naiwasang makadama ng kasiyahan dahil sa ginawang iyon ni Alex kahit alam niyang protective instinct lang ang nagbunsod rito na gawin iyon para sa kanya.

Ilang sandali pa ang lumipas bago siya dahan-dahang pinakawalan ni Alex. Nakabalatay sa mukha nito ang takot at matinding pag-aalala habang tinititigan siya. He held her face soon after. "Are you okay? Nasaktan ka ba?" usisa nito.

Pinakiramdaman niya ang sarili upang malaman kung may masakit sa kanya o kung nasugatan siya. Pinasadahan niya ng tingin ang sarili bago ibinaling ang tingin kay Alex.

"Okay lang ako, Alex. Thanks for shielding me. Ikaw? Nasaktan ka ba?" Ngumiti lang ito at umiling.

Matapos niyon ay binalingan nila ang sumabog na kotse na ngayon ay naglalagablab na sa apoy. Wala sa sariling pinagmasdan niya ang umaapoy na kotse. Nakadama siya ng panginginig dahil roon. Takot ang nangibabaw sa sistema niya nang mga sandaling iyon.

Subalit nabawasan ang takot niyang iyon nang maramdaman niya ang pagyakap sa kanya ni Alex nang mahigpit. Hindi na niya napigilang gantihan ang yakap nito ng mas mahigpit at isubsob ang mukha sa dibdib nito. At tila sapat na iyon upang mapaiyak siya. Walang salitang namutawi sa kanilang dalawa nang mga sandaling iyon pero dama niya ang pag-aalala ng binata sa kanya. Ang paghaplos-haplos nito sa buhok niya, ang paghigpit ng yakap nito at ang manaka-nakang paggawad nito ng halik sa ulo niya—lahat ng iyon ay tila nakatulong sa kanya na bahagyang mapawi ang takot na nararamdaman.

"Let's get out of here," bulong nito sa tainga niya. Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod dito.

xxxxxx

"KANINONG bahay ito?" tanong ni Rianne kay Alex nang dalhin siya nito sa isang may kalakihang bahay ilang kilometro ang layo mula sa town proper ng San Rafael.

"Sa akin. Pero once a month lang ako magpunta dito dahil madalas na sa mansion ako umuuwi. Iyon kasi ang rule ng pamilya lalo na sa mga wala pang asawa."

Napatango na lang siya at saka inilibot ang tingin sa loob ng bahay. Kahit na simple lang iyon kung titingnan sa labas ay maganda pa rin iyon para sa kanya. Kababakasan naman ng karangyaan ang mga gamit na naroon sa loob, mula sa furnitures, accessories at pati mga appliances. Ilang babae na kaya ang nakatuntong sa bahay na iyon? Biglang kumirot ang puso niya sa tanong na iyon at napailing na lang siya upang mapalis iyon sa kanyang isipan. Wala naman siguro siyang pakialam kung sakali mang may dinala na nga itong babae roon.

"Bakit mo ako dinala rito?" Kanina pa niya gustong itanong iyon sa binata subalit lagi siyang nawawalan ng lakas ng loob.

"Sa ngayon ay mas ligtas ka dito kaysa umuwi ka pa sa bahay n'yo. Isa pa, paraan ko ito para siguruhing okay ka lang. Mabuti na iyong nasa tabi kita upang mabantayan nang husto at matiyak na ligtas. Malaki ang posibilidad na may magtangka na naman sa buhay mo," seryosong saad nito habang matamang nakatingin sa kanya.

Nawalan siya ng imik matapos niyang marinig iyon. She looked at him disbelievingly. Ngayon lang kasi niya nakita ang side na iyon ni Alex—his protective side. Noong high school pa sila ay hindi niya nakikita iyon. Hindi halata dito noon na kaya nitong protektahan ang isang tulad niya—a damsel in distress, as she called herself right now.

"Huwag mo akong tingnan nang ganyan, Lin, at baka mailang na ako sa iyo," natatawang sabi ni Alex at nilapitan siya.

"I'm sorry." Agad siyang nag-iwas ng tingin.

"Alam kong naninibago ka sa akin dahil hindi ako ganito noon. But I was trained by my family to protect. Natural na iyon."

She wanted to sigh. Not only because of confusion but also of worries for him whenever he was saying the words "trained" and "protect." "Ganoon pa rin pala ako ka-transparent sa iyo."

"We're friends, Lin. Kilala na kita noon at hindi na ako mahihirapan pang kilalanin ka nang husto ngayon. Just give me the chance to know you more now." A charming smile carved on his face that made her heart thump wildly... again.

She smiled sadly. Hindi mo ako ganoon kakilala, Alex. Marami ka pang hindi alam sa kain mula noon hanggang ngayon... gusto sana niyang sabihin rito subalit pinili na lamang niyang huwag gawin iyon.

"Siyanga pala, dumito ka muna pansamantala hanggang sa matapos ang imbestigasyon na may kinalaman sa nangyari kanina. Sinabi ko na sa papa ko at sa mga tito ko ang nangyari at pumayag naman sila na ako ang magbantay sa iyo. Okay lang ba sa iyo?"

Hindi niya maapuhap ang salitang dapat sana'y sasabihin niya kaya napatango na lang siya. Hindi dahil wala siyang magawa kundi dahil gusto niyang samamtalahin ang pagkakataong iyon na makasama pa niya nang matagal si Alex. It was an opportunity she didn't want to miss.

xxxxxx

TULOG na si Rianne subalit naroon pa rin si Alex sa gilid ng kama nito at nakaupo. Pinagmamasdan niya ang pagtulog nito, ang paghinga nito. Napapangiti siya sa tuwing naiisip niya na tila panatag ito sa lugar kung saan sila naroon ngayon. Hindi siya sigurado kung ano ang nasa isip niya nang mga sandaling naganap ang pagsabog at iniharang ang sariling katawan upang hindi ito masaktan. But he knew it was more than just the simple job to protect her. Iyon ang nagbunsod sa kanya na dalhin muna ito sa bahay niya at doon itago habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng ama at mga tito niya tungkol sa nangyaring pagsabog. May palagay siyang nagsimula na ang planong paghihiganti kay Rianne.

Mabuti na lang pala at agad niyang kinuha ang atensiyon nito kanina bago pa man ito makalapit sa kotse nitong nakaparada. Kung nagkataon, hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong makasama ito ngayon ng ganito. Alam niyang may nadamang pagdududa si Tito Alexis nang tanggapin niya ang trabahong bantayan at protektahan si Rianne pero tiwala ito na kaya niya. At sigurado siya roon. Ang hindi lang siya sigurado ay kung magagawa nga ba niya ng maayos ang trabahong iyon na hindi nai-involve ang damdamin niya.

Aminado siyang apektado siya sa presensiya ni Rianne mula pa noong unang beses niya itong makilala nine years ago. He was only a teenager back then but he knew his feelings too well. Hirap nga lang siyang sabihin iyn nang harapan rito dahil hindi siya sigurado kung paano magre-react sa oras na sabihin niya dito ang nasa dibdib niya. Hindi siya katulad ng kakambal niya na sasabihin ang nais nitong sabihin kapag ginusto nito. Hindi siya ganoon katapang noon.

At sigurado akong hindi pa rin ako ganoon katapang hanggang ngayon. Pagdating sa iyo, Lin, marami akong kinatatakutan. Hindi niya ikinakaila iyon. Pero hanggang kailan ba siya dapat matakot? May trabaho siya. At trabaho niya na protektahan ito mula sa kapahamakan.

Sisiguraduhin niyang magagampanan niya nang maayos iyon. Kapalit man niyon ang buhay niya. Pangako ko iyon sa iyo... It was later followed by a gentle kiss he placed on Rianne's cheeks.

xxxxxx

PAGLABAS ni Rianne sa kuwartong ipinagamit sa kanya ni Alex matapos niyang gawin ang kanyang morning routine ay naabutan niya ito na abala sa kusina at naghahanda ng almusal. Napangiti na lang siya sa nakita at hindi niya maiwasang maaliw habang pinapakinggan ito sa pagkanta. Pangatlong araw na niya sa bahay na iyon ng binata at bawat umaga ay naaabutan niya itong ganoon. Ito ang naghahanda ng pagkain nila at hindi siya nito hinahayaang kumilos sa kusina kahit na i-insist pa niya. Gusto raw nito na siya ang pagsilbihan dahil minsan lang naman daw iyong mangyari. Hindi niya naiwasang kiligin nang sabihin nito iyon.

Hindi niya alam kung bakit tila nakadama siya ng kung anong emosyon habang pinapakinggan niya ang pagkanta nito. Sinasabayan kasi nito ang kantang pinatutugtog nito sa DVD player. Noong unang umaga ay naabutan niya itong kinakanta ang kantang "Minsan Lang Kitang Iibigin." Noong sumunod na umaga ay ang kantang "Please Don't Ask Me." At ngayon naman ay ang kantang "Maybe This Time."

May palagay siyang hindi lang basta nito naisipang kantahin ang mga iyon. Animo'y dama niya ang kalakip na damdamin nito habang kinakanta ang mga iyon at sa hindi malamang dahilan ay nakadama siya ng inggit sa babaeng posibleng pinatutungkulan nito ng mga kanta. Sumikip ang dibdib niya sa isiping may espesyal na babae sa buhay ni Alex na hindi niya nalalaman.

Saka lang niya naisip na hindi naman talaga niya malalaman iyon dahil matagal na siyang wala sa San Rafael. Matagal na panahon na ang lumipas mula nang lisanin niya ang lugar na iyon. Subalit sa kabila ng paglisan niyang iyon ay napagtanto niya na dala pa rin niya sa puso niya ang damdaming inilaan niya noon para kay Alex. Itinago nga lang niya iyon sa kubling bahagi ng kanyang puso at hindi na hinayaan pang makalabas. She prevented it from coming out for eight years. At ngayon ay unti-unti iyong nakakagawa ng daan upang makalabas na sa pagkakatago dahil nasa malapit lang ang lalaking pinaglaanan niya ng damdaming iyon.

"Gising ka na pala. Sandali na lang ito at kakain na tayo," sabi nito na nagpatigil sa pagmumuni-muni niya.

Tango lang ang naging sagot niya dahil tila naumid ang dila niya nang makita ang masuyong ngiti nito sa labi. Kahit ilang araw na niyang nakikita ang ngiting iyon ay tila hindi siya nagsasawang tingnan iyon. Pakiramdam niya ay nagiging sapat iyon upang makumpleto ang araw niya hindi pa man nagsisimula iyon.

"Lagi na lang ikaw ang naghahanda ng almusal natin. Hindi ka ba napapagod man lang? Ako, hiyang-hiya na, sa totoo lang. Kaso, masyado kang insisting kaya hinahayaan na lang kita," aniya nang makaupo na siya at pinapanood ang ginagawa nito.

"Minsan ko lang pagsilbihan ang isang babae bukod sa mama ko at mga pinsan kong babae kaya sasamantalahin ko na. At saka, mabuti na rin ang ganito. Gutso kong gawin ito kaya huwag mo na lang kontrahin."

Natawa na lang siya sa sinabi nito. "Alex?"

"Hmm?"

"Thank you," she sincerely said. Napansin niya na tila natigilan ito bago humarap sa kanya. Seryoso ang mukha nito at matamang nakatingin sa kanya. Her heart skipped a beat but she didn't look away. Sinalubong niya ang titig nito kahit parang tinatambol nang malakas ang dibdib niya. Hindi iilang beses na tiningnan siya ni Alex nang ganoon. Pero bakit lalo pa yatang lumalakas ang pagkabog ng dibdib niya sa tuwing tinitingnan siya nito?

Hindi na niya namalayang nakalapit na pala ito at nanlaki ang mga mata niya nang mariin nitong hinalikan ang noo niya. Wala sa sariling napatingin na lang siya rito at hinintay itong magsalita pero ngiti lang ang naging tugon nito.

"Kumain na tayo," yaya nito. Noon lang niya namalayang naihain na pala nito ang mga pagkain sa mesa.

Dismayado man ay napatango na lang siya. Pero biglang kumunot ang noo niya. Bakit nga ba siya dismayado? Dahil ba hindi nito sinabi ang inaasahan niyang sasabihin nito? At ano nga ba ang inaasahan niyang sasabihin nito matapos nitong gawin iyon?

Sa kawalan ng sagot sa mga tanong na iyon ay ipinasya niyang idaan na lang sa akin ang nararamdaman niyang pagkadismaya. Baka sa ganoong paraan ay malimutan niya iyon.

No comments:

Post a Comment