Sunday, May 24, 2015

Indigo Love - Chapter 4

AYAW dalawin ng antok si Rianne kahit batid niyang mag-a-alas-dose na ng hatinggabi at nakatitiyak siyang tulog na si Alex sa silid nito. Kung hindi man ay naroon lang ito sa loob ng silid nito at may ginagawa na may kinalaman sa trabaho nito. Hindi naman niya pupuwedeng istorbohin ito at yayaing makipagkuwentuhan para lang makatulog siya. Sobra-sobra na ang abalang ibinigay niya dito nang patuluyin siya nito sa bahay nito imbes na nag-e-enjoy dapat siya sa pagbabakasyon. Pero dahil sa panganib na ngayon ay tahimik na nakaabang sa kanya, may palagay siyang ang apat na sulok ng bahay na iyon ang magsisilbing sanctuary niya hanggang sa matapos ang lahat.

Yes, she considered that house as a sanctuary. Hindi niya naramdaman ni minsan na isa iyong kulungan o 'di kaya ay taguan ng mga nanganganib ang buhay. Parang at home na at home ang pakiramdam niya sa bahay na iyon. Kunsabagay, hindi naman hinahayaan ni Alex na maramdaman niyang nasa panganib ang buhay niya. Para lang siyang nagbabakasyon. Parang special guest ang turing nito sa kanya kaya naman hindi miminsang nakadama siya ng pagkakilig dahil sa klase ng pag-aasikaso nito sa kanya.

Nang makaramdam siya ng panunuyo ng lalamunan ay naisipan niyang lumabas ng silid at magtungo sa kusina. Ngunit bago pa man siya makarating roon ay nakita niya ang isang bulto na nakatayo sa nadaanan niyang balkonahe pero hindi siya nakadama ng takot. Alam niyang si Alex iyon at may hawak na cell phone. Nangunot nang bahagya ang noo niya nang mapansing napakaseryoso ng mukha nito habang pinakikinggan ang sinasabi ng nasa kabilang linya. May pagkakataon pa na nakikita niyang naggalawan ang mga ugat nito sa mukha at napapamura rin. Sino kaya ang kausap nito at bakit tila ganoon na lang ang reaksiyon nito? Ano ba ang sinsabi ng kausap nito?

"At sa tingin mo ba, Jett, hahayaan kong may mangyaring masama kay Rianne? Dadaan muna sila sa bangkay ko bago nila mahawakan ni dulo ng daliri niya. Sisiguraduhin ko na sa impiyerno ang bagsak ng lalaking iyon sa oras na makumpirma ko na siya ang mga pakana ng mga pananakot kay Rianne. I swear!" mariin at determinadong sabi nito sa kausap na ikinagulat niya.

Kitang-kita niya ang pagdilim ng mukha ni Alex nang matahimik ito. Sa kasamaang-palad ay ang kausap nito ang nagsasalita kaya wala siyang ideya kung ano ang sinasabi ni Jett. She knew Jett Cervantes by name. Ito ang pinsan ni Alex sa mother side at kabilang sa tinitilian ng mga babae at may pusong-babae din hindi lang sa San Rafael kundi maging sa ibang parte ng bansa. Pero hindi iyon ang mahalaga sa kanya. Nais niyang malaman kung ano ba talaga ang tunay na sitwasyong kinakaharap niya ngayon.

With the help of the light coming from the full moon, she saw his jaws twitched. She also saw him gritted his teeth ang clenched his fist tight like he wanted to destroy something with it. Hindi man niya gusto ay nakadama siya ng takot sa nakitang anyo nito. Noon lang niya ito nakitang ganoon na tila papatay ng taong madaanan nito. After a few more minutes, she heard him sighed heavily.

"Walang problema. Basta ipaalam mo lang sa akin kaagad ang lahat ng malalaman mo tungkol sa mga nagbabanta sa buhay ni Rianne." Tumahimik ito ng ilang sandal bago niya nakita ang pag-aliwalas ng mukha nito at saka ito tumawa nang mahina. "Sira-ulo! Ako lang ang tatawag sa kanya ng 'Lin.' Hindi ka kasali doon. So you stay out of it. Sige na, magbabantay pa ako ng damsel in distress dito." Iyon lang at in-off na nito ang cell phone. Bumuntong-hininga ito at hinagod ang batok na tila noon lang nakadama ng pagod at pagkahapo.

Nang lumingon ito sa direksyon niya ay noon lang niya namalayang nanatili pala siya doon hanggang sa matapos ang pakikipag-usap nito kay Jett. Napansin niyang saglit itong natigilan at kapagkuwan ay ngumiti ito nang pagkatamis-tamis habang naglalakad palapit sa kanya at magkahinang ang mga mata nila.

"Ano'ng ginagawa mo rito? Gabing-gabi na, ah. Dapat ay natutulog ka na," wika nito nang ganap na itong makalapit.

Kiming ngiti lang ang itinugon niya at saka napakamot ng batok. Gusto niyang matawa sa sarili dahil tila nakalimutan na niya ang dapat niyang gawin dahil lang nakita niya si Alex na nakatayo sa balkonahe at nakasuot ng sando at boxer shorts. That was the first time na nakita niya itong nakasuot nang ganoon. At hindi siya magsisinungaling na gusto niya ang nakikitang anyo nito. Napalunok tuloy siya. Paano na kapag nakita pa niya itong topless?

Gosh! Kung anu-ano na ang pumapasok sa isip mo, Rianne! Huwag mo nang i-assume na makikita mo pa nga siyang ganoon sa susunod, pagkastigo niya sa sarili.

"N-nauuhaw kasi ako, eh. Pero... nakalimutan ko rin lang iyon." Saka sumeryoso ang mukha niya nang tumingin siya rito. "Alex, please don't lie to me. Ano ba talaga ang nangyayari? Ano na ba ang sitwasyong kinakaharap ko ngayon?"

His worried eyes stared back at her. Hinagod nito ang batok at bumuntong-hininga. "Lin, you don't have to know. Ayokong matakot ka kapag nalaman mo ang lahat."

"I won't deny that. Kahit naman siguro sino, makakaramdam ng ganoon kapag nanganganib ang buhay. Pero ayokong manatiling clueless sa mga nangyayari. Alex, please, nakikiusap na ako sa iyo. Sabihin mo sa akin ang totoo."

Hindi niya alam kung ano ang nagbunsod rito na lapitan siya at yakapin nang mahigpit na tila takot na pakawalan siya. Napapikit siya at bumuntong-hininga bago ginantihan ang yakap nito nang mahigpit din. Para bang dito niya nais umamot ng lakas ng loob at tapang at handa itong ibigay iyon sa kanya. Hindi niya itatanggi na napaka-peaceful ng kanyang pakiramdam habang nakapaloob siya sa mga bisig nito. Hindi man nito sabihin sa kanya ay dama niya ang kagustuhan nitong protektahan siya sa panganib na hindi niya alam kung gaano kadelikado.

"Alex..."

"Let me hold you this way, Lin. Hayaan mo na lang muna ako. Aminado akong natatakot ako para sa iyo pero gusto ko pa ring pagkatiwalaan mo ako." Naramdaman niya na humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. "Hindi ko muna sasabihin sa iyo ang lahat hanggang hindi pa natatapos ang imbestigasyon. Pero ito ang pakatatandaan mo, Lin. And please trust me with this," anito at saka siya tinitigan sa mga mata niya. "Hinding-hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa iyo. Kahit na ano'ng mangyari, ako ang poprotekta sa iyo. Hinding-hindi kita pababayaan. Okay?"

Dagling bumilis ang pintig ng puso niya sa narinig. Idagdag pa ang pagsuyo at determinasyong nakikita niya sa mga mata nito habang sinasabi nito ang mga iyon. Gusto niyang panghawakan ang pangako nito na poprotektahan siya nito kahit na ano ang mangyari. Na wala siyang dapat ikatakot. Ngumiti siya rito at tumango bilang sagot. Napangiti na rin ito at kinabig siya bago kinintalan ng mariing halik sa ituktok ng ulo niya.

"Thank you for trusting me," paanas na wika nito.

"Ako ang dapat na nagpapasalamat sa iyo, Alex. Ang dami mo nang nagawa para sa akin. Hindi ko tuloy alam kung paano kita pasasalamatan pagkatapos ng lahat ng komosyong ito," pag-amin niya. Hindi niya napigilan ang sariling yakapin itong muli.

xxxxxx

JUST BE with me, Lin. Iyon lang ang magagawa mo, anang isip ni Alex habang yakap-yakap si Rianne sa gitna ng pagtatagis ng dilim ng gabi at liwanag ng buwan. Hindi sa gusto niyang ilihim dito ang totoong nangyayari pero hindi niya nais makitang natatakot ito. Pilit man niyang gawin ang lahat upang mapanatag ito ay alam niyang malabo iyon. Pero natutuwa siya dahil nagtitiwala ito sa kanya. Tiwala itong mapapanindigan niya ang ipinangako niyang kaligtasan nito. Noon pa man ay alam na niyang hindi basta-basta ipinagkakatiwala ni Rianne ang kaligtasan nito sa ibang tao.

Sa ngayon ay hindi pa siya handing ipagtapat dito ang lahat ng mga nalaman niya mula kay Jett. Mas makakabuti kung ililihim muna niya sa dalaga ang mga iyon hanggang masiguro niyang ligtas na nga ito at nahuli na ang may kagagawan ng pagpapasabog sa kotse ni Rianne. Ibinalita rin sa kanya ng pinsan na ilang beses nang may nagpadala ng mga packages sa bahay ng dalaga. Pare-pareho lang ang nilalaman ng mga iyon—isang duguang manyika at putul-putol na bahagi ng katawan ng isang putting pusa. Naroon din ang note na nagsasabing ganoon ang mangyayari kay Rianne sa darating na mga araw.

Hindi siya sigurado kung ano ang nais mangyari ng taong gumawa niyon subalit sisiguruhin niyang hinding-hindi nito magagawang saktan o ipahamak si Rianne.

Not while she was still on his watch. At titiyain niyang mapapanindigan niya iyon.

xxxxxx

HINDI MATIYAK ni Rianne kung bakit bigla siyang nagising pero hindi na lang niya inalam kung bakit. Napatitig siya sa madilim na kisame ng silid na iyon at napangiti nang maalala ang eksena kaninang hating-gabi. Hindi niya alam kung bakit agad niyang pinagkatiwalaan si Alex pagdating sa kaligtasan niya. But she has to admit, na-touch siya habang sinasabi nito na hinding-hindi siya nito pababayaan. Marahil ay nagawa niya itong pagkatiwalaan dahil na rin sa pagkakaroon nito ng puwang sa puso niya noon pa man.

Naramdaman niyang may kumilos sa tabi niya na biglang nagpakaba sa kanya kaya napalingon siya roon para lang matigagal siya at manlaki ang mga mata niya dahil sa pagkasorpresa. Pero unti-unting sumilay ang masuyong ngiti sa mga labi niya dahil sa tumambad sa kanya. Nakayapos ang isang braso ni Alex sa baywang niya habang ang isang paa naman nito ay nakapatong sa hita niya.

Sa paglingon niyang iyon ay na-realize niya na halos isang dangkal na lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa! She could feel his breath softly fanning her face. Nang pasadahan niya ng tingin ang payapang mukha nito ay naisip niyang hindi pa rin pala nawala ang boyish features nito. Itinago lang iyon ng panahong lumipas. Aminado naman siya na ang mga panahong iyon ang naging daan upang makita niya ang maraming pagbabago kay Alex na hindi niya napansin nitong mga nakalipas na araw.

Gumuwapo ito nang husto kaysa noong high school. Noon ay "totoy" ang tawag niya rito kapag inaasar siya nito. Kaya lang ay madalang pa sa patak ng ulan kung mangyari iyon.

Sinamantala niya ang pagkakataong pag-aralan ang itsura nito. Payapa ang anyo nito—na lingid sa kaalaman nito ay isang dahilan kung bakit ipinagkatiwala niya rito ang buhay niya. Halata rin sa katawan nito ang madalas na pagwo-work out sa gym bunsod na rin marahil sa klase ng trabaho nito. Kanina lang ay naramdaman niya sa yakap nito ang katawang iyon na nangangako sa kanya ng proteksiyon, ng seguridad. Nagtataka siya kung bakit hindi niya naramdaman kay Daniel ang ganoong pakiramdam habang yakap siya ng dating nobyo. Maskulado rin naman ito gaya ni Alex. But she couldn't feel anything special, like a spark.

Ipinilig na lang niya ang kanyang ulo at hinayaan niya ang mga mata niya na pag-aralan pa nang husto ang anyo ng lalaking katabi niya ngayon. Dahan-dahan siyang kumilos at tumagilid at iniangat ang kanyang kamay nang hindi na siya nakapagpigil para haplusin ang mukha ni Alex na tila walang pinoproblema. Mayamaya pa ay dinampian niya ng isang napakagaan at masuyong halik ang tungki ng ilong nito.

Sorry. Hanggang doon lang ang magagawa ko. Ayoko naming masabihan mo akong nagte-take advantage kapag ninakawan kita ng halik sa mga labi... kahit na gustung-gusto kong gawin iyon, pilyang saisip niya. She giggled at the last phrase. And with that, she sighed.

Nanigas siya nang umungol ito at hinigpitan pa ang pagkakayapos sa kanya. Hindi niya napigilan ang mapalunok nang isiksik nito ang mukha sa leeg niya kaya damang-dama niya ang mainit na hininga nito na tumatama roon. Mayamaya ay natahimik ito. It took seconds before she let go of the breath she was holding.

Muli niyang binalingan ang katabing lalaki na parang unan yata ang pagkakaakala sa kanya at ganoon na lang ang higpit ng yakap nito sa kanya. But even though she felt she couldn't breathe properly because of that, she smiled. Napakagaan kasi sa pakiramdam niya na maramdaman ang yakap ni Alex. She felt secured and comfortable. It was like she could trust him with anything.

"Minsan lang naman mangyari ito, eh. Kaya okay lang kahit hindi mo na ako pakawalan, lalo na kung iyon lang ang paraan para manatili tayong ganito," anas niya habang pinapakiramdaman ang paghinga nito. Ano kaya ang mangyayari kung hindi ako nagdesisyong umalis agad ng mga panahong iyon?

Sa pagtataka niya ay walang sumasagi na kahit ano sa isipan niya matapos ang tanong na iyon. Hanggang sa muli siyang igupo ng antok ay hindi siya nakaisip ng kahit anong posibleng maging sagot roon.

xxxxxx

NANGINGINIG ang mga kamay ni Rianne habang papalapit siya sa basketball court sa likod ng gym ng Oceanside Rose University at hawak-hawak ang isang regalo. Graduation ball nila iyon at naisip niya na bilang pasasalamat sa pagiging mabuting kaklase at kaibigan ni Alex sa kanya sa nakalipas na tatlong taon ay bibigyan niya ito ng regalo. Siya lang ang nakakaalam kung ano ang laman niyon. Maging si Relaina ay hindi niya pinagsabihan ng tungkol doon. Kasabay ng regalong iyon ay napagdesisyunan na rin niyang ipagtapat dito ang nararamdaman niya bago pa man mahuli ang lahat. Isang personalized pendant ang nais niyang ibigay rito. Personalized in a sense that her feelings were literally etched on it.

Isang pagkalalim-lalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya nang makalapit na siya sa destinasyon niya. Napapangiti pa siya habang ini-imagine ang magiging reaksyon ni Alex sa oras na tanggapin nito ang regalo mula sa kanya. Pero agad ring napawi iyon nang makadama siya ng pag-aalala kung ano ba ang posibleng maging reaksiyon nito sa pagtatapat niya ng damdaming kinimkim niya sa loob ng halos dalawang taon. Hindi man niya gusto ay naiisip niya na posibleng layuan siya nito dahil doon.

Pero heto na siya! Nakapagdesisyon na siya na gagawin niya iyon at tatanggapin niya ang magiging reaksiyon at sagot nito kahit ano pa iyon. Matindi ang pagkabog ng dibdib niya pero pilit na pinakalma niya ang sarili. So this was it! It was now or never.

Ngunit bago pa man siya makalapit sa taong pakay niya ay tila itinulos siya sa kinatatayuan niya dahil sa nasaksihan. May kahalikang babae si Alex! And it wasn't just a simple kiss. It was a torrid one that would surely take her breath away if ever she experienced it.

Pakiramdam niya ay tuluyang namanhid ang katawan niya dahil roon. Hindi na niya alam kung ano ang nangyayari sa paligid niya; maging ang panginginig niya'y huminto. Ilang beses niyang isinisigaw sa utak niya na hindi totoo iyon; na bahagi lamang iyon ng isang imahinasyon. Pero tila tumimo na sa isip niya ang eksenang iyon at hindi na niya magawang ialis iyon doon. Walang katulad na sakit ang ngayo'y naghuhumiyaw sa kanyang dibdib at tila tinutupok ang kanyang buong pagkatao.

Hindi na niya namalayang naibagsak na niya sa lupa ang regalong hawak niya. Habang ang mga luha naman niya ay walang patid sa pagtulo hanggang magawa na niyang ihakbang ang kanyang mga paa paalis sa lugar na iyon. Nagtungo siya sa comfort room at nang masiguro na wala nang tao roon ay saka siya pumasok sa isang cubicle sa dulo at umiyak nang umiyak. Kagat niya ang ibabang labi at tinakpan niya ng dalawang kamay ang bibig habang humahagulgol. Hindi niya gustong may makarinig sa kanya roon.

Noon ay hindi siya naniniwala na masakit magmahal. Mahirap, oo. Kumplikado, sigurado siya roon. Disappointing, puwede na rin. Masakit? Ngayon ay labis-labis na niyang pinaniniwalaan iyon. At hindi siya sigurado kung mapapawi pa nga ba sa puso niya ang sakit na iyon. Huli na ang lahat.

Huli na dahil nagmahal na siya.

Hindi nga lang niya inakala na masakit palang mahalin ang isang tulad ni Jerique Alexander Olivarez. Wala naman kasing nagbigay ng babala sa kanya.

Unrequited love was surely the sweetest hell on earth. Now she knew the reason why...

xxxxxx

"WAKE UP, Lin! You're dreaming."

Kagyat na nagmulat ng mga mata si Rianne nang maramdaman niyang may tumapik sa pisngi niya. Agad na sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Alex na nakaupo sa gilid ng kama at nakadukwang sa kanya kaya ilang pulgada na lang ang layo ng mga mukha nila. Humihingal pa rin siya habang nakatitig sa mukha nito. Nakaramdam na naman siya ng pagbilis ng pintig ng kanyang puso dahil doon. Sigurado naman kasi siya na hindi lang dahil sa panaginip niya kung bakit mabilis ang tibok ng kanyang puso.

Yes, a dream. She had dreamt of that painful past she swore she would eternally forget. Ang nakaraang iyon ang dahilan kung bakit sinikap niyang ibaling sa ibang lalaki ang pag-ibig na naramdaman niya noon para kay Alex. Pero bakit ngayon ay binabalikan siya ng alaalang iyon? Sariwa pa rin pala sa puso niya hanggang ngayon ang lahat ng sakit at pait na naramdaman niya nang mga panahong iyon. Para bang kahapon lamang nangyari ang lahat.

"Okay ka lang, Lin?" nag-aalalang tanong nito habang sapo ng isang kamay nito ang kaliwang pisngi niya at hinahagod naman ng isa ang buhok niya. "You were dreaming..."

"A-Alex..." disoriented na usal niya. Noon lang niya tuluyang napagtanto na nasa realidad na siya.

Narito si Alex ngayon sa tabi niya. Hindi na panaginip iyon; ang mga haplos nito ang nagpapatunay niyon. Walong taon na ang lumipas at hindi na siya high school student. She was an adult now. And so was Alex. Pero bakit damang-dama pa rin niya ang walang kapantay na sakit na nadama niya noon? Alaala na lamang ang lahat at maraming taon na ang lumipas mula nang una niyang maramdaman iyon

"You're crying..." anas nito at napapitlag siya nang maramdaman niya ang masuyong pagpahid nito sa mga luhang hindi niya alam na namalisbis sa kanyang pisngi. "Ano ba'ng napanaginipan mo at ganyan na lang kung makaiyak ka? Was it really bad?"

Yeah, really bad. Because that dream was the past that tore my heart to pieces and you weren't even there to glue it back together, gusto sana niyang sabihin rito pero tila naumid ang dila niya sa nakitang concern at pag-aalala sa mukha nito. Namalayan na lamang niya ang sariling bumangon sa pagkakahiga at walang sabi-sabing niyakap niya si Alex. Isiniksik niya ang kanyang mukha sa leeg nito habang tumutulo na naman ang kanyang mga luha. Napahikbi na rin siya nang hindi niya mapigilan ang kanyang damdamin.

"Hey... what's wrong? Are you alright?" Bagaman nag-aalala ay naramdaman niyang tinugon nito ang yakap niya.

"Don't leave me, please. Just stay with me..." pabulong na pagsamo niya. Mahigpit na yakap lang ang naging tugon nito.

No comments:

Post a Comment