Thursday, May 28, 2015

Indigo Love - Chapter 5

"SORRY about earlier."

Nag-angat ng tingin si Alex nang marinig iyon kay Rianne. Nasa dining room sila at kasalukuyang nag-aalmusal matapos niya itong gisingin kanina. Her face was solemn while looking at him. At sa totoo lang ay hindi niya gusto ang nakikitang lungkot sa mga mata nito. Wala siyang ideya kung ano ang napanaginipan nito ngunit batid niyang hindi talaga iyon maganda dahil umiiyak ito nang gisingin niya ito kanina.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maialis sa isip niya ang luhaang si Rianne kanina. Nasa kusina siya nang mga oras na iyon at masayang naghahanda ng almusal nila ng dalaga nang bigla siya makarinig ng pag-ungol. Noong una ay inakala niyang pinaglalaruan siya ng pandinig niya ngunit naulit ang ungol na iyon at lumakas pa. Sa isang iglap ay narating na niya ang silid na ipinagamit niya kay Rianne matapos patayin ang kalan. At ganoon na lang ang pag-aalala niya nang makitang umiiyak ito habang nakapikit. Ginising niya ito at ginawa ang makakaya niya upang pakalmahin ito. There was this urge inside of him to kiss her to calm her. Thankfully, he didn't do it.

Nang tanungin niya ito tungkol sa napanaginipan nito ay hindi ito nagsalita. Bagkus ay walang salitang bumangon ito at niyakap siya. Hindi niya itinangging ikinagulat niya iyon. Subalit agad ding naglaho iyon nang maramdaman niya ang pagtulo ng mainit na likido sa leeg niya kung saan nito isiniksik ang mukha nito. Umiiyak na naman ito at tila dinaklot ang puso niya dahil doon. Ang tanging nagawa na lang niya ay yakapin ito nang mahigpit, lalo na nang marinig niya ang pabulong na pakiusap nito.

"Don't leave me, please. Just stay with me..." umukilkil iyon sa kanyang isip. Pinili niyang huwag magsalita. Sa yakap na lamang niya ipinarating rito na naroon lang siya sa tabi nito at hindi lilisan. With or without mission, he would stay with her. If only he could do it forever.

"Don't worry about it," he responded with a smile. "Okay ka na. Iyon ang mahalaga."

Ngumiti ito subalit hindi iyon umabot sa mga mata nito. Hindi niya alam kung bakit pero sa pakiramdam niya na may kinalaman siya sa panaginip na iyon. Kung wala, bakit ganoon na lang kung makayakap ito sa kanya? Para bang minsan na niya itong iniwan at takot na itong mawala siya uli? Ito nga ang umalis ng San Rafael nang walang paalam eight years ago.

"One of the most painful memories of my life... Iyon ang napanaginipan ko kanina," sabi nito sa mahinang tinig na umabot sa pandinig niya. "I guess time couldn't really fade everything away, even pain. It still hurts like hell."

Napatitig siya rito. Nakita niyang napangiti ito nang mapait. Kasunod niyon ay pasimpleng pinahid nito ang luhang naglandas sa pisngi nito.

Who the hell gave you that painful memory, Lin? Ginagap niya ang kamay nitong nasa ibabaw ng mesa. Iyon lang ang tanging magagawa niya. She responded with a small smile. Umabot na iyon sa mga mata nito kahit papaano. Napangiti na rin siya.

xxxxxx

"AT SAANG lupalop na ng mundo nakarating ang magaling kong pinsan?" bungad ni Rianne sa kausap niya sa telepono. Itinaon niyang pumunta si Alex sa agency bago tawagan si Relaina. Iyon kasi ang usapan nilang magpinsan: Walang dapat makaalam na may komunikasyon na silang dalawa matapos nitong mag-alsa-balutan noong araw din na umalis na siya ng San Rafael.

It was the day after graduation ball. Kinuha kasi ito ng Tita Joan nito upang makapag-aral sa abroad.

"Sa California lang naman po," natatawang sagot ni Relaina. "Ano ang meron at napatawag ka? Pasalamat ka't wala akong pasok bukas."

"I'm in danger, Laine," diretsang pahayag niya.

Narinig niya ang pag-ubo nito sa kabilang linya. Nasamid ito marahil ng kung ano. Narinig din niyang huminga ito nang malalim. "What do you mean you're in danger?"

Isinalaysay niya ang nangyaring pagsabog sa kotse niya may isang linggo na ang nakararaan. Maging ang pagpapadala ng mga packages at death threats sa bahay niya na iniimbestigahan na ng agency, ayon na rin sa pagkakasalaysay sa kanya ni Alex. Hindi matatawarang takot ang nadama niya nang sabihin nito sa kanya ang mga iyon. After that, he embraced her and uttered the same promise he said before: That he would protect her no matter what.

"Ang hassle naman ng buhay mo ngayon," komento ni Relaina matapos ang pagsasalaysay niya. Hindi man niya nakikita ang mukha nito ay alam niyang nag-aalala ito at napapangiwi sa mga isinalaysay niya.

Natawa na lang siya. "Oo nga, eh. Bakasyon ang ipinunta ko rito sa San Rafael pero heto ang sumalubong sa akin."

"Ows? Talaga bang bakasyon ang pinunta mo riyan? O baka naman may gusto ka pang balikan?" nanunudyong tanong nito.

"Ano naman ang babalikan ko?"

"Asus! At nag-deny pa ang ale! Hindi 'ano' kundi 'sino.' Para namang hindi ko alam na may pagsintang-pururot ka pa rin sa lalaking nagngangalang Jerique Alexander Olivarez. Speaking of that heck of a devil, paano nangyaring si Alex ang nagsabi sa iyo ng predicament mo?"

"Siya lang naman po ang bodyguard ko dahil nagkataong pag-aari ng pamilya nila ang agency na inupahan ni Dad para bantayan ako."

"Ha? Siya ang bodyguard mo?" gulat na tanong nito.

"Yup. Iyon ang inamin niya sa akin. Kaya pala siya nagpakita sa akin sa restaurant noong day one pa lang. Teka, hindi ko ba nasabi sa iyo kanina?"

"Obvious bang hindi? Eh 'di tuwang-tuwa ka naman?" nanunuksong tanong nito.

"Saan?" she asked confused.

"Na siya ang bodyguard mo. 'Di ba nasa bahay ka 'kamo ng nagbabantay sa iyo? Don't tell me na hindi pag-aari ni Alex ang bahay na iyan?"

"Kay Alex nga," sagot niya at saka bumuntong-hininga.

"O, para saan naman ang buntong-hininga na iyan?"

Pinag-iisipan niya kung sasabihin ba niya kay Relaina ang bumabagabag sa kanya o hindi. Pero wala siyang inililihim dito mula noon hanggang ngayon.

"Love nga ba talaga ang naramdaman ko noon para sa kanya, Laine?"

"Bakit mo naman naitanong?"

"Two night ago, I've dreamed of it. The reason why I left. Ang sakit-sakit pa rin hanggang ngayon. I know, past is past but—"

"That's because you've kept it in your heart all these years," seryosong sabi nito na pumutol sa sinasabi niya. "Your feelings for him, the pain you've felt when you witnessed that heartbreaking scene, all of it. You kept it inside of you and you thought you forgot about it. Pero na-trigger lang ang mga iyon na lumabas nang makita mo ang taong mismong pinag-ukulan mo ng mga nararamdaman mong iyon. Kaya huwag ka nang magtaka."

"Kaya ba hindi ka na bumabalik ng Pilipinas?" nananantiyang tanong niya. "Ayaw mong may mag-trigger sa mga nakatagong feelings mo para sa taong iyon?"

Ilang sandali ang lumipas bago ito sumagot. "Oo. Ayoko na kasi siyang makita. Hangga't maaari ay gusto ko na siyang kalimutan. And so far, nagtagumpay naman ako."

"Ganoon na lang iyon?" dismayadong tanong niya.

"May sasabihin ka pa ba?" ganting-tanong nito. Alam niyang umiiwas na naman ito na mapag-usapan ang naunsiyaming love life nito.

Buntong-hininga lang ang itinugon niya.

"Give yourself a chance to assess everything, Rianne. Mahirap nang masaktan ka na naman dahil sumugod ka sa isang sitwasyong walang kasiguraduhan," anito matapos ang ilang sandali.

"Eh kahit gustuhin ko mang umiwas, hindi ko magawa. Nasa malapit lang siya. Alangan naming layuan ko iyong tao." Ang hirap kayang layuan ang ganoon kaguwapong nilalang. Ang bango pa!

"Gaga! Masyado ka namang literal, eh. Hindi iyon ang ibig kong sabihin. What I mean is that you have to guard your emotions this time. Maraming puwedeng mangyari. Kung may nararamdaman ka pa para sa kanya, then go. But you have to be careful this time. Hindi lahat ng second chances ay may happy ending. Kung handa kang masaktan uli at tanggap mo na iyon, then do what you want. Wala na akong magagawa diyan. But in the end, it's still your choice. Hindi kita puwedeng diktahan sa mga desisyon mo lalo na iyong pampuso."

Napasimangot na lang siya at napakamot ng ulo.

xxxxxx

HINDI MAPIGILAN ni Alex ang mapahuni ng isang love song habang nagmamaneho. Agad niyang tinapos ang report niya dahil gustung-gusto na niyang umuwi sa bahay. Pero nagtungo muna siya sa mansion at kinumusta ang kanyang ina na mahigit isang linggo na rin niyang hindi nabibisita. Medyo nagtatampo ito sa kanya nang maabutan niya ito roon. Hindi na niya ipinagtaka iyon. Kaya ginawa niya ang kanyang makakaya upang suyuin ito. Makalipas ang ilang minute ay nagawa na rin niya itong biru-biruin.

Ipinaliwanag niya rito ang dahilan kung bakit mahigit isang linggo siyang hindi pumupunta ng mansion. Hindi na nito ikinagulat na may babae siyang binabantayan. Pero nagulat ito nang malamang naglalagi si Rianne sa bahay niya.

"Aba! Jerique Alexander, huwag mong sabihin sa aking handa ka nang magpakasal at nagdala ka na ng babae sa bahay mong iyon. Dapat makilala ko muna siya," sabi ng inang si Fate Olivarez. Ugali nitong banggitin ang buong pangalan niya kapag pinagsasabihan siya. Ganoon din ito sa dalawang kapatid niya.

Hindi niya napigilan ang mapatawa. Aminado siyang hindi lingid sa ina na kabi-kabila ang mga naging ka-date niya. Pero ni isa sa mga iyon ay hindi niya dinala sa kanyang bahay.

"Ma, you'll meet her. Don't worry. Pero hindi nangangahulugan iyon na pakakasalan ko siya kaagad. Siyempre, liligawan ko muna siya."

"At kailan pa nauso ang panliligaw sa iyo, ha? Wala nga yata sa bokabularyo mo ang salitang 'panliligaw,' eh."

"Huwag n'yo na pong alamin at baka matawa lang kayo. Hindi n'yo pa ako paniwalaan," nakangiting saad niya...

Hindi niya maiwasang mapangiti nang maalala niya si Rianne. Lalo na sa kaalamang naroon lang ito sa sanctuary niya at payapang namamalagi roon. Marahil ay tulog na ito sa mga oras na iyon. Hindi na siya magtataka dahil alas-diyes y medya na ng gabi nang umalis siya sa mansion. Thirty minutes drive rin ang layo ng bahay niya mula sa mansion subalit hindi siya nababahala. Alam niyang ligtas si Rianne dahil na rin sa mga nakabantay na mga tauhan nila sa paligid ng bahay na lingid sa kaalaman ng dalaga. Isa pa ay may nagpapalis ng pag-aalala niya rito kahit papaano. Nakapa niya ang isang pendant sa bulsa ng pantalon niya. Kinuha niya iyon at tiningnan matapos iparada ang kotse sa garahe.

It was an indigo pendant. Hugis-puso iyon na pinatungan ng figure-eight na nakahiga. Mayroong nakaukit na mga salita sa hugis-puso na bagaman masyadong maliit ay nababasa pa rin niya. Those words remained in his heart as if they were spoken just for him. Spoken by the girl who was supposed to give it to him kahit na hindi nito isinulat ang pangalan nito bilang sender ng regalo.

My heart belongs to you and always will. Iyon ang mga salitang nakaukit roon.

Magmula nang makita niya ang pendant na iyon noong gabi ng graduation ball habang hinahanap si Rianne ay hindi na iyon nawala sa tabi niya. Hindi niya gustong mawala iyon dahil iyon ang nagpapakalma at nagpapagaan ng kalooban niya kapag problemado o 'di kaya'y stress siya. Somehow, he became attached to that pendant ever since he found it. Iyon rin ang tumutulong sa kanya na maibsan ang lungkot at pangungulila niya sa taong kaytagal niyang hinintay na magbalik. Funny as it might seem but that pendant became a vital part of his life for the past eight years.

Kumunot ang noo niya nang makitang bukas pa ang ilaw sa sala. Napangiti siya. Marahil ay gising pa si Rianne at abala sa panonood dahil dinig niya ang ingay mula sa telebisyon. Matapos isara ang pinto ay agad siyang dumiretso sa sala. Bukas ang TV at may kalakasan ang volume niyon. Pero nasaan na ang taong nanonood roon? Nasagot ang tanong niya nang makita ang isang pigurang nakalatag sa sofa. Napailing na lang siya at nilapitan ito.

Kaya pala walang sumasagot kahit naroon na siya. Tulog na pala ang dapat gagawa niyon. Napangiti siya sa kaalamang hinihintay siya marahil ni Rianne. Nakatulog na nga lang ito sa tagal ng paghihintay sa kanya. Agad niyang in-off ang TV at lumuhod sa tabi ng sofa kinahihigaan ng dalaga. Gusto niyang titigan ang mala-anghel nitong mukha kaya hindi pa niya ito ginising. Tutal, minsan lang naman niya itong gawin. Minsan lang niyang pagbigyan ang sariling pag-aralan ang mukha ng babaeng nagbigay-kulay sa high school life niya. Hindi niya malaman kung bakit tila hindi siya nagsasawang pagmasdan ng kagandahang taglay ni Rianne mula ng magkita sila uli. Tila ba sa bawat araw na magdaan ay nais niyang ito ang mukhang sasalubong sa kanya sa pagmulat pa lang ng mga mata niya.

Umungol ito at bahagyang nag-inat. Iyon ang nagpabalik ng isipan niya sa kasalukuyan. Bahagya na lamang siyang natawa nang mapagtanto niyang tila hindi niya maiwasang mahipnotismo sa tuwing tititigan niya ang mukha ni Rianne. Huminga na lang siya ng malalim at ilang beses na tinampal-tampal ang mukha.

Muling lumalim ang paghinga ni Rianne kaya alam niyang may kalaliman na ang pagtulog nito. Binuhat niya ito upang dalhin sa silid nito. Pinag-isipan niya kung sasamahan ba niya ito roon o hindi nang maihiga niya ito sa kama. Pero bago pa siya makapagdesisyon, narinig niya ang pag-ungol nito at unti-unting iminulat ang mga mata. Mukhang naistorbo niya ang tulog nito. He sighed before sitting beside her.

"Alex..." husky na sambit nito sa pangalan niya bago ngumiti. "Late ka nang umuwi."

Napangiti na rin siya. "Sorry. May kinailangan pa akong tapusin sa agency. Kumain ka na ba?"

Nanghaba ang nguso nitong umiling. He found it cute. "Boring kasing kumain nang walang kasama."

"Gusto mo bang samahan kita?" tanong niya kahit busog pa siya dahil naghapunan na siya sa mansion kasama ang pamilya niya.

Muli ay umiling ito. "Bukas na lang tayo sabay. Inaantok na talaga ako. Pero puwede bang samahan mo ako dito?"

Nasorpresa siya sa sinabi nito ngunit agad niyang naisip na minsan na niya itong sinamahan sa pagtulog nang walang malisya. Isa pa, iyon rin ang kanina pa niya pinag-iisipang gawin kaya pumayag na siya. Tutal, minsan lang naman iyon.

Pero papayag na lang ba siya sa "minsan lang"?

xxxxxx

"MAGANDA pa rin pala na nakatira sa sa liblib na lugar. A perfect place to hide and eventually forget the world's harsh realities," malungkot na sabi ni Rianne. Naroon sila ni Alex sa veranda at pinagmamasdan ang paglubog ng araw mula roon.

"Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay magagawa nating pagtaguan ang katotohanan. Hahabulin at hahabulin pa rin tayo n'on hanggang sa magsawa na tayo sa pagtatago at magawa na nating harapin iyon."

Napatingin siya rito matapos nitong sabihin iyon. Katabi niya ito ngayon at nakayapos ang isang kamay nito sa baywang niya. Seryoso itong nakatingin sa direksiyong tinitingnan niya kanina pa bago siya binalingan nito. "Patawarin mo ako, Lin," pagkuwa'y sinserong saad nito na ikinakunot ng noo niya. Subalit nagpasya siyang huwag magsalita. "Inalam ko mula sa daddy mo ang totoong dahilan kung bakit bumalik ka rito sa San Rafael. That Montoya is definitely a jerk for betraying you and hurting you. If only I could do something to fade that pain away..."

Hindi siya nakapagsalita sa narinig. Pero alam niyang hindi siya nagagalit rito dahil sa pag-iimbestiga nito sa buhay niya. It was a part of his job, after all. Kalaunan, namalayan na lamang niyang inilalahad rito ang lahat ng mga nangyari—mga pangyayaring dahilan upang bumalik siya sa lugar kung saan niya minsang nadama ang hindi matatawarang kasiyahan sa piling ni Alex. Ng taong nagparamdam sa kanya ng kahulugan ng pag-ibig. Hindi nga lang niya sinabi rito kung sino ang taong iyon at baka magkabukingan pa ng wala sa oras.

Aminado siya na nakatulong ang pagkukuwento niya upang gumaan ang namimigat niyang dibdib dahil sa dami ng mga emosyong kinimkim niya.

"Alam ba ng lalaking sinasabi mo na mahal mo siya?" kapagkuwa'y tanong nito matapos niyang magkuwento.

Umiling lang siya at napangiti nang matabang. At malabong malaman mo pa iyon...

"Hindi rin niya alam na siya ang nagparamdam sa akin na mas masakit at mas mahirap ang magmahal nang lihim. Pero kahit ganoon ang nangyari, malaki pa rin ang pasasalamat ko sa kanya," aniya ngunit diretso ang tingin niya sa palubog na araw.

"Bakit naman?"

Bumuntong-hininga siya bago bumaling rito. "Siya ang nagturo sa akin kung paano magmahal nang totoo. Kahit hindi niya alam ang nararamdaman ko sa kanya, hindi kailanman naglaho sa puso ko ang damdaming pinukaw niya mula roon. Bata na kung bata pero alam ko ang nararamdaman ko. Napatunayan ko lang iyon nang mabuti habang nagkakaedad na ako at naging boyfriend ko na si Daniel. Tatlong taon ko na siyang naging boyfriend pero hindi kasinglalim ng damdaming inilaan ko sa lalaking totoong mahal ko ang pagmamahal ko kay Daniel. Somewhere in my heart, pinagdudahan ko ang katapatan niya sa akin pero pilit kong hindi pinakinggan iyon. Hanggang sa lumabas na rin ang totoo. And I guess it was for the best."

Nakikinig lang ito sa kanya habang nakatingin siya rito. Hindi niya alam kung paano niya nagawang sabihin rito ang halos lahat ng nararamdaman niya. But she trusted him. Nagawa na niyang pagkatiwalaan ito noon pa man sa halos lahat.

Naramdaman niya ang kaswal na paghapit nito sa katawan niya at isinandal siya dibdib nito. Napangiti siya. Kusa niyang iniyapos ang mga braso niya sa katawan nito. Kampanteng inihilig niya ang katawan rito saka pumikit. Pinakinggan niya ang paghinga nito na sinabayan ng pagtibok ng puso nito. Ano kaya ang sinasabi ng puso nito habang naroon siya sa tabi ni Alex ngayon at yakap ito? Tulad rin kaya ng ibinubulong ng puso niya na may espesyal na damdamin pa ring nakalaan para rito?

Hindi na muna niya aalamin. Sa ngayon ay nanamnamin muna niya ang kaiga-igayang damdaming lumulukob sa kanya habang katabi si Alex at yakap siya. Gusto niyang makaramdam ng katahimikan kahit panandalian lang. At sa tabi ni Alex, sigurado siyang mararamdaman niya iyon. Sana lang ay manatili silang ganito.

She wanted to be in her special place. And being with him like that in his arms was the only place she could think of. The only place that made her feel special... and loved.

No comments:

Post a Comment