Sunday, May 31, 2015

Indigo Love - Chapter 6

"INVITED AKO sa birthday celebration ng pinsan mo?" nananantiyang tanong ni Rianne kay Alex nang sabihin nito sa kanya ang tungkol sa pag-imbita umano ng pinsan nito. "Pero imposible naman yatang makapunta ako roon. Baka nalilimutan mo, nagtatago ako."

"Ikinonsulta ko naman ito sa mga boss ko sa agency at pumayag naman sila. Huwag kang mag-alala. Hindi ka mapapahamak roon. I promise you."

Naumid siya sa narinig at dahil na rin sa nakita niyang katapatan sa mga mata nito habang sinasabi iyon. Muli niyang tiningnan ang invitation na inabot nito sa kanya. Wala naman sigurong problema kung pumayag siyang pumunta sa birthday celebration na iyon. May dalawang linggo na rin siyang naroon sa bahay ni Alex. Mukhang kakailanganin naman niyang lumabas kahit paminsan-minsan lang sinigurado naman nito na magiging ligtas siya roon. Kaya hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at pumayag na rin siya.

"Pero ano ang isusuot ko? Do I need a gown?"

"As for your dress, don't worry. In fact, nakalagay na sa kuwarto mo ang gown na ipinatahi ni Mama para sa iyo."

"Ha? Seryoso ka ba riyan sa sinasabi mo?" Hindi siya makapaniwala sa narinig.

"Yeah. Pero pagpasensiyahan mo na lang daw kung hindi gaanong maganda ang kinalabasan. Ni-rush lang kasi iyon, eh. Late nang nalaman ni Mama na plano kang imbitahin ni Francis sa celebration," paliwanag nito at nginitian siya. "Why don't you go upstairs and have a look at it?"

Mabilis pa sa alas-kuwatrong tinungo niya ang kanyang silid. Excited na binuksan niya ang pinto at ang ilaw nang makarating na siya roon. Gayon na lang ang sorpresa at galak niya nang makitang nakalatag sa kama ang isang haltered indigo gown. Kumabog ang dibdib niya sa nakitang kulay niyon.

Indigo? Why does this color have this effect on me? But she chose to shrug it off. Napangiti siya sa nakitang disenyo ng gown. Hindi totoo ang sinabi nito na hindi maganda ang kinalabasan niyon. In fact, talagang napakaganda ng gown na iyon. Agad niyang kinuha iyon at hinarap ang full-length mirror. Hindi niya isinuot ang gown. Ipinatong lang niya iyon sa kanyang katawan at sinipat ang itsura niya.

"Do you like it?"

Muntik na siyang mapahiyaw nang marinig niya iyon. May ugali talaga si Alex na parang kabute kung sumulpot sa tabi niya. Naniningkit ang mga matang hinarap niya ito. "Puwede ba, magbigay ka naman ng signal kapag lalapit ka? Hindi iyong para kang kabute na basta-basta na lang sumusulpot," sita niya rito at muling hinarap ang salamin.

"Ang alam ko, multo ang basta-basta na lang sumusulpot."

Pilosopo talaga ito kahit na kailan. "Eh 'di inamin mo ring multo ka?"

"Guwapong multo naman," nakangising sagot nito.

Hambog pa! Hay! Nilingon niya ito. "Kailan ka pa naging mahangin ang utak mo, ha? Suwerte mo naman ko ganoon ka nga kaguwapo. Hindi naman."

"Sus! Itanggi mo pa," tudyo nito.

"Kung multo ka nga at lahat ng babae ay pinagpakitaan mo, siguradong lahat sila, magpapakamatay para lang makasama ka hanggang sa kabilang buhay. Ganoon ka kaguwapo. Deadly handsome. Ano, may comment ka pa?"

Napailing na lang ito at tumawa nang mahina. Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang magkabilang balikat niya. Siya naman ay nakaharap lang sa salamin kaya dito lang niya nakikita ang mga kilos nito.

"Kung magiging multo man ako, iisang babae lang ang pagpapakitaan ko. Iyon ang babaeng mahal ko at mahal din ako na tiyak na hihilinging bumalik ako. Pero imposibleng makabalik ako nang basta-basta, 'di ba, Lin? Kung gugustuhin niyang mamatay para lang makasama ako, hindi ko siya papayagan. Sasabihin ko sa kanya na hintayin niya ako at titiyakin kong magkikita kami sa huli. Kahit ilang buhay pa ang kailangan kong pagdaanan para lang mangyari iyon," anito. Nakita niyang pumalibot sa kanya ang mga braso nito mula sa likuran. Ipinatong nito ang baba nito sa balikat niya bago siya tiningnan sa mga mata niya—gamit ang salamin.

"Kapag nangyari ang sinasabi mo, na magkikita kayo sa bandang huli kahit ilang beses pa kayong namatay at nabuhay, ano'ng unang-unang sasabihin mo sa kanya?" Nagpasya siyang sakyan na lang ang sinasabi nito.

Ngumiti ito at hinalikan siya sa gilid ng sentido. Bagaman nagtataka, hindi na lang siya nagsalita. Hinintay na lang niyang sagutin nito ang tanong niya.

"Sorry I made you wait," usal nito sa tapat ng kanyang tainga at matamang pinagmamasdan siya sa pamamagitan ng salamin. Hindi niya alam kung tama ba pero dama niyang tila para sa kanya ang mga katagang iyon. Animo ay humihingi ito ng tawad dahil hindi nito nagawang tugunin noon ang nararamdaman niya para rito. At ngayon ay narito ito, handa nang mahalin siya nang habang-buhay kapalit ng naging paghihintay niya rito.

Hindi simpleng paghihintay lang ang ibig ipahiwatig ng salitang "wait" na sinambit nito. Iyon ang nararamdaman niya.

Ang weird naman kung ganoon nga ang ibig sabihin n'on. Ano ako, presuming? Ang kapal naman ng mukha ko para isiping ganoon nga. Lihim na lang siyang bumuntong-hininga.

"Hindi ka man lang ba kinikilabutan sa mga sinasabi mo, Alex?" tanong niya makalipas ang ilang sandaling pananahimik.

Umiling ito. "That's what you call love that transcends space and time, even different worlds, Lin. Pero sa totoo lang, mas masarap pa rin iyong buhay kang nagmamahal. Mararamdaman mo talaga sa tabi mo iyong taong mahal mo. Mas magagawa mong iparamdam sa kanya na mahal mo siya sa paraang kaya mo. Walang dimensiyon o mundong magiging sagabal sa inyo. You could feel your existence by loving the one you love who loves you the same way."

Napamaang na lang siya. Natigilan siya nang titigan nito ang mga mata niya sa pamamagitan ng salamin sa harap nila. He was looking at her intently na tila binabasa nito pati kasuluk-sulukang bahagi ng kanyang pagkatao. Gustuhin man niyang mag-iwas ng tingin, hindi niya magawa. Hindi pa niya gustong makita nito ang nilalaman ng puso niya. Ngunit ang mga mata nito'y tila may hipnotismong bumabalot sa kanya habang tinitingnan siya nito. Animo'y nag-uutos iyon sa kanya na huwag siyang umiwas.

Her eyes had betrayed her for so many times. Hindi niya nanaising traidurin siya ng mga iyon ngayon. Hindi pa siya handa.

Hindi niya alam kung ano ang nakita nito sa mga mata niya dahil ngumiti ito nang malapad. Walang salitang umalis ito roon matapos siyang gawaran ng halik sa buhok. Nagtataka siya sa kilos nitong iyon. Pero hindi na lamang niya pinansin at itinuloy na lang niya ang ginagawang pagsusukat sa gown. Gayon na lang ang pagtataka at tuwa niya nang malamang kasyang-kasya iyon sa kanya.

Paano kaya nito nalaman ang sukat ng katawan niya?

xxxxxx

"RIANNE? Is that you?"

Napalingon siya nang marinig ang pagtawag na iyon. Naroon siya sa veranda ng Rosalia Mansion at pinapanood mula roon ang mga bisitang nagkakasiyahan sa garden. Kung minsan ay pinapanood din niya ang mga bituin. Birthday celebration iyon ng pinsan ni Alex sa ina na si Francis Paul de Cortez. Hindi niya maiwasang mamangha sa ganda ng lugar na pinagdarausan ng party pagdating nila ni Alex roon.

Kumunot nang bahagya ang noo niya nang makita na niya ang taong tumawag sa kanya. Nakatayo ito may ilang metro ang layo mula sa kanya. Nakasuot ito ng eyeglasses pero agad niyang nakilala kung sino iyon. Hindi niya maipagkakamali ang mukhang iyon sa kahit kanino dahil kamukhang-kamukha ito ni Alex.

"Allen?" naninigurong tanong niya. Gayon na lang ang lapad ng ngiti niya nang tumango ito. Agad siyang lumapit dito at niyakap ito. "Kumusta ka na? Ang laki ng ipinagbago mo, ah."

"Mas guwapo na ba?" biro nito.

"Hmm... Puwede nang pagtiyagaan." At sinabayan niya iyon ng isang malutong na tawa. Ngunit agad din siyang sumeryoso. "No, seriously, how are you?"

Allen's face turned serious, too. "Okay naman ako... kahit papaano," sagot nito sa mababang tono.

Hindi nakaligtas sa kanyang pandinig ang lungkot sa tinig nito. Hindi umabot sa mga mata nito ang ngiti nito. At may palagay na siya sa posibleng dahilan niyon. Ngumiti na lang siya upang hindi nito malaman ang mga naobserbahan niya.

"Kuwentuhan mo naman ako," mayamaya'y sabi niya nang hilain niya ito patungo sa veranda.

"Tungkol saan?"

"Anything about you. It looks like you made yourself successful. Ibang-iba ka na ngayon. And it's really obvious."

Allen looked at her sadly. Ilang sandaling namagitan ang katahimikan sa pagitan nila dahil gusto niyang kusa itong magsalita.

"I still love her, Rianne," kapagkuwa'y wika ni Allen.

Napatingin siya rito. "Her? You mean Relaina? Seriously? Kahit wala na siya sa buhay mo sa nakalipas na mga taon?"

Tumawa ito nang mapakla. "Funny, right? Hindi ko nga alam kung paano ko nagawang magtagal nang ganito. Not once that I've tried to erase my feelings for her. Hindi ko kaya. Ang hirap kasi, eh. Isa pa, tumututol ang puso ko na alisin siya roon. Ano ba'ng meron ang pinsan mo at hindi ko siya magawang malimutan kahit iniwan na lang niya ako nang walang paalam?"

"Because you love her. Siya lang at wala nang iba," she answered in a small voice.

Hindi man nito sabihin ang totoo ay nahalata niya sa mga mata nito ang dinanas nitong pait at lungkot sa mga nagdaang taon. Subalit sa kabila niyon, naroon pa rin ang hindi matatawarang pagmamahal nito para sa pinsan niya. At hindi niya maiwasang hindi mainggit para kay Relaina. Wala itong kaalam-alam na may naghihintay pa rin at patuloy na nagmamahal rito. Iniwan na nito si Allen at lahat subalit heto pa rin ang binata at hinihintay ito. Nasa mga mata nito ang pag-aasam na muling magbalik si Relaina sa buhay nito.

Samantalang siya, patuloy pa ring nakatago sa sulok na bahagi ng kanyang puso ang damdaming inilaan niya para kay Alex. For many years, it just stayed there. It didn't fade away unlike what she originally thought.

Namasa ang mga mata niya ngunit sinikap niyang huwag ipakita iyon sa katabi. Mabuti na lang at nagsimula na itong magkuwento. Nakatulong iyon upang ma-divert ang atensiyon niya mula sa pagsisintimiyento ng puso niya. Nalaman niya na isa na palang engineer si Allen at ito ang kasalukuyang Chief Engineer ng Cervantes Constructions and Development Company o CCDC. Pag-aari iyon ng pamilya nito at kasalukuyang nakabase ang main office sa Maynila.

"Eh 'di puwede pala kitang kontakin kapag ginusto kong magpatayo ng sarili kong bahay?" pabirong tanong niya rito.

"Hindi na kailangan. Matagal ko nang ipinatayo ang bahay mo," makahulugang wika nito na ipinagtaka niya.

"Ha? Ano'ng ibig mong sabihin? At paano mo naman ako napatayuan ng bahay ko eh hindi ko pa naman sinasabi sa iyo noon na gusto kong magkabahay?"

Napailing-iling ito at tumawa. "Basta. Naipatayo ko na ang bahay mo, matagal na. Asawa na lang at mga anak ang kulang para masabing kumpleto na iyon. Malay mo, nasa tabi-tabi mo lang pala ang lalaking iyon, hindi mo lang napapansin. Open your eyes, Rianne. Makikita mo rin ang hinahanap mong sagot." Iyon lang at tinapik nito ang balikat niya bago siya iwan nito.

Weird. Ano kaya'ng ibig sabihin n'on? May pa-mistery effect pa ang lokong iyon. Guguuluhin na naman ang utak ko. Nagugulumihanang sinundan niya ito ng tingin. Bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Alex na nakatayo sa bukana ng veranda at nilapitan ni Allen. May binulong rito ang huli at nakita niyang nanlaki ang mga mata ni Alex. Tatawa-tawa naming naglakad paalis si Allen at iniwan na sila nito.

"Anong kagaguhan na naman ang sinabi ng kakambal kong iyon sa iyo?" pabirong tanong nito nang ganap na itong makalapit sa kanya.

Isinandal niya ang katawan sa dibdib nito nang yapusin siya nito. "Something weird." At saka niya ikinuwento rito ang pag-uusap nila ni Allen. "He said that as if he knew the person I'm meant to spend the rest of my life with. Weird, right? Unless he's a psychic or something like that."

He let out a light laugh and held her tighter. "Sa palagay ko, may ideya na siya sa darating ka rin sa puntong babalikan mo ang taong mahal mo kahit na walang ideya ang taong iyon na mahal mo siya."

"Puwede ba iyon? Mangyayari lang iyon kapag—"

"Kapag nalaman ng taong mahal mo na mahal mo siya," putol nmito sa iba pang sasabihin niya. Pero sapat na iyon upang mapasinghap siya at balingan ito.

Iyon ang mali niya. Pagbaling na pagbaling niya ng mukha upang tingnan ito ay hinuli nito ang mga labi niya at hinagkan iyon nang buong pagsuyo. She stiffened and was shocked. She didn't know how to react for a few moments but he was still kissing her. Umangat ang isang kamay niya patungo sa batok niya at kinabig iyon palapit rito. Dahan-dahan nitong pinalalim ang halik habang hinahapit siya. Unti-unti siyang napapapikit dahil sa bago at kakaibang sensasyong dulot ng paghalik nitong iyon. Wala siyang nakikitang mali nang mga sandaling iyon. Gusto niya ang ginagawa nito at nais niyang ipaalam iyon dito sa paraang alam niyang maiintindihan nito. With that in mind, she lifted her arms and wrapped it around his neck before responding to his mind-blowing kisses.

It was something new to her. Alex's kisses were intoxicating; something she had never felt to any man, not even to Daniel. And her tears fell when she came up with a realization.

God, she still loved this man! All along, it was Alex whom her heart was waiting for. Kaya palaging may kulang siyang napupuna sa dibdib niya kapag si Daniel ang kasama niya. Si Alex pa rin pala ang tanging hangad ng puso niya—mula noon hanggang ngayon. Nasaktan na siya't lahat pero heto at bumalik siya rito. Hindi man nito alam ang nararamdaman niya para rito, hindi na muna mahalaga iyon sa ngayon.

Ang mahalaga na lamang ay maramdaman niya ang mga halik nito na habang-buhay nang mananatili hindi lang sa isip kundi maging sa puso niya.

No comments:

Post a Comment