Sunday, June 7, 2015

Indigo Love - Chapter 8

PARANG binibiyak ang ulo ni Alex sa sakit nang magising siya kinabukasan. Noon lang siya uminom ng ganoon karami matapos ang halos tatlong taong pag-iwas doon. Nagka-hangover tuloy siya dahil sa biglang pag-inom nang marami. Nang magmulat siya ng mga mata ay nagtaka siya. Alam niyang nakatulog siya sa mini-bar pero heto at naabutan niya ang sarili na nakahiga sa kanyang kama. Suot niya ang isang night robe na siguradong hindi siya ang nagsuot niyon sa sarili.

Paglingon niya sa kanyang tabi ay tila huminto sa pagtibok ang puso niya sa nakita. Ang payapang anyo at maamong mukha ni Rianne ang sumalubong sa kanya. Hindi niya inasahan iyon pero napangiti siya. Ito marahil ang nag-asikaso sa kanya habang wala siyang malay. Kagyat siyang tumingin sa dibdib niya nang maramdaman siyang pagkilos roon. Hawak niya ang isang kamay nito. At may palagay siyang hindi ito ang may gawa niyon. Napailing na lang siya habang nakangiti. Ganoon daw siya kapag nakainom—kung anu-ano ang nagagawa. Pero sigurado siyang hindi lang iyon ang nagawa niya. Hiling lang niya na hindi sana niya nabastos ito nang hindi niya namamalayan. He would hate himself for that.

Napapitlag siya nang kumilos si Rianne sa tabi niya. Umungol ito at isiniksik ang katawan nito sa kanya. Pigil na pigil niya ang paghinga nang kumilos ito. Mayamaya lang, hindi na ito kumilos. Natahimik na ito. Pinakawalan lang niya ang pinipigilang hininga nang maramdamang nakatulog itong muli. Masaya siya sa isiping panatag ito sa kanya.

Kung nalalaman lang nito, hindi biro ang pagtitimping kailangan niyang gawin sa tuwing lumalapit ito sa kanya. O di kaya'y kapag ngumingiti at niyayakap siya nito na madalas ay siya ang nag-i-initiate. Everytime she would do that, he wanted to do so much more. But he wanted to remain as the gentleman she knew back in high school. At dahil sa pagiging gentleman niyang iyon ay pinilit rin niyang ikubli sa kanyang puso ang tunay niyang nararamdaman para rito kahit mahirap. Damdaming noon pa sana niya ipinagtapat rito.

The night he first kissed her, everything inside of him stirred in a way he never thought possible. Naroon ang pagnanais niyang patuloy na manatili sa tabi nito subalit hindi niya alam kung paano. Takot siyang sabihin iyon dito dahil baka kung ano ang isipin nito sa oras na sabihin niya ang kanyang tunay na saloobin. Kaya ganoon na lang ang pagtutol niya nang sabihin ng kanyang ama na tapos na ang trabaho niya bilang bodyguard ni Rianne. Alam niyang darating din siya sa puntong iyon subalit hindi niya naisip na magiging mahirap sa kanya na tanggapin iyon nang ganoon lang. Hindi niya gustong lumayo sa dalaga.

"Mahal mo na ba siya kaya ayaw mo na siyang pakawalan?" Umukilkil ang tanong na iyon sa isipan niya. Iyon ang tanong na hindi niya nagawang sagutin nang sambitin iyon ni Tito Alexis. Ngunit matagal na siyang may sagot doon; nakatago nga lang sa isang sulok ng kanyang puso. At gusto niyang malaman ni Rianne ang sagot na iyon bago pa mahuli ang lahat.

"I'll let you know that I love you, Lin. I'll let you know that soon, I promise. Basta ang magiging kapalit niyon ay hindi ka na mawawala sa buhay ko."

xxxxxx

NAALIMPUNGATAN si Rianne nang maramdaman niyang may humalik sa noo niya. Alam na niya kung sino iyon nang maalala kaagad ang mga nangyari kaninang medaling-araw kaya nagbukas na siya ng mga mata. Isang nakangiting Alex ang bumungad sa kanya at matamang pinagmamasdan ang kanyang mukha. Sa ilang pulgadang distansiya ng mga mukha nila ay hindi niya napigilan ang mapalunok. Lalo pa't pumapaypay sa mukha niya ang hininga nito. Wala na ang amoy-alak roon. Marahil ay nakapagsipilyo na ito.

"Good morning," bati nito at hinawi ang ilang hibla ang buhok na tumabing sa noo niya.

Ngiti lang ang tanging tugon niya dahil hindi niya maapuhap ang sariling tinig. Nadi-distract kasi siya sa mabangong hininga nito at sa maaliwalas nitong mukha. Hindi nga mahahalata rito na naglasing ito. Isa pa, baka bad breath siya. Mahirap na. Baka bigla na lang itong tumayo roon at iwan siya. Hindi pa niya gustong masira ang moment niya habang nakaunan siya sa braso nito at pinagmamasdan siya. Noon ay pangarap lang ito para sa kanya. Hindi niya inakala na magiging masarap sa pakiramdam ang manatiling ganito sa tabi ng lalaking kaytagal na niyang idinambana sa puso niya.

Wala sa sariling isiniksik niya ang katawan rito. Natawa na lang si Alex.

"Alam kong mabango ako pero hindi mo naman kailangang yakapin ako nang ganyan kahigpit," tatawa-tawang saad nito. Kumilos ito upang bahagyang idistansiya ang katawan nito sa kanya. Napilitan siyang mag-angat ng mukha at pagmasdan ito.

Bigla siyang kinabahan sa samu't saring emosyong nakikita niya sa mga mata nito. His hazel brown eyes... Ang ngiti nito ang nagpabalik sa huwisyo niya at ang nagpabilis sa tibok ng puso niya.

"Get up. Let's have breakfast. May pupuntahan tayo," sabi nito kapagkuwan. Kumunot ang noo niya pero hindi na siya nag-usisa.

Agad na siyang bumangon dahil alam niyang hindi ito makaalis sa kama. Nakaunan siya sa braso nito. Noon lang niya napansin na hindi na nito suot ang robe. Nakasuot na ito ng white t-shirt at black pajamas. Hindi tuloy niya napigilang alalahanin ang magandang tanawing nasilayan niya kaninang medaling-araw habang inaasikaso ito. Ipinilig niya ang ulo upang mapalis iyon sa kanyang isipan bago pa siya makapag-isip ng kung anong kapilyahan.

Rianne, mag-behave ka muna! Saka mo na pagbigyan ang utak mo na mag-isip ng mga pangmomolestiya mo kay Alex kapag malayo ka na sa kanya.

Heaving a heavy sigh, she got up from bed and took a quick shower. Nang makapagbihis na ay nagtungo siya sa kusina kung saan naghahanda si Alex ng almusal. Agad niyang napansin ang carbonara na umuusok pa dahil bagong init at nakahain na sa mesa kasama ng iba pang pagkain. Nakita niyang lumingon sa direksiyon niya si Alex nang dumako ang tingin niya rito. Naroon siya sa bukana ng kusina, nakamasid lang rito. Ngumiti ito pagkakita sa kanya na agad din niyang ginantihan ng matamis na ngiti.

Hindi yata marunong magsawang ngumiti ang lalaking ito, ah.

"Maupo ka na. Hintayin mo na lang akong matapos dito at sabay na tayong kumain," sabi nito at tumayo na lang siya. Ngunit bago pa siya makaalis doon ay narinig niyang tinawag siya nito. Lumingon siya. "I like your carbonara. Naalala mo pa pala ang paborito ko."

"Thank-you gift ko lang iyan sa iyo. Hindi ko kasi masabi sa iyo kung gaano kalaki ang pasasalamat ko dahil sa dami ng mga ginawa mo para sa akin. Ang totoo niyan, kulang pa iyan. I mean, it won't be enough to thank you for what you've done for me," pag-amin niya at saka nagmamadaling umalis doon.

"It's more than enough as long as it came from your heart," anito na nahagip pa ng tainga niya subalit hindi na lang niya pinansin iyon.

Agad siyang naupo at huminga ng malalim upang pakalmahin ang nagririgodon niyang dibdib. Natutuwa siya na nagustuhan ni Alex ang luto niya. Kung ganoon ba naman ang laging sasabihin nito sa kanya ay hindi siya magsasawang ipagluto ito araw-araw.

Pero mangyayari lang iyon kapag asawa mo na siya... Napabuga siya ng hangin sa isiping iyon. When she was in high school, iyon ang isa sa mga pangarap niya—ang maging asawa niya si Alex. And now... Now she was wishing for the same foolish thing. Yes, she once considered that thought as foolish; noong mga panahong labis siyang nasaktan. But it doesn't matter. Minsan lang namang humiling. So far, nakakasilip siya ng pag-asa na maaaring matupad ang kahilingan niya. Kailangan lang niyang mag-exert ng effort.

Kung paano? Bahala na.

xxxxxx

"ANO'NG ginagawa natin dito? Wala bang magagalit kapag pumasok tayo dito?" kinakabahang tanong ni Rianne nang pumasok sila ni Alex sa isang maliit na building na nasa opposite side ng Isabella Café and Restaurant. Iyon ang building na tinitingnan niya noon.

Pero bakit naroon sila nito ngayon? At bakit puno ng naggagandahang bulaklak ang loob ng building na iyon?

"So what do you think of this place?" tanong nito kapagkuwan sa halip na sagutin ang tanong niya.

Kunot-noong napatingin siya rito. Bakit hinihingi ng lalaking ito ang komento niya sa lugar na iyon? Pero hindi niya gustong magsinungaling dito.

"It's beautiful. This is exactly how I picture the flower shop that I've been wanting to have for years," matapat na sagot niya at manghang pinagmasdan ang lugar.

Hanggang sa natuon ang paningin niya sa isang malaking painting na nakasabit sa itaas ng reception desk na naroon. Painting iyon ng isang cream-colored tulip.

Tulip? Wait a minute! Isn't this the same flower he first gave me nine years ago? She slightly frowned when she saw that, followed by the fast beating of her heart. Lalo na nang makita niya ang nakasulat sa ibaba niyon. May kalakihan ang mga letra kaya kitang-kita niya ang nakasulat doon.

"I will love you forever."

Dagli siyang napalingon sa nagsalitang iyon. Napansin niya ang matamang pagtitig ni Alex sa mukha niya. Kaya hindi na siya nagtaka nang kumabog na naman ng mabilis ang dibdib niya. "You know who own this place?" She kicked herself mentally. Hindi naman iyon ang dapat na itatanong niya dito. Pero hindi niya alam kung paano niya sasabihin dito ang nais sabihin.

Walang salitang lumapit ito sa kanya at tumigil ilang dangkal ang layo sa kanya. Slowly, he saw him lift his hand and touched her face. Gumapang ang init na nagmumula sa palad nito sa bawat himaymay ng pagkatao niya. Pakiramdam niya ay may kakaiba sa paghaplos nitong iyon sa mukha niya.

"Ano'ng meron sa iyo para hindi ko magawang pigilan ang sarili ko na haplusin ang mukha mo nang ganito?" anas nito habang tinititigan siya, lalo na sa kanyang mga mata.

Naguluhan siya sa sinabi nito. "H-hindi kita maintindihan, Alex."

"Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko, Lin. A long time ago, you made me think the same way. You made me lose my focus in a way you never knew. Hindi mo alam iyon pero hindi na mahalaga. Kaya nga ako naglasing kagabi, para kusang lumabas sa bibig ko ang lahat ng nilalaman ng damdamin ko na hindi ko kayang sabihin nang diretsahan. May mga nasabi ba ako kaninang madaling-araw na hindi ko namamalayang sinabi ko na pala? Alam ko, meron. At iyon ang gusto kong malaman mula sa iyo, Lin."

Bumuka ang bibig niya ngunit walang tinig na lumabas doon. Hindi niya masabi ang narinig niyang inusal nito. Hindi kasi siya sigurado kung tama nga ba ang narinig niya, lalo na ang tatlong salitang nagpatigil ng lahat sa paligid niya. Inabot din siya ng mahigit isang minuto bago nakapagdesisyon.

Pero bago pa niya maisatinig iyon ay nakita niyang bahagyang nanlaki ang mga mata ni Alex habang nakatingin sa direksyong nasa likuran niya. Kung hindi siya nagkakamali, may nababakas siyang takot mula roon. Nagtataka at kinakabahan man nang sabay ay nilingon niya ang direksyong tinitingnan nito. Ngunit ganoon na lang ang pagbalot ng takot sa kanyang sistema nang makita niya ang isang babaeng may hawak na baril.

At sa kanya nakatutok iyon!

"Stay behind me, Lin," pabulong na utos nito.

Tumalima siya. Takot man ay nagawa pa rin niyang pasadahan ng tingin ang babaeng galit kung makatingin sa kanya. Pamilyar sa kanya ito; hindi nga lang siya sigurado kung saan at kailan niya ito nakita.

"Rachel, ano'ng ginagawa mo rito?" malamig na tanong ni Alex.

Rachel? Pagkabanggit nito sa pangalan ng babae ay may naalala siya. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang babaeng kasama ni Daniel noong hulihin ito. Ang babaeng kaulayaw ng dating nobyo. Pero bakit nandito ito ngayon?

"Huwag kang makialam dito, Alex! Nang dahil sa babaeng iyan, nagkandaletse-letse ang buhay ko!" mariing sabi ni Rachel. "Kinuha na niya ang lahat ng taong pinahalagahan ko. Siya ang rason kung bakit hindi mo ako magawang mahalin noon. And then I found Daniel, but he died just to escape. Kung hindi dahil sa babaeng iyan, hindi mamamatay si Daniel. Hindi siya mawawala sa akin. Hindi niya ako iiwan."

"Pero kahit anong pananakot ang gawin mo kay Rianne, hindi pa rin maibabalik sa dati ang lahat. It's his fault why Montoya died, not Rianne's. Wala kang mapapala kapag itinuloy mo ang bnabalak mo."

Wala siyang makitang bakas ng anumang emosyon sa mukha ni Alex nang tingnan niya ito. Hindi tuloy niya malaman kung ano ang nararamdaman nito nang mga sandaling iyon. Pero tiyak niyang may maiisip itong paraan para kontrolin ang sitwasyon. Kung paano, hindi niya alam. Basta ang alam niya, ipinagkakatiwala niya rito ang lahat, maging ang buhay niya.

"Meron akong mapapala, Alex. Mas mapapanatag ako kapag tuluyan nang nawala sa mundo ang babaeng iyan. Daniel would've been so happy kapag nangyari iyon. After all, she made his life miserable when she threw him to jail. Sinubukan ko, pero ano'ng ginawa mo? Ikaw pa ang nagboluntaryong bantayan siya. Mas lalo lang kayong nagkalapit dahil sa mga ginawa kong iyon."

Hindi na niya alam ang tinutungo ng sinasabi ni Rachel pero isang bagay lang ang tumanim sa utak niya. Ito ang may pakana ng mga pananakot sa kanya.

"Tungkulin kong protektahan siya dahil parte iyon ng trabaho ko," kalmadong wika ni Alex na tila tumusok sa puso niya. Hindi na lang niya pinansin iyon.

"Sinungaling! Alam kong hindi lang trabaho ang nagbunsod sa iyo para bantayan si Rianne. Ginawa mo iyon dahil siya pa rin ang babaeng mahal mo hanggang ngayon!" sigaw nito na ikinagulat niya, dahilan upang mapatingin siya kay Alex.

Mahal siya ni Alex? Totoo ba iyon? Hindi siya sigurado kung nais nga ba niyang paniwalaan iyon. Pero hindi ba't iyon din ang sinambit nito habang lango ito sa alak? Sa kabila ng takot ay hindi niya maiwasang makadama ng kagalakan. Kung sana lang ay totoo iyon.

"Rachel, itigil mo na ang kalokohang ito. Wala kang mapapala kapag ipinagpatuloy mo pa ito," sabi ni Alex at unti-unting humakbang palapit kay Rachel.

But before that, she tugged his shirt before he could even take one step. He just gave her a look that said, "It's okay, I can handle this." Sapat na iyon upang magtiwala siya dito. Subalit hindi pa rin niya maiwasang matakot para sa lalaking mahal niya. Bagaman alam niyang makakaya nitong i-handle iyon dahil sa klase ng propesyon nito, hindi pa rin niya maiwasang matakot at mag-alala. Seeing him face danger was the last thing she wanted to see.

Napansin niyang unti-unti nang nanginginig si Rachel. Napagtanto niyang hindi ito sanay humawak ng baril.

"Huwag kang lalapit kung ayaw mong ikaw ang mapatamaan ko, Alex," babala ni Rachel nang makita ang dahan-dahang paglapit ni Alex dito.

"Come on, Rachel. Alam mong kaya kong ilagan iyan. Pero walang papupuntahan ang gusto mong mangyari. Kung may dapat kang sisihin sa mga nangyayari sa buhay mo ngayon, iyon ay walang iba kundi ang sarili mo."

"Hindi totoo iyan!" tanggi nito.

"Iyon ang totoo, Rachel! Iyon ang katotohanang hindi mo magawang tanggapin dahil nasanay kang nakukuha ang gusto mo, kesehodang may ibang taong nadadamay para lang magawa mo iyon. Ngayong hindi mo na magawa iyon ay ibinubunton mo ang sisi sa ibang taong wala namang kasalanan. Masyado kang selfish at confident kaya hindi mo maamin ang mga mali mo kung bakit unti-unting nawawala ang mga taong gusto mong mapasaiyo," giit ni Alex at muling lumapit dito.

"Hindi! Hindi totoo iyan!" sigaw nito at sa takot ay bigla nitong pinaputok ang baril na itinutok muli sa kanya.

Ang tanging nagawa lang niya ay ipikit ang mga mata at hinintay ang bala na tumama sa katawan niya. Nasundan iyon ng tatlo pang putok. Subalit sa pagtataka niya, wala siyang naramdamang tumama na kahit ano sa katawan niya. Alam niyang buhay pa siya kaya nagbukas siya ng mga mata. Agad na sumalubong sa kanya ang nakabuway na katawan ng dalawang tao.

Ngunit sa iisang katawan lang tumuon ang paningin niya. At sa ginawa niyang iyon ay tila huminto sa pagtibok ang puso niya dahil sa nasaksihan, kasabay ng panlalaki ng kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay papanawan siya ng ulirat anumang sandali. Wala sa sariling nilapitan niya ang katawang iyon. Nakadapa pa ito kaya hindi niya makita ang sugat nito na maaaring pinagmulan ng dugong nagkalat sa sahig. Realizing it wasn't a dream, her eyes widened even more just at the same time she clamped her mouth with her hands and shook her head in denial. It made her collapse to her knees. Kahit alam niyang buhay pa ito, hindi pa rin niya matanggap ang nakita niya.

Nanginginig man ang mga kamay ay dinala niya ito sa kanyang mga bisig. Wala siyang pakialam sa dugong naglandas sa kanyang damit mula sa sugat nito. Napaiyak siya nang makita niya ang sugatang anyo nito, sabay sigaw sa pangalan nito.

"Alex!"

No comments:

Post a Comment