Friday, June 26, 2015

My Starlight Song - Chapter 3

NAPANGITI nang malapad si TJ nang masigurong okay na ang porma niya para sa movie night nila ni Livie nang gabing iyon. Magmula nang maging close sila ng dalaga, lagi silang may movie night nito tuwing Sabado pagkatapos ng mga klase nila. Hindi niya lubusang maintindihan kung bakit lagi niyang ina-anticipate ang movie night kasama ang dalaga. But he didn't care. Basta ang alam niya, masaya siyang kasama si Livie. At talagang hindi niya pinagsisisihang naging kaibigan niya ito.

Katatapos lang niyang mag-spray ng paborito niyang cologne nang tingnan niya ang wall clock sa itaas ng pinto ng silid niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang mag-aalas-siyete na pala ng gabi. Nagmamadali siyang umalis dahil baka mahuli pa siya sa pagsundo kay Livie.

Naabutan niya ang daddy niya sa porch na naglalaro ng chess kasama ang kumpadre nito na si Conrad Garcia. "Tito Connie" ang gusto nitong itawag niya rito kahit pa "Mang Connie" ang tawag ng karamihan dito. Ito ang ama ni Livie.

Napatingin ang mga ito sa kanya nang makababa na siya ng hagdanan. Nagmano siya sa dalawang matanda.

"May movie night na naman ba kayo ng dalaga ko?" nakangiting tanong ni Tito Connie sa kanya.

Tumango siya.

"Basta huwag kayong magtatagal sa labas. Balita ko'y mas maraming mga luku-luko ang naglilipana kapag late nights kaya bantayan mo ang anak ko, Terence."

"Huwag po kayong mag-alala, Tito. Ako na po ang bahala kay Livie," pag-a-assure niya.

Bukod sa daddy niya, si Tito Connie lang ang tumatawag sa kanya ng "Terence". Parang anak na rin daw kasi ang turing nito sa kanya. Ilang beses din niyang hiniling na sana ganoon din ang itawag ni Livie sa kanya.

Hindi ko naman itatangging halos araw-araw kong hinihiling iyon. For him, Livie calling him "Terence" instead of his usual nickname was sort of endearing on his part. Napailing siya. Ano ba 'yan? Kung anu-ano na ang naiisip niya dahil lang sa pangalang itinawag sa kanya ni Tito Connie.

"O, siya. Mag-iingat kayo sa paglabas," bilin ng daddy niya bago siya tuluyang lumabas ng bahay.

= = = = = =

BOTH of them decided to take a stroll down the park matapos manood nina TJ at Livie sa sine. They enjoyed watching the movie. Naisipan pa nilang magtagal sa labas dahil wala pa silang planong umuwi. Bumili na lang sila ng hamburger at footlong para sa snacks nila.

At ngayon nga ay pareho silang nakahiga sa damuhan habang pinagmamasdan ang buwan at mga bituin. Madalas nilang gawin iyon pagkatapos nilang manood sa sinehan o sa bahay nina TJ, specifically sa bubungan ng bahay nito. Hindi maintindihan ni Livie kung bakit hindi siya nagsasawa sa ganoong gawain nila ni TJ. Pero wala na muna siyang pakialam. Basta ang alam lang niya, masaya siya na kasama ang best friend niya.

Bigla siyang napaupo nang makakita siya ng isang shooting star. Napatingin siya kay TJ.

"Nakita mo 'yon?" tanong niya sabay baling at turo sa langit.

Napaupo na rin ito bago tumango. "Have you made your wish?"

Napatingin uli siya rito para lang magulat dahil nakatingin din pala ito sa kanya. She slightly shook her head as an answer after swallowing an imaginary lump in her throat. Her heart was reacting a bit violent when she realized that he was looking at her.

Dati naman akong tinitingnan nang ganito ni TJ, ah. Bakit ngayon lang nag-iba nang ganito ang reaksiyon ng puso ko? May ibig sabihin ba ito? Grabe! Komplikasyon ito, ah! Ayoko nito, promise!

"Then why not make one?" pukaw nito sa pag-intindi niya sa reaksiyon ng puso niya.

Wala sa sariling napatingin siya sa langit at dahan-dahang ipinikit niya ang mga mata. Isa lang naman ang hiling niya. At iyon ay manatili sa tabi ni TJ sa habang-panahon, as much as possible. Pero may palagay siyang suntok sa buwan ang hiling niyang iyon. Kaya kuntento na siya sa kung ano sila ni TJ sa mga sandaling iyon.

Bumuntong-hininga muna siya bago niya buksan ang kanyang mga mata. She looked at the guy sitting beside her. Nakapikit ito; mukhang gumagawa rin ng wish sa isip nito. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon upang pagmasdan ang mukha ng binata.

Guwapo ito, walang duda roon. Matangkad ito—almost five eleven ang taas nito. Hindi ito maitim pero hindi rin maputi. Kumabag ay tamang-tama lang. Dark brown ang kulay ng mga mata nito. Matangos ang ilong nito at kissable ang lips. Wala sa sariling napalunok siya nang makita niya ang labi nito.

Walang dudang masarap humalik ang lokong ito. Ipinilig niya ang ulo dahil sa isiping iyon. Tanga siya kung sasabihin niyang hidi siya attracted dito kahit minsan lang. Ang totoo ay attracted na siya rito day one pa lang. Agad lang niyang kinikitil iyon dahil alam niyang mali. Isa pa, ayaw niyang masabihang nagte-take advantage sa pagkakaibigan nila.

Napapitlag siya nang makitang unti-unting nagbubukas ng mga mata si TJ. Agad siyang tumingala sa langit upang hindi nito mahalata ang pagsulyap niya rito.

"O, ano? Nag-wish ka rin ba?" hindi tumitinging tanong niya.

Wala siyang nakuhang sagot mula rito na ipinagtaka niya. Nilingon niya ito. Nakita niyang nakatingin pa rin ito sa kanya. Tumingin ito sa kanya kapagkuwan bago siya nito nginitian na nagpabilis sa tibok ng puso niya.

"Alam mo ba ang hiniling ko?"

Hindi siya umimik. Nag-iwas siya ng tingin dito at muling tumingala upang magawa niyang pakalmahin ang nagririgodon niyang dibdib.

"Sana habang-buhay tayong ganito, 'no? Iyong ganito tayo ka-close, nagdadamayan kapag may may problema ang isa sa atin. Kumbaga, wala nang iwanan. Posible bang mangyari iyon, Livie?" narinig niyang usal nito.

Depende sa sitwasyon, tanging saisip niya sa sinabi nito. Pero kibit-balikat lang ang naging tugon niya rito.

"Mahirap talagang mag-assume ng mga posibilidad sa hinaharap, lalo pa't wala ka talagang kontrol sa tadhana mo," anito na tila sinagot na ang sariling tanong.

Iyon naman ang dahilan upang mapatingin siya rito. "What are you trying to imply, Mr. Ramos?"

Umiling ito. "Wala lang. I'm just stating the fact. Totoo naman, 'di ba?"

Hindi siya umimik, pero may punto ito. Kaya nga hindi na siya naghahangad na magtatagal ang pagkakaibigan nilang iyon ni TJ.

"For once, nag-assume ka ba na magtatagal ang pagkakaibigan natin, Livie?" tanong nito.

Bumuntong-hininga siya bago sinagot ang tanong nito. "Sa totoo lang, hindi. Dahil alam ko, one way or another, may magiging rason para hindi magtagal ang friendship natin. Whether the reason is good or bad, I'm not sure. But I don't want to think about that right now. Kaya nga ini-enjoy ko ang mga sandaling kasama kita, eh. For now, kuntento na ako sa kung ano ang level ng relationship na meron tayo." Hinarap niya ito. "Ano nama'ng pumasok sa utak mo at serious mode ka ngayon?"

Kibit-balikat lang ang tugon nito. At saka bigla siyang niyakap nito. "Kaya special ka sa akin, alam mo ba iyon? Palaging katotohanan ang sinasabi mo."

Pinilit niyang kumawala sa yakap nito at nagawa naman niya. Sinalat niya ang noo nito. "Okay ka lang? May lagnat ka yata kaya ka ganyan kaseryoso, eh," tatawa-tawang sabi niya.

"May lagnat pala, ha?" Bigla siyang sinalubong ni TJ ng kiliti sa tagiliran niya pagkatapos niyon.

Napahalakhak siya at agad siyang tumayo't tumakbo. Hinabol naman siya nito at patuloy na kinikiliti kapag naaabutan siya nito.

It made their movie night even better.

At aaminin niya na talagang masaya siya sa tuwing kasama niya si TJ. That was why she would treasure every moment she had with this guy dahil alam niyang isang araw ay posibleng maghihiwalay rin sila nito. Pero hindi na muna niya iisipin iyon.

At that moment, TJ had definitely completed her day.

= = = = = =

"GO, WARRIORS! Galingan n'yo pa rin kahit practice lang 'yan!" sigaw ng isang babaeng katabi ni Livie sa bleachers—ang Sports Writer ng Encounters at ka-blockmate niyang si Clarisa—habang pinapanood ang practice game ng varsity team para sa susunod na basketball game ng mga ito. Napansin niya na puspusan ang pag-eensayo ng mga ito.

Naisipan niyang manood ng practice game dahil kailangan nilang mag-usap ni TJ para sa project nila. At dahil wala pa naman siyang klase sa loob ng dalawang oras, naisipan na lang niyang tumambay sa gym. Kasama niya si Clarisa na nagkataong may boyfriend na kabilang sa varsity team. Todo ang suportang ibinibigay ng dalaga sa team hindi lang dahil sa boyfriend nito kundi dahil matagal na itong fan ng GC Warriors, mula pa noong high school.

"Ang gagaling talaga nila, 'no?" komento ni Clarisa.

Pero tila wala siyang narinig. Nakatuon ang pansin niya sa bawat kilos at galaw ni TJ habang naglalaro ito. Ang pagkiling ng ulo nito, ang pagtakbo nito patungo sa kabilang court basket habang pinatatalbog ang bola, pati na rin ang paghagis nito ng bola sa kasamahan at ang pag-shoot nito ng bola sa basket—lahat ng iyon ay napapansin niya.

Na talagang nakapagtataka dahil noon lang nangyaring natuon ang atensiyon niya rito when it comes to watching the team's practice game. Dati naman ay nagagawa niyang pagtuunan ng pansin ang kilos ng lahat ng players. Pero bakit sa mga sandaling iyon ay kay TJ lang nakatuon ang atensiyon niya?

At dahil walang makuhang sagot, naiinis na pinagtatampal niya ang kanyang noo.

"May palagay akong tinamaan na ng pana ni Kupido ang puso mo," narinig niyang sabi ni Clarisa, dahilan upang mabaling ang atensiyon niya dito.

"Ano'ng pinagsasasabi mo riyan, Clar?" kunot-noong tanong niya.

Pero bago pa nito masagot ang tanong niya, agad na nabaling ang atensiyon nila sa basketball court nang marinig nilang may sumigaw matapos ang pagbagsak ng kung ano. At nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakahiga na sa sahig si TJ at hawak-hawak ang kanang tuhod nito. Mukhang matindi ang pagkakatama niyon dahil nakangiwi si TJ habang pinipilit itong iupo ng mga ka-teammates nito.

For some reason, hindi niya magawang kumilos sa kinauupuan niya habang pinapanood lang itong tinitiis ang sakit. Tila ba namanhid siya dahil sa nasaksihan. Nakita niyang may ibinulong kay TJ si Mark Arenas—ang boyfriend ni Clarisa at kaibigan ni TJ—at saka tumingin sa kanya. TJ looked at her that startled her. She looked at him with worries. Ngumiti ito sa kanya at kumaway pa.

"Okay lang ako, Livie. Huwag mo akong alalahanin!" sigaw nito.

Noon siya agad tumayo sa kinauupuan niya at dumiretso pababa patungo sa court. She crouched down in front of him as soon as she got near him. "Sigurado ka bang okay ka lang?" paniniyak niya.

Tumango ito. "Yup. Malayo pa ito sa bituka kaya huwag ka nang mag-alala. Okay?"

Noon lang siya nakahinga nang maluwag. "Ano ba kasi ang ginagawa mo at hinahayaan mo ang sarili mo na masaktan ka? Alam mo namang isa ka sa inaasahan ng team ninyo para manalo, 'tapos nagiging careless ka," panenermon niya rito habang worried na palipat-lipat ang tingin niya kay TJ at sa tuhod nitong naapektuhan.

"Sorry na. hindi ko naman inaasahang madudulas ako, eh. May maliit na water puddle sa pinag-landing-an ko. Hindi ko napansin iyon. It was probably just a prank. Sige na, sorry na," hinging-paumanhin nito at saka pinatong ang isang kamay nito sa ulo niya.

Bumuntong-hininga na lang siya. "Bakit ka nagso-sorry sa akin kung hindi mo naman pala kasalanan?"

"Ayoko lang kasing mag-alala ka pa sa akin, eh. Nagso-sorry ako sa iyo dahil pinag-alala kita," seryosong wika nito. "Ang pangit mo kasi kapag nag-aalala ka. Dapat lagi kang nakangiti at no worries para mas gumanda ka pa."

Pinisil niya ang ilong nito at saka tinampal ang noo nito. "Loko! Injured ka na nga, nagagawa mo pang mang-asar."

Napangiti naman si TJ. Seeing his smile was surely enough to ease her worries for him and made her heart skip several beats at the same time. Hindi na nila pansin ang mga teammates ni TJ na nakakaloko ang mga ngiti na pinagmamasdan ang "moment" nilang dalawa. Napansin lang niya iyon nang sabihin ni Carlo na dumating na ang doktor na titingin sa injury ni TJ. Agad na nag-init ang mga pisngi niya.

But she couldn't really help it kung ganoon siya mag-alala para kay TJ. The guy was her best friend. At natural lang naman na mag-alala siya para rito, 'di ba?

Subalit may isang bahagi ng puso niya ang nagsasabing hindi lang iyon ang dahilan kung bakit nag-aalala siya para kay TJ. Ayaw nga lang muna niyang i-acknowledge ang tungkol doon. Ang mahalaga na lamang sa kanya ay maging maayos ang kalagayan nito nang sa gayon ay makapaglaro pa ito sa susunod na basketball game na haharapin ng varsity team.

At kung kinakailangang bantayan niya si TJ para lang masigurong okay ito, gagawin niya iyon nang walang reklamo.

= = = = = =

"SIGURADO ka bang makapaglaro ka pa sa susunod na game sa lagay na 'yan?" paniniguro ni Livie kay TJ. Naroon siya sa hardin ng mga Ramos kung saan naabutan niya si TJ na abala sa pagte-test ng component na binuo nilang dalawa para sa project nila.

Apat na araw na kasi itong hindi pumasok sa suhestiyon na rin ng doktor na tumingin dito. Hindi naman malala ang injury nito at ayon sa doktor ay agad ding gagaling iyon. Huwag lang puwersahin ang bahaging may injury.

Nagpagpag ng mga kamay nito si TJ bago tumayo at hinarap siya. "Oo nga, sabi ko. Ang kulit mo talaga. Ilang beses ka bang ipinanganak at ganyan ka kakulit? Pang-limang beses mo nang itinatanong sa akin iyan, ah."

"Excuse me. Isang beses lang po akong ipinanganak. Ito naman. Concerned lang iyong tao sa iyo, eh."

"Alam ko."

"May plano ka pa ba para sa movie night natin mamaya?"

Hindi ito umimik nang ilang sandali at tila napaisip. "Doon na lang tayo mag-movie night sa bahay n'yo. Manood tayo ng romance."

Natawa siya sa sinabi nito. "At kailan ka pa nagkainteres manood ng romance movies, ha?"

"Kapag tinatamaan ng 'senti mode'. Bakit, ayaw mo ba?"

"Hindi naman sa ayaw. Nakakapanibago lang."

"Ngayon lang ito. Kaya wala kang dapat na ipagtaka. Isa pa, trip-trip ko lang ito. At walang basagan ng trip."

"Sabi ko nga." Napatirik na lang siya ng mga mata niya at napailing. Kunsabagay, tama naman ito. Minsan lang itong tamaan ng 'senti mode', wika nga nito. Mas madalas kasi na serious mode ang tumatama rito. Kapag ganitong nasa senti mode ito ay sinasamantala na lang niya. Tutal, minsan lang naman niyang makasama si TJ na manood ng romance movies.

Pagsapit ng alas-siyete ng gabi, natuloy ang movie night nila ni TJ. Naroon sila sa silid niya at gamit nila ang TV at DVD player na naroon. Isang movie lang ang pinanood nila. May mga pagkakataong napapaiyak at lantarang kinikilig siya sa mga eksenang naroon. Himala na hindi siya pinagtatawanan ni TJ dahil doon. Ito kasi ang numero unong pang-asar sa kanya kapag napagti-trip-an niyang manood ng romance movies at nakikita nito ang reaksiyon niya sa mga eksenang napapanood niya. Marahil ay talagang tinamaan ito ng senti mode—na may halong serious mode na rin—dahil sa manaka-nakang pagsulyap niya rito ay mataman itong nakatingin sa pinapanood nito. Matapos niyon ay nag-stargazing sila sa bubungan dala ang isang banig at doon sila nahiga.

Marami-rami rin silang napag-usapan. Mga random topics lang mula sa mga bituin hanggang sa dumako iyon sa paghahanap ng mga constellations na nakalatag sa kalangitan. Ilang minuto pa ang lumipas ay may namataan siyang shooting star. But this time, she chose not to make a wish. Hindi niya alam kung bakit.

Nang lingunin niya si TJ sa kanyang tabi, nakita niyang nakapikit ito na animo tulog pero alam niyang hindi. Just looking at his peaceful face like that made her heart beat faster. Nag-uumpisa na talagang mag-iba ang nararamdaman niya para sa lalaking ito. At hindi niya maiwasang mangamba.

Pinili niyang ituon ang kanyang atensiyon sa pakikinig sa kantang pinatutugtog sa radyo ng mga sandaling iyon.

Wish, take me by the hand and wish. Hold your breath and we may find. It might come true on this starry, starry night. Wish, look into my eyes and wish. Reach out for the dream, it's there. For me and you and we might fall in love tonight...

Could she really wish for something like love?

Love? From TJ? That's impossible. We're best friends.

Was it? Iyon nga ba ang talagang nararamdaman niyang lagay nito sa buhay niya? How she wished she wouldn't be forced to cross the line. Hindi niya gustong tawirin iyon.

Hindi siya handa sa maaaring ibunga niyon sa kanya.

No comments:

Post a Comment