"PERO, TJ, seryoso ka ba? Hindi mo pa rin nililigawan si Livie?" tanong ni Mark sa kanya habang abala ito sa pagnguya ng barbeque na hawak nito.
"At bakit ko naman siya liligawan? Wala naman akong dahilan. Isa pa, siguradong basted na ako kaagad doon bago pa man ako makaisang hakbang kung sakali mang ligawan ko nga siya," kunot-noong aniya at iiling-iling na tinungga ang orange juice niya.
Ano ba ang pumasok sa isip ng mga ito at tila hindi pa yata mapaniwalaan ng mga ito na hindi pa niya nililigawan si Livie? Ibinubugaw ba siya ng mga ito sa girl best friend niya? What for?
"TJ, huwag ka ngang magkaila. Halata naman sa amin na gusto mo si Livie, eh," seryosong sabi ni Aljon na ikinagulat niya. Seryoso rin ang mukha nito na nagpakaba sa kanya. "Hindi ka namin ibinubugaw kay Livie kaya ka namin tinatanong tungkol doon. Ang totoo niyan, matagal na naming napapansin na iba ang tinging ibinibigay mo sa kanya kumpara sa ibang babaeng nagdaan sa buhay mo—na talagang mabibilang mo sa daliri kung ilan sila."
"Bakit, Aljon? Paano ba niya tingnan si Livie?" tila nang-aasar na tanong ni Aries na hindi na lang niya pinansin.
Paano nga ba niya tingnan si Livie na hindi niya yata namamalayan?
"Ano pa? Eh 'di puno ng paghanga, pagmamahal at may halong malisya. Huwag n'yong sabihin sa aking hindi n'yo napapansin iyon? Uupakan ko kayong pareho," sagot nito na tiningnan ang nakangising sina Mark at Aries.
Ganoon ba niya tingnan si Livie? Oo, aminado siyang may gusto na siya sa best friend niya noong first year college pa lang. But he thought he had done a pretty good job in hiding it dahil hindi niya gustong masira ang pagkakaibigan nila ng dalaga. Hindi nga napapansin ni Livie ang pagiging possessive niya kapag sigurado siyang may nagtatangkang manligaw dito. Ni hindi nga niya pinasubalian ang akala ng marami na magkasintahan sila ni Livie dahil gusto niya ang ideyang pag-aari niya ito. Kahit walang kaalam-alam si Livie tungkol doon.
"Uy! Ang dami nang napapansin ni Pareng Aljon, ah. Bakit, ganoon mo rin ba tingnan si Faye?"
Ang "Faye" na tinutukoy ni Mark ay ang kasamahan ni Livie sa Encounters at ang apple of the eyes ni Aljon na tanging silang apat lang ang nakakaalam.
Sa halip na tuwa ay hindi maipaliwanag na lungkot ang nakita niyang dumaan sa mga mata nito. "Kahit naman siguro ganoon ang tinging ibibigay ko sa kanya, hindi pa rin niya makikita iyon. Kay Kuya Dylan lang naman nakalaan ang atensiyon n'on, eh."
Kapag ganoon na ang sinasabi ni Aljon, ibig sabihin ay ayaw nitong pag-usapan ang tungkol doon na nirerespeto nila. Kung tutuusin, masasabi pang suwerte siya kumpara kay Aljon. Dahil siya, nagagawa niyang lapitan at kausapin si Livie nang kaswal at walang pag-aalinlangan. Samantalang si Aljon, walang ganoong klaseng freedom kahit pa itinalaga na nito sa sarili na si Faye ang gusto nitong maging bride—gaya ng graduation resolution nila.
"O, siya! Balik tayo sa usapan natin kanina. Saka na natin problemahin ang problema ni Aljon kapag nagkalakas-loob na ang kaibigan nating ligawan si Faye kahit pa ang kuya niya ang karibal niya."
Napailing na lang siya sa pabirong pagbasag ni Aries sa katahimikan nila ni Aljon. Hindi mahahalata ninuman na may babae itong kasalukuyang pinoproblema. Hindi nga lang siya sigurado kung sino iyon dahil tikom ang bibig nito. Masyado itong malihim kapag love life na nito ang usapan, hindi kagaya ng mga love life nila nina Aljon at Mark—kahit sabihin pang non-existent na maituturing ang love life niya at ni Aljon.
"Isang tanong, isang sagot, Pareng TJ. Si Livie na ba ang babaeng gusto mong tumupad sa graduation resolution mo?" tanong ni Aries sa tonong tila isang kasalanan dito kapag nagbiro siya o inilihis niya ang usapan.
Pabuntong-hiningang tumango siya bilang sagot. Wala nang saysay pa kung pasusubalian niya ang katotohanang gusto niya si Livie. Katotohanang hindi na pala lihim sa mga ito.
"Gusto mong tulungan ka naming mapasagot siya?" tanong ni Mark.
Marahas na napatingin siya sa mga ito. "Iyan ang huwag na huwag n'yong gagawin. Diskarte ko ito kaya ako ang gagawa ng paraan para maging girlfriend ko siya. Na hopefully ay maging asawa ko na rin eventually."
"Pero TJ, dalawang taon ka nang nagpapalipad-hangin sa kanya."
"Mahigit tatlong taon na," pagtatama niya.
Nagkatinginan ang tatlo sa sinabi niya.
"You mean, first year college pa lang tayo, may gusto ka na kay Livie? All the while, we thought noong second year mo siya simulang nagustuhan."
"Ewan ko ba. Parang love at first sight yata ang nangyari sa akin, Mark. Mahirap paniwalaan pero iyon ang totoo," tila nahihiyang pag-amin niya. Napakamot pa siya ng likod ng ulo niya dahil hindi siya sanay ipangalandakan sa mga ito ang totoong nararamdaman niya sa babaeng nagugustuhan niya.
"Which makes it all the more reason para kumilos ka na. You know what? Let's make a bet," deklara ni Aries.
"A bet?" ulit niya. Nang mag-sink in sa utak niya ang sinabi nito, tigas ang pag-iling niya. "I don't think that's a good idea, Aries."
"Kung mapasagot mo si Livie before or on the day of our game sa kalaban nating university, ireregalo ko sa iyo ang resthouse ko sa Batangas," anito na tila hindi pinansin ang babala at pag-ayaw niya.
Siyempre pa, ikinagulat niya iyon. Maging sina Mark at Aljon ay nagulat din. Hindi lingid sa mga ito kung gaano kahalaga sa kanya ang resthouse na binanggit ni Aries since it was the former resthouse of the Ramos family na ipinagbili ng kanyang ama noong mga panahong muntikan nang malugi ang kompanya nila.
Pero hindi pa rin ganoon kadali ang lahat. There was no way he'd allow Aries to do that. "Pare, huwag kang magbiro ng ganyan. There's no way I'd let you do that. Paano kung magalit sa iyo si Tito William?"
"Alam ni Dad na darating ang panahon na ibabalik ko sa iyo—sa tunay na nagmamay-ari—ang resthouse na iyon. He's right. Isa pa, 'di hamak na mas malaki ang halaga n'on sa iyo kung ikukumpara ko sa pagpapahalaga ko sa resthouse na iyon. If you're worried about me joking, don't be. Dahil seryoso ako. Make Livie yours and you'll have that resthouse back for good..."
= = = = = =
NAALALA ni TJ ang usapan nila ni Aries noong victory party ng Warriors sa bahay ni Carlo. Napabuntong-hininga siya. Aminin man niya o hindi, what Aries said was a really tempting deal. Hindi nga lang siya lubusang makapaniwala.
But in the end, he chose to believe it especially when he saw his friend's grave expression.
Along with it, he also chose to accept the bet. Kunsabagay, mag-aapat na taon na rin naman siyang nananatiling tahimik sa tunay niyang nararamdaman para kay Livie. That bet only provided him the hard push para kumilos.
Kaya lang, para yatang gustong sagarin ni Aries ang pasensiya niya. Grabe, ang lakas mang-asar!
Sa totoo lang, gusto na niyang iuntog ang ulo niya sa pader dahil sa inis niya sa sarili at sa hindi pagkapaniwala sa mga nangyayari. Kulang na lang ay gusto na niyang mag-alburoto at sugurin si Aries dahil sa paglapit nito kay Livie. Hindi siya sigurado pero may palagay siyang gumagawa na ng paraan si Aries para mapabilis ang pagkilos niya sa panliligaw kay Livie.
Iyon ay kahit batid niyang may problema rin itong pampuso na tiyak niyang mas malala pa sa problema niya—to be specific, ang katorpehan niya pagdating sa best friend niya. Mautak talaga ang lalaking iyon kahit na kailan.
Hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan nina Aries at Livie nang maabutan niya ang mga ito sa labas ng gym. Wala naman siyang planong makialam. Kaya lang naman siya biglang nag-alburoto ay dahil sa nakita niyang pagngingitian nina Aries at Livie, then serious conversation on the next. Bago pa niya mapigilan ang sarili ay ipinaalam na niya sa mga ito ang presensiya niya.
Hindi na niya alam kung tama pa ba ang mga salitang lumabas sa bibig niya. Pero sa halip na matakot si Aries ay iiling-iling lang ito habang pagtataka naman ang nabanaag niya sa mukha ni Livie. Lalong nagdilim ang paningin niya nang lapitan ni Aries si Livie na tila ba hahalikan nito ang huli. Matinding self-control ang kailangan niyang gawin upang huwag sugurin si Aries.
He respected his best friend's decision na huwag ipaalam sa kanya ang pinag-usapan nito at ni Aries. For more than 3 years, alam niyang hindi madaldal si Livie. Magaling itong magtago ng sikreto. Kumbaga ito ang masasabi niyang "vault of secrets" niya. Isang sikreto lang naman ang hindi niya masabi rito.
At hindi pa niya alam kung kailan pa niya masasabi iyon dito. He couldn't tell how long would he keep the fact that he was in love with her and he didn't want them to be just best friends anymore.
= = = = = =
MAAGANG nagising si Livie nang araw na iyon kahit na ala-una na ng madaling araw siya nakatulog dahil sa mga articles na ini-edit niya. Ang araw na iyon ang usapan nila ni TJ para sa interview niya rito. At kailangan na niyang ayusin ang questionnaire na gagamitin niya sa interview.
Agad na kinuha niya ang papel kung saan nakasulat ang mga importanteng tanong na ibinigay sa kanya ng adviser niya. Habang hinahanap niya ang naturang papel ay nakuha ng isang nakatuping asul na papel ang atensiyon niya.
Noon lang niya naalala na may ibinigay ng pala si Faye na papel sa kanya bago siya iniwan nito nang nagdaang araw sa gym. At dahil curious siya sa kung ano ba ang nakasulat roon ay kinuha niya iyon. Isa pa, naalala niya ang huling sinabi nito bago ito umalis.
"Para sa iyo iyan." Iyon ang sinabi ni Faye sa kanya.
"Ano na naman kayang ka-drama-han ang pinagsususulat ng babaeng iyon? At ibinigay pa talaga sa akin, ha?" Kunot-noong binuksan niya iyon at binasa.
Isang tula ang sinulat ni Faye doon. Palagay niya ay isinulat nito iyon habang pinagmamasdan siya nito noong naroon pa siya sa gym. At hindi niya naiwasang mapangiti sa inilagay nitong pamagat ng tula.
Ikaw Na Nga Kaya? Iyon ang nakasulat na pamagat doon. Sa totoo lang, habang binabasa niya ang tula ay nararamdaman niyang para nga sa kanya iyon. Paano nga kaya nito nalaman ang tungkol sa unti-unting pagbabago ng feelings niya para sa TJ? Masyado na ba siyang transparent at ganoon kadali para rito na malaman na may nagbabago sa kanya?
Napabuntong-hininga siya matapos basahin ang tula. Kung ikukumpara ang nabasa niya sa tula sa sitwasyon niya, parang ang taong tinutukoy ng tula ay siguradong mahal na nito ang kaibigang pinaglaanan nito ng nararamdaman nito. Samantalang siya ay nag-aalangan pa rin hanggang sa mga sandaling iyon.
But she knew she was already on the verge of crossing the boundary dahil sa mga nangyayaring pagbabago sa kanya sa tuwing kasama niya si TJ nitong mga nakaraang araw. At lalo pa niyang nasiguro iyon nang mapanaginipan niyang hinahalikan daw siya ni TJ habang pinapanood nila ang sunset sa dalampasigan. Kinailangan pa niyang maligo sa malamig na tubig para lang magising siya mahimasmasan mula sa panaginip na iyon.
Napatingin siya sa kanyang alarm clock sa study table. Nakita niyang mag-aalas-sais na pala ng umaga kaya agad na siyang lumabas sa kuwarto upang makapagluto na ng aalmusalin. Patapos na siya sa pagluluto nang dumating sa pagdya-jogging ang kanyang ama. Laking pagtataka niya nang makitang kasama nitong dumating si TJ na halatang kagagaling din lang sa pagdya-jogging.
"Uy, best friend! Napaaga yata ang punta mo rito, ah," nakangiting bungad niya kay TJ. Her heart beat fast again na pilit na lang niyang hindi pinansin. Kailangan na siguro siyang masanay na ganito ang magiging reaksiyon ng puso niya sa tuwing nakikita niya ang lalaking ito.
"Siyempre! Excited na ako sa interview, eh," nakangising sagot nito.
Tinaasan niya ito ng kilay. "Sigurado ka ba na ang interview ang dahilan ng excitement mo o ang libreng almusal?" Pero malakas na halakhak lang ang naging tugon nito. Siya naman ay napailing na lang. "Sinasabi ko na nga ba."
"Kilala mo na nga talaga ako," komento nito bago dumako ang tingin nito sa kusina. "Ano'ng niluto mo para sa almusal?"
Agad na nilapitan niya ang kalan upang patayin iyon at nang hindi ma-overcook ang niluluto niya. "Sopas ang naisipan kung iluto dahil mukhang kakailanganin ni Papa ng mainit na sabaw. He needs something like this to warm him up. Ang lamig kaya ng umaga."
"Talaga? Sigurado akong masarap iyan."
Marahas na napalingon siya sa likuran niya kung saan nagmula ang tinig ni TJ. Kaya lang, iyon naman ang pagkakamali niya. Dahil paglingon niya ay nalaman niyang ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nito sa mukha niya. Mataman din itong nakatingin sa kanya. Para bang pinag-aaralan nito ng mabuti ang bawat anggulo ng mukha niya sa pamamagitan lang ng tingin.
"H-huwag mo nga akong tingnan nang ganyan. N-nakakailang," nagkandabulol na utos niya. Sa totoo lang ay walang tigil sa pagkabog ang buwisit niyang puso. Kung bakit ba naman kasi ganito ang kumag na ito sa kanya ngayon ay hindi niya alam.
"Bakit? Bothered ka?" nakangising tanong nito. "Aminin mo na kasi. Matagal mo nang pansin ang kaguwapuhan ko. Pilit mo lang dine-dedma dahil ayaw mong ma-in love sa akin."
Napaismid siya at saka ito binatukan. "Hindi ka rin saksakan ng hambog, 'no! Kahit na kailan talaga, loko-loko ka. Feeling mo naman, ganoon ka kaguwapo para ma-in love ako sa iyo," depensa niya sa kabila ng pag-iinit ng mukha niya.
"Sus! Nahahalata ang pagiging defensive mo, Livie."
"Ewan ko sa iyo!" Iyon lang at dumiretso siya sa banyo para lang maitago ang pamumula ng mukha niya. Narinig pa niya ang paghalakhak nito habang palayo siya rito.
Sa tanang buhay niya ay noon lang yata siya pinamulahan ng mukha kapag may kasamang lalaki. At sa pagkakaalala niya ay never pa siyang nagba-blush kapag may sinasabing ganoon si TJ sa kanya. As a matter of fact, that was the first time he said something like that bluntly to her face.
Malala na yata ang sitwasyon niya.
And I am so dead because of it...
= = = = = =
NAPANSIN ni Livie na napapadalas yata ang pagdikit-dikit sa kanya ni TJ. At talaga namang hindi siya nito hinahayaang mawala sa paningin nito—maliban na lang kung may club activities silang dalawa. Napapadalas din ang pagbisita nito sa bahay nila nitong nakalipas na mga araw matapos ang eksena sa labas ng gym.
Bagaman ipinagtataka niya kung bakit gusto nitong ginuguwardiyahan ang mga kilos niya sa pamamagitan ng pagdikit-dikit sa kanya. Okay lang sa kanya iyon. Ang kaso, potential rival—o mas tamang sabihing malaking sagabal—siya sa paningin ng mga babaeng nagkakagusto sa best friend niya. Sa tuwing naroon siya sa gym kapag may practice si TJ—sa utos na rin nito sa kanya—at wala rin lang siyang club activities, lantaran ang pagpapa-cute at paglalandi ng mga babaeng iyon sa binata na talaga namang ikinaiinis niya nang gusto.
Hindi niya alam kung bakit pero ganoon talaga ang nararamdaman niya. Oo nga't lapitin talaga ng mga babae si TJ at matagal na niyang tanggap iyon. Kaya nga dapat ay hindi na siya apektado kung lantaran mang ipinapakita ng mga babaeng iyon na hindi siya ang karapat-dapat na kasama ng best friend niya kundi ang isa sa mga ito lamang. Pero bakit ganoon na lang ang inis na nararamdaman niya?
Napabuga na lang siya ng hangin at inilapag sa study table ang hawak na ballpen. Sa sobrang kalituhan ay marahas na kinamot niya ang kanyang ulo. Ilang araw na niyang pinag-iisipan ang sagot sa tanong na iyon. Pero heto, hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin siyang makuhang sagot.
Okay... Ang totoo ay mayroon na. kaya lang, hindi naman niya magawang i-acknowledge iyon bilang sagot niya.
Sukat isipin ba naman niya na in love na siya kay TJ? Imposible iyon!
Ngunit binawi rin lang niya ang sagot na iyon nang muli niyang basahin ang tulang isinulat ni Faye na "para sa kanya". Ang tulang iyon ang nagmulat sa kanya na magiging sinungaling na siya sa tunay niyang nararamdaman dahil sa mga nangyayari.
Bumuntong-hininga na lang siya at tinungo ang kanyang kama. Tiyak na hindi na naman niya magagawang ituloy ang pagsulat sa article na kailangan niyang tapusin kung ganitong pinepeste na naman ng mga alalahanin ang isip niya. Padapa siyang nahiga at isinubsob niya ang mukha sa unan. Habang nasa ganoong posisyon ay pilit niyang inaanalisa ang mga nangyayari sa kanya nitong mga nakalipas na araw.
At tinampal lang naman niya ng ilang ulit ang likod ng ulo niya nang ma-realize na niya sa wakas ang sagot na hinahanap niya.
Mahal ko na nga yata si TJ. At kaya ako naiinis sa pakikipaglapit at pakikipag-flirt ng mga "lintang" iyon sa best friend ko ay dahil... nagseselos ako. Gosh! Nagseselos talaga ako! Pero hindi puwede. He's my best friend. ayokong masira ang friendship namin dahil sa nararamdaman ko, lalo pa't alam kong one-sided lang ito.
Now she felt helpless. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi na niya napigilan ang kinatatakutan niyang mangyari. Tumagilid siya ng higa matapos maisip iyon. Hindi siya makapaniwalang umabot na sa ganitong punto ang akala niya ay pagtinging-kaibigan o pagtinging-kapatid lang para kay TJ. More than three years... Ganoon katagal na niyang kaibigan ito at ni minsan ay hindi sumagi sa isipan niya na darating ang araw na mare-realize niya na posible pala siyang magkagusto rito kahit aminado siyang attracted siya rito.
At sigurado siya na mas magiging komplikado na sa kanya na iwan ito at kalimutan sa oras na maghiwalay na sila ng landas ni TJ kapag dumating ang araw na tapos na ang pagkakaibigan nila. Hindi niya kakayanin ang sakit kung sakali mang umabot sa ganoong punto ang relationship nila. How come she never noticed it at all? It was like she had that feelings for him all along. Hindi niya kaagad napansin.
Iyon marahil ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang pagnanais niyang maging masaya ito at tulungan ito hanggang sa makakaya niya. That desire to do those things for his happiness and the attraction she felt since day one turned into an affection and fondness that slowly intensified as days went by. Now it turned into love—a romantic love. A feeling too deep that it had become a proof that she had crossed the boundary between friendship and love.
Bakit ba kailangan pang umabot sa ganitong punto ang lahat? Bakit dumating pa siya sa puntong mahal na niya ito nang higit pa sa isang kaibigan? They were just supposed to be best friends and nothing else.
Right?
No comments:
Post a Comment