Sunday, June 21, 2015

My Starlight Song - Chapter 1

HINDI PA rin tumitinag sa kinauupuan niya si Olivia Marie—o mas kilala sa palayaw na Livie—habang nag-e-encode sa computer ng mga news articles na katatapos lang niyang i-edit. Naroon siya sa base ng Encounters, ang official school publication ng Greenfield College. Siya kasi ang News Editor ng naturang publication at abala siya sa pag-e-edit ng mga articles na ilalagay sa ikalawang issue niyon para sa buong semester.

Tatlong issue kada semester ang inilalabas nila. Iba pa roon ang news letters, magazines, at literary folio. Bukod sa pagiging News Editor, isa rin siya sa mga Features Writer. Mas gusto kasi niya ang magsulat ng features articles kaysa sa news articles dahil mas rigid at limitado ang impormasyong inilalagay sa huli. Well, between writing news feature and feature, she'd choose the latter. She usually found joy and fulfillment in writing long articles, especially if the topic was really interesting.

Mahigit tatlong oras na siyang nakaharap sa computer at sa totoo lang ay sumasakit na ang mga mata niya. Pero hindi siya huminto. Kailangan niyang matapos ang pag-e-encode dahil tatapusin pa niya ang written report ng project nila ng ka-partner niya. Ang gagawin lang naman niya ay iinspeksiyunin ang revision na ginawa niya ng nakaraang gabi. Kung may kulang pa rin na hindi niya kaagad napansin ay si TJ na ang bahala roon.

Kaibigan at kaklase niya ang varsity player na si Terence Jay Ramos o TJ mula pa noong first year college. By chance lang na maituturing na naging kaklase niya ito noong unang taon. Ginusto naman nilang maging magka-blockmate nang sumunod na mga taon dahil nga naging magkasundo sila. Idagdag pa na magkaibigan ang mga tatay nila na noong first year college rin lang nila nalaman kaya hindi naging mahirap para sa kanila ng binata na maging magkaibigan.

Graduating na siya sa kursong BS Information Technology. Iyon ang kursong ginusto niyang kunin dahil iyon ang kurso ng Kuya Riley niya. Unfortunately, her brother died in a car accident bago pa man ito maka-graduate.

Her brother was a candidate for magna cum laude. Hindi iyon mahirap para rito dahil isa ito sa mga matatalinong taong nakilala niya. Consistent dean's lister ito at member din ito ng student council. But because of the accident, he never had a chance to finish his studies. Sa burol ng kapatid niya, ipinangako niya na siya ang tatapos sa nasimulan na nito. Hindi naman siya nabigo. Isa siya sa tatlong kandidato para magna cum laude. It was a little hard to reach for it pero masaya pa rin siya. Hindi naman kasi niya masasabing wala siyang sariling pangarap kaya niya kinuha ang kursong IT. In fact, she loved it. May utak naman siya—at halata iyon sa mga nagawa na niya sa buong apat na taon. At proud siya sa naabot niya hindi pa man siya tuluyang nakaka-graduate.

"O, Livie! Hindi ka pa ba pupunta sa gym? Ngayon ang open tournament nina TJ, 'di ba?" tanong ni Erika, isa sa mga kasamahan niya sa Journalism Club. Ito ang Literary Editor nila.

Sukat doon ay napatingin siya sa wall clock na nakasabit sa itaas ng pinto. She grunted when she saw the time. Eleven twenty-five. Eleven thirty and umpisa ng game nina TJ.

"Shit! Nawala sa utak ko!" bulalas niya at nagmamadaling s-in-ave sa flash drive ang ginagawa. "Erika, ikaw na muna ang bahala sa mga articles. Kung puwede sana, pakiayos na lang ang mga iyon sa drawer ko."

"Don't worry. Dito lang naman ako buong maghapon."

"Wala kang klase?"

Umiling ito. "May seminar na pinuntahan ang tatlo sa mga professors ko kaya tatlong oras din akong bakante ngayon. Natapos ko na rin ang mga activities na iniwan nila sa amin. Okay na rin iyon dahil hindi pa ako tapos sa pag-e-edit ng mga literary pieces na ilalagay natin sa second issue at sa literary folio. Kaya mahaba-haba ang oras ko na gawin iyon."

"Hindi ka manood ng game?"

Muli itong umiling at ngumiti nang malungkot na ipinagtaka niya. "Whether I watch the game or not, hindi naman kawalan sa team iyon. Balitaan mo na lang ako."

"Okay," tanging sagot niya. Noon pa niya napapansin na kahit kailan yata ay hindi niya nakitang nanood ito ng basketball game. But she knew it wasn't about Erika's lack of interest on the said game. There was something deeper. Pero hindi na lang niya inalam iyon. "I'll leave the base to you." Iyon lang at umalis na siya.

= = = = = =

LUMAKAS ANG hiyawan ng mga nanonood matapos magpakitang gilas ng isang three point shot ang number fourteen ng GC Warriors na si Terence Jay Ramos. Despite the four seconds remaining time before the end of the game, nagawa pa rin nito iyon. Nangangahulugan din ang hiyawang iyon ng katuwaan dahil sa pagkapanalo ng Warriors sa kalabang university matapos ang laro. Ginanap iyon sa gym ng Greenfield College. Agad na nagtungo sa court ang karamihan sa mga audience upang makisaya sa pagkapanalo ng koponan.

Nakaupo lang sa bleachers si Livie habang pinapanood ang team na nagsasaya. Napangiti siya nang makitang sumesenyas sa kanya si TJ na magpunta sa court. Tumalima siya. Subalit ikinagulat niya ang ginawa nito eksaktong pagtapak ng mga paa niya sa court. Niyakap niya nito nang mahigpit. Aminado siya na kahit pawisan na ito ay mabango pa rin ito. Kaya kahit yakapin pa siya nito buong maghapon na pawisan ito ay okay lang sa kanya. Iyon ang isa sa mga nagustuhan niya rito.

Wait! Nagustuhan! What the heck?

Agad siyang pinakawalan nito matapos yakapin. Malapad ang ngiti nito habang hawak-hawak ang balikat niya.

"Paano ba 'yan? Eh 'di manlilibre ka na mamaya?" nakangising tanong niya rito.

Nanghaba ang nguso nito sa narinig na ikinatawa niya. Ang totoo niyan ay may deal sila. Kapag nanalo ang team, ito ang manlilibre ng lunch niya sa buong dalawang linggo. Siya naman ang manlilibre kapag natalo ang koponan.

"Grabe naman 'to. Hindi ko pa nga nakukuha ang allowance ko kay Papa, libre na agad ang inuungot mo sa akin. Iyon lang yata ang habol mo kaya ka nanood ng game ngayon, eh," kunwari'y may tampong sabi nito.

Napailing na lang siya. "Ito naman, hindi ka na mabiro. Nandito ako para suportahan ka, okay? At saka next week pa naman magte-take effect ang deal natin, eh. Mahaba pa ang panahon mo para paghandaan iyon. At isa pa—" Kinuha niya ang isang manipis na soft-bound book sa kanyang bag at iniabot iyon dito. "Pumunta ako dito para ibigay sa iyo 'yan. Pakitingnan na lang kung may kulang pa nang mai-check ko at nang maiayos pa natin bago ipasa kay Ma'am Cedo next week."

Halatang nagulat ito nang iabot niya iyon dito. Kinuha nito iyon sa kanya. "Natapos mo na?" Tumango siya. Napakamot na lang si TJ ng ulo at tila nahihiyang tiningnan siya. "Pasensiya ka na. Hindi na kita natutulungan dito sa project natin. Alam mo na, practice na walang katapusan."

"Sus! Mas malaki pa nga ang naitulong mo para matapos 'yan, 'no? Lalo na sa description of procedure. Alam mo namang mas knowledgeable ka pa kaysa sa akin pagdating sa assembly at disassembly ng mga components na kinailangan natin para matapos 'yan. Wala kang dapat na ihingi ng pasensiya. Bumawi lang naman ako sa paggawa ng written report. Pareho lang nating ginawa ang mga trabaho natin para sa project na iyan."

Muli ay bigla siyang niyakap nito at nag-thank you sa tapat ng tainga niya. Sa hindi matukoy na dahilan ay nagrigodon ang dibdib niya. Bago iyon sa kanya, lalo pa't si TJ ang nakayakap sa kanya ng mga sandaling iyon. Hindi niya talaga inaasahan iyon. Recently ay nagiging ganoon ang reaksiyon ng puso niya kahit lumalapit pa lang ito sa kanya.

My gosh! Bakit naman parang restless ang puso ko dahil lang yakap ako ni best friend? Bakit tumitibok nang ganito ang puso ko? Dati naman akong niyayakap ng ganito ni TJ, ah. Pero wala namang ganitong klaseng epekto iyon sa akin noon. Kaya bakit ganito ang puso ko ngayon sa simpleng yakap niya sa akin?

Nangunot ang noo niya nang mapunang ilang beses niyang ginamit ang salitang "ganito" sa iniisip niya. Lihim na lang siyang napailing nang maisip iyon.

Naku naman! Pati ba naman iyon, napapansin ko?

Pinakawalan lang siya ni TJ nang marinig nila ang pagtawag dito ng coach ng team. Gayunman ay hindi na niya nagawang pahintuin sa kapapasag ang puso niya.

= = = = = =

NAGDESISYON SI Livie na umuwi na lang matapos ipatawag si TJ para sa victory party ng Warriors. Subalit nag-insist si TJ na ihatid muna siya pauwi bago ito pumunta sa party at hindi na siya tumanggi. Lagi naman itong insisting lalo na kapag talagang ginusto nito at sanay na siya.

"Sigurado ka ba na ayaw mong sumama sa victory party?" tanong ni TJ sa kanya nang makarating na sila sa tapat ng bahay niya.

Napatirik na lang siya ng mga mata niya. "Alam mo, hindi ko alam kung ilang beses kang inire at saksakan ka ng kulit. Ayoko, okay? Hindi naman siguro mahirap intindihin iyon, 'no?"

"Ito naman. Masama bang magtanong?"

"Pang-ilang beses mo na kayang itinanong iyan sa akin, ha? Ang mabuti pa, pumunta ka na. Baka magalit pa si Carlo sa iyo kapag hindi dumating sa party ang playmaker niya." Pagkatapos niyon ay umibis na siya mula sa kotse. Nang maisara na niya ang pinto ng koste ay kinawayan niya ito. "Pasalubong ko, ha? Huwag mo akong kalilimutang uwian."

Tumawa ito. "Iyon ay kung may maiuuwi pa ako. Alam mo namang hindi na kain ang ginagawa ng mga iyon, eh. Lamon na ang ginagawa nila."

Maging siya ay natawa na rin. "Pasalamat na lang pala ako at hindi ka ganoon."

Napailing na lang ito at nagpaalam na sa kanya bago nito pinaandar ang kotse. Inilabas pa nito ang kamay sa bintana at kinawayan pa siya. Ginantihan din niya ito ng kaway. Alam niyang nakita nito iyon sa side mirror ng kotse nito. Napabuntong-hininga na lang siya nang mawala na sa paningin niya ang sasakyan nito.

Pagpasok niya sa bahay ay naabutan niyang naglalaro ng chess ang papa niyang si Conrad Garcia at ang kapatid nito, ang tito niyang si Ricardo.

Namatay sa sakit na leukemia ang mama niya noong Grade 6 siya. Third year high school naman siya nang mamatay sa aksidente ang Kuya Riley niya. Kaya sa buong durasyon ng buhay kolehiyo niya, ang papa niya ang nag-alaga sa kanya. Ito ang namamahala sa flower farm na iniwan sa kanila ng mama niya bukod pa sa pamamahala nito sa supermarket na minana pa nito sa lolo nito. Katulong nito sa pamamahala sa supermarket si Tito Ricardo. Sa kabila ng pagiging abala nito sa trabaho, hindi ito nagkulang sa kanya bilang isang magulang. Hindi naman masasabing spoiled siya rito kahit pa kaya nitong tugunan ang luho niya. But there was no day that she never felt her father's love. Dama niya sa klase ng pagmamahal nito ang takot nitong mawalan ng minamahal.

"Kumusta ang laro nina TJ?" bungad ng papa niya.

"Okay naman, Pa. Nanalo na naman sila kaya siguradong todo-todo na naman ang celebration ng team. Sige, Pa. Papasok muna ako sa kuwarto ko at may tatapusin pa po ako."

Tango lang ang itinugon nito dahil tila nakatuon pa rin ang atensiyon niyo sa nilalaro. Napailing na lang siya. Hilig kasi ng papa niya ang paglalaro ng chess at wala pang nakakatalo rito lalo na kung walang sisira sa mood nito na maglaro. Katulad din ito ni TJ kapag basketball ang usapan. Basta walang sisira sa mood nito ay wala itong sasantuhin pagdating sa laro. Ang importante ay patas ang laro.

Wala sa sariling napangiti siya nang sumagi sa isip niya ang best friend niyang iyon. Mukha yatang nag-uumpisa nang lumuwag ang turnilyo sa utak niya. How could she smile like that just thinking of TJ? At mukhang hindi lang pagngiti ang nagagawa ng pag-iisip niya rito. Her heart was reacting differently, too. Ano ba'ng nangyayari sa kanya?

Hinayaan na lang niya ang papa't tito niya na ipagpatuloy ang paglalaro at nagtungo na lamang siya sa kanyang silid.

No comments:

Post a Comment