Saturday, May 9, 2015

When It Rains, It Pours...

…pero sobra naman ‘to. Kailangan talagang sobra-sobra ang buhos nito sa amin? Ilang buwan na kaming talagang pinapahirapan ng mga ito, eh. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Kahit magreklamo naman ako, wala naman akong magawa. Wala namang mangyayari, eh. Kumilos ka man, parang walang effect.

Bayad sa internet, sa bahay, sa ilaw at tubig… Normal case scenario na siguro ito sa amin since the day na talagang alam kong inuunti-unti na kaming iniiwan ng Papa ko sa ere. Iniiwan na rin niya sa amin lahat ng problemang binuo niya dahil sa pagiging hardheaded niya. Kaya ang resulta, hindi na ako makakapunta sa PHR workshop dahil kailangan nila ang perang meron sa akin na dapat sana ay gagamitin ko para sa registration fee at pamasahe ko papuntang QC. And then ito pa, ang MS ko. Returned ang resulta. Nakakawalang-gana. Parang hindi mo na talaga makita ang sarili mo na tinatahak ang gusto mo kasi nakakawala ng confidence ang lahat ng mga problemang dumarating.

Kaya kung minsan, hindi ko maiwasang kuwestiyunin kung ano pa ba ang use ng mga pinaggagagawa kong ito. Nakakainis!

Thursday, May 7, 2015

Paano Kita Mamahalin?

Minsan ako'y nagtanong
Kahit hindi masagot
'Pagkat ang puso'y lito
At hindi sigurado

Paano ba magmahal
Kung ika'y nahihiya?
Pa'no ba ipakita
Tunay na nadarama?

Takot ang nagkukubli
Kaya hindi masabi
At takot na iwaksi
Pag-ibig sa 'sang tabi

Pa'no ka mamahalin
Kung lumayo kang pilit?
Tunay ba ang pag-ibig
Na alay mo sa akin?

Wednesday, May 6, 2015

Sa Pagsapit Ng Gabi

Sa paglubog ng araw
Ako'y nagpapaalam
Sapagkat isang araw
Ang nagdaan na naman

Sa pagsapit ng dilim
Nakita ang bituin
Lahat ay nagniningning
At ako'y napatingin

Ngunit hindi ang buwan
Ang nais masilayan
Sapagkat sa isipan
Laman ay alaala

Mga panaginip ko
Ikaw ang laman nito
Alaala'y narito
Bahagi ng puso ko

Tuesday, May 5, 2015

Manatili Ka Lang

Nang ika'y makilala
Nabuhay ang pag-asa
Pag-ibig ay nadama
Takot lang ipakita

Ngunit ako'y binigyan
Isang damdaming tunay
Tapat na nasilayan
Pag-ibig na hinintay

Subalit ang pangamba
Pa'no kung lumisan ka?
Makakaya ko nga ba
Kung ika'y mawala na

Kaya ako'y nagdasal
Upang Kanyang pakinggan
Ang aking kahilingan
Manatili ka lamang

Monday, May 4, 2015

Sa Pagpatak Ng Ulan

Ako ay napatingin
Sa bituing maningning
Nadama ko ang hangin
Na umihip sa akin

Pumapatak ang ulan
Luha ko'y sumasabay
Ako ay namaalam
At lumbay ay hinagkan

Ako ay nagdurusa
At aking naalala
Pag-ibig na sininta
Ngayon ay naglaho na

Ang ula'y pumapatak
Nakadama ng habag
Hindi nga ba mapalad
Puso kong laging salat?

Sunday, May 3, 2015

Sa Araw Ng Puso

Hindi ko iniisip
Ni hindi ko masambit
Sumalit sumisingit
Maging sa panaginip

Sa araw na magdaan
Ika'y nasisilayan
Ngunit 'di malapitan
Pangamba'y nangunguna

Pilit ko mang ikubli
Sa pusong nangingimi
'Di ko maililihim
Kahit na ano'ng gawin

At sa araw ng puso
Sana ay malaman mo
Hiling ko lang sa iyo
Sana'y maramdaman mo

Saturday, May 2, 2015

Ang Alay Sa Tadhana

Nagsimula ang araw
Na humiling sa Kanya
Nagdasal na makita
Ang s'yang itinadhana

Ang ibon ay umawit
Ang bitui'y nagningning
Umigting ang damdamin
Ano'ng ibig sabihin?

Nakita ko na siya
Ang s'yang itinadhana
Subalit may pangamba
Puso ko ay may kaba

Kung s'ya ang tadhana ko
Sana nga'y malaman ko
Ito'y isinulat ko
At aking alay sa iyo