"HINDI ko alam kung ano'ng gusto mong mangyari, Aries. Pero hinding-hindi ko hahayaang makapasok ka pa uli sa buhay ko! Tama na ang mga pahirap sa kalooban na naranasan ko dahil sa iyo. Kaya puwede ba, layuan mo na ako? Iyon na lang ang huling hiling ko sa iyo."
Napahinto sa pagpasok sa loob ng base ng Encounters si Livie dahil sa narinig. Hindi siya maaaring magkamali. Si Erika iyon. At kung tama pa ang pagkakarinig niya, umiiyak ito. Naririnig niya iyon sa kinatatayuan kahit nakapinid ang pinto.
"Erika, please. Huwag mo naman akong ipagtabuyan sa buhay mo. Hindi ko kayang layuan ka kahit ihiling mo pa iyon sa akin," anang isang pamilyar na tinig sa tonong hirap at nagsusumamo. If her guess was right, that voice belonged to Aries Sanchez, ang kaibigan at teammate ni TJ sa varsity team.
Pero bakit ito naroon sa base? Bakit tila ganoon na lang ang pagsusumamo nito kay Erika? Si Aries ba ang dahilan kung bakit kahit kailan ay hindi nanood si Erika ng basketball game at kung bakit lagi itong malungkot kapag nababanggit ang anumang may kinalaman sa Warriors? Posible kayang may nakaraan ang dalawang ito na hindi niya alam? Sa dami ng mga tanong sa kanyang isipan para kina Erika at Aries, hindi na niya alam kung paano hahanapan ng kasagutan ang mga iyon. Hindi nga lang siya puwedeng makialam sa mga ito.
"Bakit ba ayaw mo akong tantanan? Gustung-gusto mo talaga akong nasasaktan at nahihirapan, 'no? Tuwang-tuwa ka siguro na ganoon ang nangyayari sa akin kapag malapit ka lang."
"Bakit ba ayaw mo akong paniwalaan? At bakit ko naman gugustuhing masaktan ka't mahirapan? You know I wouldn't do that."
"Hindi ko alam kung ano pa ang totoo at hindi sa mga sinasabi mo. You made me lose the ability to trust you as a person, much more as a friend two years ago. Kaya huwag ka nang umasa na maibabalik mo pa sa dati ang lahat. Huli ka na para gawin iyon," mariing pahayag ni Erika na nagpatindi ng hinala niya na may nakaraan nga ito at si Aries.
Erika did mention that she and Aries were friends two years ago. Were they close like she and TJ? Ano kaya ang nangyari at tila umabot na sa pagtataboy ni Erika kay Aries ang pagkakaibigan ng mga ito? But she couldn't just barge into their lives and ask them about it.
Bigla ay nakadama siya ng 'di-maipaliwanag na takot dahil sa nasaksihan. Natatakot siya na baka umabot sa sakitan ng kalooban ang friendship nila ni TJ. Though she knew it would eventually come to that, parang hindi yata ganoon kadaling tanggapin iyon para sa kanya. Gusto niya na kung mapuputol man ang pagkakaibigan nila ng best friend niya, mangyayari iyon na walang sinuman sa kanila ang masasaktan ng matindi.
Pero posible nga kaya iyon? Parang wala yata siyang natatandaang sitwasyon—sa totoong buhay man o sa mga nababasa niya—na walang nasaktan nang matindi dahil nagtapos ang isang pagkakaibigan. Maliban na lang kung mangyari ang isang bagay na kinatatakutan niya sa simula't sapul.
Ano ba namang klaseng komplikasyon ito?
NAG-RING na ang first bell bilang hudyat ng pagtatapos ng klase ni Livie. Ngunit bago pa man siya makatayo ay agad siyang tinawag ng professor niya na si Mrs. Cedo. Ito rin ang nagkataong adviser ng Encounters.
"May problema po ba, Ma'am?" tanong niya sa guro.
"I just wanted to congratulate you on a job well done," nakangiting saad nito na ipinagtaka niya. Pero naliwanan din siya kaagad sa mga sumunod na sinabi nito. "Maganda ang pagkakagawa ninyo ni TJ sa report ninyo. You two even managed to finish it ahead of time kahit na next month pa ang official deadline."
Napangiti na lamang siya matapos niyon at napakamot pa ng ulo. "Hindi naman po kaagad matatapos iyan kung hindi knowledgeable si TJ sa mga components na kailangan namin para matapos iyong napili naming project. Tiyak po na matutuwa iyon kapag narinig niya ang sinabi niyong iyan ngayon. Sayang nga lang at wala siya rito." May practice na naman si TJ kaya hindi ito nakapasok sa subject nilang iyon.
"Naiintindihan ko naman iyon, eh. Kaya nga proud ako sa batang iyon dahil nagagawa pa niyang i-maintain ang mga grades niya sa kabila ng hectic na schedule nito sa pagpa-practice pa lang. Anyway, hindi lang naman iyon ang gusto kong sabihin sa iyo," sabi nito. At saka may kinuha itong isang papel mula sa folder na dala nito at iniabot iyon sa kanya.
Agad naman niyang kinuha iyon mula rito.
"Ikaw sana ang ia-assign ko na gumawa ng isang article tungkol kay TJ."
"Article tungkol kay TJ? Pero bakit n'yo naman po naisipang ako ang gumawa ng article tungkol sa kanya?"
Napangiti lang ang guro. "Ikaw lang kasi sa mga kabilang sa publication ang masasabi kong may VIP access na makalapit nang husto kay TJ at malaki ang posibilidad na hindi iyon tatanggi kapag ikaw ang interviewer. May palagay rin akong mas marami siyang masasabi kapag ikaw ang mag-i-interview sa kanya."
Napaisip siya. Well, she does have a point there. Siyempre, magkaibigan sila ni TJ kaya natural lang na mas marami itong masasabi sa kanya. Kaya lang, alangan pa rin siya. Oo nga't best friend niya ang i-interview-hin niya pero hindi ito ganoon kadaling kapanayamin sa dahilang hindi pa rin niya alam hanggang ngayon. Tried and tested na iyon magmula nang maging ka-blockmate niya ito noong first year college. Shy type nga raw ito, ayon na rin dito. Pero kung ganito namang kakailanganin talagang interview-hin si TJ, she guessed she didn't have much of a choice.
But she still had questions regarding her assignment.
"Will it be okay if I ask kung bakit n'yo po naisipang i-feature si TJ sa article ko para sa susunod na issue ng newspaper natin?"
"Siya kasi ang isa sa mga members ng basketball team na masasabi kong napaka-interesting. Kaya niyang i-maintain ang mga grades niya habang aktibo siya sa basketball. I also heard that he's a talented person, as well. According to our Sports Writer, siya ang may pinakamataas na puntos noong last game. Iyon ang nagbunsod sa Sports Coordinator na gawin siyang candidate for MVP kasama sina Mark Arenas at Aries Sanchez. I want you to find out everything about that kid. Of course, bahala ka na kung ano pa ang idadagdag mong impormasyon tungkol sa kanya na interesting," anito.
Agad na itong umalis nang maiayos na nito ang mga gamit nito.
= = = = = =
BUMUNTONG-HININGA na lamang si Livie habang pinagmamasdan ang ilan sa mga tanong na nakasulat sa papel na hawak niya. At nakalagay pa roon na puwede siyang magdagdag ng mga tanong kung kinakailangan. Napahilot na lang siya ng sentido nang ma-realize niya na wala na talaga siyang choice kundi gawin ang assignment niyang iyon. Sana lang ay payagan siya ni TJ na ma-interview ito.
At kung kinakailangan pa niyang gawing pabor ang pag-i-interview dito, gagawin niya. Kapag kasi siya ang humingi ng pabor dito, hindi nito tinatanggihan iyon. As far as she could remember, wala pa itong tinatanggihang mga pabor niya rito.
Dala ang kanyang mga gamit ay agaid siyang nagtungo sa gym, her fingers crossed as she hoped na payagan sana siya ni TJ na ma-interview ito. She heaved a heavy sigh as she started entering the gym. Pero bago pa man siya makaliko upang dumiretso sa bleachers, kamuntikan nang tumama sa ulo niya ang bolang papunta sa direksiyon niya. Mabuti na lang at mabilis ang reflexes niya kaya agad niyang nasalo iyon bago pa man tumama iyon sa mukha. Nang mag-angat siya ng tingin ay napansin niyang palapit sa kanya si TJ. At labis niyang ipinagtaka ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso habang palapit nang palapit ang binata sa kinatatayuan niya.
Puwede ba, pesteng puso ko? Stop beating fast! sita niya sa isip. Nakakainis na talaga ito! Ang sakit tuloy sa dibdib, dugtong pa niya habang humuhigpit naman ang hawak niya sa bola.
"Sorry, Livie. Napalakas ang hagis ko sa bola," ani TJ at agad na kinuha nito ang bola sa kamay niya. Kasabay naman niyon ay ang pagragasa ng kung anong sensasyon sa buong katawan niya nang magdaiti ang mga kamay nila. Hindi naman iyon nangyayari dati.
"Tapos na ba ang klase?" Tumango siya.
Pero bago pa siya makapagsalita ay narinig niya si Aries na tinawag si TJ. Napatingin siya sa direksiyong pinagmulan ng tinig na iyon. Napapitlag siya nang makita niya si Aries na matamang nakatingin sa kanya. Iba ang pakiramdam niya sa titig nitong iyon. Hindi nga lang niya matukoy kung ano.
Bago pa man niya maisip ang tungkol doon ay narinig niya ang pagtikhim ni TJ na nasa harap pa pala niya. Bahagyang nangunot ang noo niya nang mapansin ang madilim na anyo nito at ang matalim na tinging ipinupukol nito kay Aries. Ano'ng problema nito?
"Hoy! Baka makapatay ka nang wala sa oras sa tingin mo sa kaibigan mo," pukaw niya rito.
Ikinagulat niya ang dagling pagbabago ng ekspresyon ng mukha nito nang harapin siya ng binata. Pero parang may mali pa rin. His expression was serious this time. Hindi tuloy niya maiwasang hindi ma-weird-uhan sa lalaking ito. Idagdag pa na kinakabahan din siya.
"Sa susunod kasi, huwag kang titingin nang ganyan kay Aries," mariing sabi nito na lalong nagpakunot ng noo niya. "Baka may magawa ako sa iyo na ikabigla natin pareho," pabulong na dagdag nito.
Ano daw iyon? Tama ba ang pagkakarinig niya?
Hinayaan na lang niya ito na magpatuloy sa laro at nagdesisyon siyang hintayin na lang matapos ang practice bago niya ito kausapin. Napatingin uli siya kay Aries. Natatawa ito at umiiling-iling habang nakikipag-usap kay TJ. Marahil ay naramdaman nitong nakatingin siya dahil tumingin ito sa kanya. Sa pagkagulat niya ay kumindat ito at nginitian siya.
Pero para saan naman kaya iyon?
Nang dumako naman ang tingin niya kay TJ, naging madilim na naman ang anyo nito habang nakikipag-usap—o mas tamang sabihing nakikipag-argumento—kay Aries. Tapik sa balikat lang at misteryosong ngiti ang iginawad ng huli sa best friend niya bago ipinagpatuloy ang practice ng mga ito. Agad siyang dumiretso sa bleachers at nagtungo sa pinakamataas na bahagi niyon upang doon na lang hintayin si TJ.
Habang hinihintay niya ito ay nakatutok lang ang mga mata niya sa mga kilos at galaw ni TJ. Sa totoo lang ay hindi pa rin maalis ang isip niya ang inaakto nito kanina. Napatingin lang naman siya kay Aries. Pero kung makapag-react ito ay animo naagawan ng isang napakahalagang bagay at tila handang makipagpatayan para lang mabawi iyon. Weird man sigurong isipin pero iyon ang observation niya. Isa pang ipinagtataka niya ay kung bakit tila nag-iiba ang nararamdaman niya kay TJ samantalang hindi pa nangyayari ang ganito sa kanya noon. Kaya bakit may nararamdaman na siyang kakaiba sa mga sandaling iyon?
"I think you're beginning to realize the changes that you're feeling for your best friend," narinig niyang mahinang wika ng isang tinig.
Napapitlag siya at saka tumingin sa kanang tabi niya. Nakita niya na ngumiti ang isang babaeng kilala niya, si Faye Montejo. Ito ang Features Editor at isa sa mga Literary Writer ng Encounters.
"Kanina ka pa ba riyan?" tanong niya rito.
Tumango ito. "Kanina pa rin kita pinagmamasdan habang nakatulala ka riyan at nakamasid kay TJ sa paglalaro niya.
Namula ang mga pisngi niya at nag-iwas ng tingin dito. Narinig naman niyang tumawa si Faye.
"Wala namang masama, eh. Best friends naman kayo, 'di ba? So why are you holding back?" dugtong pa nito na nagpagulat sa kanya, dahilan upang kagyat siyang mapatingin dito.
"I'm not holding anything back!" bulalas niya sabay takip ng bibig nang ma-realize niya na napalakas ang pagsasalita niya.
She glanced to the court and napansin niyang busy pa rin sa practice ang buong team kaya naman napabuga siya ng hangin. Saka niya hinarap si Faye.
"At saka hindi naman totoong nagbabago na ang nararamdaman ko sa best friend ko. Kung sakaling ganoon nga ang mangyari, agad ko ring kikitilin iyon dahil ayokong masira ang friendship namin dahil lang sa isang... one-sided feeling..."
At saka nanlaki ang mga mata niya. Ano ba itong pinagsasasabi niya? Did she just confess? Tinampal na lang niya ng ilang ulit ang ulo niya. Hindi na niya namalayan ang agad na paglapit ni TJ sa kanya kahit na nakaupo pa siya sa pinakamataas na bahagi ng bleachers.
"Livie, are you okay? Nananakit na naman ba ang ulo mo?" puno ng pag-aalalang tanong nito sa kanya habang hinihilot nito ang ulo niya.
Umiling lang siya at ngumiti upang mapalis ang pag-aalala nito. Kapag sinusumpong siya ng severe migraine ay ang malakas na pagtampal sa ulo ang paulit-ulit niyang ginagawa para lang mapawi niya ang sakit. Kung minsan ay nadadala pa siya sa ospital dahil sa hindi makayanang pananakit ng ulo niya. Biniro pa nga siya noon ni TJ na mabuti na lang daw at hindi pa siya nabobobo dahil sa palagiang pagtampal niya sa ulo. Ang mga biro nito ang isa pang rason kung bakit nakakaya niyang tiisin ang sakit.
"Sigurado ka ba? Baka mamaya, sumasakit na 'yang ulo mo at hindi ka pa nagsasalita diyan." Tila hindi ito kumbinsido na hindi siya sinusumpong ng migraine. Eh sa hindi nga siya sinusumpong, ano'ng magagawa niya?
"May mga unnecessary thoughts kasing nagsulputan sa isip ko at sinusubukan ko lang alisin iyon," pagdadahilan niya. Well, it was half-truth. Unnecessary talagang isipin na magkakagusto siya sa best friend niya at mamahalin niya ito nang higit pa sa isang kaibigan.
Noon lang nakahinga ng maluwag si TJ at saka hinaplos ang pisngi niya. Sinalat din nito ang noo niya. Napapiksi siya subalit hinayaan na lamang niyang gawin nito iyon. Aminin man niya o hindi, nagugustuhan niya ang kakaibang init na dumampi sa kanyang balat na nagmula rito at dumaloy sa kanyang mga ugat.
To be honest, this was the first time na naramdaman niya ang ganito dahil lang sa simpleng paghaplos nito. Nang inilapit nito ang mukha sa kanya ay wala sa sariling napalunok siya.
"Puwede ba, Livie, sa susunod huwag na huwag mo akong tatakutin nang ganoon? Masyado mo akong pinag-alala sa ginawa mo kanina," pabulong ngunit mariing sita nito sa kanya.
At talaga namang na-guilty siya dahil alam niyang mababaw lang ang rason kung bakit niya ginawa iyon. Sa lahat pa naman ng ayaw niya ay makita ang sinumang malapit sa kanya na nag-aalala sa kanya.
"S-sorry. Hindi ko naman akalaing mag-aalala ka ng ganyan," nakayukong hinging-paumanhin niya. Nang mag-angat siya ng tingin, nagulat siya nang makita niyang nakangiti si TJ. At siyempre pa, todo na naman sa pag-react ang puso niya. Over na 'tong puso ko, ah. Sa totoo lang...
"Best friend mo ako, Livie. And as far as I know, ako ang itinuturing mong kuya mo kaya natural lang na mag-alala ako ng ganito," anito at naupo sa tabi niya.
"Wala ka na bang practice?"
"Meron pa. Pinagbi-break time lang muna kami ni Carlo." Hinarap siya nito. "Bakit ka nga pala nandito?"
Agad naman niyang binanggit dito ang tungkol sa interview na kailangan niyang gawin dito. At talagang todo sa pagkabog ang dibdib niya habang ipinapaliwanag dito ang sinabi ni Mrs. Cedo sa kanya. Lumala pa iyon nang wala siyang makuhang sagot mula rito pagkatapos niyang magsalita. Ngalingaling alugin niya ito para lang magsalita ito dahil tumitindi ang kaba niya. Nahigit niya ang paghinga habang hinihintay ang sasabihin nito tungkol sa mga ipinaliwanag niya. Bagaman may palagay na siyang tatanggihan nito iyon, umaasa pa rin siya na mapapayag niya ito.
Ngunit bago pa man siya mabigyan ng sagot ni TJ ay agad itong tinawag ni Carlo kaya tumayo na ito sa kinauupuan nito. Bago ito humakbang paalis ay nilingon siya nito.
"Doon na lang natin gawin ang interview sa bahay n'yo. Alam mo namang kahit sikat na 'tong best friend mo, shy type pa rin ito," nakangising sabi nito na nagpangiti sa kanya. Sinabi rin nito na sabay na silang umuwi at pumayag na lang siya.
Umalis na rin doon si Faye matapos nitong ibigay sa kanya ang isang nakatuping papel. Bagaman nagtataka kung para saan iyon, tinanggap pa rin niya iyon nang sabihin nitong para sa kanya iyon. Inilagay na lamang niya sa bag ang papel na iyon.
= = = = = =
GAYA ng napag-usapan nila ni TJ, dumiretso si Livie sa gym kung saan nagpa-practice ang Warriors pagkatapos ng huling klase niya. Ngunit bago pa man siya tuluyang makapasok sa loob ng gym, naabutan niya sa labas niyon si Aries. Tila may hinihintay itong kung sino roon. Nang makita siya nito ay agad itong tumuwid ng tayo at nagsimulang humakbang palapit sa kanya. Bigla siyang nakaramdam ng kaba sa nakitang seryosong anyo nito kahit hindi naman dapat.
"May I speak with you, Livie?" pakiusap nito.
Hindi man niya maintindihan kung para saan ang tila kadesperaduhan sa tono ng boses nito, tumango na lang siya bilang pagpayag. Wala naman sigurong masama.
"Tungkol saan ang pag-uusapan natin? At saka 'di ba dapat nandoon ka sa loob ng gym at nagpa-practice kasama nina TJ?" pagsisimula niya ng usapan dahil hindi niya matagalan ang tila paghihirap na nakikita niya sa mukha nito.
Teka, paghihirap? May kinalaman kaya ang pag-uusapan nila sa naabutan niyang—
"It's about what you heard sa base ng Encounters a week ago. Iyon din ang dahilan kung bakit nawalan na ako ng ganang mag-practice kahit gustuhin ko," malungkot na sagot nito.
Ouch naman! I should've known. Alam na pala niya na naroon ako sa base nang marinig ko ang eksena nila. "I'm sorry. Hindi ko naman intensiyong makinig. Pero may pagka-intrigera nga siguro ako. Magmula kasi nang makilala ko si Erika, napansin kong may iniiwasan siya kapag tungkol sa basketball game ang usapan. Now I know the reason why." At nakadama siya ng hindi maipaliwanag na takot dahil sa nalaman niya noong araw na marinig niya ang sagutan nina Erika at Aries. She was scared that she might los her best friend in a painful way.
"Which makes it all the more reason."
Kumunot ang noo niya. "Reason for what?"
"To bring her back to my life. Pero gusto ko sanang manatiling sikreto muna ang lahat ng mga nalaman mo. Iyon ang gusto kong sabihin sa iyo kaya kita kinakausap ngayon."
Natawa siya. "Aries, kung maboka akong tao, sa tingin mo ba kakaibiganin pa ako ni TJ? Sa lahat pa man din ng katangiang ayaw na ayaw ng lalaking iyon ay ang hindi marunong magtago ng sikreto."
"You have to keep it even from TJ. Walang alam ang lalaking iyon tungkol sa amin ni Erika."
"Walang problema. Wala rin naman akong planong sabihin sa kanya iyon. Ayokong magkagulo," pag-a-assure niya rito.
Noon lang tila nakahinga ng maluwag si Aries at hindi na depressed—so far—ang expression nito. But the hurt she saw in his eyes was still there. At may palagay siya na iisa lang ang dahilan para makita niya iyon sa mga mata nito. Something happened between Aries and Erika again.
"Huwag ka sanang magulat kung bigla akong sugurin ni TJ dito..." kapagkuwan ay nakangiting sabi nito.
"Huh?"
"...in three... two... one!"
"Stay away from her, Aries. Alam kong problemado ka pero huwag mong idamay si Livie!"
Napapitlag siya nang marinig niya ang tila dumadagundong na boses ni TJ na ilang hakbang na lang pala ang layo sa puwesto nila ni Aries. Ipinagtaka niya ang nakikitang kaseryosohan sa mukha nito at ang matalim na tinging ipinupukol na naman nito kay Aries.
Teka nga lang... Kailan ba hindi umakto ng ganito ang lalaking ito kapag may lalaking nakikipaglapit sa kanya? Now that she thought about it, ito nga kaya ang isang rason kung bakit napagkakamalan silang magkasintahan ni TJ? Todo-todo ang pagbabantay nito sa kanya.
Hoy, Livie! Ang taas ng ilusyon mo. Parang sinasabi mo na rin na kaya ganito ang inaakto ni TJ ngayon ay dahil nagseselos siya kay Aries, anang tinig sa isang bahagi ng kanyang isip.
Natigilan siya nang ma-realize iyon. Hindi nga kaya? Mali man sigurong isipin—at mali rin sigurong maramdaman—pero tila ang saya-saya ng puso niya. Hindi niya napigilan ang pagtalon ng puso niya sa sobrang tuwa.
"Kung hindi ko lang alam kung sino ka talaga sa buhay ni TJ, baka noon pa kita niligawan," mahinang sabi ni Aries habang iiling-iling.
Ha? Tama ba ang narinig niya? "Ang kaso, may Erika na riyan sa puso mo kaya hindi pupuwede."
Nilapitan pa siya ni Aries at tinapik sa balikat. Inilapit din nito ang mukha nito sa mukha niya. Sa ginawa nitong iyon ay may napansin siya subalit inignora muna niya iyon sa mga sandaling iyon.
"Kaya ikaw, huwag mong hahayaang mawala pa si TJ sa buhay mo. Ayokong pagdaanan mo rin ang pinagdaraanan ko ngayon," Aries said seriously and with hints of pain in his voice.
Bago pa man siya makatugon sa sinabi nito ay agad na itong umalis. Noon naman niya naisipang harapin si TJ na hindi na talaga maipinta ang mukha nito. Tila ba pinagsakluban iyon ng langit at lupa. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakita niya itong ganoon. Pero iyon ang unang beses na gusto niyang matakot sa intensidad ng mga emosyong nakikita niya sa mga mata nito. At hindi siya maaaring magkamali, may nababanaag siyang galit at selos doon.
"Ano'ng ginawa niya sa iyo? Sinaktan ka ba niya?" tanong nito sa tonong nagde-demand kaagad ng sagot.
Huminga siya ng malalim. "Wala siyang ginawang masama sa akin, kung iyon ang inaalala mo. Nag-uusap lang kami."
"Tungkol saan ang pinag-uusapan n'yo?"
"Huwag mo sanang masamain pero sa aming dalawa na lang iyon ni Aries," pakiusap niya. Sana lang ay maunawaan nito iyon.
Ilang sandaling hindi umimik si TJ na nagpakaba nang husto sa kanya. His eyes showed signs of giving in to what she wanted and urge to ask her further about what she said. Sa huli ay bumuntong-hininga ito nang pagkalalim-lalim at walang salitang nilapitan siya. Bago pa man mag-sink in sa utak niya ang mga nangyayari, natagpuan na lang niya ang sariling yakap-yakap ni TJ. Sa sobrang higpit niyon, gusto niyang isipin na tila takot itong mawala siya. She found the gesture sweet kahit hindi na siya gaanong makahinga sa higpit ng yakap nito sa kanya.
"Sige na nga. Pagbibigyan kita. Alam ko namang kahit anong piga ang gawin ko sa iyo, hindi ka pa rin magsasalita," kapagkuwan ay sabi nito sa tonong ayaw pa ring sumuko pero wala na talagang choice kundi ang hayaan siya sa gusto niya. "Bad trip ka talaga, Aries. Ang lakas mong mang-asar," gigil na bulong nito na marahil ay hindi nito intensiyong iparinig sa kanya.
Napangiti siya dahil doon at umiiling-iling na lang na gumanti ng yakap kay TJ. Hindi niya alam kung ano ang itatawag niya sa ikinikilos ng best friend niya. Pero wala muna siyang planong pangalanan iyon. I-enjoy-in muna niya ang mga pagkakataong ganito kasama ang lalaking ito.
No comments:
Post a Comment